I

1528 Words
“Briar, hindi ka pa ba uuwi? Baka mapagalitan ka na ng Papa mo. Gabi na.” Ngumiti lang ang bente dos anyos na si Briar at sumandal sa balikat ng kanyang nobyong si Andrew. Umiling. Tahimik silang nakaupo sa isa sa mga bench sa loob ng amusement park ng siyudad ng X. Malapit nang magsara ang naturang lugar dahil na rin malalim na ang gabi ngunit wala pang balak ang dalaga na umuwi. Ayaw niyang makita ang mga tao sa bahay niya at mas lalong ayaw niyang marinig ang bunganga ng kanyang ama. Nagpakawala na lang ng malalim na buntong-hininga ang kanyang treinta anyos na nobyo. Pinagkiskis nito ang palad nilang dalawa upang mapainit iyon. Malamig na kasi ang klima at nakalimutan ni Andrew na magbitbit ng jacket para sa kanilang dalawa. Nagiging makakalimutin ito nitong mga nakaraang mga araw, siguro ay dala na rin ng stress nito sa trabaho at sa ama ni Briar na halatang hindi natutuwa na nililigawan siya nito. Ayaw kasi nito sa lalaki dahil sa edad nitong treinta ay wala pa rin itong naaabot bilang isang maliit na negosyante. Palagi na lang nalulugi ang negosyo nito kung hindi man naloloko ng mga nagiging katuwang nito sa negosyo. Baon sa utang ang lalaki. Kagaya niya at ng pamilya niya. Hanggang ngayon ay hindi matanggap ng padre de pamilya ng mga Mendez na unti-unti nang nalulubog sa utang ang kanilang maliit na kompanya. Lumaki kasi sa luho ang kanyang nakakatandang kapatid na si Benedict at kahit na pinadala ito sa isang mamahaling business school ay wala pa rin itong alam kung paano magpatakbo ng negosyo dahil puro bulakbol ang inaatupag nito. Ang masama pa, lulong ang kanyang amang si Benjamin Mendez sa casino at iba pang uri ng mga sugal na dahilan para mas lalo silang magka-utang-utang. Hindi naman makareklamo ang kanyang inang si Beula dahil wala itong alam sa negosyo at palagi itong sinasaktan ng kanyang ama kapag sinusubukan nitong kontrahin ang adiksyon nito sa sugal. At siya? Siya lang naman si Briar Mendez, ang walang kuwentang anak ng mga Mendez. Hindi siya pinadala sa business school ng kanyang ama bagaman alam niya na mas may potensyal siya kumpara sa kanyang Kuya Benedict dahil sabi nito ay para lang daw sa mga lalaki ang pagnenegosyo. Hindi siya nito pinaulanan ng mga mamahaling gamit dahil para rito ay mas kailangan iyon ng kanyang Kuya Benedict dahil ito ang susunod na magiging pinuno ng kanilang kompanya. Para lang siyang pigurin o vase na naka-display sa tahanan ng mga ito, napabayaan na at hindi nagagamit, naghihintay kung kailan siya maiisipang pagtuunan ng pansin o kung hindi man ay bigyang kahalagahan ng kanyang ama. Para lang siyang manyikang dadamitan ng mga ito kung kailan nito gusto, ipaparada sa mga kaibigan nitong mas mayaman sa kanila o hindi naman kaya ay may mga anak na mayayaman, na para bang ibinubugaw siya. Ilang beses na rin bang naranasan ni Briar ang mai-setup sa isang blind date ng kanyang ama sa mga anak ng mga pinakamayayaman sa lungsod ng X? Hindi niya na rin mabilang. “Hayaan mo si Papa. Besides, ayaw ko pang umuwi, Drew. Ayokong marinig ang bunganga ng tatay ko. Isa pa, wala naman tayong ginagawang masama, a. Boyfriend kita, hindi pa at tama lang na magkaroon ako ng oras para sa ‘yo?” Nagpakawala lamang si Andrew ng isang malalim na buntong-hininga at inilahad ang kamay nito, sinesenyasan siya na tumayo na. Wala nang ibang nagawa si Briar kung hindi ang sumunod. Alam niya na sinusubukan nito na pabanguhin ang pangalan nito sa kanyang ama ngunit hindi iyon magiging matagumpay maliban na lang kung hindi ito katulad nila na baon sa utang. Sabay silang naglakad papalabas ng amusement park, magkahawak ang kamay. Wala na itong sasakyan dahil nailit na ng banko. Hindi naman iyon kaso para sa dalaga dahil mas gusto nitong maglakad para mas magkaroon sila ng oras para sa isa’t isa. Nang marating nila ang matayog at malaking tarangkahan ng tahanan ng mga Mendez ay nilingon ni Briar ang kanyang nobyo at ngumiti hinagkan niya ito sa pisngi. “Oo nga pala, salamat sa mga bouquet na pinapadala mo araw-araw. Dapat hindi ka na nag-aabala, alam ko naman na kailangan mong magtipid dahil gusto mong iligtas ang negosyo mo.” Napakunot ang noo ni Andrew. “Bouquet? Anong--” Bago pa man nito maituloy ang sasabihin nito ay bumukas ang gate at iniluwa niyon ang kanyang ama at kuya na bihis na bihis pa at animo ay may hinarap na bisita. Kaagad na nagdilim ang mukha ng matandang Mendez nang matapunan ng tingin si Andrew. Mabilis na yumuko ang nobyo at binati ang kanyang ama ng magandang gabi bago mabilis na nagpaalam at umalis na. Napangiwi siya nang hatakin siya papasok ng kanyang Kuya Benedict, habang nakikita niya naman ang paglitaw ng mga ugat sa braso ng kanyang ama na tila ba nagpipigil ng galit. Mabilis siyang pinapasok ng mga ito sa kanilang tahanan na iilan na lamang ang mga tagapagsilbi na mayroon. Ibinalibag siya ng kanyang nakatatandang kapatid sa sofa. Hindi pa nakontento ang kanyang ama at pinadapo pa nito sa kanyang pisngi ang isang malutong na sampal. Nalalasahan ni Briar ang mapait at lasang kalawang sa bibig niya. Matatalim ang mga titig na ibinalik niya sa kanyang kapatid at ama. Ngunit hindi niya magawang lumaban dahil hindi uubra ang lakas niya sa pinagsamang lakas ng dalawang lalaki. Maliit lang ang katawan niya at mahina pa. Kaya rin siguro para sa kanyang ama, pabigat lamang siya. “Hindi ba at matagal na kitang pinagsabihan na makipaghiwalay na sa lalaking ‘yon, Briar Victoria? Wala kang mapapala sa lalaking ‘yon? ‘Ni hindi nga no’n kayang iahon ang sarili niya sa utang!” Nag-iwas siya ng tingin. “Hindi ko naman naging nobyo si Andrew para lang sa pera, Papa.” Pagak na tumawa ang matanda. “Tingin mo mapapakain ka n’yang pagmamahal na ‘yan, ha? Simula ngayon, makikipaghiwalay ka na sa Andrew na ‘yon. Dapat ay inuumpisahan mo nang isipin ang kasal mo. Hindi palaging maghihintay ang grasya para sa ‘yo.” Natigilan si Briar nang marinig ang salitang kasal. Hindi na lang ba basta manliligaw ang meron siya ngayon? Ngayon ay handa na siyang ibenta at ipakasal ng kanyang ama sa iba para lang mabayaran ang mga utang nito pati na rin ang kapalpakan ng kanyang Kuya Benedict? “Anong... kasal?” Sumeryoso ang mukha ni Benjamin Mendez. “Inaalok ka ng kasal ni Mr. Lee, ‘yong may-ari ng mga pinakamalalaking casino rito sa X. At bilang ama mo, um-oo ako sa kanya. Hindi pa naman katandaan si Mr. Lee, walong taon lang ang pagitan n’yo.” Napatayo ang dalaga sa galit. “Kayo ang um-oo, hindi ako! Papakasalan ko kung sino ang gusto kong pakasalan, Papa. Hindi ang kung sinong Poncio Pilato na gusto mo!” Ngumisi ang kanyang ama. “Ano pa bang karapatan mo na magreklamo, Briar? Alam mo ba kung gaano kayaman si Mr. Lee? Hindi ka maghihirap kapag pinakasalan mo siya. Pasalamat ka nga at ipinagkasundo kita sa lalaking magpapaginhawa ng buhay mo, hindi sa katulad ng Andrew na ‘yon.” “Bakit hindi na lang ikaw ang magpakasal sa Mr. Lee na sinasabi mo, Papa?” hindi nakatiis na sagot niya. “Mukhang mas magkakasundo kayo. Hindi ako papayag na maging pambayad-utang mo--” Tila sandaling narindi ang kanyang pandinig sa lakas ng sampal na tumama sa kanyang pisngi. Sa galit at pagkagulat ay mabilis niyang kinuha ang kanyang wallet at nagtatatakbo papalabas ng kanilang bahay. Nanlalabo ang kanyang paningin sa tindi ng pag-agos ng kanyang mga luha ngunit hindi niya magawa na pahirin ang mga iyon. Nasusuka siya sa paraan ng pagtrato sa kanya ng kanyang pamilya at ang tanging nais niya lang ay ang makalayo mula sa lugar na iyon. Pati na rin sa kanyang ama. Alam niya na hindi siya nito titigilan hangga’t hindi siya pumapayag na pakasalan ang Mr. Lee na sinasabi nito. Ngunit buo ang isipan ni Briar. Hindi siya papayag na matali sa lalaking sinasabi nito. ‘Ni hindi nga siya sigurado kung totoo ba na walong taon lang ang tanda nito sa kanya. He could be an old man for all she knew. Desperado pa naman ang kanyang ama pagdating sa pera na tiyak na kahit na anong paraan ng pagsisinungaling ay gagawin nito, makabayad lang sa kanilang mga utang. Hindi niya namalayan na nasa harapan na pala siya ng Red Angel, ang pamosong nightclub ng siyudad ng X. Dahil hindi alam kung sapat ba ang pera niya para sa entrance fee at presyo ng mga inumin doon ay naupo na lamang siya sa gilid ng sidewalk. Doon niya pinakawalan lahat ng emosyong kanina pa bumabagabag sa kanya. “Miss? Why are you crying? Are you hurt?” Awtomatikong napaangat ang tingin ni Briar nang marinig ang malamig ngunit guwapong tinig na iyon. Nakalahad ang isang kamay nito na may hawak na panyo. At nang mapatingin siya sa mukha nito ay hindi niya inaasahan na sasalubungin siya ng singkit na singkit na mga mata nito. Mga matang puno ng misteryong... hinahatak siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD