“Sorry...” hinging paumanhin sa’kin ni Laura nang makasakay na kami sa loob ng sasakyan. Marahas na buntonghininga ang pinakawalan ko saka humarap sa kaniya. “Hindi ikaw ang dapat na nagsasabi niyan,” malumanay kong wika saka kinuha ko ang isa niyang kamay na nakapatong sa ibabaw ng kaniyang kandungan. “Jerson...” “Patawarin mo sana ako kung nagiging marahas ako sa sandaling nakikita ko si Zoren.” Dinala ko ang kamay niya sa tapat ng aking labi upang dampian ng maliliit na halik. “Hindi ko lang talaga mapigilan ang sarili ko lalo pa’t binabastos ka niya. Mahal na mahal kita at walang sinuman ang pwedeng manakit o mambastos sa’yo.” Nag-unahan sa pagpatak ang mga luhang nangingilid lamang kanina sa gilid ng kaniyang mga mata. Kinabig ko siya upang yakapin nang mahigpit at payapain ang

