GUSTO kong sumama sa Batangas at mag-unwind. Kapag nagkukwento si Russel tungkol sa pamilya n'ya ay naiintriga ako. Parang ang gulo pero ang saya nila. Ako kasi, maagang naulila sa mga magulang ko at wala akong kapatid. Lumaki ako sa tiyahin kong soltera. Eskwelahan lang at bahay ang naging buhay ko kaya ngayong nasa unibersidad na ako ay nakahinga hinga ako ng kaunti. Sa Nueva Ecija kami nakatira pero ngayon ay nagrerenta ako sa dorm. Naghihintay ako dito sa coffee shop. May dala akong bag na pang dalawang araw. Sa Linggo pa kasi ang balik namin.
"Hoy, kanina ka pa ba d'yan? Pasensya ka na, late ako. Hindi kami agad pinalabas ni Prof," hinihingal na sabi nito. Dala rin n'ya ang bag n'ya pero mas malaki. Puro maruruming damit siguro nito at papalabhan sa kanila.
"Ayos lang. Gusto mo ng maiinom bago tayo pumunta sa bus station?"
"Hindi na, may nagtitinda naman sa bus. Tayo na at baka gabihin tayo. Ako na ang magdadala ng bag mo," kinuha nito sa akin ang bitbit ko.
"Ako na, hindi naman mabigat 'yan."
"Huwag ka ng makulit."
Hindi na ako nagpumilit pa dahil hindi rin naman s'ya magpapaawat. Kaarawan bukas ni Darwin, ang bunsong kapatid ni Russel. May isa pa silang kapatid na babae, si Georgia. Graduating sa highschool ito samantalang si Darwin ay nasa third year. Isang sakay lang ng jeep papuntang bus station mula dito sa coffee shop. Palibhasa ay binibili na ahead of time ang ticket, hindi na agawan ng upuan. Mas maayos ang sistema ng pagbabyahe papuntang probinsya.
Itinuon ko ang mga mata ko sa labas at ng mapagod ay ipinikit ito. Nagising na lang ako na nakaakbay si Russel sa akin at nakahimlay ang mukha ko sa dibdib n'ya. Nakatulog na din pala s'ya. Nang tingnan ko ang oras ay alas kwatro pa lang ng hapon. Mabilis lang ang byahe, isang oras lang. May Star Tollway na kasi ngayon.
Kumawala ako sa kanya at doon s'ya bahagyang naalimpungatan. "Sorry, nakatulugan na kita."
Ngumiti si Russel. "Ayos lang, nakatulog din naman ako. Malapit na tayo sa Balagtas. Doon tayo bababa tapos isang jeep na lang at malapit na tayo sa amin."
Nang makarating kami sa subdivision ay pumara s'ya ng tricycle. Malapit lang pala ang bahay nila dito sa kanto at pwedeng lakarin na lang pero may dala s'yang mga bag at medyo may kabigatan rin 'yon. Bumungad sa gate ang isang babaeng nasa mid-forties. Ito siguro ang kanyang ina.
"Russel, anak nandito na pala kaya," hinarap n'ya ako. "Ikaw ba si Maxine, pasok ka Ineng."
Nagmano si Russel sa kanya at ganoon din ang ginawa ko. "Magandang hapon po."
"Kaawaan ka ng Diyos."
Mayamaya ay may lumabas na isang dalaga. Kamukha ni Russel, ito siguro si Georgia.
"Kuya! Ang aga mo nga — sino 'to?"
Nakakunot ang noo n'ya at mukhang nagulat sa pagdating ko. "Hi, I'm Maxine. Kaibigan ko ang kuya mo."
"Hi, you can call me Gia. Pasok ka." She sounded so formal at pilit ang ngiti. She probably didn't like my presence. Pero baka hindi lang s'ya sanay na may kasama ang kuya n'ya.
Kumain kami ng hapunan kasama ang buong pamilya n'ya. Kauuwi lang pala ng tatay n'ya noong isang buwan. Si Darwin ay kadarating lang galing sa bahay ng kaibigan n'ya. Katamtaman lang ang laki ng bahay nila. Bungalow na may tatlong kwarto. Malawak ang salas at may kalakihan rin ang kusina at dining room.
"Kuya, ang ganda ni Ate Maxine. Girlfriend mo ba s'ya?" Makulit din itong si Darwin.
"Sira ka talaga. Kaibigan ko lang 'yan."
Tumingin sa akin si Darwin. "Totoo ba 'yon? Torpe kasi 'yang si Kuya."
"Aba't —"
Papatulan na sana ito ni Russel ng sawayin ni Aling Dahlia. "Darwin, tigilan mo ang kuya mo. Pasensya ka na, Ineng sa bunso namin at talagang makulit 'yan."
"Okay lang po."
Nag-aasaran silang magkakapatid tungkol sa huling laro nila mg scrabble at ang iingay nila pero nakakatuwa sila. Ito ang hindi ko naranasan. Tatlong taon lang daw ako ng mamatay sa car accident ang parents ko sabi ni Tia Carmel. Wala akong masyadong alaala sa mga magulang ko maliban sa ilang litrato na magkakasama kami. Even that is vague. Nang matapos kaming kumain ay tumulong ako sa pagligpit kahit ayaw nila. Si Gia ang naghugas ng plato at ako naman ang nagtuyo. Si Darwin ang nagpunas ng mesa habang si Russel ay tinakpan ang mga tirang ulam at nilagay sa ref.
"Laro tayo," aya ni Gia sa akin. May kapit s'yang box ng scrabble.
"Sige."
Nagpunta kami sa terrace at naglaro. Nagkakasarapan kami ng laro at panay panay ang kain ng chichirya ng pitikin ni Gia ang tenga ni Darwin.
"Aray, Ate naman!"
"Bakit mo kinuha 'yong letter S. Napakadaya mo talaga kahit kailan."
"Bilangan na," sabi naman ni Russel na ginulo ang board. I was horrified at sabay pa kaming nagreact ni Gia.
"Kuya! | Russel!"
Nagkatinginan si Darwin at Russel at sabay na humalakhak. Humalukipkip si Gia at pinaningkitan ng mata ang kuya n'ya.
"It's just a game. Ulitin na lang natin. Last game na," kakamot kamot na sabi nito.
"Anong parusa?"
"Sinong kulelat, s'yang maglalaba ng madumi kong damit," kampanteng sabi nito. Presko din akala mo s'ya talaga ang mananalo.
"Para 'yon lang pala, sisiw. Kapag ako ang nanalo, ililibre ako ng kulelat ng spaghetti at chicken joy," sabi naman ni Darwin.
"Ang siba mo talaga. Kapag ako ang nanalo, ang kulelat ang maghuhugas ng plato ng isang linggo," tumingin ito kay Darwin at bumelat.
"Ikaw, anong gusto mo," untag ni Russel sa akin.
"Meron ba dapat? Akala ko kayo lang eh," napakamot ako sa leeg ko.
"Meron dapat para pantay."
"O sige na nga. Ah, kapag ako ang nanalo — bibilhan ako ng kulelat ng brazo de mercedes."
"Yes! Manalo matalo may pagkain!"
Naghagalpakan kami ng tawa sa sinabi ni Darwin. Ang hilig n'ya sa pagkain pero ang payat n'ya. Maganda ang naging laro namin ay sa huli ay natalo si Russel. S'yempre ako ang panalo kaya s'ya ang bibili ng cake ko. Sari sari pa ang palusot nito na tinawanan lang namin.
"Iba na lang ipabili mo. Mananaba ka lang sa cake," tatawa tawang sabi nito.
"Sus! Natalo ka lang ayaw mo ng bumili. Basta, bili ka at pagsasaluhan pa namin ni Darwin 'yon."
"Sali ako d'yan, Ate Max. Huwag nating bigyan si Kuya," humagikhik pa si Gia. Kwela din pala ito once she warms up to you.
Ang saya ng pamilya nila. Pangarap ko lang ito eh. Simpleng tao lang sila pero kitang kita ang pagmamahal kahit na nag-aasaran. I'm glad I went with Russel. Pagkatapos ng simpleng handaan sa birthday ni Darwin ay umuwi na rin kami sa Maynila ng Linggo. Bandang tanghali kami umalis. Ngunit ang saya ko ay biglang nalusaw ng datnan ko ang aking tiya sa dorm. Mabalasik ang mukha at nagpupuyos sa galit.