Kasama ang yate ng kanyang matalik na kaibigan, naglayag si Leigh hanggang sa tuluyan nang mawala sa kanyang paningin ang pantalan na kanina lamang ay kanyang pinanggalingan.
Ang tanging natatanaw na lamang niya ay ang nagniningning na mga bituin, ang bilugang buwan, at ang kumikislap na tubig ng malawak na karagatan.
Napabuntong-hininga siya.
"Rina... ikaw sana ang kasama ko ngayon. Kung naikasal lang tayo, siguro ito ang unang biyahe natin bilang mag-asawa. Papunta sa Palawan... sa lugar na gusto mong puntahan."
Mapait siyang napangiti habang bumabalik sa kanyang alaala ang masasayang sandali nila.
Ngunit biglang nagbago ang panahon.
Unti-unting natakpan ng makakapal na ulap ang buwan at mga bituin. Lumakas ang ihip ng hangin, kasabay ng paglaki ng mga alon na humahampas sa yate.
Doon tuluyang nagising si Leigh sa kanyang pagbabalik-tanaw.
"Shit..." mahinang mura niya. "Mukhang may paparating na bagyo."
Agad siyang naging alerto at itinuon ang buong atensyon sa pagmamaniobra ng yate.
Hindi ito ang tamang oras upang magpakalunod sa mga alaala.
Kung aabutan siya ng bagyo sa gitna ng karagatan, maaaring malagay sa panganib ang kanyang buhay.
Mabilis niyang sinuri ang paligid, umaasang may matatanaw na mga batuhan o maliit na isla na maaaring pagsilungan.
Ngunit sa abot ng kanyang tanaw...
Puro naglalakihang alon at kadiliman lamang ang kanyang nakita.
Patuloy na hinahampas ng nagngangalit na alon ang yate. Kasabay nito ang malalakas na bugso ng hangin na tila gustong itulak ang sasakyang-pandagat sa kailaliman ng dagat.
"Oh, God..." usal ni Leigh habang mahigpit na nakahawak sa manibela. "Hindi ito ang klaseng paglalayag na gusto ko. Gusto ko lang namang mapag-isa... pero hindi sa ganitong paraan."
Pilit niyang pinatatag ang kanyang sarili habang minamaniobra ang yate.
Ngunit tila walang balak humupa ang unos.
Minsan ay itinataas ng dambuhalang alon ang yate, saka ito ibinabagsak nang malakas sa ibabaw ng dagat. Ang bawat hampas ay nagdudulot ng panibagong pinsala sa sasakyang sinasakyan niya.
Naririnig niya ang pagkalas ng ilang bahagi ng yate at ang nakabibinging pag-ugong ng hangin.
"Come on... kaya mo 'yan," bulong niya sa sarili habang pilit na kinokontrol ang manibela.
Mabilis niyang sinuri ang paligid, umaasang may matatanaw na isla o mga batuhang maaaring pagsilungan.
Ngunit sa gitna ng dilim at malakas na ulan, wala siyang makita.
Tanging naglalakihang alon at walang katapusang karagatan ang nasa kanyang paligid.
Unti-unti niyang napagtanto ang isang nakakatakot na katotohanan.
Nag-iisa siya sa gitna ng nagngangalit na dagat.
At wala siyang kasiguraduhang makaliligtas sa gabing iyon.
Isang napakalakas na alon ang muling humampas sa yate.
KRAAASH!
Tuluyan nang nabiyak ang katawan ng sasakyang-pandagat bago ito tumaob sa gitna ng nagngangalit na karagatan.
"Argh!"
Naitapon si Leigh sa malamig na tubig. Sa huling sandali, nakahawak siya sa isang malaking piraso ng wasak na yate.
Hingal na hingal siyang kumapit dito habang patuloy siyang inaanod ng malalakas na alon.
Bigla siyang napangiwi.
"Ahh..."
May matinding kirot siyang naramdaman sa kanyang ulo at tagiliran.
Kinapa niya ang kanyang noo.
Nang makita niya ang dugong kumapit sa kanyang palad, nanlaki ang kanyang mga mata.
"N-no..."
Alam niyang malubha ang kanyang kalagayan.
Sa gitna ng malakas na bagyo, sugatan, at napapalibutan ng napakalawak na karagatan...
Halos imposibleng may makapansin at makapagsalba sa kanya.
Unti-unting nanlabo ang kanyang paningin.
Naging mahina ang kanyang kapit sa kahoy.
At sa kanyang balintataw...
Dahan-dahang lumitaw ang pamilyar na mukha ng babaeng hindi niya kailanman nakalimutan.
Nakangiti ito sa kanya.
"Rina..." paos niyang bulong.
Tila iniunat nito ang kamay nito sa kanya.
"Rina!"
Sinubukan niya itong abutin.
Ngunit kasabay noon ay tuluyan siyang nilamon ng kadiliman.
At inanod ng malawak na karagatan ang kanyang walang malay na katawan.
Matapos ang mahabang oras ng nagngangalit na delubyo sa gitna ng malawak na karagatan, unti-unting humupa ang bagyo.
Nawala ang malalakas na hangin. Ang dambuhalang mga alon na kanina'y tila handang lamunin ang lahat ay naging banayad na lamang. Dahan-dahang naghiwa-hiwalay ang makakapal na ulap hanggang sa muling sumilip ang sinag ng umaga, na nagbigay-liwanag sa tahimik na karagatan.
Ngunit kasabay ng pagbalik ng katahimikan ay ang bakas ng matinding pagkawasak.
Wala na ang marangyang yate na sinakyan ni Leigh.
Tanging mga pira-pirasong kahoy, sirang kasangkapan, mga lumulutang na drum ng gasolina, at ilang gamit ang makikitang inaanod ng banayad na alon. Ang karagatang kanina lamang ay saksi sa mabangis na pakikipaglaban ng isang tao para sa kanyang buhay ay tila walang nangyari.
Sa di-kalayuan, may isang malaking tabla na dahan-dahang inaanod ng agos.
May isang taong nakadapa rito.
Halos wala nang buhay.
Ang kanyang mga damit ay punit-punit at basang-basa. Punong-puno ng galos at pasa ang kanyang katawan. May namuong dugo sa kanyang noo .
Mahina na lamang ang kanyang paghinga.
Paminsan-minsan ay napapaubo siya habang lumalabas ang maalat na tubig na kanyang nalunok.
Mahigpit pa rin ang pagkakahawak niya sa tabla, na tila iyon na lamang ang natitirang pag-asa niya upang mabuhay.
Si Leigh Ocampo.
Walang malay niyang hinayaan ang sarili na tangayin ng alon kung saan man siya dalhin.
Hindi niya alam kung ilang oras na siyang inaanod.
Hindi niya alam kung gaano na siya kalayo sa sibilisasyon.
At lalong hindi niya alam kung may naghahanap pa ba sa kanya.
Sa gitna ng walang katapusang karagatan, ang kanyang buhay ay nakasalalay na lamang sa manipis na hibla ng pag-asa.
Isang nakakabinging katok ang nagpabalikwas kay Willa.
"Teka lang! S-sino ba 'yan?" kinakabahan niyang tanong.
"Sino pa ba kundi ako!" iritableng sagot mula sa labas.
Nang marinig ang boses ni Levi, agad siyang kinabahan.
"B-bakit? Ano'ng kailangan mo?" tanong niya habang nananatili sa likod ng pinto.
"s**t, ang dami mong tanong. Open this!" pabulyaw ni Levi.
Lalo lamang siyang natakot.
"B-bakit nga?" muli niyang tanong.
Ngumisi si Levi bago marahas na itinulak ang pinto. Dahil hindi ito nakakandado, bumukas iyon nang malakas.
BANG!
Walang paalam itong pumasok sa kanyang silid.
"A-anong ginagawa mo? Wala kang karapatang basta-basta pumasok dito!" nanginginig na saad ni Willa habang unti-unting umaatras.
Tumaas ang isang sulok ng labi ni Levi.
"Anong 'walang karapatan'?" malamig nitong tanong. "Hindi ba't kasal na tayo?"
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Willa.
Napaatras siya hanggang sa sumayad ang likod niya sa dingding.
"Levi..."
Hindi niya maikubli ang takot na makikita sa kanyang mga mata.
Dahan-dahang lumapit ang binata hanggang sa ilang pulgada na lamang ang pagitan nila.
"Simula ngayong araw," aniya habang nakatitig sa kanya, "masasanay ka nang makita ako sa tabi mo."
Napayuko si Willa at mahigpit na napahawak sa laylayan ng kanyang damit.
"Levi... pakiusap."
Sandaling natahimik ang lalaki bago ito bumuntong-hininga.
"Baka pwedeng... huwag muna ngayon. Hindi pa ako handa. At isa pa—"
"Maikling panahon lang ang ibinigay na palugit sa akin ni Dad. Alam mo 'yon, hindi ba?" putol ni Levi sa sasabihin niya.
Natahimik si Willa. Wala siyang maisagot.
"Oo nga naman, Willa. Tama si Levi," biglang singit ni Vera habang papasok sa silid. Sumunod pala ito sa binata. "Kaya huwag ka nang mag-inarte."
Napalingon si Willa sa babae.
May mapanuyang ngiti sa labi ni Vera habang dahan-dahan itong lumapit kay Levi at walang pag-aalinlangang kumapit sa braso nito.
"Hmm... selosa ako, remember?" nakangising saad nito. "Kaya lahat ng gagawin n'yo, gusto kong alam ko. At kung maaari... dapat nandoon din ako."
Pagkasabi niyon ay lalo pa itong sumiksik sa tabi ni Levi, na para bang sinasadyang ipakita kay Willa ang pagiging malapit nila.
Napababa na lamang ng tingin si Willa.
Samantalang si Levi ay napabuntong-hininga.
"Vera, tigilan mo nga ang kalokohan mo."
"Kalokohan?" natatawang tugon nito. "Sinasabi ko lang naman ang totoo."
Muling tumingin si Vera kay Willa, may bahid ng panunukso ang kanyang mga mata.
"Mas mabuti nang masanay ka na, Willa. Marami ka pang dapat tanggapin sa pamilyang ito."
"Ano ba talaga ang balak ninyo? Bakit tayo nandito?" inis na tanong ni Willa habang pinagmamasdan ang paligid.
Nasa isang malayong pribadong isla sila. Tahimik ang lugar, ngunit para kay Willa ay para itong kulungan.
"Parang ginagawa n'yo akong preso," dagdag niya.
Malamig siyang tiningnan ni Levi.
"Tanga ka ba? Alam mo naman ang dahilan kung bakit tayo nagpakasal."
Humakbang ito palapit sa kanya.
"Kailangan nating magkaroon ng anak. Kapag nangyari 'yon, ibibigay na sa akin ni Dad ang mana ko at ang pamamahala sa kumpanya."
Napakuyom ng kamao si Willa.
"I hate you," nanginginig ang boses niyang sabi. "Gusto mong magkaroon tayo ng anak, pero hindi naman pumapayag si Vera na mawala sa tabi mo kahit sandali."
Ngumiti lamang si Vera.
"Bakit? may angal ka?."
Muling hinarap ni Willa si Levi.
"Hindi ako isang bagay na puwede mong gamitin para makuha ang gusto mo. Kung ang tingin mo sa akin ay instrumento lang para sa mana mo, nagkakamali ka."