Chapter 2: Disappointed

2170 Words
LEXXIE ARAW ng day-off ko kinabukasan kaya nagpasya akong pumunta sa bahay nila Zale. May sinend kasi siyang picture kagabi sa akin na pumukaw ng dugo kong natutulog. Hindi ako galit. Ang ibig ko lang sabihin, masaya ako. Stress ako nitong nakaraan kasi sa opisina. “Ate Lex!” salubong niya sa akin. “Akala ko hindi ka interesado,” nakangiting sabi niya. “Ako pa ba! Patingin nga.” "Wait." Tinalikuran na ako ni Zale. Nakita ko si Tita Naarah na papalabas ng kusina kaya sinalubong ko siya. "Lexxie! Kanina ka pa?" "Kakarating ko lang, Tita. Kukunin ko lang 'yong ticket." "Ticket ng?" "Concert po ng U-Star. Niyaya niya ako sa Sunday." "Oh, okay. Nabanggit nga niya sa akin kagabi na yayain ka niya. Alam niya kasing paborito mo sila." Kahit na malayo ang agwat namin ni Zale, magkasundo kami sa maraming bagay gaya nang pagkahilig sa mga rap at hip hop songs. Last na bonding namin na dalawa noong rap battle sa Maynila. Ngayon naman, isang concert na gaganapin malapit sa unibersidad na pinapasukan niya. "Got it!" Napalingon ako sa kay Zale nang marinig ang boses niya. Sakto namang may nag-doorbell kaya nagpaalam si Tita Naarah. Kaagad na tiningnan ko ang ticket. "Sh*t, Zale!" Ngumiti ako sa kanya. "Legit!" "Wala ka kasing tiwala sa akin, e. Ikaw kaagad ang naisip ko Ate nang alukin sa akin ito ng kaibigan ko." “Mahahalikan talaga kitang bata ka!” biro ko. Niyakap ko lang siya nang mahigpit. Pero napabitaw ako nang makita si Tita Naarah na papasok. Baka kung ano ang isipin niya. “Paano aalis na ako, Zale. Tumawag kasi si Ian, urgent daw.” “Sige, Ate.” Nagpaalam ako kay Tita Naarah nang makasalubong ko siya. Nasa likod ko naman si Zale dahil ihahatid niya raw ako sa labas. “Lexxie, ang helmet mo, nakalimutan mo!” sigaw ni Tita. “Sh*t! Oo nga pala,” ani ko at mabilis na kinuha iyon sa malapit sa pintuan nila. “Bakit, akala mo ba, nakasasakyan ka?” “Yeah. Nasanay ako sa owner ni Tatay.” Bigbike ang ginamit ko ngayon dahil na-miss ko bigla. Isang buwan ko ding hindi nagamit ang regalong iyon nila Nanay at Tatay sa akin. “Ingat sa pagmamaneho, Ate.” “Thank you, Zale. The best ka talaga. Labyu!” Matamis na ngiti ang sumilay kay Zale. “Labyu too, Ate. Basta ikaw.” Sanay na siya sa akin kapag sinasabihan ko siya niyan. Alam niyang lambing ko bilang kapatid lang ba. Saka gusto niya raw akong maging Ate. At kapag may problema siya sa school nila, lagi akong to the rescue. Ayaw niyang stressin ang ina niya dahil marami na raw iniisip. Kumaway muna ako kay Zale bago pinaandar ang bigbike. Saglit ko lang ding biniyahe ang bahay ng mga Madrid. Kung wala lang akong kasalanan kay Ian, hindi ako pupunta dito. “Good morning po.” “Lexxie, hija! Pasok ka!” Naabutan ko si Tita Nikki na nagdidilig ng halaman niya. Hindi yata siya pumasok ngayon sa opisina niya. Iniwan ko lang ang helmet sa motorsiklo ko. Safe naman dahil may guwardya. Saka saglit lang din ako dito dahil nagpapasama ang kapatid ko na mamili sa Divisoria. “Si Ian po?” “Naku nasa CMC siya ngayon. Pinasama ko sa Tito niya dahil may emergency.” “Gano’n po ba. Pinapunta niya kasi ako dito dahil may sasabihin daw,” “Sandali nga at tawagan ko ang batang ‘yon. Mukhang nag-rush ka pa pumunta dito.” “Hindi naman po. Galing ako kila Tita Naarah dahil may dinaanan din po ako kay Zale.” “I see. Sandali, Anak.” Saglit akong iniwan ni Tita Nikki sa may garden. Sinabihan niya rin ang kasambahay na ipaghanda ako ng miryenda pero sabi ko tubig na lang dahil busog pa naman ako. Bumalik si Tita na dala ang telepono niya. Binigay niya sa akin dahil kausapin daw ako ni Ian. “Hello,” ani ko. “Nag-text ako sa ‘yo, Pangit, na sa CMC ka dumeretso,” aniya. “Sorry, hindi ko hawak ang telepono ko, nasa motorsiklo ko.” “Kaya pala, e. Nakailang tawag din kaya ako.” “Aw. Kanina pa?” “Medyo-medyo lang naman. Saka mga 15 times lang din naman.” Alam kong naiinis siya sa tono niya. Hindi ako makapagsungit dahil nasa harap ko ang ina niya. “Dumaan kasi ako kay Zale. Hindi ko rin hawak kanina kaya hindi ko napansin.” Matagal siya bago nakasagot. “O-okay. Hintayin kita dito.” “Okay,” ani ko. Mabilis akong nagpaalam sa ginang at pumunta ng CMC. Mababatukan ko talaga ‘to si Ian nang personal. Tama bang papuntahin ako sa kung saan-saan? Hindi talaga marunong mag-stick sa isang lugar! Kahit sa babae ganyan din siya! Kaka-park ko lang sa big bike ko nang matanaw ko si Ian na papalabas ng elevator. Nakasuot pa siya ng coat habang ang mga kamay ay nasa loob ng bulsa. Hay, para siyang matinong tao tingnan sa malayo. Kahit na bagay sa kanya maging doctor, hindi pa rin ako kumbinsido na magtatrabaho siya nang matino. Baka gawin niya lang playground ang ospital ng ina niya. Sumandal na lang ako sa motorsiklo ko habang hinhintay siya. Titig na titig siya sa akin lalo na sa suot ko. Bahagyang nakabukas ang itim kong leather jacket na pinailaliman ko ng puting damit tapos na naka maong na pantalon na may butas sa kanang tuhod. “Bakit ayaw mo umakyat?” aniya nang huminto sa harapan ko. “Sandali lang ako dahil may lakad kami ng kapatid ko. Ano ba ‘yong sasabihin mo?” May kinuha siya sa bulsa niya at iniabot iyon sa akin. “Ano yan?” “Invitation?” “Invitation saan? Kailangan ba ng invitation sa graduation party mo?” “Hindi ‘to party ko. Party ni Stella.” “Sinong Stella? Si Clara ba ‘yan?” Napabusangot si Ian sa sinabi ko. “Sino ba kasing Clara ‘yan?” “I meant your girl. Alam mo namang Clara ang tawag ko sa lahat ng babae mo.” “No. She’s a friend. Gusto kong sumama ka sa akin, at mamaya ‘yan.” “What? Mamaya na?” Ni hindi ko nga alam kung anong klaseng party ang sinasabi niya. Saka wala akong susuotin. Saka bakit ako kasi ang isasama niya? Napangiwi ako sa isipan ko nang ma-imagine ang sariling naka-gown tapos naka-abrisyiete kay Ian. Ay, ang sagwa! “You don't have to worry about what you're wearing. T-shirts and pants will do.” Natigilan ako bigla sa narinig. Bakit pants? Party tapos pantalon lang? “I know na hindi ka naman nag-dress kaya okay lang nakapants ka. Saka hindi naman gano’n ka formal ‘yon. Need lang ng invitation kasi anak ni Vice Mayor.” Napatitig ako kay Ian. “Paano kung ayoko?” seryoso kong tanong. “Sasabihin ko sa Tatay at Nanay mo ang pinaggagawa mo sa kotse ko. Ilang beses na, Ate Lexxie.” “Okay.” Tumango-tango ako. “Ano bang gagawin ko doon? Babantayan ka?” “Nope.” “Ano nga?” “Basta.” “Ay, ewan ko sa ‘yo. Uuwi na nga ako. Kita na lang tayo mamaya.” Kinuha ko ang invitation na hawak niya. “Sige. Asahan ko.” Tumango lang ako sa kanya bago sinuot ang helmet at sumakay sa sasakyan ko. Hindi ko na siya tiningnan nang paandarin ko iyon palabas ng parking area na iyon. Parang gusto kong pagalitan ang sarili ko. Iniisip kong mag-gown, e, hindi naman nila akong nakitang nagsusuot no’n. Maliban na lang noong graduation ko, dress naman. Lahat sa mga kaibigan ko ay iba ang tingin sa akin. Na isa akong boyish dahil sa pagkahilig ko sa mga laruan na gamit din ni Ian. At nang lumaki nga ako ay pinangarap kong maging pulis hindi dahil sa gano’n ako kung hindi dahil kay Tatay. Sobrang love ko kasi ang mga ginagawa ni Tatay. Ayaw ni Nanay pero ako naman ang may kagustuhan na pumasok sa pagpupulis. Hindi ko na lang sinamahan ang kapatid ko. Natulog na lang ako dahil sa lakad ko mamaya. NO choice, isang dark gray pants at checkered shirt ang sinuot ko. Tinali ko lang ang harap. Hindi kita ang pusod, huh. Baka manibago si Ian sa akin. Pinatungan ko lang ng leather jacket ko dahil motorsiklo lang ang gagamitin ko. Pinaresan ko na lang ng puting sneakers. Hindi na ako dumaan kila Ian dahil sabi niya magkita na lang daw kami doon. Pero pagdating ko, wala pa siya. Tumambay pa ako sa labas habang hinihintay siya. Pinapasok naman na ako ng guard dahil may invitation akong hawak pero mas pinili kong hintayin si Ian. Nakasandal ako noon sa bigbike nang matanaw ang pamilyar na sasakyan. Napaayos ako nang tayo nang huminto iyon sa akin. Bumukas ang bintana sa passenger’s area. Bumungad sa akin ang magandang babae na kasama niya kaya napaingos ako. Hindi naman nakita ng babae dahil abala siya sa telepono niya. “Kanina ka pa, Ate?” tanong ni Ian mula sa loob. “Medyo-medyo,” panggagaya ko sa kanya. Ganyan siya kaninang umaga, e. “Wait. Park lang ako,” aniya at pinaandar na. Hindi naman niya sinabing may iba siyang kasama. Sana pala hindi na lang ako umoo. Naipagpasalamat ko dahil dumating sila Ezi at DK. At least may makakausap ako. Parehas silang walang kasamang babae. Hindi na ako mabo-bored. Pero hindi ko maiwasang tanungin ang sarili ko kung ano ba talaga ang gusto ni Ian na gawin ko dito. Hindi naman formal ang party kaya naipagpasalamat ko. Pero ang gaganda ng mga suot ng mga babae. Sexy at mga hot pa na kabaliktaran ko naman. Tinungga ko ang alak nang makita ang waiter na may dala. Humingi ulit ako para mawala ang hiya ko. May kanya-kanya nang kausap si Ezi at DK. Dumating din si Dariel pero may kasama din kaya solo na lang ako sa upuan. Si Ian naman, may kausap sa dilim, ‘yong Clara ng buhay niya. Iba na naman kasi ang Clara na kasama niya. Kaloka. Akmang tatayo ako nang may naupo sa tabi ko na babae. “Hi, I’m Stella. You’re Ian’s friend, right?” Natingin ako sa mukha niya. Siya pala iyong may party ngayon. Nakita ko siyang nagsalita kanina. Marami siyang bisita at hindi lang mga simple, mukhang galing din sa mayamang pamilya. “Yes. I’m Lexxie.” Naglahad ako ng kamay sa kanya. “Lexxie,” ulit niya. “Ang hot niya pakinggan,” aniya na bahagyang ikinaawang ko ng labi. Napalunok din ako dahil sa paraan ng tingin niya sa akin. Parang gusto kong magsisi na naglahad ako. Dahil may papisil siya sa aking kamay. Matagal ko ngang nabawi ang kamay ko sa kanya buti na lang may lumapit sa amin at sinamantala kong magpaalam sa kanya. Mukhang mali talagang pumunta ako dito. Hinanap ko si Ian. Nangibang puwesta pala. Nasa madilim na bench na ito kasama ang Clara niya habang naghahalikan. Nakapameywang na tumikhim ako. “P-pangit,” ani ni Ian nang makilala ako. “Pwede ko bang mahiram muna ang boyfriend mo, Clara?” serysong tanong ko sa babae. “Who’s Clara?” “Never mind her, babe. Clara lang talaga ang tawag niya sa mga babae.” “Oh,” ani naman ni Clara. Hindi niya tunay na pangalan. Hindi ko alam ang pangalan niya. Tumalikod ako at lumayo kay Clara. Alam kong nakasunod sa akin si Ian. “Sabihin mo nga sa akin, Ian. Bakit mo nga pala ako pinapunta dito?” seryosong tanong ko. “Para makilala mo si Stella. Hindi mo ba siya gusto? Maganda siya at mahilig siya sa–” “Hindi ko siya gusto, Ian,” matigas kong sabi. “O, akala ko gusto mo. Gusto ka kasi niya. Pinakita ko ang picture mo sa kanya kaya sabi niya dalhin kita sa party niya.” Nakatitig lang ako sa kanya. Hindi na rin ako umimik dahil nanginginig ang loob ko sa inis sa kanya. Talagang pinapunta lang niya ako para ireto kay Stella. Ano bang akala niya sa akin, tomboy? “Kailangan ko ng umuwi, Ian. Maaga pa ako bukas dahil sa iba na ako ma-assign. Pakisabi na lang kay Stella, pasensya na at kinailangan ko nang umuwi,” walang buhay na paalam ko. Tumalikod na rin ako sa kanya. “Galit ka, Ate Lexxie?” “Hindi, Ian. Salamat sa pag-imbita, sobrang na-appreciate ko. Pero hindi pa ako handang makipagrelasyon. Saka na lang siguro.” Ngumiti ako nang mapakla at tumalikod na nga. Hindi ko na siya nilingon. Medyo na-disappoint ako sa pagreto ni Ian sa akin ng babae. Hindi man lang lalaki ang nireto niya para kahit papaano masabi niyang tutol siya sa mga kinikilos ko, pero hindi, e, suportado niya ako. Hindi ba niya alam na pangarap ko ring ikasal? Hindi sa babae, kung hindi sa lalaking mahal ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD