Chapter 9

1039 Words
Masakit man ang ginawang pagsipa sa akin ni Tiya Dolores, gumapang pa rin ako palapit sa kaniya upang humingi ng tulong. Akala ko ay tutulungan niya na akong makatayo dahil yumukod siya sa akin, ngunit ganoon na lamang ang gulat ko ng bigla na lang akong sampalin nito. Nayanig ang buo kong pagkatao sa lakas nang pagkakasampal sa akin ni Tiya Dolores na sinabayan pa nang matinding pagsakit ng balakang ko paikot sa bandang puson ko. "T-tiya Dolores!" nahihirapan kong usal kasabay nang pagbagsak ng mga luha mula sa aking mga mata. Pinisil niya ang magkabilaang pisngi ko saka inilapit ang kaniyang mukha sa aking mukha. "Nahihirapan ka?" Tumaas ang sulok ng kaniyang labi saka mas diniinan niya ang pagpisil sa aking pisngi. "Iyan ang nababagay sa malanding tulad mo, Laura!" Pabalagbag niyang tinabig ang pisngi ko kaya nasubsob ang mukha ko sa sahig. Naramdaman ko ang paninigas ng mga binti ko habang patuloy sa pag-agos ang malagkit na likido. Pagluha lamang ang tanging nagawa ko ng mga sandaling iyon. Wala akong lakas upang maipagtanggol ang sarili mula sa malupit na kamay ni Tiya Dolores. Nahihirapan akong makabangon mula sa pagkakalugmok sa sahig ngunit pinilit ko pa rin makakilos alang-alang man lamang sa aking anak. "Mama..." Tanging salitang namutawi mula sa aking bibig na sinabayan na nang paglakas ng aking hikbi. "Diyos ko, tulungan mo po kami ng anak ko!" piping dalangin ko sa Panginoon. Nanghihina na ako at nawawalan na rin ng pag-asa sa kinakaharap kong sitwasyon. Iniyukyok ko ang ulo ko sa may sahig upang ikubli ang masaganang paglandas ng mga luha sa aking pisngi. Ilang beses kong pinilit na tuyuin iyon gamit ng aking mga daliri sa kamay ngunit patuloy lang sa pag-agos ang aking mga luha. "Nandito na ako!" masayang tinig ni Papa ang nagpaangat sa nakayukyok kong ulo. Pagtingin ko sa may pintuan ay nakadama ako ng labis na katuwaan dahil dumating ang aking ama. Nabuhayan ako ng pag-asa at taimtim na nanalangin ng pasasalamat sa Panginoon. "Laura?" nanggigilalas na bulalas ni Papa nang makita niya akong nakalugmok sa may sahig. Dali-dali niya akong dinaluhan saka pinangko sa kaniyang mga bisig. "Anong nangyari sa iyo, Anak?" "Sumasakit daw kasi ang tiyan niya, Hon," tila maamong tupang sabad naman ni Tiya Dolores. "Sumasakit na pala tiyan niya tapos hindi mo man lang siya dinala sa hospital," angil ni Papa sa ikalawa niyang asawa. "Kadarating ko lang din galing kay Mareng Tess, Hon," pagdadahilan naman ni Tiya Dolores. Naikuyom ko ang mga kamao ko dahil sa kasinungalingang inilahad ni Tiya Dolores sa aking ama. "Humingi ka man lang sana ng tulong hindi iyong pinanood mo pa siyang nakalugmok dito sa sahig," asik muli ni Papa sa kaniyang pangalawang asawa. Sumimangot si Tiya Dolores at akmang magdadahilan pa sana nang senyasan siya ni Papa na manahimik. Binuhat ako ni Papa at malalaki ang mga hakbang na lumabas siya ng bahay. "Kapit lang anak, dadalhin kita sa ospital," masuyong bulong sa akin ni Papa. Napahikbi ako sa sinabing iyon ng aking ama. Kung nabubuhay lamang si Mama, tiyak na 'di nito hahayaang mahirapan ako ng ganito. Hindi niya hahayaang maging miserable ang buhay ko. Nanghihinang isinandig ko ang ulo ko sa dibdib ng aking ama. Gusto kong ipahinga muna ang isipan sa masakit na pangyayaring idinulot sa akin ng ikalawa niyang asawa gayon na rin ng walanghiya kong kapatid na si Michelle. Napaluha ako nang maalala sa isipan ang masayang panahon na kasama ko sina Mama at Papa bilang isang buong pamilya. Palaging may pasorpresa sa amin noon si Mama, kaya walang araw na hindi kami nakangiti parati ni Papa. Nami-miss ko na ang mga panahong iyon. Miss na miss ko nang makasama si Mama. Kung pwede ko nga lang maibalik ang panahon na iyon, pipiliin ko na lamang manatili sa tabi ng aking ina. Hinaplos ko ang sumasakit kong tiyan at pabulong na kinausap ko ang anak sa aking isipan. "Hindi ko hahayaang maulit sa iyo ang nangyari sa buhay ko, Baby. Hindi ko hahayaang saktan ka ng iba gaya ng mga ginagawa nila sa akin." Halos may kalahating oras din bago namin tuluyang narating ni Papa ang ospital. Pagdating namin doon ay agad kaming sinalubong ng mga nurse at doktor upang asikasuhin nila ako. May ilang oras pa akong nanatili sa loob ng operating room habang pilit na umiri nang umiri. Nahihirapan kasi akong ilabas ang anak ko mula sa loob ng aking sinapupunan. "Mommy, kailangan mong umiri dahil kung hindi pa rin lalabas si baby sa loob ng limang minuto, mapipilitan kaming i-cesarian ka," saad sa 'kin ng doktor. Pinilit kong umiri kahit pa nga nahihirapan na akong huminga. Tinulungan ako ng mga nurse sa pamamagitan nang pagtulak nila sa aking tiyan. "Diyos ko, tulungan Mo po ako!" piping dalangin ko sa Panginoon. "Baby, please! Tulungan mo si Mama na makalabas ka," kausap ko naman sa aking anak sa isipan. Nakaramdam ako ng matinding paghilab ng sakit sa aking tiyan at pakiramdam ko ay nadudumi ako. Malakas akong napasigaw kasabay nang paglabas ng kung anong bagay mula sa loob ng aking pwerta. Narinig ko ang malakas na pagpalahaw ng iyak ng sanggol. Napatingin ako sa gawi ng aking anak at nakita ko ang malakas na pagtapik ng nurse sa kaniyang pwetan. "Baby..." naluluhang usal ko. Ipinatong ng nurse sa aking dibdib ang anak ko at napangiti ako nang masilayan ang mala-anghel nitong mukha. "Congratulations, Mommy! You have a healthy baby girl!" nakangiting bati sa akin ng doktor na sinundan naman ng mga nurse. Pilit akong ngumiti sa kanila kasabay ng pilit ko rin pag-abot ng halik sa malambot na bumbunan ng aking anak. Maya-maya'y nakaramdam ako nang paninikip ng dibdib at tila biglang kinapos ang aking paghinga. "Doc, nagse-seizure ang pasyente!" malakas na sigaw ng nurse na agad akong hinawakan sa may pulso upang pulsuhan ako. Kinuha naman ng isang nurse ang anak ko mula sa pagkakapatong sa aking dibdib at dinala iyon sa may incubator na malapit lang din sa aking kinahihigaan. Umalog-alog ang aking pakiramdam kasabay nang panginginig ng buo kong katawan. "Diyos ko, iligtas Mo po ako! Kailangan pa po ako ng aking anak," lumuluhang dalangin ko sa isipan. Dahan-dahang pumikit ang mga mata ko hanggang sa tuluyan akong lamunin ng kadiliman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD