Chapter 3

1268 Words
Chapter 3 Bawat dumadaang araw, walang gabi na maayos ang tulog ko. Pilit ko ring iniipit ang tyan ko para hindi mahalata nila Ate at mas lalo na si Papa. Nililimitahan ko ang paglabas ko sa bahay dahil ang mga chismosa, hindi pa alam sa bahay ay alam na agad nila. Alam ko na hindi ko rin sila matatakasan, ang mga mapanirang tao na walang ginawa kundi ang pag-usapan ang buhay ng ibang tao. Lalo na si Wena, ang dakilang founder ng mga ‘titig bahay gang’. Bawat tao na lang yata na dumadaan sa street namin ay walang nakakaligtas sa panlalait n’ya. “Kumain na kayo!” sigaw ni Ate galing sa kusina. Wala akong balak na sumabay sa kanila. Wala akong ganang kumain sa kalagayan ko ngayon. Sa ilang araw na lumipas, wala akong natanggap na balita mula kay Don. Wala na rin akong natanggap na kahit isang text o chat sa kanya. Mukhang iniwan na n’ya kami ng anak n’ya. ‘Yong anak ko, mukhang hindi makakaranas ng maayos na pamilya at magkaroon ng isang ama. Humawak ako sa tyan ko at tumapat sa salamin. Tumaba ang pisngi ko, mugto ang mata at namumutla ang mukha. Sinabayan pa ng magulo kong buhok at medyo umbok kong tyan. Halatang napapabayaan ko na ang sarili ko nitong mga nakaraang araw. “Ano? Titingin ka na lang ba sa salamin at ‘di na kakain?” mataray na tanong ni Ate bago pumasok sa kwarto. “Tandaan mo, hindi na lang ikaw ang may kailangan ng lakas ngayon.” Agad akong napatingin kay Ate. Masama ang tingin n’ya sa ’kin at maya-maya’y unti-unting lumambot.  “Ate,” tanging nasabi ko. Siguradong alam n’ya na rin ang tungkol dito. Lagi silang magkasama at nag-uusap ni Mama. Minsan ay nakikita ko rin si Mama sa salas na umiiyak kapag wala si Papa. Sa tuwing nakikita ko na umiiyak si Mama nang dahil sa ‘kin, parang nadudurog ang puso ko. Ang sakit na makita ang sarili mong ina na umiiyak at namomroblema dahil sa kagagawan mo. Kahit kailan talaga, wala akong ginawang tama sa lahat ng bagay. “Ano ba ang ginawa mo sa sarili mo, Ching? Alam mo naman na ikaw—tayong dalawa ang inaasahan ni Mama na makakapagtapos at makakapag-alis sa kanya dito sa bahay. Alam mo ba kung gaanong disappointment ang binigay mo kay Mama ngayon?” sermon ni Ate. Nakayuko lang ako. Hindi ko magawang sumagot dahil tama siya. Isa nga akong malaking disappointment sa kanila ni Mama. Wala akong ginawang tama kundi puro sakit na lang sa ulo ang binibigay ko sa lahat. “Ngayon, anong gagawin natin? Paano na kapag nalaman ‘to ni Papa?”  Hindi ko na naman mapigilan ang luha ko. Umiling ako kay Ate at tinignan ang sarili ko sa salamin. Nag-uumpisa na namang mamula ang mga mata ko. “Hindi ko alam, Ate.” Hindi ko na talaga alam. Hindi ko alam kung paano at saan na patungo ang buhay ko. “Basta huwag ka na lang munang lumabas ng bahay. Alam mo naman ‘yang mga kapit-bahay natin, dinaig pa ang CCTV sa loob ng bahay.”  Natawa na lang ako sa sinabi ni Ate at pinunasan ko ang mga mata ko. Hindi ko maitatangi na madalas kaming mag-away. Minsan nga ay halos magpatayan pa kaming dalawa. Ngayon, na-realize ko na wala pa lang ibang tutulong sa ’yo sa bandang huli kundi ang pamilya mo—ang kapatid mo. Lumabas na ako ng kwarto at pumunta sa hapag. Sabay kaming tatlong magkakapatid na kumain dahil madalas na nagpapahuli si Papa. Bigla kong naalala ang pag-uusap namin ni Mama at ang mga sinabi niya noong madaling araw. “Nasaan ‘yang magaling mong anak?!”  Nagulat kaming lahat sa sigaw na ‘yon. Agad akong napatayo sa kinauupuan ko at nanginig ang buong katawan ko. “Ano ba?! Bakit ka ba sumisigaw?!” rinig kong galit na sabi ni Mama sa salas. Agad akong lumapit kay Ate at pumunta sa likod n’ya nang marinig ang boses ni Papa. Ang isa naming kapatid ay lumapit kay Mama. Nakita ko si Papa na galit na pumunta rito sa kusina at masama ang tingin sa ’kin. Agad akong sumiksik sa likod ni Ate at ginagawa siyang pangdepensa. “Lumapit ka sa ’kin. Ipakita mo sa ‘kin ‘yang ginawa mo.”  Umiling ako at nag-umpisa nang tumulo ang mga luha. Ayaw ko. Kilala ko si Papa. Nananakit siya sa ’min. Wala siyang patawad sa ’ming magkakapatid. Sigurado akong sasaktan n’ya lang ako. “Rics, isarado mo ang pinto!”  Agad namang sinunod ng bunso naming kapatid ang sinabi ni Mama. “Pa, sorry,” sabi ko. Nanginginig na ang buong katawan ko sa takot—takot sa kung anong pwedeng gawin sa ’kin ni Papa. “Kulot, ano ba?!” pilit na pigil sa kanya ni Mama na makalapit sa ’kin. Isang malakas na hila ang kumuha sa ’kin sa likod ni Ate kasabay ng isang malakas at malutong na sampal galing kay Papa. “P-Papa!” sigaw ko nang tuluyan nang namanhid ang pisngi ko. “Lumayas ka sa pamamahay na ‘to! Hindi namin kailangan ng disgrasyadang babae rito! Lumayas ka at baka hindi lang sampal ang abutin mo!” sigaw ni Papa.  “P-Pa, wala akong ibang mapupuntahan,” umiiyak na sagot ko. “Ma?” Pero wala akong narinig na sagot kay Mama.  Umiiyak na naman si Mama. Napayuko na lang ako at kinuha ang bag na hinanda ko no’ng nakaraan para sa pag-alis ko. Binunot ko ang charger at powerbank ko sa saksakan. Palabas na sana ako nang pumasok ulit si Ate. Hindi siya umiiyak. Walang luha ang takot sa mga mata n’ya pero punong-puno ng awa ang mga ‘yon. Kinuha n’ya ang bag at wallet n’ya. Inabot n’ya sa ’kin ang isang libo na natitira sa allowance n’ya. “Pumunta ka kanila Tita. I-te-text ko sa ’yo ang daan papunta sa kanila,” sabi n’ya at naglakad papunta sa pinto. “Huwag mo kaming alalahanin dito. Sarili’t anak mo ang isipin mo. Magpapadala ako sa ’yo sa tuwing makakakuha ako ng allowance kay Tito Amay. Magtipid ka,” dagdag n’ya bago tuluyang lumabas ng kwarto. Napayuko na lang ako. Pinunasan ko ang mga mata ko na puno ng luha at hinawakan ang tyan ko. Kasalanan ko rin naman ‘to. Kasalanan ko kung bakit naging ganito ang buhay ko. Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko bago tuluyang lumabas ng kwarto. Nakita ko sila sa sala, si Mama na umiiyak sa sofa at katabi si Papa na galit na galit. “Ayan, tignan mo ang nangyari sa anak mo! Palagi mong kinukunsinti lahat ng mga kagustuhan! Tignan mo ‘yang malandi na ‘yan. Ikaw, Bone, ‘wag ka na ring mag-aral. Sigurado namang sa kangkungan lang din ang bagsak mo!” rinig kong sabi ni Papa. Nakatingin lang sa kanya si Ate, walang reaksyon at imik. Tinignan n’ya ako bago tumango. Lumapit ako sa kanila dala ang mga gamit na kailangan ko. “Umalis ka na sa pamamahay na ‘to. Baka kung ano pa ang magawa ko sa ’yo.”  Yumuko ako at pumunta sa pintuan pero bago ko ‘yon buksan, humarap ulit ako kay Mama.  “Sorry, Ma.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD