“UMALIS na tayo, anak,” yakag sa akin ni Nanay.
Nauna na silang lumabas ng aking ama habang ako ay napako na sa aking kinatatayuan.
Hindi ko alam ang gagawin ko kay Roselle. Ang daming senyales na hindi kami para sa isa’t isa. At ano itong sinasabi niya ngayon na magpapakamatay kung hindi pakakasalan? Buntis siya, at kung kikitilin niya ang sariling buhay, idadamay pa niya inosenteng bata sa sinapupunan niya. At ano ang dulo nito? Ako ang may kasalanan sa pagkawala nila kung magtagumpay siya dahil hindi ako pumayag magpakasal sa kanya.
“Roselle, mag-usap na lang tayo sa ibang araw. Iwasan mong mag-isip ng masama. Hindi maganda ’yan sa ’yo at sa bata.”
Kumapit siya sa braso ko. “Kailan tayo mag-uusap?” Nagpahid siya ng luha.
Sa oras na ito, para siyang isang bata na hindi pinayagang maglaro. Iyong kapit niya sa akin ay parang ayaw niyang bumitiw.
“Magpalamig muna tayo. Kakausapin ko rin ang mga magulang ko. Huwag ngayon na mainit ang lahat. Sikapin mong pumasok sa school at mag-concentrate para mairaos mo ang sem na ’to,” bilin ko sa kanya.
“Iyon sana ang sasabihin ko sa ’yo. Titigil na ’ko sa pag-aaral. At ang sabi ni Mommy, kapag tumigil na ako sa pag-aaral, hindi na raw ako puwedeng tumira dito sa ’min.”
Hindi na siya umiiyak ngayon pero lalong sumakit ang ulo ko sa sinabi niya. Saan naman niya balak tumira? Kung may savings siya, hindi naman ’yon tatagal sa halaga ng upa ngayon. Iyong kuwarto nga lang mahal na, at alam kong hindi siya papayag na hindi buong bahay ang titirhan.
“Huwag kang tumigil sa pagpasok. Tapusin mo ang semestre at sayang. Naumpisahan mo na. Isa pa, wala ka pang matitirhan,” pahapyaw kong paalala sa kanya.
“Puwede naman tayong umupa.” Tumingin siya sa akin. Pailalim.
Malalagot na yata ang pagtitimpi ko sa kanya. Para namang ganoon kadali ang mangupahan. ’Buti sana kung sa Aplaya lang. Hindi naman siya titira doon. Bukod sa maselan siya, hindi niya kakayanin ang ingay at dumi ng paligid.
“Hindi pa regular ang gig ko. Pumapasok tayong dalawa. At kahit ’yong part-time job ko hindi kasya. Hindi ka naman makakapagtrabaho dahil buntis ka.”
“Basta gusto kong umalis dito! Gusto kong sumama sa ’yo!” Bahagyang tumaas ang boses niya kasabay ng paghawak sa kanyang tiyan.
Ito na nga ba ang sinasabi ko.
“Kumalma ka muna. Makakasama sa ’yo ang pagsigaw mo. Nararamdaman ’yan ng bata. Basta ’yong pinag-usapan natin sundin mo. Babalik ako at mag-uusap tayong dalawa.” Hangga’t pumapasok siya ay hindi siya paaalisin ng kanyang ina sa bahay nila. Iyon ang oras na kailangan ko para mapag-isipan kung ano ang dapat gawin.
Yumakap siya sa akin at bahagya kong hinagod ang likod niya para aluin. Pagkaraan ay lumabas na ako at sinundan ang mga magulang ko sa labas ng gate.
***
TAHIMIK kaming naglakad palabas ng subdivision at sa malas ay wala pang dumaan na tricycle. Nagtiyaga kaming maglakad hanggang marating ang kanto kung saan naroon ang sakayan ng jeep. Mula dito ay isang sakay pa.
Nang makarating kami sa bahay namin ay nagderetso si Nanay sa maliit naming kusina at kumuha ng tatlong baso at isang pitsel ng tubig. Hindi ’yon malamig pero sa sobrang init ay walang pagpipilian.
“Wulf, ano’ng desisyon mo?” Ang boses ni Nanay ay seryoso at walang lambing. Alam kong ayaw niya akong makasal. Vocal naman siya roon at hindi niya itinatanggi. Deneretso pa niya ang ina ni Roselle.
“Hindi ko pa alam, ‘Nay. Magulo po ang isip ko.”
“Ano’ng hindi mo alam? Wulfric, huwag mong sabihing magpapadala ka sa sinasabing pagpapakamatay ng lintik na babaeng ’yon? Sinasabi ’yon ng mga babaeng desperada para hindi sila iwan!” Inis na sinuklay ni Nanay ang buhok niya gamit ang mga daliri. “Hindi ikaw ang unang lalaking hindi magpapakasal sa nabuntis niya. At alam mo, anak, kung hindi ka sigurado na sa ’yo ang dinadala niya, madalas tama ang hinala mo. Kung mayaman lang tayo, ipapa-NDA ko ’yang—”
“DNA ’yon, ’Nay,” pagtatama ko sa kanya.
“DNA o NDA, pareho na rin ’yon! Basta ipapasuri ko ’yong bata kung talagang anak mo nga o hindi. Mahirap nang matali ka sa isang pagsasamang hindi mo gusto, lalo na kung hindi naman pala sa ’yo ang bata. Aba! Sa panahon ngayon, mas mahal pa ang annulment kaysa kasal! Iyong anak nga ni Choleng naghanap ng abogado noong isang araw. Gustong magpakasal sa Hapon, e kasal siya rito sa Pilipinas. Limang daang libo ang magagastos niya at isang taon pa raw ang hihintayin! Gusto mo ba ’yon?”
Umiling ako. “Alam ko naman ang sinasabi n’yo, ’Nay. Pero paano kung mali ako at anak ko pala ang bata?”
“Paano kung hindi sa ’yo?” giit niya.
Sandaling katahimikan ang namagitan sa aming dalawa. At sinamantala ’yon ni Tatay para magsalita. Kanina pa siya walang-imik at alam kong naninimbang siya sa sitwasyon.
“Mahal, ibili mo muna kami ng tig-isang beer sa tindahan at mag-uusap kami ng anak mo.”
Inabutan niya ng pera si Nanay at walang-imik itong lumabas ng bahay.
“Wala tayong pruweba na hindi iyo ang bata. Wala rin tayong katunayan na sa ’yo nga. Walang patutunguhan ang pag-uusap n’yo ng nanay mo sa ngayon. Ang magagawa lang natin ay ang maghintay na makapanganak si Roselle. Pero mahal ang pagpapasuri at kailangan din ng consent ng ina. Wulf, ikaw lang ang tanging makapagdedesisyon kung pakakasalan mo siya o hindi. Alam kong hindi mo pababayaan ang bata pero nariyan na ’yan. Ang sa akin, mas makabubuti kung hindi ka muna magpakasal. Tapusin mo ang pag-aaral mo para makahanap ka ng mas maayos na trabaho. Huwag mo na kaming alalahanin dito.”
Para akong pinangangapusan ng hininga sa sinabi ni Tatay dahil pakiramdam ko’y tinatanggalan niya ako ng responsabilidad sa pamilya namin.
Lumapit siya sa akin at tinapik ako sa balikat.
“Anak, hindi mo kami responsibilidad. Kung kaya mo na at may sobra, tumulong ka. Pero huwag mong isipin na kailangan mong gawin ’yon. Magkakaanak ka na. Siya na ang dapat mong unahin. Sa tirahan, sa tingin ko dapat munang manatili si Roselle sa kanila hanggang makapanganak. Magulo at madumi rito sa lugar natin at base sa kinalakihan niya, hindi siya papayag na dito tumira. Kung gusto mong bumalik doon sa isang araw, sasama ako at ipaliliwanag ko ’yan. Para din naman ’to kay Roselle.”