Lea Hope Arcena
Hope! Isang salita na naglalarawan ng positibong pananaw sa buhay. Ngunit tila nawawala na iyon sa akin.
Hindi ako umuwi sa amin at pinagpatuloy ko pa rin ang pag-aaral ko. Maybe, because of my pride kaya gusto kong manatili at ayaw na munang umuwi. Umaasa pa rin kasi ako na muling may magbukas na pinto para sa isang gaya ko. Tulungan ako para maabot ang pangarap ko sa buhay. At nakita ko naman sa katauhan ni titser Sara.
Lumipat ako ng paaralan. From private to public school. Si Titser Sara ang nagbigay sa akin ng masisilungan kapalit ng pangangatulong sa kanila. Mabait siya ng ngunit ang kabaitan niya ay hindi tumagal. Maraming bawal. Maraming hindi dapat gawin. Lalo na kapag naroon ang asawa niya sa bahay. Halos pagdamitin niya ako ng saya at mahaba ang manggas na damit. Hindi ko kinaya ng tila lihim na pagdududa niya. Hindi ko alam kung bakit, normal lang naman ang tingin ko sa aking sarili. Sinasabi nilang maganda ako ngunit sa tuwina ay hindi ko mapaniwalaan. Pakiramdam ko ay lapitin lamang ako ng mga matatanda na may mga asawa.
Bagsak na bagsak rin ang aking katawan sa pangangatulong at ang pag-aaral. Hindi na kinaya ng katawan ko.
Napilitan akong umuwi sa amin. Sa tunay kong pamilya. Nadatnan kong ganoon pa rin ang buhay. Mahirap. Kaya muli kong niyakap ang hirap na iyon.
"Lea, naalala mo pa ba si Kangkang?" tanong ni inay sa akin nang kasama ko siyang naglalaba. Pangalawang araw ko pa lamang sa bahay ngunit sumabak na muli ako sa trabaho. Kailangan ko silang tulungan dahil nagiging palamunin na naman nila ako.
"Oo naman, nay. Bakit po?"
Si Kangkang. Ang kababata ko na kasa-kasama kong naghuhugas sa karinderya para magkapera.
"Nakapag-Japan. Dinalaw ka nga minsan dito eh. Kaya lang ay wala ka. Baka gusto mo rin mag-japayuki? Malaki ang suweldo. Kita mo, ibang iba na ang buhay ni Kangkang ngayon!" Pagbibida ni inay sa kababata ko.
Napaisip ako sa sinabi ni inay. Pag-asa! Gaya ng pangalan ko, muling may pag-asa.
Ngunit lagi na lamang akong sinusubok. Lagi na lang walang nangyayari. Hindi ako nakapag-Japan. Nangatulong, ngunit muling nabigo. Paulit-ulit na kabiguan at talagang nakakasawa na. Hindi nababagay ang pangalan ko sa akin. Nawawalan na ako ng pag-asa.
Ngunit isang araw, dumating sa lugar namin si tiya Connie. Malayong kamag-anak na siyang nag-offer sa akin na ipasok ako bilang saleslady sa isang clothing line sa Santa Rosa. Supervisor si tiyang Connie. Pumayag ako para sa muling pakikipagsapalaran sa ibang lugar.
Naging maayos ang trabaho ko. Marami akong naging kaibigan. Nakakaipon ako ng pera para sa sarili ko. Hindi ko na rin ipinilit na mag-aral pa. Pakiramdam ko ay tumanda na ako para roon. Gusto ko na lang ay ang tuloy-tuloy na usad ng aking buhay.
Mag-iisang taon na ako dito sa aking trabaho. Isang taon na pala ako at hindi ko man lamang namamalayan. Naging masaya kasi ako sa aking trabaho. Ngunit may isasaya pa pala ito. Dahil iyon sa lalaking nakakuha ng atensiyon ko.
"Hi..."
Napatingin ako sa bumati sa akin. Kasalukuyan akong nasa harap ng aking locker. Nagulat ako dahil iyong guwapong lalaki na bagong salta ang kumakausap ngayon. Isang promodizer sa isa ring clothing line.
"Hi," kinakabahang bati ko ngunit hindi ko rin maiwasan na mangiti dahil sa kilig. Sa dami ng gustong ligawan ako, noon maging sa ngayon ay walang nakapagparamdam sa akin ng kilig gaya ng nararamdaman ko ngayon.
Napakaguwapo niya kasi. Matangkad at mestisuhin ang itsura. Wala sa kalingkingan ng ibang mga lalaking nagpapahiwatig hangin sa akin.
"Lea, puwedeng palagay ng mga gamit ko sa locker mo," tanong niyang ngumiti pa.
Namatay na ang puso ko sa kilig at malakas na t***k. Grabe ang epekto niya sa akin. Kilala pa niya ang pangalan ko.
Napanguso ako para itago ang hindi na talaga mapigilang kilig sa aking sarili. Meron naman siyang sariling locker pero ipinagtaka ko dahil makikilagay pa. Sana nga ay tama rin ang pakiramdam kong attracted rin siya sa akin.
"Puwede ba?"
"Ha? Ah, oo sige. Wala naman laman ang locker ko eh," ika kong nataranta pang binuksan ang locker ko na kala-lock ko lamang
"Ang bait mo talaga...ang ganda pa," hirit niya. Ako naman si gaga napangiti na lang kahit alam kong binobola na niya ako.
Ganoon pala ang magmahal. Kung pinana ni kupido ang puso mo, bigla ka na lamang talaga susugod. Susubok. Magmamahal. Ang mga tagpo namin ni Darwin ay naging madalas. Ang mga tinginan, ngitian. Usap na kahit wala namang katuturan ay tila naging paraan para makilala pa namin ang isa't isa.
Love at first sight ang nangyari sa akin. Ewan ko kay Darwin pero kung makaalaga siya sa akin ay sobra-sobra. Lalo tuloy akong nahulog. Hulog na hulog.
Sa kanya ko naramdaman ang hinahanap kong pagmamahal at pag-aalaga na hinahanap ko sa mga nakagisnan kong pamilya.
"Lea, I love you," sabi niya. Nasa sinehan kami at inaya niya akong manood. Dalawang buwan pa lamang kaming magkakilala.
Hindi ako sumagot ngunit malawak ang ngiti sa aking labi. Nang gagapin niya ang kamay ko ay hinayaan ko siya. Magpapakipot pa ba ako? Narito na ang lalaking pinangarap ko. Mahal ko.
Sa pagkakataong iyon ay naging kami ni Darwin. Todo ang kantiyaw na napala ko sa mga naging kaibigan ko sa store. Pero positibo naman sila sa naging relasyon namin. Bawat araw ay masaya sa piling niya. Hindi lamang talaga maiiwasan ang mga pagseselos lalo na sa kanya.
"Bakit ka kinakausa ni, Renel? Nanliligaw ba siya sa iyo?" tanong niya nang puntahan niya ako. Kasalukuyan kong kinukuha ang I.D ko sa locker.
"Darwin, kaibigan ko na si Renel noon pa. Bago ka pa dumating ay kasa-kasama ko na siya. Isa siyang matalik na kaibigan na tumulong sa akin," pilit kong pagpapaliwanag ngunit talagang sarado ang kanyang isip.
"Basta, lumayo ka sa kanya, maging sa mga lalaking lapit nang lapit sa iyo!"
Mahal ko siya. Unang lalaking minahal ko nang ganito katindi. Siya lang ang nakikita kong sentro ng buhay ko. Kaya kong sundin ang kagustuhan niya. Ewan ko ba, pakiramdam ko ay sobra niya akong mahal dahil sa selos na pinapakita niya.
"Hindi ka ba nasasakal, Lea?" Minsan ay tanong sa akin ng isang naging kaibigan ko sa store. Si Mary.
"Nakakasakal na ba ang ganoon?" maang na tanong ko pabalik. Inirapan niya ako.
Kasalukuyan kaming nasa mga till sa store pero dahil hindi naman mga busy ay nakuha naming makapagkuwentuhan.
"Ewan ko sa iyo. Lea ha, hindi porke't siya ang una mong minahal. Unang lalaki sa buhay mo, ibubuhos mo na lahat! Naku, mag-isip-isip ka girl ha!"
Nakangiti lamang ako sa kanya habang nakikinig sa sermon niya. Pero sa likod ng aking isipan, kinontra ko siya. Bakit hindi ko puwedeng ibuhos lahat? Nararamdaman ko naman na si Darwin na talaga. Siya na talaga ang gusto kong makasama habang buhay. Mahal lamang ako ni Darwin kaya pakiramdam nila ay sinasakal niya ako.
Alam kong maaga pa kami sa aming relasyon. Pero determinado akong alagaan ang meron kami ni Darwin. Panatilihin ko ang relasyong meron kami. Hindi ko hahayaang masira iyon nang basta-basta at nang kung sino man. Siya at ako. Kaming dalawa ang magkakatuluyan.