Old House

2612 Words
Callix's pov: Wala na kong ibang magagawa kundi ang ipagkatiwala ng sandali ang nakakatanda kong kapatid sa lalaking yun. Naisip kong kailangan ko ring ipakilala ng kaunti ang sarili ko sa kanya para kahit konti ay magtiwala din sya akin. Alam kong gusto nya akong tanungin kung bakit may gustong pumatay sa kapatid ko; medyo nakakapagtaka kung bakit hindi nya itinanong pero mabuti na rin yun para hindi ako maiirita sa pagpapaliwanag. Huh! Pinabibilib ako ng kumag na yun kahit papaano. Isa lang ba talaga siyang entry level na Mafia? Mahusay siya para sa ganung antas. Siguraguhin nya lang na walang mangyayaring masama sa kapatid ko dahil uubusin ko lahat ng bala ko sa ulo nya! … … … Sinindihan ko ang sigarilyo sabay hithit nito. Nagmamatyag ako sa paligid ng Mafia Base at nagiisip kung paano ko ito papasukin gayung napakadaming nagkalat na bantay at mga camera. May mga sensor din na magiingay sa oras na may magtangkang lumapit mula sa limampung metro ang mga walang suot ng piercing charm. Haayyyy… Bakit ba inimbento pa ni Daddy ang charm na yun!? Ang piercing charm na nilikha ni Daddy para lamang sa mga Mafia na nagsisilbi nilang pagkakakilanlan at ito din ang naging proteksyon nila dahil ang bawat piercing charm ay may kanya-kanyang code at hindi pwedeng maulit. Hindi ka rin makakagawa ng imitasyon nito dahil nakaprogram ang mga ito sa system ng Mafia Base. Masasabi kong isa ito sa pinakamahusay na naimbento ng aking ama at ang teknolohiyang ito ay nagamit ko rin naman kahit hindi niya naituro sa akin. Pinag-aralan ko ang mga libro at mga talaan niya kung paano niya ginagawa ang mga bagay-bagay at madali ko lang naman naintindihan ang mga iyon, malamang ay namana ko ang abilidad na yun sa kanya. Hmn, pero tila hindi gumagana ang utak ko ngayon dahil wala pa rin akong maisip na paraan kung paano ko mapapasok ang base nila. Hmn? Isang itim na limousine ang lumabas mula sa gate ng base. Huminto ito sa may gwardya at binuksan ang bintana ng sasakyan. Nilapitan ito ng gwardya at sandaling may pinagusapan sila. Isang limousine, sino kaya ang nakasakay d’yan? Pinanuod ko lang sila hanggang sa matapos silang magusap at nang umalis ang gwardya sa pagkakaharang sa bintana, nanlaki ng bahagya ang aking mga mata ng makita ko kung sinong sakay doon. A-ANG BRAHMA! Bahagyang nangunot ang noo ko nang makilala ko ang matanda. Bata pa ko no’n nang huli ko syang makita pero tila hindi naman masyadong nag-iba ang itsura nya matapos ang sampung taon! Nagagawa nga naman ng pera! Huh! … … … Muling umandar ang sasakyan nya. Agad kong itinapon ang sigarilyo ko at sinuot ang aking helmet. Kailangan ko syang sundan! Sumakay ako ng aking motor at agad ko itong pinaandar at maingat na sumunod sa kanila. Noon, palagi syang ipinagmamalaki ni Daddy sa akin! Ang sabi niya, dapat ay maging katulad ako ni Brahma at iwasan ko ang maging mainitin ang ulo. Palagi nyang pinagkukumpara si Vishnu at Brahma dati. Ang sabi niya ay mas mabait daw si Brahma, mas mahaba ang pasensya, tahimik at mapagkakatiwalaan! Pero bakit gano’n!? Bakit! Bakit sya lang ang naiisip kong pwedeng pumatay sa Daddy ko? Sya lang ang may dahilan para gawin ang bagay na ‘yon! Tinanggap ni Mommy ang pag-iwan sa amin ni Daddy para sa Mafia. Halos magmakaawa ako no’n kay Daddy na isama kami pero hindi sya pumayag! Ang sabi nya… natatakot syang madamay kami. Kung gano’n, bago pa siya bumalik sa Mafia ay alam na niyang may nagtatangka sa buhay niya! Pero bakit? Bakit pa siya bumalik? Inihiwalay nya ang kapatid ko sa amin sa hindi ko malamang dahilan. Ayaw pang pumayag ni Mommy no’n pero wala rin syang nagawa. Dagdag pa sa sinabi nya kailangan nya daw iligtas ang mga kaibigan nya at ang kanilang samahan. Hindi ko talaga maintindihan! Malamang ay matagal ng alam ni Daddy na may traydor sa grupo ngunit bakit ipinahamak niya pa ang sarili niya para lang sa mga sinasabi nyang kaibigan ngunit pinabayaan naman siyang mamatay?! Kung sino man ang may gawa no’n sa aking ama… kahit mata nya… hindi ko ititira! Ano ba ang nangyari ng mga panahong yo’n!? Sino ba ang malakas na loob ang kumakalaban sa Mafia sa dami ng ilegal na organisasyon? Paano nilang nabaligtad ang lahat ng paratang sa Daddy ko!? Kailangan kong malaman ang lahat ng iyon nang malaman ko kung sino ang dapat kong burahin sa mundong ito! Sisimulan kong alamin ang lahat… sa matandang ‘yon! Kay Brahma... ang kaliwang kamay ng Mafia! … … … Sinundan ko ang sasakyan ni Brahma at siniguro kong hindi nila iyon nahalata. Ilang minuto pa… huminto ang sasakyan sa isang bahay. Hindi ito kalakihan ngunit may magandang hardin sa bakuran nito. Ni parang walang gwardya na nakapaligid at isang normal na bahay lamang ng isang normal na pamilya, pero… kanino ba ang bahay na ito!? Sa kanya ba? Pumasok ang sasakyan sa loob ng bakuran nito at nang maiparada ng drayber nya ang sasakyan ay bumaba si Brahma kasunod ang isa sa mga tauhan niya. Huh! Bakit isang silver lang ang tauhan niya? Nagpapakamatay ba sya!? Masyado syang kampante sa buhay nya! … Sa makipot na eskinita, iniwan ko ang motor ko at palihim akong umakyat sa pader ng bakuran ng bahay. Nilingon-lingon ko ang paligid ngunit kahit isang cctv camera ay wala, ibang klase! Bahay niya ba talaga ito? Nakapasok ako ng walang kahirap-hirap sa bahay na ‘yon. Nakabukas ang veranda na para bang hinahayaan lang talaga na pasukin iyon. Teka, hindi kaya patibong ang isang ‘to!???Kailangan kong mag-ingat! Walang ingay kong inihakbang ang mga paa ko papasok. Inihanda ko ang baril ko kung sakaling mahuli ako pero… tila wala man lang kahit sinong narito!? Nakapagtataka talaga! Sa patuloy kong paglalakad… napansin ko ang mga ilang bagay na nasa loob ng bahay. Tila makaluma na ang ilan sa mga gamit ngunit maayos pa rin at malinis. May mga ilang paintings sa dingding at mga.... larawang nakasabit. Napahinto ako sandali dahil nakuha ng mga ito ang atensyon ko. Marahan kong inusisa ang ilan sa mga ito… ang ilang larawan ay ang ilang myembro ng Mafia na black and white pa ang kuha. Litrato ng isang babae na may hawak na sanggol… litrato ng tatlong lalaki na nakasuot ng black suit… umiinom sila at naninigarilyo! T-teka! Dinampot ko ang picture frame at tinitigang maigi ang mga lalaking nasa litrato. Masyado na itong luma pero... nakikilala ko pa ang kanilang mga mukha! Hindi kaya— "Iyan ang mga panahong magkakasama pa kaming tatlo ng iyong ama,” bigla na lang may nagsalita mula sa aking likuran na aking ikinagulat, “Ang mga lalaki sa larawang ‘yan ay ako, si Vishnu... at ang iyong ama na si Shiva!" S-si Brahma! P-pero paano nyang nalaman na— tsk! Ang matandang ‘to! Nakaupo sya at umiinom ng kape habang nakatanaw sa kanyang hardin. Sa katabi nitong maliit na mesa ay may isa pang tasa ng kape. Kung gano’n ay may iba pang tao sa bahay na ito? O kaya naman... alam nyang nasundan ko sya!? Huh! Mahusay na matanda! … Inilapag ko ang litrato at marahang humakbang papunta sa kanya. Hindi nya ko nililingon pero parang hindi naman sya nangangamba sa buhay nya. "Alam mong sinundan kita, hindi ba!?" tanong ko sa kanya. "Matagal ko ng hinihintay ang pagdating mo bata!" sabi nya sabay higop ng kanyang kape. Hmn? Anong sinasabi niya? "Anong ibig mong sabihin!?" kunot-nuo kong tanong habang inilalagay ko ang baril ko sa aking likuran. Hindi ko maintindihan ang pinagsasabi ng matandang ‘to. "Ang bahay na ito... ay bahay naming tatlo! Ito ang pinakaunang base ng Mafia. Dito kami nagsimulang tatlo! Hindi ka ba nagtataka at hindi ka man lang nahirapang pasukin ito!?" rinig ko ang pagngisi sa tono ng kanyang pagsasalita Kung gano’n tama nga ako, isa itong patibong! Bubunutin ko na sana ang baril ko pero… muli syang nagsalita. "Hindi mo kailangang gawin ‘yan bata! Matagal ko ng inaasahan ang pagdating mo," kahit nakatalikod sya ay alam nya ang mga kilos ko. Kahit may edad na sya ay mukhang hindi pa pumapalya ang talas ng kanyang pakiramdam. Pinilit kong ikalma ang sarili ko. Hindi ko alam kung dapat akong magtiwala sa lalaking to; sa taong pinaghihinalaan ko na syang pumatay sa Daddy ko! .., "Paano mo nalamang darating ako?" matapang kong tanong sa kanya. "Sinabi ng iyong ama," agad nyang sagot na nagpakunot sa aking noo ulit ng husto. "SINUNGALING! MATAGAL NG PATAY ANG DADDY KO!" galit kong sigaw sa kanya. Pero parang hindi man lang sya natinag sa galit ko. Tumayo sya habang hawak ang kape na iniinom nya. Humarap sya sa akin at pinagmasdan ako ng walang reaksyon sa kanyang mukha. Pero… bakit ganito? Ang mga mata ng matandang to… ay parang punong-puno ng hinanakit! Sandali! Kalokohan! Hindi ako papaloko sa kanya! "Noong mga panahong hahatulan na sya… nakapag-usap pa kami sa huling pagkakataon. Tandang-tanda ko pa ang sinabi niya,” sabi niya ng mahinahon ngunit tila may kalungkutan sa kanyang mga salita. “Sinabi niya ‘Lilipas ang taon... mamamatay ako ngunit hindi matatapos ang gulo! Sa tamang panahon, lilitaw ang tula na magbubunyag ng lahat at lalabas ang katotohanan na magsasabing wala akong kasalanan'... sa tingin ko, ikaw ang tulang ‘yon!" Napatanga ako sa sinabi nya. Tula? Anong pinagsasabi niyang tula? Pinagloloko niya ba ako? Hindi ko alam kung dapat akong maniwala pero… gano’n nga magbanggit ng mga salita ang akin ama. Tsk! Kaasar! "Inaasahan kong sa akin ka magpapakita dahil imposibleng makalapit ka kay Vishnu, isa pa... hindi ka rin nya papakinggan!" dagdag nya. Inilapag nya ang tasa ng kanyang kape sa mesa at muli akong tinalikuran. Inilagay nya ang magkabila nyang kamay sa kanyang mga bulsa at huminga ng malalim. Hindi ko alam kung bakit hindi ako nagsasalita… may kung ano sa kalooban ko na tila nais siyang pakinggan… kahit hindi ko alam kung dapat ko syang paniwalaan! … "Ang iyong ina na si Zurie ay tinawag na Laverne Zurie dahil sa kanyang kagandahan at angking kakayahan. Nakilala sya bilang ang Goddess of Thieves! Isa syang mahusay na magnanakaw na kabilang sa ilegal na grupo ng BlackHand; isang malaking organisasyong ng mga batikang magnanakaw! Ilan din ang namatay sa Mafia dahil sa kakahuli sa kanya… ngunit tanging ang iyong ama lang ang nakagawa no’n, gano’n kahusay si Shiva!” pagkukwento niya sa nakaraan ng aking mga magulang. Bakit kung ikwento niya ang aking ina ay tila wala siyang galit dito at tila pinupuri niya pa? Akala ko ba sila ang hindi tumanggap sa amin? “Hindi nagtagal napabagsak ng Mafia ang BlackHand Organization! Namatay ang pinuno nila at ang karamihan sa kanila; ang mga natira ay kasalukuyang nakakulong pa hanggang ngayon, maliban sayong ina!" dagdag niya. Kahit alam ko na ang ilan sa mga ikinukwento niya ay hindi ko pa rin maiwasang makinig. Alam kong dating magkalaban ang aking ina at ang aking ama, ngunit nagtataka ako kung bakit kailangan niya pa itong sabihin sa akin. "Hindi pumayag si Shiva na patayin o ikulong si Zurie; ang hindi namin alam... ay lihim na pala silang nag-iibigan! Galit na galit si Vishnu at nag-away silang dalawa lalo na ng malamang... buntis na si Zurie! Kumalas si Shiva sa grupo… dahilan para mahirapan kami ni Vishnu na pamahalaan ang buong organisasyon,” pagpapatuloy nya Napangisi ako at napailing, "Huh! PWEDE BA! WAG KA NG UMARTENG APEKTADO KA SA NANGYARI SA KANYA! Aminin mo… aminin mo na lang... NA TUWANG-TUWA KANG NAMATAY SYA!" pabalang kong sabi. Sinulyapan nya ko sa gilid ng kanyang mga mata... at... ewan ko kung bakit kinilabutan ako sa mga tingin niyang ‘yon! Tsk! "ANO BA ANG SA TINGIN MONG MAPAPALA KO KUNG MAMATAY SYA!? Mula pagkabata ay magkakapatid na ang turingan naming tatlo! INIISIP MONG PERA AT KAPANGYARIHAN ANG HABOL KO!? Hmn, alam kong lahat ng tagasunod ni Shiva sa grupo ng Mafia ay iniisip din ito... hindi na lamang ako nagsasalita," seryoso nyang sagot. Mahigpit kong naisara ang mga kamao ko. Nagsisinungaling pa siya! Bwisit! Kung hindi sya ang pumatay sa Daddy ko.. sino pang may dahilan para gawin ito!? "Makinig ka bata! Ang totoong kanang kamay ng Mafia ay ako! Ngunit sa kadahilanang alam kong mas mahusay si Shiva sa akin... ay ipinilit kong ibigay sa kanya ang pwesto! isang simpleng buhay lang ang nais ko, ang trabaho ay trabaho pero hangga’t maaari hindi ko gustong pumatay ng tao! Na sa iyo na kung maniniwala ka o hindi at hindi ko rin ipagpipilitan… ang sa akin lang ay nasabi ko sayong hindi ako ang taong hinahanap mo!" nakatanaw pa rin sya sa hardin at ramdam kong seryoso sya sa mga sinasabi nya. H-hindi siya… ang taong hinahanap ko? Kung gano’n… SINO!? URGGHHHHH! Naguguluhan na ko! "Kung totoo ang mga sinasabi mo... bakit? B-bakit hindi mo tinulungan si Daddy!? BAKIT HINDI MO SYA PINAKAWALAN! BAKIT HINDI MO SYA PINAGLABAN! AKALA KO BA KAPATID ANG TURING NYO SA KANYA… PERO BAKIT PINABAYAAN NYO SIYANG MAMATAY N LANG!?” hiyaw ko sa sobrang paghihinagpis. Ang emosyon ko… a-ang galit… lungkot... pighati… ang lahat! Gusto kong ilabas ang lahat!!! … Napayuko si Brahma habang ang malamlam niyang mga mata ay tila puno din ng pagsisisi. "Ang buong panig ng Class-S ang humusga sa kanya! Makakalaban namin ang buong Mafia kung ipagtatanggol namin sya sa ngalan ng pagkakaibigan! Ang batas ng Mafia... ay Batas na dapat sundin ng lahat ng myembro pinuno ka man o isang simpleng kasapi lang! Pero maniwala ka... sinubukan ko!!! Sinubukan kong maghanap ng ebidensya... ngunit kinapos ako sa panahon, patawad!" paliwanag nya. "PUTANG*NANG BATAS YAN! HINDI MAKATARUNGAN! Papatayin ko kayong lahat!!!" galit na galit kong sabi at nangingime na ang kamay kong bunutin ang aking baril ngunit bakit? Bakit hindi ko magawang patayin ang matandang ito na nasa aking harapan?! Humarap syang muli at malungkot na ngumiti sa akin. A-anong nginingiti-ngiti ng matandang ito?! "Wala akong magagawa kung gusto mo akong patayin at buong kagalakan ko itong tatanggapin,” sabi niya na nakatingin ng diretso sa akin, “pero... sa isang kondisyon..." Nanlilisik lang ang mga mata kong nakatingin sa kanya. Hindi mababago ang naisin kong mapatay ang lahat ng nagpahirap sa ama ko! Kahit sila pa… ang matalik nyang mga kaibigan!!! Dumukot sya sa kanyang bulsa tapos ay hinagis ito papunta sa akin na agad ko namang nasalo. Anon a naman ba ang pakulo niyang ito? Hmn!? Salubong ang mga kilay ko nang ibaling ko ang aking tngin sa aking kamay. Unti-unti kong binuksan ang palad ko at halos lumuwa ang mga mata ko nang makita ko… ang isang piercing charm! "Para saan ito!?" matalim ang tingin ko sa kanya ng tanungin ko sya. Muli nyang dinampot ang kanyang kape at umupo ulit. "Alam kong hindi ako mapapatawad ni Vishnu sa gagawin kong ito dahil ayaw nya nga sa iyong ina pero... gusto ko ng matapos ang lahat ng ito! Bago mo ako patayin... hayaan mong tulungan kitang mahanap ang tunay na traydor sa grupo, ang tunay na nagpapatay sa ama mo!” sagot niya matapos niyang higupin ng kaunti ang kanyang kape. “Magiging madali ang pagmamatyag kung hindi ka nila paghihinalaan, hindi ba? Kung isa ka ring Mafia, matutulungan kita ng hindi nila tayo naaabala.” Ako? Magiging isang… Mafia? Hmn, hindi ko alam kung anong pinaplano nya… pero mukhang may punto sya. Kailangan ko ang bagay na ‘to para makalabas pasok sa Base! Kailangan ko ng malaman ang lahat, at sinisiguro ko… sa oras na malaman ko ang katotohanan, hinding-hindi ko sila bubuhayin lahat!!!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD