Chapter 2: The Domon

1306 Words
Labis ang pagtataka ni Amelia habang hinahabol ang papatakas na lobo. Hindi niya malubos maisip kung bakit at papaanong nagkaroon ng lobo sa kanilang lupain. Hindi man niya nakikita ay mayroong mga nakabantay sa kanilang lupain kaya walang sino man ang nakapapasok dito. Magkaganoon pa man ay mabilis niyang hinabol ang tumatakas na lobo. Dahil sa angking bilis bilang isang bampira ay hindi siya nahirapang maabutan ito. Kanya itong itinulak noong maabutan niya ang kulay kayumangging lobo. Tumalsik agad iyon sa malapit na malaking puno at humini ng malakas noong tumama ang malaking katawan nito sa puno. Halos mawasak iyon sa sobrang lakas ng pagkakatulak niya. Agad siyang lumundag papalapit dito at noong papadagan na siya sa lobo ay bigla itong nagpalit ng anyo bilang isang normal na katawan. Pumatong siya paupo sa katawan nito at agad itong sinakal. Iniunday niya ang mahahaba at matatalas niyang kuko rito. “Sino ka?! Paano ka nakapasok dito?!” galit na tanong niya sa lalaking nasa ilalim niya. Lalong tumingkad ang kulay ng kanyang mga mata at halos kumislap ang mahaba niyang pangil. Imbes na matakot sa kanya ang lalaki ay ngumisi lamang ito. Agad siyang nakaramdam ng pagkainis kaya naman ay lalong naningkit ang mga mata nito. Hinigpitan niya pa ang pagkakasakal sa lalaki. “Ano’ng pakay mo?!” “S-Sandali! Wala akong balak na saktan ka!” anito at umubo-ubo na. Hindi siya natinag. Lalo niyang hinigpitan ang pagkakasakal dito. Pero natigilan siya dahil hindi manlang ito pumapalag sa kanya. Nanatili lang itong nakahawak sa kanyang kamay kahit nahihirapan na huminga. Kumunot ang makinis niyang noo. Anong… Napapikit siya noong makaamoy siya ng kakaibigang amoy. Pagdilat niya ay bumungad sa kanya ang dilawang mga mata nito. Napaupo siya ng maayos nang biglang bumilis ang t***k ng kanyang puso. “S-Sino ka?” nagtataka niyang tanong. Unti-unting lumuwag ang pagkakasakal niya rito. “Vhal…” “Vhal…” usal niya. Nanunot bigla sa kanyang katawan ang malamig na hangin na dumadampi sa kanyang katawan. Nagbigay iyon sa kanya ng kakaibang kilabot. Sa unang pagkakataon, bumilis ang t***k ng kanyang puso nang dahil sa isang lalaki. Ngumiti ng matamis ang lalaki kaya lalong tumingkad ang kagwapuhan nito. Napalunok si Amelia dahil lalo ring bumilis ang pagtibok ng kanyang puso. Kaya naman ay napaatras siya ng kaunti ngunit natigilan siya noong mayroong matigas na bagay na tumama sa kanyang likod. Paglingon niya sa kanyang likuran ay nanlaki ang mga mata niya noong makita niya ang p*********i nito. Doon niya lang muling na alala ang kanyang hitsura, hubo’t hubad siyang nakapatong sa isang lalaking wala ring kahit na anong saplot sa katawan. Mabilis siyang tumayo at tumalikod dito. “Sandali!” pigil sa kanya ni Vhal ngunit hindi na siya lumingon pa rito. “Teka lang! Amelia!” Nalingon niya ito noong marinig niya ang pagtawag nito sa kanyang pangngalan. Paanong alam niya ang aking pangngalan? nalilitong tanong niya sa kanyang sarili. Ngayon lamang niya nakatagpo ang lalaki kaya hindi niya ito kilala. At imposibleng mangyari iyon dahil buong buhay niya ay rito na siya sa mansyon. Ang kanyang Tiyo lamang ang lalaking kanyang nakakasalamuha. Sinamaan niya lamang ito ng tingin saka tumakbo na papalayo rito. Nagpalit siya ng kanyang anyong lobo at mabilis siyang tumakbo pabalik sa kanilang mansyon. Narinig pa niya ang pagtawag nito ngunit hindi na niya ito pinansin pa. Nang makarating siya sa kanilang mansyon ay dumeretso siya sa kanyang silid sa ikatlong palapag. Doon na siya bumalik sa normal niyang katawan. Agad siyang pumasok sa banyo at hinihingal na binuksan ang shower saka hinayaan na mabasa ang kanyang nag-iinit na katawan. Ano ‘yon? Bakit bigla akong nakaramdam ng ganoon noong makita ko siya? nagtatakang tanong ni Amelia sa sarili. Hanggang ngayon na malayo na siya sa binata ay mabilis pa rin ang pagtibok ng kanyang puso. Humangad pa siya at hinayaan na mabagsakan ng dumadaloy na tubig ang kanyang mukha. Mariin lamang siyang nakapikit habang pilit na pinapakalma ang kanyang sarili. Noong umayos na kanyang pakiramdam ay lumabas na siya ng banyo at saka nagbihis ng puting bestida. Pagkatapos ay bumaba siya papunta sa unang palapag ng mansyon. Mamaya ay itatanong niya sa kanyang Nana Maxine ang tungkol sa binatang kanyang nakilala. At ang tungkol sa kanyang nararamdaman. Mayroong tatlong palapag ang kanilang mansyon. Masyado nga iyong malaki para sa kanilang dalawa ng kanyang Nana Maxine. Kahit pa rito rin tumira ang kanyang Tiyo ay malaki pa rin ito. Maraming silid sa ikatlong palapag ngunit siya lamang ang gumagamit n’yon sa itaas. Ang kanyang nana Maxine kasi ay sa unang palapag natutulog. Sa ikalawang papalapag ay isang malawak na bulwagan lamang. Doon siya nag-aaral ng mga asignatura. Maging sa kanyang pag-eensayo ay roon na rin ginaganap. Dito rin nakalagay ang library niya. Dahil walang ibang mapaglilibangan sa mansyon ay nakahiligan na niya ang magbasa ng mga libro tuwing hindi siya nakakapunta sa gitna ng kagubatan. Nasa unang palapag naman ang kanilang sala at kusina. Buong buhay ni Amelia ay rito na sa mansyon umikot. Ni minsan ay hindi siya nakaalis dito o nakasalamuha ng ibang mga nilalang, mapa-tao man ito o isang bampira. Maliban kanina, nakatagpo siya ng isang lobo na matinding ipinagbabawal ng kanyang Tiyo na makasalamuha niya. Nasa huling baitang na siya ng hagdan noong makaramdam siya ng isang presensya. Pagtingin siya sa malaking kahoy na pinto nila ay kusa iyong bumukas at iniluwa ang kanyang Nana. Agad siyang napangiti at patakbong lumapit dito. Ngunit muli siyang napatigil nang may kasunod na sumulpot sa likuran nito. “Tiyo?” gulat na tawag niya sa lalaking nasa likod ng kanyang Nana Maxine. “Amelia,” tawag nito sa kanya. Agad na nakaramdam si Amelia ng matinding kilabot. Halos magtayuan ang lahat ng buhok niya sa katawan dahil sa lalim ng boses nito. Pilit siyang ngumiti at lumapit dito. Agad niyang kinuha ang kaliwang kamay nito at hinagkan ang malaking gintong singsing nito. “Tiyo, napadalaw ka ho.” “Hindi mo ba gusto na naririto ako?” Napaawang ang bibig ni Amelia. Tiningnan niya ang kanyang Nana Maxine na pinandidilatan siya, para bang sinasabi nito mag-iingat siya sa kanyang sasabihin. Muli niyang tiningnan ang kanyang Tiyo. “S-Syempre po. Masaya ako na andito ka, Tiyo. Tuloy ho kayo.” Muli siyang tumungo saka gumilid upang tuluyan itong makapasok. Maya-maya pa ay narinig niya ang malakas na pagtikhim nito pagkatapos ang mabibigat nitong mga yabag. Dumeretso ito sa hagdan kasunod ang kanyang Nana Maxine. Nakahinga lang siya ng maluwag noong hindi na niya nakita ang likod nito. Kung titingnan silang dalawa ay para lamang silang magka-edad. Ngunit kung aalamin ang edad ng kanyang tiyo ay matanda na ito ng ilang taon. Dahil sa pagiging Vaz hallow nito, isang uri ng bampira ay isa rin itong immortal kagaya niya. Ganoon din si Maxine, minsan ay mas mukha pa itong dalaga kaysa sa kanya. Mabait naman ang kanyang Tiyo ngunit masyado siyang natatakot sa presensya nito. Istrikto kasi ito at importante rito ang sumusunod siya sa mga utos nito. Ni minsan ay hindi niya ginusto na suwayin ang mga habilin nito dahil noong una at huli niyang ginawa iyon ay halos maubusan na siya ng dugo. Sinubukan niya kasing pumunta sa bayan kung saan palagi napunta ang kanyang Nana Maxine. Pero nahuli siya ng kanyang Tiyo kaya naman noong makabalik sila sa mansyon ay pinarusahan siya ng matindi nito. Hindi nakakatakot ang hitsura ng kanyang tiyo. Sa katunayan ay napakaamo ng mukha nito kahit na palaging salubong ang kilay. Sadyang napaka istrikto lamang nito na labis na ikinatatakot ni Amelia. Ano kaya ang ginagawa ni Tiyo rito? tanong niya sa kanyang isipan. Naririnig kita, Amelia. Parang bigla siyang nasamid nang marinig niya sa kanyang isipan ang tinig ng kanyang Tiyo. Iniikom na lamang niya ang kanyang bibig at lumabas ng mansyon. Wala siyang balak na galitin ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD