Isa

3274 Words
"Isa, Dalawa, Tatlo, Apat, Lima, Anim, Pito, Walo, Siyam, Sampu." bilang ko habang nakapikit ang mga mata ko.   Pagkatapos kong magbilang hanggang sampu ay dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko para hanapin na ang kalaro sa pinag tataguan niya.   Maliwag at katirikan ng araw ng mga oras na ito ngunit hindi ito naging hadlang sa pag lalaro naming dalawa ni Uno dahil ito ang napili naming laro na dalawa.   Paalis palang ako sa pwesto ko ng biglang patakbong lumapit sa akin si Uno.   "Save!" sigaw niya habang patakbong papalapit sa akin.   Napapikit ako sa kanya dahil sa nagulat ako sa pag sigaw niya.   "Ang daya mo talaga kahit kailan Uno!" galit na sigaw ko sa kanya.   "Bakit? Paano ako naging madaya?" nag tatakang tanong nito sa akin.   "Hide and Seek ang laro natin hindi paunahan mag save!" inis kong sambit sa kanya. "Bakit hindi ka muna nagtago tapos hahanapin kita! Madaya!" inis kong sambit sa kanya.   Napapakamot nalang sa ulo si Uno habang pumipwesto sa malaking bato na tapikan namin kapag mag se-save na kami. Nakatingin lang ako sa kanya habang nakakipkip ang braso ko sa tapat ng dibdib ko.   Tumingin siya sa akin na tila ba'y nag papaawa.   "Oo na ako na ang talo. Sige na magtago ka na at ikaw naman ang hahanapin ko," asar sambit ni Uno sa akin.   "Mabuti naman kung ganun sige na mag bilang ka na at mag tatago na ako." inis na sambit ko sa kanya.   Tumalikod na si Uno sa akin at nag simula ng mag bilang.   "Babawian ko 'tong mokong na 'to." natatawang sambit ko sa sarili ko.   Walang patagal-tagal ay umalis ako sa pinaglalaruan namin at iniwan ko siyang mag isa sa parke bilang ganti sa kanya ay umuwi ako sa bahay namin para uminom muna ng tubig.   Tumakbo ako ng mabilis pauwi sa bahay para mabilis din akong makabalik sa parke ngunit sa hindi inaasahan ay habang nasa bahay ako ay nagluluto si mama ng paborito naming turon na may langka kumuha ako agad ng isa para kainin ito.   "Ang init!" sigaw ko habang hinahawakan ang dila at labi ko.   Tumingin si Mama sa akin at alalang kinausap ako.   "Teka kasi anak i-blow mo kasi muna. Ikaw talagang bata ka." nag aalalang sambit ni Mama sa akin.   Lumipas na ang ilang minuto at malapit ko ng maubos ang kinakain kong turon ay doon ko palang nalaman na nakalimutan ko ng mag isa sa parke si Uno.   Dali-dali akong kumuha ng supot at naglagay ako ng dalawang turon sa plastik at tsaka patakbo akong lumabas ng bahay.   "Ma! Nakalimutan ko na si Uno sa park balikan ko lang po!" patakbo kong sigaw kay Mama.   "Sige!" pasigaw na tugon nito.   Pawis na pawis akong nakarating sa parke at walang Uno akong nadatnan doon.   "Uno! Uno! Uno!" paulit-ulit kong tawag sa pangalan niya.   Ilang minuto din akong nag hintay sa pinaglalaruan namin ngunit wala siya hanggang sa naglakad-lakad ako at natunton ko ang paborito naming spot sa park.   Nakita ko si Uno na nakaupo sa swing habang malungkot ang mukha na nakatitig sa ilog. Dahan-dahan ako lumapit sa kanya at sabay sigaw sa tenga niya.   "Boo!" sigaw ko sa tenga nya.   Nalaglag si Uno sa kinauupuan niya at nadungisan ang kanyang damit.   "Xandra!" gigil na sambit niya sa akin.   Tumingin siya sa akin ng masama at padabog na umalis sa harap ko kaya hinabol ko agad siya at humingi ako ng tawad sa kanya.   "Masyado ka namang magugulatin," patawa kong sambit sa kanya.   "Madaya ka kasi!" galit na sigaw niya sa akin. "Wala sa usapan na uuwi ka ng bahay niyo at gagawin mo akong tanga dito na mag isang lalaro!" galit na sambit niya sa akin.   "Sorry na." malungkot na sambit ko sa kanya habang inaabot ko ang isang plastik ng turon sa kanya.   Nanlaki ang mata niya at napalunok sa dala ko at madali niya itong inabot at kinain.   "Hindi ibig sabihin nito na hindi na ako galit sayo!" galit na sambit niya sa akin.   "Ok." malungkot kong tugon sa kanya.   Umupo ako sa kabilang swing at huminga ng malalim para mag paawa sa kanya.   "Hayyyy... Siya na dinalhan ng meryenda! Siya pa galit!" inis na sambit ko habang nakaupo sa swing at sinisipa-sipa ang buhangin dito.   Napangiti nalang ako ng biglang gumalaw yung swing na inuupuan ko. Lumingon ako sa likod ko at nakita kong nakangiti sa akin si Uno habang tinutulak ang inuupuan kong swing.   "Sorry na din kung dinaya kita sa laro pero kahit na sobrang madaya ka din sa laro at iniwan mo akong mag isa dito ay hinding-hindi ako magagalit sayo. Maiinis at mag tatampo pwede pa pero magagalit hinding-hindi mangyayari 'yun kasi ikaw lang ang nag iisang kaibigan ko tsaka meron namang turon na kapalit ng pag hihintay ko sayo ng matagal," nakangiting sambit niya sa akin.   "Sorry din kung pinag hintay kita ng matagal iinom lang naman sana ako ng tubig pero naamoy ko ‘yung turon na niluluto ni Mama kaya napakain ako tapos nakalimutan kita," biro ko sa kanya.   "Ganyan ka naman talaga Xandra eeh. Makakalimutin ka talaga! Naalala mo yung hiniram mong comics na kakabili ko palang? Asan na nga ulit 'yun? Nabasa ng ulan at hindi na napakinabangan," inis na sambit niya sa akin.   "Oo na sorry na nga papalitan ko naman yung comic book mo eeh kaso nga lang wala akong pera kasi ang mahal nun," nahihiyang sambit ko sa kanya.   "Paano mo mapapalitan 'yun eeh limited edition 'yun," asar na sambit niya sa akin.   "Nag sorry na't lahat-lahat at dinalhan na ng pagkain tapos ganito pa rin siya puro ngawa pa din." parinig ko sa kanya.   Hindi naman sana hahantong pa dito pero hindi ko alam bakit napa arte ko ‘ding bata at nag mamaldita pa ako kay Uno.   "Buti nga bumalik pa ako dito! Iniwan na lang sana kita!" sigaw ko sa kanya sabay tayo sa kinauupuan ko.   Dahil sa galit ko ay hindi ko namalayan na malakas pala ang galaw ng swing kaya nadapa ako ng tumayo ako sa swing at sumubsob ako sa lupa kaya nagasgasan ang tuhod ko at dumugo ito.   Sobrang sakit ng nararamdaman ko ngayon dahil nagasgas ang tuhod ko at nag kagalos ang siko ko.   "Ang sakit!" maluha-luhang sambit ko.   Tumingin ako ng masama kay Uno at tumakbo ako ng mabilis papalayo sa kanya habang patuloy na bumabagsak ang luha sa mga mata ko.   Pilit akong hinabol ni Uno ngunit hindi niya ako mahabol-habol dahil masyado siyang malaking bata at madali siyang mahingal kapag sobra ang laro naming dalawa.    Walang lingon-lingon sa pinanggalingan ko at umuwi ako sa bahay.   Umuwi ako sa bahay na umiiyak. Sa labas palang ng bahay ay sinalubong na agad ako ni Mama.   "Anong nangyari sayo?" nag aalalang tanong niya sa akin.   "Nadapa po ako sa park Mama," humahagulgol kong sambit sa kanya.   "Halika sa banyo at hugasan natin ang mga sugat mo." malambing na sambit ni Mama sa akin.   Sumunod lang ako kay Mama sa loob ng banyo at dahan-dahan niyang hinugasan ng sabon ang aking sugat upang malinisan ito.   Iyak ako nang iyak ng hinuhugasan ni Mama yung sugat ko dahil talagang kinuskos niya ito para magdugo at lumipas ang ilang minuto ng paglilinis ay lumabas na kami sa banyo upang punasan naman ito ng betadine.   Pinaupo ako agad ni Mama sa sofa at kinuha ang first aid kit namin.   "Upo ka lang muna at kukunin ko ang first aid kit." sambit ni Mama sa akin sabay alis sa harapan ko.   Patango-tango lang ako sa kanya habang tinitingnan siyang inaabot ang medical kit namin sa itaas ng kabinet.   Pagkakuha ni Mama ng medical kit ay ginamot na niya ang sugat ko. Sobrang saya ko kapag inaalagaan ako ni Mama piling ko mas magiging masaya ako kapag ako lang ang baby nila dahil nasa akin lang ang tuon ng kanilang atensyon ni Papa ngunit hindi ko pala ito masusulit pang muli dahil may bata na sa sinapupunan ni Mama ngayon.   Habang nililinis ni Mama ang sugat ko ay hindi ko maiwasang titigan siya.   "Bakit?" nagtatakang tanong niya sa akin.   "Hindi pa ba ako sapat para sa inyo?" seryosong tanong ko sa kanya.   Nagulat siya sa tanong ko at nanlaki ang mga mata niya.   "Ano?" gulat na tanong niya sa akin.   "Sabi ko po kung hindi pa po ako sapat sa inyo ni Papa," sambit ko sa kanya muli.   "Bakit mo naman nasabi 'yan?" tanong niya sa akin.   Hinawakan ko ang tiyan niya at huminga ng malalim.   "Ito. Alam ko kung anong meron diyan kasi napag aralan namin sa school," paliwanag ko sa kanya.   "Ooh? Anong meron? Bakit ayaw mo ba ng kapatid?" tanong niya sa akin.   "Ayaw ko." seryosong tugon ko sa kanya.   Biglang bumulaslas ng tawa ni Mama sa akin.   "Kahit anong gawin mo mag kakaroon ka na ng kapatid," natatawang sambit niya sa akin.   "Bakit nga kasi ganun Mama?" malungkot na tanong ko sa kanya.   "Anak, Alam mo ba kapag nakalabas na si Baby at lumaki na siya ay may makakasama ka ng maglaro sa labas ng bahay meron ka na agad bestfriend," nakangiting saad niya sa akin.   "Nandyan naman si Uno Mama kaya hindi ko na kailangan ng kapatid," sambit ko sa kanya.   "Si Uno at ang kapatid mo ay magkaiba anak kasi si Uno kaibigan mo lang sa labas pero si Baby-" putol na sambit niya sa akin.   "Kaibigan sa loob? Ganun ba 'yun Mama?" nagtatakang tanong ko sa kanya.   Napapailing na lang si Mama sa akin habang tumatawa na nakikipag usap sa akin.   "Siguro ngayon hindi mo pa masyadong naiintindihan ang kahalagahan ng kapatid kaya sa susunod ko na lang muli ipapaliwanag sayo." nakangiting sambit ni Mama sa akin.   Tumayo si Mama sa kinauupuan niya at kinuha ang suklay para ayusin ang pagkakapuyod niya sa akin.   Sinuklayan ni Mama ang buhok ko habang kinu-kwentuhan ako.   "Ikaw lang ang prinsesa namin dahil lalaki ang kapatid mo," nakangiting sambit niya sa akin.    "Baby brother? Ayy bakit?" malungkot na sambit ko sa kanya.   "Ayaw mo ng baby brother?" tanong niya sa akin.   "Ayaw ko ng baby brother at ayoko ng baby Mama." maluha-luha kong sambit sa kanya.    Niyapos-yapos ni Mama ang mukha ko sabay halik sa pisngi ko.   "Magluluto na ako ng hapunan natin gusto mo ba akong tulungan?" tanong niya sa akin.   Tumango ako sa kanya at hinawakan ko ang mga kamay niya sabay sama sa kanya papunta sa kusina.   Maganda ang bonding namin ni Mama kasi sa akin lang nakatuon ang kanyang atensyon kaya sobra na lang ang pag kadismaya ko ngayon dahil magkakaroon na ako ng kaagaw sa atensyon niya.   Sa mga oras na ito ay nakalimutan ko ang galit ko kay Uno at napunta ito sa kapatid kong hindi pa sinisilang.   Masama na ba ang ugali ko kapag ganito ang inaasal ko? Hindi naman ako masamang bata pero bakit hindi ako masaya na mag kakaroon na ako ng kapatid? Gusto ko sa akin lang mapunta ang atensyon nila Mama at Papa. Lumipas ang ilang minuto ay nakaluto na kami ni Mama ng hapunan pagkatapos nito ay tinulungan ko siyang maghain ng makakain naming sa la mesa at ilang sandali pa ay dumating na si Papa galing trabaho kaya sinalubong ko siya at tinulungan na mag alis ng kanyang sapatos at pagkatapos ay inaya ko na siyang pumunta sa kusina at umupo na ako sa upuan ko.   Masayang-masaya ako na nakikita ko na masaya si Mama at Papa ngunit hindi ko talaga nakikita ang pamilya na ito na lalaki pa sa tatlo.   Masayahing tao si Papa kaya masaya din ang pamilya namin dahil sa kanya.   Pagkatapos naming kumain na pamilya ay sabay-sabay kaming nag linis ng aming mga sarili at sabay-sabay din kaming natulog na tatlo na mag kakatabi.   Lagi akong nasa gitna nila Mama sa kama at gustong-gusto ko ito dahil nalulunod ako sa halik at mga yakap nila.   Kinabukasan.   Ganung oras pa din akong pumunta sa parke para puntahan si Uno. Pinasalubungan ko siya ng paborito kong mani para humingi ng tawad sa kanya dahil sa inasal ko kahapon.   Dumating ako sa parke ngunit wala si Uno dun kaya umupo na muna ako sa swing at hinintay siya doon.   "Asan na kaya siya?" tanong ko na lang sa sarili ko.   Inilagay ko ang bag ko sa harap ko at kinuha ko ang binili kong pagkain.   "Kakainin ko na ba ito ng wala si Taba o hihintayin ko siyang dumating?" sambit ko habang palinga-linga sa paligid.   Ibinalik ko sa loob ng bag ko ‘yung pagkain na dala-dala ko at inilapag ko sa sahig ‘yung bag ko para makapag laro ako ng maayos.   Tatakbo-takbo ako sa park habang inaaliw ang sarili ko hanggang sa nakita ko sa ‘di kalayuan si Uno kaya agad ko siyang sinalubong.   "Bakit ngayon ka lang?" tanong ko sa kanya.   "Hindi sana ako pupunta dito ngayon kasi alam kong galit ka." malungkot na tugon niya sa akin.   Idinikit ko ang hintuturo ko sa noo niya at tsaka ko ito itinulak palikod.   "Pwede ba 'yun? Best friend kita kaya mabilis lang na mawawala ang galit ko sayo," nakangiting sambit ko sa kanya. “Totoo ba ‘yan?” “Oo!” sambit ko habang itinataas ang hinliit ko sa kanya.   Naging masaya muli kaming dalawa at pagkatapos ay naglaro na kami sa parke. Habang naglalaro kaming dalawa ni Uno ay bigla na lang ako napaisip kung dumating ang panahon na mag hihiwalay na kaming dalawa at hindi na magkakasama pang tumanda.   "Sana Uno hanggang pag tanda natin magkasama tayo noh?" malambing kong sambit sa kanya.   "Oo naman! Hindi tayo mag hihiwalay na dalawa dahil pangako ko sayo 'yan," masayang tugon niya sa akin.   "Promise?" habang tinataas ko ang hinliliit ko.   "Promise." tugon niya niya sa akin.   Ngumiti ako sa kanya ng pagkalaki-laki at niyakap ko siya ng mahigpit.   "Best friend forever!" masayang sambit namin sa isa't-isa.   Habang nag ngingitian kaming dalawa ni Uno ay kumuha siya ng matulis na bato sa tabi ng inuupuan naming swing at tumayo siya papunta sa isang malaking puno sa tabi ng ilog pagkatapos ay nagsimula siyang umukit ng pangalan naming dalawa.   [Uno & Sandra]   "Habang nabubuhay pa ako ay lagi dapat tayong magkasama na dalawa dahil crush kita," nakangisi niyang sambit sa akin.   "Taba! Ayan ka na naman sa crush eeh! Best friend tayo kaya dapat hanggang pag tanda natin ay magkasama tayong dalawa." nakangiti kong tugon sa kanya.   Pagkatapos kong pag masdan si Uno na nag susulat ng pangalan namin sa puno ay naisipan ko na lang na tumakbo papalayo sa kanya.   "Taya!" sigaw ko kay Uno sabay takbo papalayo sa kanya.   "Hoy!" sigaw niya sa akin.   Tumakbo ako ng mabilis papalayo kay Uno para habulin niya ako. Hirap at hingal si Uno na humahabol sa akin kaya tumigil na ako sa pagtakbo.   Mula sa malayo ay nakatingin ako kay Uno na hingal na hingal na naglalakad papalapit sa akin kaya agad akong lumapit sa kanya.   "Kahit kailan napaka bagal mo talagang tumakbo!" panunukso ko sa kanya.   "Hindi mo naman kasi sinabi na mag lalaro tayo ng taya-tayaan eeh!" hingal na sambit niya sa akin.   Inakay ko sa gilid si Uno at inabot ko sa kanya ang tubigan ko.   "Ooh inom ka muna," sambit ko sa kanya sabay abot ng tubig ko sa kanya.   "Salamat!" tugon niya sa akin sabay kuha ng tubigan ko at inom ng laman nito.   Hingal na hingal pa rin si Uno kaya tinapik-tapik ko ng bahagya ang kanyang likod para makahinga siya ng maluwag.   "Nakakapagod tumakbo," hingal na sambit niya sa akin.   "Sorry. Bakit parang ang hina mo naman ngayon Uno? Samantalang lagi naman tayong tumatakbo kapag naglalaro tayo ng tagu-taguan?" nag aalalang tanong ko sa kanya.   "Hindi ko din alam eeh! Kanina pa 'to kaya ang tagal kong makarating dito sa tagpuan nating dalawa kasi parang pagod na pagod ang pakiramdam ko." sambit niya sa akin.   Habang nag uusap kaming dalawa ni Uno at nag papahinga dahil sa pagtakbo naming dalawa ay nagulat na lang ako ng tingnan ko siya.   Nanlaki ang mga mata ko ng nakita kong tumutulo ang mga dugo sa magkabilang butas ng ilong niya.   "Uno?" kinakabahang sambit ko sa kanya.   "Bakit?" habang pinupunasan ang ilong niya.   "Nag dudugo ang ilong mo!" takot na sambit ko sa kanya.   Tiningnan ni Uno ang kamay niya at nakita niya ang dugo sa kanyang kamay.   "Sandra! May dugo!" mangiyak-ngiyak na sambit niya sa akin.   Kinakabahan ako sa nakikita ko sa kanya kaya agad akong tumayo sa kinauupuan ko at tumawag ako ng saklolo.   "Tulong! Tulong! Tulungan niyo po kami!" paulit-ulit na sigaw ko mula sa kalye ng parke.   Umiiyak na ako nito at nanginginig na ako sa takot dahil kay Uno habang umiiyak ako at nanginginig sa takot ay may dalawang lalaki na lumapit sa akin. Nakasuot sila ng itim na damit at may nakapasak na parang kable sa kanilang tenga.   "Manong! Tulungan niyo ako yung kaibigan ko po kasi dumudugo ang ilong niya! Natatakot po ako para sa kanya!" humahagulgol kong sambit sa kanya.   "Nasaan siya?" alalang tanong sa akin ng isang lalaki.   "Nandoon po!" sambit ko sabay turo sa malaking puno.   Tumakbo ako agad papasok sa loob ng parke at sinundan ako ng mga lalaking hiningian ko ng tulong at napasigaw na lang ako ng sobrang lakas ng nakita kong nakahiga na sa sahig si Uno habang walang malay.   "Uno! Uno! Uno!" sigaw ko sa kanya habang niyuyogyog siya.   "Sir! Sir!" sigaw ng lalaki habang ginigising si Uno.   "Anong nangyari sa kanya? Bakit po siya walang malay?" paulit-ulit na tanong ko dun sa lalaki ngunit hindi niya ako tinutugon at patuloy lang siya sa pagbuhat kay Uno at pagkatapos ay idinala nila ito sa sasakyan.   "Saan niyo po dadalhin ang kaibigan ko?" takot na tanong ko sa kanila.   "Umuwi ka na sa inyo at kami na ang bahala sa kanya." tugon ng isang lalaki sa akin sabay sara ng pinto ng kotse.   Mabilis ang patakbo nila ng kotse at naiwan akong mag isa dito sa parke. Kinakabahan ako ng sobra sa nakita ko dahil ngayon palang ako nakakita ng ganun sa buhay ko.   "Please! Please! Wag kang mamamatay Uno!" umiiyak kong sambit habang nananalangin.   Palakad-lakad ako sa parke hanggang sa maisipan kong umuwi na lang muna sa bahay.   Madumi at umiiyak akong umuwi sa bahay namin. Sa labas palang ng bahay namin ay madali akong sinalubong ni Mama na alalang-alala sa akin.   "Bakit ang dumi-dumi mo? At umiiyak ka na naman?" nag aalalang tanong niya sa akin.   Mas lumakas ang iyak ko dahil sa nag aalala talaga ako kay Uno.   "Ano bang nangyari? Nag away na naman kayo ni Uno?" galit na tanong niya sa akin.   "Hindi po! Hindi!" humahagulgol kong sambit sa kanya.   "Bakit ka nga umiiyak?" galit na tanong niya sa akin.   "Si U-u-no-no k-kasi Ma-mama may dugo na lu-lul-mabas sa il-lo-ong niya ta-tapos na-nag hanap ako ng tulong sa-a ka-kalye kanina tap-o-os nakita-aa na-amin na tulog na si Uuuno," humahagulgol kong sambit sa kanya.   "Anong nangyari? Bakit siya dinugo sa ilong?" tanong niya muli sa akin.   "Hindi ko po alam Mama," umiiyak kong sambit sa kanya.   "Sige na maligo kana at tumahan ka na sa pag iyak mo magiging ok din si Uno." kalmadong sambit niya sa akin.   Pumasok na ako sa loob ng bahay namin para maligo at makapag pahinga. Pagkatapos kong maligo ay natulog na ako sa silid namin at mabilis akong nakatulog nito dahil sa napagod ako sa pag lalaro at sa pag iyak ko ng mag hapon.   Nagising ako ng madaling araw dahil kumulo ang tiyan ko dahil hindi ako nakapag hapunan ngunit dahil sa madilim ang kapaligiran ay ipinikit ko na lang muli ang mga mata ko at natulog na lang muli ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD