Chapter 7

1049 Words
LATE dumating si Roselle sa gate pero nang huminto ang sasakyan niya ay nagdalawang-isip ako kung sasakay ba ako o hindi. Gusto ko sanang iparada na lang niya ’yon at mag-usap kami sa isang kainan kahit wala akong ganang magmeryenda kasama siya. “Hop in,” aya niya sa akin. Nakangiti siya na para bang walang problema. Simula nang malaman ng kanyang ina na buntis siya ay wala na siyang ibang bukambibig kapag tumatawag o nagte-text kundi ang tungkol sa kasal. “Gusto ko ng gown na Vera Wang. Mayroon sa MOA.” “Gusto ko sa Tagaytay ikasal. Maganda ang venue doon sa Sonia’s.” “Pink ang gusto kong motif, okay lang ba?” “Tulips ang gusto kong bouquet, may makukuhanan kaya tayo ngayon?” “Juan Carlo ang gusto kong caterer.” “Dapat may prenup photos din tayo.” Ilan lang ang mga ’yon sa mga naaalala kong mga request niya kahit wala pa kaming napagkakasunduan. Alam kong pangarap ng bawat babae ang magarbong kasal, pero bakit mag-aambisyon kung wala namang budget? At higit sa lahat, wala pang groom. Napilitan akong sumakay sa kotse niya pero nang makakita ako ng parking lot ay pinaparada ko siya roon. “Hindi ba tayo kakain?” tanong niya. “Hindi ako nagugutom.” “Pero gutom na ang baby natin,” katwiran niya. “May pera naman ako kung wala kang pambayad.” Nagpanting ang tainga ko pero hindi ko siya pinatulan. “Iwan mo ang sasakyan mo rito at magpunta tayo d’yan sa karinderya sa tapat.” “But I don’t want karin—” “Kung ayaw mong kumain d’yan, saka na lang tayo mag-usap. Pumunta ka na lang sa restaurant na gusto mong kainan pero hindi ako sasama.” Napasimangot siya. “Gusto ko lang naman ng chicken joy. Ang sungit-sungit mo.” Siguro nga ay harsh ako, pero kung sa ngayon pa lang ay hindi na siya kakain ng lutong-karinderya, ano pa kung sakaling makasal kaming dalawa? Ano? Laging sa Jollibee at kung ano-anong take-out sa mamahaling restaurant at fast-food ang kakainin niya? Bukod sa hindi healthy ang fast-food, mahal din ’yon at wala akong pera. “Kaya kita inayang makipagkita sa ’kin ngayon dahil gusto kong mag-usap tayo. May itatanong ako.” Bumuntonghininga siya. “Mag-drive-thru na lang tayo.” Salamat naman sa Diyos at may sense din siyang kausap. Nagmaneho si Roselle at nang pumila sa drive-thru ay saka siya nagtanong. “Ano’ng gusto mo?” “Wala. Ikaw na lang ang kumain. Busog ako.” Pero ang totoo ay kumakalam ang sikmura ko dahil halos hindi ko naubos ang lomi na libre ni Ryan kanina. Matabang ang panlasa ko. Napansin ko rin ang pagkahulog ng aking katawan kasabay ang pangingitim ng palibot ng mga mata ko sa kawalan ng tulog. “Okay.” Nag-order siya para sa kanyang sarili at nang makuha ang pagkain ay nag-drive na siya papunta sa park. Pumarada siya roon at nagsimulang kumain. Buntis nga siya dahil dati hindi naman ganito ang kanyang appetite. “Ano’ng gusto mong pag-usapan?” “Sino’ng kasama mo noong hindi ka nakikipagkita sa ’kin?” Wala na akong panahong magpaligoy-ligoy pa. “Wala. Sino naman ang kikitain ko?” Ipinagpatuloy niya ang pagkain at parang nagtanong lang ako sa hangin. Wala siyang matinong sagot. “May nakakita sa ’yo.” “O? Para namang wala kang ibang babaeng inilabas? Pareho lang tayo.” Si Marjorie siguro ang nakita niyang ka-date ko. Pero hindi gaya ni Roselle, walang nangyari sa ’min ni Marjorie at kumain lang kami sa labas. “Ang sabi mo sa ’kin, wala kang kinita. Bakit ngayon pareho na tayo?” Pinamulahan ng mukha si Roselle, halata ang tinitimping galit. “Kung ano’ng kaya mong gawin, kaya ko rin. Wulf, hindi ako katulad ng ibang mga babae mo na tutunganga na lang at maghihintay kung kailan mo gustong puntahan.” “Kaya ka naghanap ng iba? Dahil busy ako sa school at paghahanap-buhay?” sarkastiko kong tanong sa kanya. Sa inaasta at sinasabi ni Roselle, malayong-malayo siya sa babaeng pinangarap ko. “Bakit? May iba ka rin naman, ’di ba? Iba’t iba pa nga, e. At hindi lang isa,” katwiran niya. “Kung ang sinasabi mo sa ’kin na kaya mong gawin lahat ng ginagawa ko, paano ko malalaman na sa ’kin ang dinadala mo?” Natahimik siya, siguro’y hindi niya naisip ang consequences ng mga lumabas sa kanyang bibig. “Sa ’yo ang batang ’to. Bakit lagi mong pinagdududahan?” “Dahil hindi lang ako ang lalaki sa buhay mo. Tama ba ’ko?” Bumakas ang galit sa kanyang mukha. “Tama ako, ’di ba? Roselle, kung hindi ka sigurado na ako ang ama ng batang ’yan, huwag mong ipilit sa ’kin para lang hindi ka magpalaking mag-isa ng anak mo. Mali ’yon.” “Sa ’yo ang batang ito.” Napailing ako. “Hindi ako nakasisiguro hanggang hindi natin naipapa-DNA ang bata.” Binalikan niya ako roon. “Payag akong ipa-DNA mo ang bata pero ikaw ang gagastos,” nakangisi niyang sabi sa akin. May halo ’yong panlalait. “Galingan mo pa. At oras na malaman kong niloloko mo lang ako, hindi ko alam ang magagawa ko sa ’yo.” Siguro’y nakaramdam siya ng takot kaya siya napaiyak. Sa pagitan ng paghagulhol niya ay sinabi niyang nakipag-date siya sa iba pero naniniwala siyang sa akin ang ipinagbubuntis niya. Hindi na niya kailangang sabihin sa akin na may nangyari din sa kanila ng ka-date niya. Sa kalibre ni Roselle, hindi na ako magtataka. “Sino ang lalaking ’yon?” “Hindi mo siya kilala at walang point para pag-usapan pa natin ang tungkol dito. Ang focus natin ay ang pagbubuntis ko. Magkakaanak na tayo, Wulf. At ayaw kong manganak nang hindi kasal sa ’yo. Please, let’s get married. Kahit sa huwes lang muna. At kapag nakaipon ka na, puwede naman tayong magpakasal uli.” Hindi ako umimik hanggang sa ihatid niya ako sa kanto malapit sa amin. “Sasabihin ko sa mga magulang ko na gustong makipag-usap ng mommy mo. Pero, Roselle, hindi ko maipapangako sa ’yo na magpapakasal tayo. Katulad ng sinabi ko sa ’yo noon, hindi ko tatalikuran ang responsibilidad ko sa bata kung akin talaga siya. Hindi natin kailangang magpakasal para do’n.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD