Kabanata 10

1052 Words
Kabanata 10             Lumabas ako ng silid, sa pagbabakasakaling nakauwi na ba si Manang Eve, pero wala pa rin talagang bakas na umuwi siya. Madilim pa rin ang kanyang silid, nalalaman ko kasi kung nasa loob lang si manang ng kanyang kwarto, dahil sa kaunting liwanag na nanggagaling sa ilawan na ginagamitan ng gaas.             “Saan kaya nagpunta si manang?” pagbulong ko sa sarili. Habang nagsasalin ng tubig sa baso. May tubig naman akong sarili sa loob ng silid ko. Iyon nga lang, mas pinili kong pumunta rito sa kusina, para makita kung dumating na si manang.             Makulimlim ang panahon, binuksan ko ang aking de baterya na radyo. Hindi ko masiyadong ginagalaw itong radyo ko, sa kadahilanang pang-emergency lamang na rason ang paggamit ko nito.             Kasalukuyang makulimlim ang ating panahon ngayong umaga, dahil sa paparating na bagyo sa hilagang bahagi ng ating bansa. Malakas ang bagyong ito, ang ulat ng PAGASA, maraming tubig ang dala ng bagyo na ito, saka mabilis ang kilos nito. Ang laging paalala ng NDRRMC na mag-evacuate na po ang mga malapit sa dagat. Pati ang nasa bukirin para iwas, disgrasya. Palaging maging alerto sa mga kasunod na balita.             “Kaya pala madilim pa rin ang paligid sa labas, parang madaling-araw pa rin, pero mag-aalas siyete na ng umaga.” Isinabit ko na ang aking bag sa likod ko, magaan lang ang bag ko ngayon, mangilan-ngilan lang ang dala kong notebook.             “Tatawagan ko pa pala ang pamilya ko sa probinsiya, para mapaalalahanan. Wala naman akong problema rito, kasi nga malayo naman ako sa bundok, at dagat. Iyon nga lang, hindi ko pa alam kung babahain din ba ang lugar na ito.” Ako lang talaga ang mag-isang kumakausap sa sarili ko. Kung mayroon mang taong nakaririnig sa akin ngayon, mapagkakamalan akong baliw.             …             Nandoon pa lang ako sa kalye, marami na akong nakikitang mga estudyanteng may dalang kanya-kanyang mga payong. Ako naman ang dala ko ay ang kapote ko na nasa loob ng aking bag. Siyempre, si mama ang naglagay ng kapote sa bag ko, para raw hindi ko maaring makalimutan kung kailangan ko ito.             Pero mas kapansin-pansin ang mga nagkalat na mga pirasong papel sa daan, pati may mga nakadikit na mga papel na kasinglaki ng isang bondpaper. Nagyuko ako para damputin ang isang papel na dumikit sa aking sapatos dahil sa paghangin ng malakas.             “Missing, Shara Fernando, grade eight section, pomelo. Please contact this number.” Kunot-noo kong tinitigan ang larawang nakaimprinta sa mismong papel. Hindi ko pamilyar ang mukha, pero dahil sa uniform na suot nito, masasabi kong isa siya sa mga estudyante rito sa El Federico Academy.             “Missing? Kailan pa?” bulong ko.             May umusbong na kuryosidad sa aking isipan, pinagpupulot ko ang mga papel at tinitignan ang mga detalye na nakasulat, pati ang mga larawan, halos lahat ay estudyante ng paaralan ko, kaya laking pagtataka ko kung kailan lang nagsimula na may nawawalang mga estudyante rito. Saka mangilan-mangilan dito ay mga lalaki.             Malalaking hakbang ang ginawa ko para makarating sa classroom, nasa labas pa lang ako ng pintuan, naririnig ko na ang mga usap-usapan. Wala naman akong kaibigan sa loob na maaari kong mapagtanungan, kaya ang ginawa ko lang ay nakikinig ng palihim sa mga usapan.             “Nakatatakot naman ngayon ano? Sumasabay ang balita sa masamang panahon ngayon. Parang nakikiisa ang langit sa pagkawala na lang bigla ng mga mag-aaral sa Academy.”             “Oo nga, eh. Nakita ko rin kanina sa post sa social media, sa account ng mommy ni Mikel, na missing din daw.”             “Totoo ba?”             “Oo, kasama pa nga nito ang mga kaibigan niya.”             “Kung ako ang tatanungin, mainam na iyon sa kanila, grabe na rin kasi sila, ang bully!”             “Totoo ka riyan!”             Naliwanagan ako sa naging usapan, ang ibig sabihin, kasama sa mga nawawala ang mga laging nam-bu-bully sa akin. Ang sama ko naman yata kung magiging masaya ako, pero hindi naman maiaalis sa akin na maging malungkot sa sinapit ng iba pang mga mag-aaaral. Ibig sabihin lang nito, may maling nagaganap sa loob ng academya. Pero ano naman kaya iyon?             Hindi pa nga nakauuwi si manang sa apartamento, tapos ngayon naman nababalitaan ko ngayon na may mga estudyanteng nawawala ng wala man lang nakakaalam kung saan napupunta. Ang haka-haka naman ng iba, may mga puting van daw na aali-aligid sa paaralan, tapos kapag may natiyempuhan, ikakarga nila sa loob ng sasakyan at dadalhin sa kung saan, saka kinukuhanan ng mga lamang-loob.             “Nakatatakot naman iyang kwento mo, Alena.”             “Iyon kasi ang nababasa ko sa internet.”             “Pero hindi naman lahat ng nababasa sa social media ay totoo.”             “May punto ka, pero wala rin namang masama kung maniniwala rin tayo ‘di ba? Paano kung totoo naman pala? Pero ito tayo ngayon, hindi naniniwala?”             Tumahimik na ang buong klase nang pumasok na ang guro namin sa Filipino.             Nagtikhim ang guro namin sabay lagok bago nagsalita.             “Magandang umaga, mag-aaral.”             “Magandang umaga rin po, guro namin sa Filipino.” Ganito kami bumati ng mga guro, kung ano ang paksa na kanyang itinuturo, ganoon din ang tawag namin sa kanya.             “Pwede na kayong maupo,”             “Maraming salamat po.”             “Bago natin simulan an gating aralin, gusto kong hingin ang isang minuto ninyo, para ipagdasal na maging ligtas ang mga kapwa niyo estudyanteng nawawala. Ipikit ang inyong mga mata, at magdasal kayo ng para sa kaligtasan nila, at sa pagbabalik nila ng ligtas, sa kani-kanilang mga magulang.” Mahabang turan ni ma’am. Kaya pinagdaop ko na ang aking mga palad, sabay lagay ng kamay ko sa ilalim ng aking baba, saka taimtim na nagdarasal. Nang malakas na kidlat at kulog ang gumuhit at dumagundong sa kalangitan.                    Kaya nagsiyukuan ang mga kaklase ko sa ilalim ng kanilang upuan, ako naman ay hindi natinag sa pagdarasal na aking ginagawa, nang sa pagdilat ng dalawa kong mata, gulat ang namayani sa akin nang nasa harap na ako ng aking laptop, at kusang nagtitipa ngayon ang aking mga daliri.             “A-Anong n-nangyayari?” uutal-utal kong usal. Malakas ang t***k ng puso ko, namumuo na rin ang malalaking butil ng pawis sa aking noo. Hindi ko na alam ang aking gagawin, parang may sariling utak ang mga kamay ko sa nangyayari. Nakakapanibago!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD