kabanata 9

2109 Words
Dumating ang magulang nina Dorothea na hapon na, ang dami nga ng mga itong mga pasalubong. Si Elnora naman ay nakaalis na bago dumating ang mga ito. “O, bigyan mo nito si Elnora,” sabi ng mama niya habang inaabot ang mga iba’t-ibang klase ng mga pasalubong, alam na alam talaga ng mama niya kung ano ang gusto ng kaibigan. “Ito pala ‘yon? ‘Yung nakita kong kinakain ni Amsel no’ng nakaraan.” Mabilis na napalingon si Dorothea dahil sa sinabi ng kapatid, pinasingkit niya ang mata sa hawak nitong barquillos. Gusto ni Amsel ang pagkain na ‘yon? Nilibot niya ang tingin sa buong lamesa kung saan nakalatag ang mga pasalubong, at nang makita niya ang dalawang balot ng barquillos ay agad niyang dinampot ang mga iyon. Sinundan iyon ng tingin ng kapatid niya kaya tinaasan niya ito ng kilay, nagkatinginan sila saglit bago ito makahulugan na ngumiti. “O, bakit?” galit na tanong niya. “Wala, wala,” saad nito at tumawa. Nag-init ang mukha niya. Bakit pakiramdam niya ay alam nito na kay Amsel niya ibibigay ‘yon? Gusto niya lang naman magpasalamat sa ginawa nito noong dito ito natulog. Inirapan niya ang kapatid at tumalikod. Ayaw na niyang makita ang nang-aasar na ngiti nito. Lunes ay may pasok na naman. Laking pasasalamat niya na walang kababalaghan na nangyari ng dalawang gabi. Nakatulog siya ng maayos at mahimbing. “Nor!” pagtawag niya kay Elnora nang makita niya itong naglalakad papunta sa klase. Ngumiti ito at kumapit sa braso niya. “Nakauwi na sila tita?” “Oo, no’ng nakaraan pa.” Ngumisi siya. “Alam mo na, may pasalubong.” “Yes! ‘Yan ang hinihintay ko e.” Pagkarating nila sa room ay binigay niya agad ang mga pasalubong kay Elnora dahil masikip ang bag niya, dala niya rin kasi ang gym uniform nila dahil may gagawin silang activity ngayon. “Masarap ‘to?” tanong ni Elnora at bubuksan na sana ‘yung isang barquillos ngunit agad niyang inagaw. “‘W-wag ‘yan, sa’kin ‘yan!” Natigilan ito at ngumuso. “Patikim lang ako!” “Aba, ang dami mo nang pasalubong tapos gusto mo pang kainin ‘yung sa’kin?” pagsusungit niya at binalik sa bag niya ang dalawang barquillos. “Sabihin mo kina tita na salamat a.” Pagkatapos ng unang klase nila ay pinagpalit na sila ng gym uniform, sa totoo lang ay hindi niya alam kung anong activity ang gagawin nila. Pero kailangan nilang magpalit, lalo na ng mga babae dahil nakapalda sila. Pumasok siya sa banyo para magpalit, walang tao. Pinili niya ang nasa pinakadulong cubicle dahil may sabitan ng bag doon. Habang nagpapalit ay may narinig siya na kalabog sa kabila, natigilan siya sa pagsusuot ng t-shirt habang pinapakiramdaman ang kabila pero ilang segundo na ay wala na siyang narinig. Inisip niya na baka may nahulog lang. Pagkatapos niyang magbihis ay hinanap niya si Elnora sa labas ng banyo, sabi nito ay susunod daw ito pero hindi naman sumunod. Hindi niya ito nakita, pero si Amsel ay nakita niya sa hindi kalayuan. Mag-isang nakaupo sa waiting shed habang nakatingin sa phone. Huminga siya ng malalim at nag-aalangan na lumapit. Tumigil siya sa harap nito pero hindi siya nagsalita, una nitong nakita ang paa niya kaya’t mabagal itong nag-angat ng tingin. Ngayon niya lang napansin na bagong gupit ito, ang mga buhok na tumatakip minsan sa noo nito ay nawala. Bakit ba ngayon niya lang napapansin ang pagiging magandang lalaki nito? Napatigil siya sa pag-hinga habang nakatingin ito sa kanya, nakalimutan niya biglang magsalita. Sumandal ito at nilagay ang phone sa bulsa bago nagsalita. “Bakit?” “Uh. .” Tinapik nito ang tabi nito. “Umupo ka rito.” Gumalaw siya para umupo pero bigla siyang nahiya. Bumalik siya sa kinatatayuan niya at hinawakan ng mahigpit ang bag niya. “Buksan mo ‘yung bag mo,” sabi niya kaya kumunot ang noo nito. “Bakit?” “Basta!” aniya at lumingon-lingon sa paligid, baka kasi makita siya ni Elnora at ng iba nilang kaklase. Pagtapos ay binalik niya ang tingin kay Amsel na pinapanood siya. “Bilis! Buksan mo na!” “Bakit nga?” tanong nito. “Mamaya kung ano pa ang ilagay mo e.” Tiningnan niya ito ng masama. “Basta, may ibibigay lang ako sayo. Magugustuhan mo ‘to.” Binalot ng kuryosidad ang mukha nito, pinasingkit ang mata sa kanya habang binubuksan ang bag. Binuksan niya rin ang bag niya at kinapa ang barquillos sa loob. “‘Wag kang titingin, mamaya mo na tingnan kapag nakaalis na ako.” Pinandilatan niya ito. “Mag-promise ka na hindi mo titingnan agad at ‘wag mong sasabihin ito sa mga kaklase natin.” Ilang segundo muna siya nitong pinagmasdan bago mabagal na ngumiti at tumango. Huminga siya ng malalim at sinenyasan itong mag-iba ng tingin kaya tumingin ito sa gilid. Mabilis niyang nilabas sa bag niya ang mga barquillos at nilagay sa loob ng bag ni Amsel. Bago pa man ito makalingon sa kanya ay nagmamadali na siyang tumakbo palayo, nang malayo na siya ay lumingon siya at nakitang sinusundan siya nito ng tingin. “Hoy!” Napatalon siya nang gulatin siya ni Elnora na nakapagpalit na rin, tumawa ito at nang makita nito ang mukha niya ay nawala ang ngiti. “O, bakit namumula ka?” “Ha?” aniya. Lumilinga-linga ito sa paligid. “Wala naman si Kaleb, bakit namumula ka ng ganyan?” “Anong ibig mong sabihin?” “Kay Kaleb ka lang namumula ng ganyan e.” Agad siyang umakto na galit. “Baliw, naiinitan lang ako.” Tinalikuran na niya ang kaibigan para pumunta sa school field at sinundan naman siya nito. Marami nang estudyante ro’n. Sumimangot siya dahil mainit. Bwisit na bwisit siya nang malaman na makikinig lang pala sila, at pinagpalit sila ng uniform dahil uupo sila sa d**o. “Nakakabwisit,” saad niya. Sa hindi kalayuan ay nakita niya si Kaleb, tinitigan niya ito at nang lumingon ay nginitian siya. Napangiti siya at agad naman siyang siniko ni Elnora. “Ay, sus! Halatang-halata!” kantyaw nito. Inabot yata ng dalawang oras ang pagsasalita ng principal nila, puro lang naman tungkol sa mga magaganap na events ang sinabi. Pati na rin ang mga rules and regulations ng school nila. Ang maganda lang na nangyari ay libre ang mga pagkain sa canteen ngayon kaya naman ang daming tao. Tumatakbong hinila niya si Elnora papunta sa unahan kaya’t nagsigawan ang mga siningitan nila. “May pila, hoy!” “Hoy, baboy! Bawal sumingit!” “Okay lang si Elnora, pero ikaw bawal!” “Ay, ang kapal ng mukhang sumingit!” Hindi niya pinansin ang mga sigawan, sanay na rin naman siya kaya’t ginagamit niya iyon para gawin ang mga gusto niya. Pagkatapos nilang makakuha ng pagkain ay nakahanap agad sila ng uupuan. Kasama nila sa lamesa si Darien, ang tahimik na estudyante na binubully ni Amsel no’ng nakaraan. Na-curious tuloy siya bigla kung bakit ito binu-bully ni Amsel kahit ang tahimik na ito. Sa dalawang taon kasi na nakilala niya iyon ay hindi niya nabalitaan na napaaway iyon. Ngayon, ano kayang dahilan? “Hi, Elnora!” bati nito at bumaling sa kanya. “Hi, Dorothea!” Tipid siyang ngumiti. “Hello.” Ngumiti lang ito at nagpatuloy sa pag-kain. Siniko siya ni Elnora at bumulong, “Ang weird niya no?” “Bakit?” “Ewan ko, basta may weird feeling ako sa kanya.” Pinagmasdan niya si Darien, tumigil ito sa pag-kain at tumingin sa phone. Kumunot ang noo niya nang mabagal itong ngumiti habang nakatitig pa rin doon, napaangat ito ng tingin at hindi niya alam kung bakit siya kinilabutan. Agad na napawi ang ngiti nito at binitawan ang phone. “Bakit? May dumi ba ako sa mukha?” “Wala,” sagot niya. “Sabi sayo e,” bulong ulit ni Elnora. Hindi siya kumibo. Ngayon ay naiintindihan na niya ang sinasabi ng kaibigan, hindi niya alam kung bakit siya kinilabutan nang ngumiti ito. Habang kumakain tuloy sila ay hindi niya maiwasan na mapatingin. Paminsan-minsan ay may tinitipa ito sa phone, at tuwing gano’n ay hindi nakakaligtas sa mata niya ang pagtatago nito ng ngiti. Naningkit ang mata niya nang tumapat sa kanya ang phone nito, pakiramdam niya tuloy ay kinuhanan siya nito ng litrato. Pero naisip niya na ang kapal naman ng mukha niya para isipin ‘yon. “Dessert naman tayo,” excited na sabi ni Elnora habang binubuksan ang isa sa mga pasalubong na binigay niya rito. Nilingon niya ang kaibigan. “Doon mo na ‘yan kainin sa room natin.” “Bakit?” Tumayo na siya kaya nagtatakang tumayo na rin ito, napatingin din siya kay Darien nang mag-angat ito ng tingin. Wala siyang sinabi at tumalikod, ngunit nanigas siya sa kinatatayuan niya nang makita niya si Amsel na palapit sa gawi nila. Mabilis ang paglapit nito at kitang-kita niya kung gaano kagalit ang itsura nito. Akala niya ay sa kanya ito lalapit pero nilagpasan lang siya nito at sa gilid ni Darien tumigil. Napatakip siya sa bibig nang hilahin ni Amsel ang tray na gamit ni Darien mula sa lamesa kaya’t kumalat ang mga pagkain nito, nahulog ang mga plato at kutsara sa sahig. “B-bakit?” tanong ni Darien habang pinapagpagan ang sarili dahil natapunan ito. “Bakit?” pag-uulit ni Amsel sa tanong ni Darien habang naniningkit ang mata. Nilagay nito ang isang kamay sa loob ng bulsa ng pantalon, ang isa ay hawak pa rin ang tray. Hinawakan si Dorothea ni Elnora sa braso para umatras pero hindi siya gumalaw. “W-wala naman akong ginagawa sayo. .” mahinang sabi ni Darien. Mabilis siyang napakurap nang biglang ipalo ni Amsel ang hawak na tray sa likod ng ulo ni Darien. Pagkatapos ay sinipa pa ni Amsel ang upuan na inuupuan nito kaya tumumba ito sa sahig, narinig pa niya na nauntog ito. “Oh my gosh,” sambit ni Elnora sa tabi niya. Napababa ng tingin si Dorothea nang maramdaman niya na may tumama sa paa niya, phone ni Darien iyon. Dinampot niya ito at para siyang binuhusan ng malamig na tubig nang makita na hindi iyon naka-locked. At ang larawan niya habang nagbibihis siya ay nandoon. Nakita niya na sinesend nito kay Amsel ang mga larawan niya, ang huli ay ngayon-ngayon lang habang kumakain siya. Tama nga siya ng hinala kanina, kinuhanan siya nito ng litrato. Hindi siya nakagalaw at para bang nagblangko ang utak niya, naririnig niya ang boses ni Elnora ngunit niya ito naiintindihan. Gusto niya lang malaman. Bakit may larawan siya sa phone ni Darien habang nagbibihis siya kanina sa banyo? Anong dahilan nito at sinesend pa nito ito kay Amsel? Tulala na sinundan niya ng tingin si Amsel na lumalapit sa kanya ngayon, natauhan siya bigla nang agawin nito sa kanya ang phone. Napakurap siya nang ihagis nito iyon sa sahig at nagkalas-kalas, tumalsik ang mga iba’t-ibang parte. “Dorothea,” sambit ni Amsel. Nagtiim-bagang siya at nagbaba ng tingin kay Darien na nakahiga sa sahig at sapo ang likod ng ulo, nakita niya na putok na ang isang mata nito. Nanginginig na napakuyom siya ng kamao at mabibigat ang paa na lumapit. “Darien!” sigaw niya kaya lumingon ito sa kanya. “B-baki—” Hindi na nito naituloy ang sasabihin nang suntukin niya na ito sa kabilang mata kung saan wala pa itong tama. Napasigaw ito nang sinabunutan niya ito gamit ang dalawa niyang kamay habang nakahiga pa rin ito sa sahig, inalog-alog niya ang ulo nito habang minumura ito nang paulit-ulit. Napatigil lang siya nang hawakan siya ni Amsel sa braso, galit na nag-angat siya ng tingin. “Sandali! Hindi pa ako tapos sa hayop na ‘to!” sigaw niya at sinabunutan ulit ito. “Isang sapak na lang!” Binitawan siya ni Amsel at tumango. “Sige, lakasan mo a.” Hindi na siya nag-isip pa. Inipon niya ang buong lakas niya sa kamao niya at sinuntok sa mukha si Darien, hindi niya alam kung nawalan ba ito ng malay dahil hinila agad siya patayo ni Amsel. Nagsigawan ang mga estudyante nang dumating ang isang teacher. Natauhan bigla si Dorothea at nagtago sa likod ni Amsel habang hawak niya ang uniform nito. “Esguerra at Costanza! Sumunod kayo sa’kin ngayon na!” Galit na sabi nito bago lumabas ng canteen. Napangiwi siya. Hindi gumalaw si Amsel kaya tinapik niya ito at sinenyasan na sumunod na lang sila. Wala siyang kasalanan, ipaliliwanag niya ang lahat. Sasabihin niya ang tungkol sa mga larawan. Bahala na.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD