[Bryan Marasigan]
I had to take Akina out of the room to calm her down. She doesn't want to talk to her dad so Aica tried to console her.
"I-I was so stupid, Aica…" Akina sobbed harder. Nakaupo silang dalawa sa mahabang upuan at nakatayo naman ako sa harap nila. "I didn't even notice mom was sick. I even celebrated my 18th birthday yesterday. Dapat nalaman ko. Dapat inalagaan ko siya instead of partying! W-What should I do, Aica? I felt worthless…"
" No. It's not true." Aica hugged her. "They kept it from you. Wala kang kasalanan. Ang siguro nagawa nila 'yon kasi ayaw nila na maaapektuhan ka…tulad na lang ng nangyayari sa 'yo ngayon."
"But I am her daughter. Dapat alam ko lahat tungkol sa kaniya."
"We tend to keep secrets from the people we love in order to protect them from getting hurt. As you grow old, maiintindihan mo rin 'yan," I told her.
Napatingin siya sa akin nang sabihin ko 'yon. Her eyes were already red.
"K-Kailangan ba talaga 'yon?" she asked.
Namulsa ako at dahan-dahang itinukod ang isang tuhod sa sahig para magpantay kami. Her eyes met mine.
"Hindi 'yon naiiwasan." I smiled sweetly. "Ang mga tao, mahilig magsinungaling pero iba-iba ng dahilan. Karamihan, gusto lang nilang protektahan ang sarili nila o kaya gusto nilang saktan ka kaya sila nagsisinungaling. Pero mga taong katulad ng mga magulang mo. They just want to protect your feelings."
"W-Why? Nagawa mo na ba 'yon? Ang magsinungaling para protektahan ang feelings ng iba?" she asked out of the sudden.
Natigilan ako sa biglaan niyang tanong pero natawa din ako sa huli, inaalala ang isang partikular na pangyayari noong college pa lang ako.
"Where are you? Nagsisimula na ang party."
Hindi ako magkandaugaga kakayos ng suit na suot ko habang ipinaparada sa tapat ng bahay ni Sir Juancho ang second-hand na kotseng nabili ko.
"Kakababa ko lang ng kotse, Sir. Pasensya na, traffic kasi." Inayos ko ang necktie ko bago bumaba ng kotse. Ang isa kong kamay ay may hawak na cellphone na nakadikit sa tenga ko.
Wala na akong oras na mamangha sa bahay ni Sir Juancho dahil lakad-takbo na ang ginawa ko. Maraming mamahaling kotse ang nakaparada sa paligid kaya kinabahan tuloy ako. Siguradong mayayaman ang mga bisita ni Sir Juancho at ng asawa niya.
Birthday kasi ngayon ng asawa niya na kakauwi lang galing ng America kasama ang anak nilang babae na walong taon pa lang. Sa tagal ng pagpapaaral sa akin ni Sir Juancho ay ngayon lang ako nakatapak ng bahay niya. Madalas kasi ay sa condo lang siya umuuwi at doon niya ako pinapapunta kapag may idi-discuss kami.
Habol ko ang hininga ko nang tumigil ako sa tapat ng main door.
"Good evening, Sir! May invitation po kayo?" tanong sa akin ng nakabantay.
Sasagot pa lang ako pero may nagsalita na sa likod niya.
"He's my friend. Let him in." Si Sir Juancho.
Ngumiti sa akin ang babae bago ako pinapasok. Sinalubong ako ni Sir Juancho na ngayon ay nakasuot ng mamahaling suit at may hawak na champagne. Tinapik niya ang balikat ko.
"Let's go. Ipapakilala kita kay Akira at sa anak ko."
"Huwag na po kaya?" Napakamot ako sa ulo ko. "Nahihiya kasi ako, eh. Galing sila ng America kaya siguradong—"
"What do you think of my wife and daughter? Matapobre? Masyado mo naman yatang minamaliit ang sarili mo. Dapat nga ipagmalaki mo ang sarili mo kasi graduating ka na tapos may mga naipundar ka pa habang nag-aaral."
"Dahil naman po 'yon sa tulong n'yo." Ngumiti ako sa kaniya.
"Wala 'yon. Masaya ako na nakakatulong sa mga estudyanteng masisipag na katulad mo. At alam mo, para na ring kapatid ang turing ko sa 'yo. Kaya nga hindi kita kayang pabayaan kahit hindi na ako ang professor mo ngayong graduating ka na."
Sa dami ng sinabi niya ay isang malaking ngiti na lang ang naisagot ko. Hindi ko na mabilang kung ilang beses na ako nagpasalamat sa kaniya pero iginiit niya na sapat na para sa kaniya ang makitang maayos ang buhay ko.
Kaya pinangako ko sa sarili ko na magiging professor din ako at siya ang idol ko. Kapag nagkaroon ako ng pagkakataon ay tutulong din ako sa mga estudyanteng katulad ko na nangangarap.
Nang makapasok kami sa loob ay manghang-mangha ako sa magandang dekorasyon ng party. Ang laki ng bahay nila at kahit marami ang bisita ay napakaluwag pa rin ng bulwagan.
Ipinakilala ako ni Sir Juancho sa mga kaibigan niya. Tuwang-tuwa sila sa akin habang ipinagmamalaki ako sa kanila ni Sir Juancho.
"By the way, where is your wife? This is her party but I barely see her," untag ng sosyal na kaibigan ni Sir Juancho.
"She's with my daughter," sagot naman ni Sir Juancho. "Excuse me, hahanapin ko lang siya."
Iniwan ako ni Sir Juancho sa isang mesa kung saan mag-isa lang akong kumakain. Mas pinili ko roon dahil takot akong makisalamuha sa mga mayayaman niyang kaibigan. Hindi rin ako uminom dahil hindi ko trip ang lasa ng alak.
"Oh! Bata!" Kahit may laman ang bibig ko ay tumayo pa rin ako para tulungan ang batang nadapa sa harap ko. Nakasuot pa siya ng mamahaling dress na kulay pink at may korona pa sa ulo. "Ayos ka lang?"
"I don't talk to strangers!" Ni hindi man lang niya ako tinapunan ng tingin at lumingon lang sa likod niya. "Aica! Miggy! Let's go! Baka makita ako ni Mommy and Daddy!"
Nagtatakbo na siya palayo kasunod ang isa pang batang babae at isang batang lalake na inambahan pa ako ng suntok habang nakanguso saka tumakbo ulit.
"Wow." Natawa ako nang sarkastiko. "Iba na talaga mga bata ngayon."
Nang matapos akong kumain ay tumayo muna ako para magpunta sa banyo. At dahil hindi ko alam kung saan ang banyo ay kung saan-saan pa ako nakarating.
"Saan ba 'yon?" Nakarating na ako sa second floor pero imbes na maghanap ng banyo ay namangha ako sa laki niyon.
Isa-isa kong tiningnan ang mga kwartong nakasara. Sa lahat ng pintong nakita ko, ang pangatlo lang ang nakabukas nang bahagya.
Dahan-dahan akong sumilip para tingnan kung may tao sa loob at nanlaki ang mga mata ko nang makitang may babaeng nakaupo sa harap ng canvas stand.
Seryoso ang mukha niya habang may hawak ng color palette sa kaliwang kamay at paint brush naman sa kanang kamay. Medyo kulot ang buhok niya pero nakapusod iyon kaya humiwalay ang ilang hibla niyon sa pisngi niya.
Ang ganda niya.
Hindi ko namalayan na nakatulala na pala ako sa babae. Nakaawang pa ang bibig ko at kulang na lang ay mapasukan ng langaw. Nang makita ko ang pagngiti niya ay nahawa na rin ako.
Mukhang gusto niya ang ginagawa niya na kahit nakasuot pa siya ng mamahaling silver dress ay nagagawa niya pa rin ang pagpipinta.
"Akina, look," sabi niya maya-maya. Nang walang sumagot ay napatingin siya sa gilid, napagtanto na wala pala siyang kasama.
Binitawan kaagad niya ang hawak na color palette at paint brush, nagpa-panic na.
"Akina! Where are you?!" Tumingin siya sa pinto kung saan ako naroon kaya hindi sinasadyang nagtama ang mga mata namin.
Pakiramdam ko ay may tumamang mainit na bagay sa dibdib ko nang magkatinginan kami. Corny mang pakinggan pero natulala ako sa kaniya.
"I'm sorry but…who are you?" kalmadong tanong niya.
Hindi ako nakasagot kaya naglakad siya palapit sa akin at niluwagan ang pagkakabukas ng pinto. Doon ko napagtanto na may taglay pala siyang kakaibang kagandahan.
Mas maganda sa malapit at napakabango pa. Para siyang anghel.
"Where did she go?" sabi niya habang sumisilip sa labas. Kinailangan ko pang tumabi para makadaan siya. "I'm sorry. Nawawala kasi anak ko, eh. By the way, may kailangan ka ba? Pinapahanap ba ako ni Juancho sa baba? Please don't tell him about sa nakita mo."
Dahil sa huling sinabi niya ay saka lang ako natauhan. Ipinilig ko ang ulo ko.
Hindi ko man lang naisip na siya ang asawa ni Sir Juancho dahil mukhang kaedad ko lang siya…tapos medyo na-aatract pa ako. Pakiramdam ko ang laki ng kasalanan ko.
Inalis ko ang bara sa lalamunan ko bago sumagot.
"A-Ako po si Bryan. Dati po akong estudyante ni Sir Juancho at kaibigan niya rin po ako."
"Oh. Ikaw 'yong naikwento niya sa akin na tinulungan niyang makapag-aral. Ang tangkad mo pala." Tumawa siya kaya mas lalong sumingkit ang mga mata niya. Hindi ko tuloy maiwasan na matulala. "I heard graduating ka na ngayon."
"A-Ah…opo." Nabulol pa ako.
"Huwag ka nang mag-po. Nakakatanda," biro niya. "And by the way, huwag mong banggitin kay Juancho 'yong nakita mo."
"W-Wala akong nakita!" defensive na sagot ko kaya naman natawa siya.
"I mean 'yong nakita mong nagpi-paint ako. Hindi niya kasi gusto na nagpi-paint ako kaya dito ako sa guess room gumagawa."
Napakamot ako sa batok ko at tumango na lang. "P-Pero dapat nasa baba ka, 'di ba? Ikaw ang may birthday pero nandito ka."
Tama naman sinabi ko, 'di ba? Hindi sana siya ma-offend.
Nawala ang kaba ko nang tumawa ulit siya. " I know…but I feel suffocated in crowded places. Mas gusto kong alone ako at magpinta kaysa makisalamuha sa mga tao."
"Talaga? Sigurado ako na maganda ang mga artworks mo."
"You think?" Kumislap ang mga mata niya sa sinabi ko. "Gusto mong makita ang ginagawa ko?"
Napakurap ako. "A-Ano…papasok ako sa kwarto?"
"It's okay! Tara!" Hinawakan niya ang braso ko kaya muntik na akong matuod. "Libangan ko na 'to mula pa noong tumira ako sa America with my daughter. What do you think?"
Tinitigan ko nang mabuti ang painting na ginawa niya sa canvas. Literal na napanganga ako dahil sobrang ganda ng gawa niya.
Isang babae na nakasuot ng itim na backless dress na abot sahig ang haba. Nasa terrace ang babae at nakatingala sa bilog na buwan.
"Ang ganda pero parang may kulang," wala sa sariling sabi ko.
"Anong kulang?" tanong niya na ikinagulat ko.
"H-Ha? May sinabi ba 'ko?"
"It's okay. I almost forgot na art pala ang major mo. Marunong kang tumingin sa magandang artworks."
Napalunok na lang ako. Dapat hindi ko sinabi 'yon dahil mukhang na-offend siya.
"Walang buhay…" sabi niya maya-maya. "Malulungkot ang mga taong makikita ang painting na 'to…dahil sinadya ko."
Napatingin ako sa kaniya at nakita kong nakangiti siya pero hindi umabot ng mata.
"Sinadya mo?" ulit ko sa sinabi niya.
Tumango siya bilang sagot. "I enjoy painting as a means of expressing myself. Malungkot ang painting na 'yan dahil gano'n ang nararamdaman ko."
"Malungkot ka?" ulit ko. "Pero bakit? Birthday mo ngayon, ah."
"Hindi nila alam na malungkot ako. Hindi nila alam na nagsu-suffer ako."
Gustuhin ko man na tanungin siya kung bakit siya malungkot ay nag-aalangan ako. Kakakilala pa lang namin at baka maasiwa siya.
"Bakit hindi mo sabihin sa kanila ang totoo mong nararamdaman?" sabi ko na lang.
"I tend to keep secrets from the people around me…but it's not for my own sake. It's to protect my daughter. I lie…because of her."
"I know someone," sagot ko sa tanong ni Akina. "Hindi lahat ng nagsisinungaling ay gusto kang saktan. Gusto ka lang nilang protektahan…kaya dapat mo silang intindihin."
She didn't answer but she stopped crying. Tumayo na ako at bumuntong-hininga.
"Stop crying and go to your mother. She needs you."
"T-Thank you…" she said before looking up to meet my eyes. "Thank you, Sir Bryan…"