"Buti dumating ka na!" tarantang sabi ni Ate Jana, bakas sa kanyang mukha ang sobrang pag-aalala. Kaya nakaramdam ako ng kaba habang pumapasok sa pinto.
"Oh! Bakit ano bang nangyari?" tanong ko.
"Si JD kasi, kahapon pa nagkukulong sa kwarto, ayaw kumain." tugon ni Ate Jana habang hinihila ako paakyat ng hagdan.
"Baka diet!" biro ko.
"Mark Jerson Ocampo! ‘Pag may nangyari sa pamangkin mo!" gigil na gigil na sagot ni Ate Jana.
"Oo, eto. Sige na, ako na’ng bahala. Relax, okey." Pilit kong kinakalma si Ate, kasabay nito ang pag-iisip kung papaano ko kakausapin si JD.
"Siguraduhin mo lang! Sa ‘yo lang nakikinig ‘yan." mangiyak-ngiyak na sabi nito.
Nasa tapat na kami ng kuwarto ni JD.
"JD si Tito Jerson ‘to. Pwede ba akong pumasok?" Hindi umiimik si JD, medyo kinabahan na ako. Kahit kaluskos ay wala kaming marinig. "JD usap tayo, promise hindi makikinig si Mama, tayong dalawa lang."
Binuksan na nito ang pinto at dali-dali na akong pumasok sa loob ng kuwarto at isinara ang pinto. Hindi ko na pinahintulutan si Ate na makiusyoso bilang pagtupad sa pangako ko kay JD.
May apat na bagay na nakalatag sa harapan niya; lubid, isang bote ng ascorbic acid, blade at isang baso ng toilet cleaner. Hindi ko mapigilang matawa sa mga nakita ko.
Si JD ang pinakamalapit kong pamangkin, lahat naman sila ay malapit sa akin nagkataon lang na siya lang ang lalake kong pamangkin.
"Ano papakamatay ka?" tanong ko.
Hindi siya umimik at tulala lang siya.
"Broken hearted?" sunod kong tanong.
Umiyak na siya nang tuluyan.
"Hay naku, lalake ka ba talaga?" pang-aalaska ko sa kanya.
Hinampas ako ni JD nang malakas "Palibhasa, hindi ka pa nagkaka-girlfriend kaya hindi mo alam kung gaano kasakit iwanan!" nangingiyak na sagot ni JD.
Nakakatawa ang itsura niya, naghahalo na ang luha at sipon kakaiyak. Pulang-pula ang mata at lukot na lukot ang mukha. Naisip ko bigla, ganoon na ba kababaw ang kabataan ngayon? O ganoon na sila kaseryoso sa LOVE, para umabot sa ganito?
"Sinong may sabi?" Napatingin siya. "Alam mo, pangit mamatay sa pagbibigti, luluwa kasi ang mga mata mo at lalawit ang dila mo. At JD, magpapakamatay ka na lang, ascorbic acid pa ang gagamitin mo? Sasakit lang ang tiyan mo niyan. Ang gamitin mo, expired na gamot mga sampung piraso, ‘yong 500mg lahat para sure. Eto’ng blade, masakit ‘yan ‘pag naglaslas ka, madaming dugo pa ang dapat mawala sa ‘yo bago ka mamatay at sobrang hapdi pa. At eto’ng basong panglinis ng CR...." Napahinto ako, ewan naalala ko siya bigla.
"Ano mamamatay na ba ko d’yan akin na ‘yan! Ayaw ko na talagang mabuhay!" sabay agaw ng baso.
"Tanga ka ba! Ang sama kaya ng lasa niyan!" bigla kong nasabi nang nakangiti parang tanga lang. ‘di ba? Imbes na pigilan ang pamangkin ko ay nakangiti pa ako sa baso ng panglinis ng CR.
"Bakit, nasubukan mo na, Tito?" nagtatakang tanong ni JD. Hinatak ko siya paupo sa kama, nakalupasay kasi siya sa sahig. Nagpapasalamat ako at bago pa may gawing masama si JD sa kanyang sarili ay nakapasok na ako sa kanyang kwarto. Ngunit hindi ko talaga mapigilang ngumiti sa toilet cleaner.
"I fell in love once, and was broken thrice," sagot ko sa kanya.
"Talaga?" interesadong tanong ni JD. Nagbago ang itsura nito at nawala sa isipan ang pag-inom ng toilet cleaner. Kabataan nga naman ngayon, masyado! Kung ano-anong naiisipan, masyadong seryoso sa pag-ibig! Buti na lang talaga at napigilan ko ‘tong si JD.
"Oo naman! Palagay mo naman sa akin puro good time lang?" inis kong tugon.
"Oo!" malakas nitong sagot.
"Sira ulo ka!" sabay batok dito.
"Tito ang sakit kasi minahal ko siya. Ginawa ko lahat tapos pinagpalit sa mukhang kapreng ‘yon!" galit na sabi ni JD. Para sa kanila ang sakit na noon, paano pa kaya ako?
"Bitter ka lang! Naku, bata ka pa at ang dami mo pang makikilala, hindi tulad ko." Hindi pa naman ako ganuo’ katanda, 33 pa lang naman ako at pwede pang mag-asawa ang kaso....
"Alam mo, may isang babaeng nagsabi sa ‘kin kung anong lasa ng toilet cleaner," sabi ko.
"Huh?" nagtatakang tanong ni JD.
7 years ago, I met a girl na akala ko katulad lang ng mga babaeng naka-fling, chat, at na-meet ko. Ako ang unang nag-chat sa kanya. Nakita ko kasi sa nearby, wala lang day-off ko at walang magawa.
"Hi!" Hindi naman siya nag-reply agad.
Maya-maya, tumunog ang phone ko.
"Hi!" ‘Yon naman lang ang reply niya.
"Pa-accept naman, mahirap kasi dito mag-chat." Pagkatapos noon ay hindi na siya nag-reply at hindi niya rin ako inaacept. Sabi ko, ay wala ito, hindi kinilig sa picture ko.
Mestiso, photogenic at ma-appeal ako, totoo ‘yon. Madami kaya akong napapakilig na girls. Pero parang hindi siya interesado sa kagwapuhan ko. So, hanap ulit ako ng makaka-chat hanggang sa tinamad na ako.
"Hi!" 3 hours ago, nakatulog pala ako at in-accept na niya ako. Wala na akong balak reply-an siya kaso sayang din siya, pampalipas oras.
Palitan ng info, at nalaman kong malapit lang ang boarding house niya sa inuupahan ko. Hindi siya talaga tagarito, nagre-review lang siya at halos 2 weeks pa lang siya rito. Fresh grad at masasabi kong yummy, hinalughog ko kasi ang sss niya at papasa naman sa standards ko. 22 pa lang siya pero I can say she's hot. Feeling ko, may karanasan na siya pero sa itsura niyang mukhang 15 years old. Nag-aalinlangan ako.
Reality, ‘pag ang tao nakikipag-chat, dalawa lang ‘yan; naghahanap ng love life or naghahanap ng maikakama. Totoo naman, bihira na lang sa panahon ngayon ang mabait sa chatroom. At ako, doon ako sa pangalawa.
Hindi naman ako tulad ng iba na nag-aaya agad. Siyempre, pinapakiramdaman ko muna hanggang mahulog sa mga bitag ko.
Okey naman siya ka-chat. In a span of one-week, medyo close na kami, at medyo nag-open na rin ako ng buhay ko. Ang kaso ‘yong pang-chat na buhay ko. Kumbaga, fake, gawa-gawa ko lang. Ayaw ko naman ibulgar ang buhay ko, at chat lang naman. Nothing more, nothing less. Pero she is really nice and sweet, hindi ko maikakaila ‘yon. Hanggang pati sched niya nalaman ko, 8am to 5 pm ang klase niya. So, may time akong matulog. 8pm to 8 am naman ang pasok ko sa work as a call center agent kaya walang conflict sa sched naming dalawa at madalas pagpatak ng 3:00 pm mangbubulabog na siya sa chat kasi tinatamad na siya makinig. Parang alarm ko na rin siya. Hanggang makapasok ako sa office, chat pa rin.
Routine na namin ‘yon hanggang 3 weeks na kaming magkakilala at puro utuan lang naman ang ginagawa namin, stress reliever ba. Sabi nga ng mga officemate ko, iba raw ang aura ko simula nang maka-chat ko siya. Nakangiti na daw ako palagi at ganado sa work. Ang sabi ko naman, may stress reliever lang kaya gano’n.