kabanata 2

1405 Words
Forty-two days ago “Dorothea! Gumising ka na’t tanghali na!” Ang sigaw ng mama ni Dorothea ang nagpagising sa kanya ngayong umaga, ngunit hindi niya iyon pinansin at nanatiling nakapikit pa rin dahil sa sobrang pagkaantok. Halos inumaga na naman kasi siya sa kakanood ng anime kaninang madaling araw, ‘yan tuloy ay napanaginipan niya si Kageyama na hinanap muna siya nito sa crowd at nginitian bago ito pumuntos. “Dorothea! Kapag ako ay umakyat diyan, hihilahin ko ‘yang buhok mo pababa ng hagdan!” Inis na bumalikwas siya ng bangon at pinadyak-padyak ang mga paa dahil sa inis, nayayamot siya dahil ginising siya kung kailan maghahalikan na sana sila ni Kageyama sa panaginip niya. Kahit walang gana ay hindi pa naghihilamos na bumaba na siya para kumain, naaamoy niya na kasi ang sinangag na niluluto ng mama niya. Pati na rin ang mainit na tsokolate na tinitimpla nito. “Anong oras na?” Patay malisya niyang tanong pagkababa niya. Alam niya naman na alas otso na ng umaga at isang oras na lang ay oras na ng eskwela niya. Lumingon ang kanyang mama. “Magtatanong ka pa! Kay bagal-bagal mo pa naman kumilos! Lagi ka na lang late! College ka na kaya dapat ay hindi ka na papetiks-petiks lang!” Ngumuso siya at humikab. Hindi na siya kumibo pa, sanay na siyang binubungangaan siya ng mama niya, at saka kapag sumagot pa siya ay malilintikan lang siya. Ngumiti siya nang sumubo siya ng sinangag at itlog, hindi niya alam pero pagkain na lang yata ang dahilan kung bakit pinipilit niya pang mabuhay. Wala naman kasi siyang jowa. Pagkatapos kumain ay hindi na siya nag-abala na magmadaling maligo at magbihis, late na rin naman siya. Pero sandamakmak na sermon lalo ang inabot na naman niya. “Dorothea!” sigaw na naman ng mama niya mula sa baba. “Ito na!” Nagmamadali niyang sinabit sa balikat niya ang kanyang bag habang bumababa ng hagdan. “Lintik ka talaga, late ka na nga at nagawa mo pa talagang. . .” Napatigil sa pagbaba si Dorothea nang maramdaman niya na parang may nakasalubong siya, parang may pwersa ng hangin ang bumangga at tumagos lang sa katawan niya. Napapikit siya ng mariin at sinuyod ng tingin ang itaas na bahagi ng hagdan. “Ano na lang ang sasabihin ng prof mo?” Ang boses na iyon ng mama niya ang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan. Pumikit siya saglit at agad din na dumilat, pagkatapos ay napakurap ng ilang beses. “Oh, ano na ang nangyari sayo? Kakanood mo iyan ng anime, mukhang nawawala ka na sa sarili!” Muling sabi ng kanyang mama. Nilingon niya ito na nakatayo sa baba ng hagdan, pinagmamasdan siya nito at nakapamewang. Hawak ang lunchbox na hinanda nito para sa kanya. Hindi na siya nagsalita pa, tuluyan na siyang bumaba ng hagdan at kinuha ang inaabot nitong lunch box. “Alis na ako, ma,” paalam niya bago niya ito hinalikan sa pisngi. Hinagod nito ang kanyang likod. “Mag ingat, ha. Alam mo na ba ang daan?” Tumango siya at tuluyan nang lumabas, ang hilig siyang bungangaan ng mama niya pero kapag paalis na siya ay nagiging malambing ang boses nito. Naabutan niya ang kanyang papa na gumagawa ng cabinet nila sa labas, alam niyang naramdaman nito ang paglabas niya. “Pa, alis na ko.” Hindi ito lumingon sa kanya. “Ingat,” sambit nito at tumigil sa paglalagari bago siya tinawag kaya’t napalingon siya. “May extra baon ka na ba?” Ngumiti siya ng maluwang. “Wala pa po.” Kuminang ang mata niya nang tumayo ito at dumukot ng pera sa bulsa nito, inabot nito sa kanya ang isang-daan. Malawak ang ngiti na kinuha niya iyon saka ito hinalikan sa pisngi bago siya kumakaway na umalis. Pagkarating niya sa Norbridge kung saan siya nag-aaral ay laking galak niya nang makitang nakatambay pa ang ilan niyang mga kaklase sa labas ng classroom nila. Ibig sabihin ay wala pa ang professor nila! “Ay, ayan na si baboy!” Ang sinabi ng kaklase niya na iyon ang nagpasimangot sa kanya, ang aga-aga ay sira agad ang araw niya. Wala siyang naging reaksyon nang lumingon sa kanya ang mga kaklase niya. “Muntik ka na ma-late, baboy ah?” sabi ni Jonas. Ang isa sa mga laging nang-aasar sa kanya, umirap siya at hinarap ito. “Pake mo?” Nilagpasan niya iyon at ipinatong sa lamesa niya ang lunchbox na dala niya. “Tangina, ang tanda-tanda na ay naka-lunch box pa rin!” ani Dion at umupo sa katapat na upuan niya. Pumikit siya ng mariin at binagsak ang kamay niya sa lamesa niya kaya’t nakagawa iyon ng ingay, ang ilan sa mga kaklase nila ay napalingon. “Pwede ba? Ang aga-aga niyo naman sirain ang araw ko!” Galit na sabi niya. Tumawa lang ang dalawa. “Sungit mo kasi, baboy. Kaya walang pumapatol sayo e!” “Gago ka ah, ano personalan na talaga?” Malakas na sabi niya. Nagtawanan ang mga kaklase niya. Ito ang dahilan kung bakit tinatamad siyang pumasok sa klase, paano ba naman ay siya lagi ang napipisil na asarin ng lahat. Wala nang bukambibig ang mga ito kundi baboy. Hindi naman siya sobrang mataba, chubby lang! Tsaka kumpara sa ibang mga payat diyan ay may korte naman siya! Ang ilong niya ay pango, inaamin niya na maliit lang siya ngunit hindi naman siya masasabing pandak. Hindi rin siya maputi at morena lang, ang mga mata niya ay bilugan. Tanging pilikmata at kilay lang yata ang nagugustuhan ng mga tao sa kanya, makakapal kasi ang mga iyon at mahahaba. Hindi naman siya katulad ng kaklase nila na si Halsey na maganda na nga ay maganda pa ang hubog ng katawan, dagdag pa na makinis ang maputing balat nito. Nagbuntong-hininga siya at tahimik na umupo. Tumabi sa kanya si Elnora kaya’t napalingon siya rito. “Ano, nakalipat na kayo?” tanong nito. Tumango siya. “Oo, pero hindi pa ako sanay matulog masyado sa bago kong kwarto.” “Mabuti nga ikaw may bago nang kwarto e,” sabi nito. “Punta kami sa bahay niyo ah, sa susunod.” “Kapag maayos na ang lahat, ginagawa pa ni Papa ang mga ibang gamit namin,” sagot niya. Isang linggo na nang lumipat sila sa bago nilang bahay, lumalaki na kasi ang bunso niyang kapatid na lalaki kaya nagpasya ang mga magulang niya na oras na para lumipat na sila ng bahay. Lagpas sampung taon din silang nanirahan doon sa dati. Ayos naman para sa kanya ang bago nilang bahay dahil mas malapit iyon sa school nila, kumpara sa dati. Ngunit napapansin niya na simula nang lumipat sila roon ay nakakaramdam na siya ng kung ano-ano. “Totoo ba ang multo?” tanong niya kay Elnora. Tumawa ito. “Bakit? May nararamdaman ka ba sa bahay niyo?” “Wala naman, ang weird lang.” Umiwas na siya ng tingin nang pumasok ang prof sa classroom. Kanya-kanya ng pulasan at ayos ang lahat, kasama na si Elnora na hindi naman niya talaga katabi. Lumingon siya sa katabi niya na si Warren, magmula pa nang mag-umpisa ang sem na ito ay katabi niya na ito. “Sh¡t. Ang gwapo talaga,” usal niya sa hangin. “Ano?” Nagtatakang tanong nito. “Ha?” Gulat na napalingon siya. “Wala, kausap ko sarili ko.” Kumunot ang noo nito, saka binaling ang tingin sa prof nang walang sinasabi. Tahimik lang si Warren pero hindi naman siya suplado talaga, mukhang ayaw lang nito ng maingay. Ang mga tropa nito na sila Jake ang maiingay, lalo na si Alexander na lahat yata ay kaibigan. Hindi naman niya kaklase ang mga iyon dahil iba sila ng course, pero dahil lagi niyang nakikita ay nakilala na rin niya. Idagdag pa na may sari-sariling crush ang mga kaklase niya sa mga iyon. Wala siyang napupusuan sa mga iyon pero kung isa man sa mga ito ang manliligaw sa kanya ay hindi na siya magpapakipot pa. Sa totoo lang ay hindi niya pa nararanasan na maligawan ng mga gwapo, ang mga nagkakainteres sa kanya ay mga pangit! Alam niya naman na hindi siya sobrang kagandahan, pero wala bang gwapo na magkakamali riyan? Gabi-gabi na lang siyang humihiling na sana kahit may isang magkamali at magustuhan siya. Pero wala!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD