PAKASAL? Panagutan, oo. Magbibigay ako ng sustento kung akin talaga ang batang dinadala niya, pero kahit ano’ng bilang ko ay walang tumama. Kung maghihintay naman akong ipa-DNA ang bata pagkapanganak niya, wala naman akong perang pambayad. Magkano ba ang DNA test ngayon? Kinse mil? Baka nga higit pa. Pero ang pakasalan siya ay mali. Unang-una, wala naman kaming relasyon. Purong libog lang ang namagitan sa aming dalawa. Ang pagkakamali ko ay nagtiwala ako sa kanya nang sabihin niya na naka-pills siya.
“Kakausapin ko ang mga magulang ko. Kailangan mo rin ng consent ng mother mo kung sakaling magpakasal tayo.”
“Ano’ng ibig mong sabihin? Hindi mo ’ko pakakasalan?” kunot-noong tanong niya, may bahid ng inis ang tono ng boses.
Bumuntonghininga ako at napahilot sa aking batok. “Roselle, hindi madali ang pag-aasawa. At isa pa, moderno na ang panahon ngayon. Hindi natin kailangang magpakasal para sa bata. Puwedeng bigyan kita ng sustento at—”
“Ano? Wulf! Gagalawin mo ’ko ’tapos hindi mo ’ko pakakasalan ngayong nabuntis mo ’ko?” galit niyang wika sa akin.
Hindi ako umimik at hinayaan siya sa mga gusto niyang sabihin. Kailangan niyang mailabas ang galit niya.
“Nag-enjoy ka naman, ah!”
“Roselle, kalmahin mo ang sarili mo. Oo, nag-enjoy ako. Ikaw din naman, ’di ba? Ang sinasabi ko lang, huwag tayong magpadalos-dalos sa pagpapakasal. Hindi solusyon ang pagpapakasal sa pagbubuntis mo. Isa pa, puwede namang dalhin ng bata ang apelyido ko kahit hindi tayo kasal.”
“Puro ka na lang ’yong bata! Paano naman ako?! Hindi ka ba nag-aalala sa ’kin?”
“Alam mo sa simula pa lang na wala tayong relasyon. Ikaw ang palaging lumalapit sa ’kin. Ikaw palagi ang nag-aaya na matulog ako sa inyo. Ikaw ang nagsabi sa ’kin na naka-pills ka at ayaw mong gumamit ako ng condom. Hindi iisang beses akong nagtangkang gumamit pero palagi mong tinatabig. Ang gusto mo, hubad. Ngayong nabuntis ka, paano mo ipaliliwanag sa ’kin ’to?”
Naiinis na rin ako sa kanya. Kung makapag-demand, akala mo kung sino. Hindi ko naman tatakbuhan ang responsabilidad ko sa bata. Pero napakahirap magpakasal sa isang taong wala kang damdamin at purong s****l lang. Call me an asshole all you want, but it is true. Mas mahal ang annulment kaysa kasal. At hindi pa kasali roon ang bawat oras at araw na miserable sa piling ng isa’t isa.
“Naka-pills nga ako. Pero hindi naman one hundred percent ang fine print sa box!”
Napahilamos ako sa aking mukha. “Walang mangyayari kung magbabangayan tayong dalawa ngayon. Kailangan nating pag-isipan ’to. Alam mo naman na mahirap lang kami at kung ine-expect mo na mabibigyan kita ng magarbong kasal, nagkakamali ka.”
“At sa tingin mo hindi ko alam ’yon? Nakita ko nga ang tinitirhan n’yo. Kapag nakasal tayo, hindi ako titira do’n. It’s so yucky!”
Napatawa ako at napailing sa kanya. “Iyan ang sinasabi ko sa ’yo. Mag-yucky ka man nang ilang beses, hindi magiging palasyo ang titirhan mo. Hindi pa ako nakakapagtapos ng pag-aaral at bukod sa pagtugtog, wala akong ibang trabaho. Hindi ko kayang umupa ng apartment para sa ’tin kung ’yon ang ipinupunto mo,” inis kong sabi sa kanya.
Umismid si Roselle. “May sinabi ba ’kong gano’n? Sa amin tayo titira. Malaki naman ang kuwarto ko at kasya tayo do’n.”
“Ine-expect mo na titira ’ko sa bahay n’yo? Wow.”
Walang mangyayari sa usapan namin kung ganito nang ganito. Hindi ako titira doon kung iyon ang gusto niyang mangyari.
“Wala naman tayong choice! Hindi ako titira sa barong-barong na tirahan n’yo, lalo na sa lugar na ’to na ubod ng sangsang!”
Ang mga panglalait niya ay tagos hanggang buto. Hindi ko alam kung anong uri ng kamalasan ang mayroon ako para matagpuan ang isang katulad niya sa buhay ko.
“Kung sakali nga at magpakasal tayo—kung—ibig sabihin hindi sigurado, at mabuti na ang malinaw, hindi ako titira sa bahay n’yo at hindi ka titira sa ’min, ano pa’ng saysay? Apelyido ko lang ang habol mo?”
“Hindi! Sa amin tayo titira!”
Bumaba ako ng sasakyan niya at bago ko isara ang pinto ay nilingon ko siya.
“Hindi mo ’ko mapipilit sa ayaw ko.”
“Kahit para sa anak natin?” giit niya.
“Ginagamit mo ang bata para makuha ang gusto mo. Anong klase kang ina?”
Bigla siyang natahimik.
“Umuwi ka na, Roselle. Sabihin mo sa ’yong ina ang sitwasyon mo at kapag nakausap ko ang mga magulang ko, sasabihan kita para makapagharap-harap tayo. Pupunta kami sa inyo para mapag-usapan ang tungkol sa bata. Hindi ko maipapangako sa ’yo na magpapakasal tayo dahil kahit saang anggulo tingnan, maling magpakasal dahil lang buntis ka. Mag-ingat ka sa pagmamaneho.”
Naglakad ako pabalik sa bahay, litong-lito ang isip. Isang aral ito sa akin. Hindi ko alam kung paano ko tutuparin lahat ng pangako ko kina Nanay na hindi pababayaan ang pag-aaral at ang bata sa sinapupunan ni Roselle. Kulang ang twenty-four hours sa isang araw para gawin ko ang lahat ng kailangan kong gawin.
Nang marating ko ang bukana ng kalye namin ay puro murahan ng mag-asawa ang narinig ko. May mga batang iyak nang iyak habang ang ibang mga paslit ay tumatakbo nang walang tsinelas, nagkalat na ang sipon at luha, amusin habang naglalaro sa buhanginan. Iyong isa nga ay sinaway ko at kinakain na ang lupa. Hindi ito ang lugar para magpalaki ng bata. Kaya nga gusto kong ialis dito ang pamilya ko.
Nang makarating ako sa bahay ay naroon na si Tatay at nag-uusap sila ng aking ina.
“Mabuti at nandito ka na,” sabi ng aking ama. “Umupo ka riyan at sabihin mo sa ’kin ang nangyari. Sa ’yo ba ang dinadala ng babaeng ’yon?”
“Ang totoo, ’Tay, hindi ko po alam.”
Natahimik si Tatay.
“Wulf, matanda ka na. Alam kong hindi mo tatakbuhan ang responsibilidad mo, pero kung hindi sa ’yo ang bata ay huwag mong akuin. Mahal mo ba ang babaeng ’yon? Ano ba ang pangalan niya? Pambihira. Ni hindi mo pa siya naipakikilala sa ’min.”
Nakita ko si Tatay na pilit ikinakalma ang sarili habang ang aking ina ay nananatiling walang-imik.
“Roselle po ang pangalan niya. Wala kaming relasyon.”
“Sinabi ko na sa ’yong mag-ingat ka. Iba na ang mga babae ngayon pero hindi ka nakinig. Ano’ng gusto ng babaeng ’yon ngayon?” galit na wika ni Nanay sa akin.
“Pasensiya na, ’Nay. Nagtiwala ako sa kanya na naka-pills siya. Hindi ko alam kung paanong nabuntis siya dahil ilang linggo rin siyang hindi nagpakita sa ’kin at kahit ano’ng bilang ko ay walang tumama, kaya hindi ko alam kung sa ’kin talaga ang batang dinadala niya.”
“Ano raw ang gusto niyang mangyari?”
“Gusto niyang pakasalan ko siya.”
“Diyos na mahabagin! Hindi ako makapapayag na magpakasal ka sa kanya lalo na kung wala kayong relasyon. Wala kang pag-ibig sa kanya at higit sa lahat, hindi ka sigurado kung sa ’yo nga ang batang dinadala niya. Isang malaking kalokohan ’yan!”