February 2008
Ilang araw na lang, prom na. Ako lang yata ang hindi excited. May mga nagyayaya na sa aking maka-date ako pero duh, kakain lang naman du'n saka sasasayaw. Bakit kailangan ng ka-date? Ang importante sa akin kasama ko si Tristan. At mukhang wala naman siyang...
Teka, sino 'yung babaeng nakaluhod sa harap niya?
Napatakbo ako nang makitang pinagkaguluhan na din sila ng ibang estudyante. OMG, si Ashley ng lowest section. Ang babaeng palamura na parang ang tingin niya sa sarili niya Diyosa at alipin niya lahat ng tao sa classroom nila. Hindi ako makapaniwalang luluhod siya sa harap ni Tristan. Ano siya nagpe-pray?
"Please, Tristan. Ako na lang ang i-date mo sa prom." Saka ko lang narinig ang sinabi niya nang lumapit pa ako ng kaunti.
Napabuntung-hininga si Tristan na parang sawang-sawa na sa mga ganoong eksena. "Ano ka ba. Tumayo ka nga d'yan!" Singhal niya kay Ashley.
"Sige na, please?" pero ang kulit talaga ng bruha.
Hindi ako papayag na ibang babae ang makakasama ni Tristan sa prom kaya hinawi ko lahat nang nakaharang sa akin at sumingit ako sa usapan nila. "Teka, bakit ka naman niya ide-date, e may ka-date na siya?" matapang kong saad
Napatingala si Ashley kay Tristan at hinihintay ang sagot nito. Siyempre, walang idea ang best friend ko sa mga pinagsasabi ko kaya ako na ang sumagot para sa kanya. "Ako ang ka-date niya. May problema ka?" Sabay abrisiete sa braso ng best friend ko na hindi na lang nakagalaw. Ayaw niya yata akong mapahiya. Mabuti na lang at hindi siya umalma. Naiinis na tumayo siya duon at binangga ako sa braso. Hanggang sa magpulasan na rin ang mga tsismoso't tsismosa.
Kaming dalawa na lang ni Tristan ang naiwan sa ilalim ng puno sa gitna ng school namin. Duon niya ako pinagalitan. "Bakit sinabi mong tayo ang magka-date?"
"You're welcome huh?"
"Oh, so you have done me a favor by lying. Great!"
"Bakit may ka-date ka na ba?"
"Oo." Parang gustong manlambot ang mga tuhod ko. Edi sa prom night mapapahiya ako kasi, makikita ng lahat na may kasama siyang iba at hindi ako? "Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan mo pa kasing sumali. Kaya ko namang sabihin sa kanya ang totoo."
"E sino ba kasi 'yang ka-date mo?"
"Si Helga."
Parang gusto kong kainin na lang ako ng lupa ngayon. Si Helga? Ang babaeng pantasya ng lahat sa school? Siya ang babaeng katumbas ni Tristan sa lahat ng bagay. Mas mataas nga lang ang grades niya sa best friend ko dahil siya ang number one student sa campus. She's perfect. Iyon lang ang pwedeng gamitin na adjective sa kanya dahil bukod sa maganda at matalino, nabalitaan kong mabait daw ang babaeng 'yon kahit hindi ako naniniwala. Wala namang taong perfect.
Nagtataka na lang ako kung bakit ba hindi ko naisip na pwede magustuhan ng best friend ko ang katulad ni Helga?
Siyempre, I will immediately assume that Tristan likes her. Hindi naman siya yayayain ng best friend kong maging date sa prom kung ayaw niya sa babaeng 'yon.
I suddenly remembered how Tristan would like to get a girlfriend. Gusto niyang paghirapan ang babaeng jojowain niya. Ibig sabihin ba nito, pakipot na babae ang Helga na 'yon? I mean, hindi ba siya nagpakita ng interest sa best friend ko kahit kaunti?
Paano niya nagawa iyon?
Paano niya na-resist ang best friend ko?
"Aalis na ako. Sasabay ka bang umuwi?"
Umiling ako at halos maiyak na nang tumakbo palayo sa kanya. Sobrang sama ng loob ko.
Natatakot ako ngayon. Mawawala na ba siya sa akin?
Inisip ko 'yon hanggang sa sumapit ang gabi. Ang sakit lang na 'yung lalaking lihim kong minamahal ay mapupunta lang ng ganoon kabilis sa ibang babae. Ni hindi nga nag-effort ang babaeng 'yon para magustuhan siya ni Tristan. Samantalang ako, araw-araw ng nagpapapansin, hindi pa rin niya makita. Para lang akong hangin sa paningin ni Tristan. Minsan nga yata hindi niya pa ako nararamdaman!
Napasubsob ako sa unan ko habang umiiyak nang may marinig akong sigawan sa kabilang kwarto. That's my parent's room.
"Ano'ng balak mo sa anak natin? Hahatiin mo? Hindi mo kukunin si Kianne! Kung sasama ka sa babae mo, lumayas ka na dito! Hindi ka namin kailangan!" malinaw sa pandinig ko ang sinabi ni Mommy habang umiiyak siya.
Babae? Ano'ng ibig sabihin noon? Maghihiwalay na sila?
Mas nakadagdag pa 'yon sa iniisip ko.
"Rose, I'm sorry. I don't love you anymore."
Hindi ko alam kung paano tatanggapin ang narinig kong mga salita mula kay Daddy. He used to love my mom with all of his heart. Bakit may iba ng babae? Bakit hindi na niya mahal ang Nanay ko?
"How can you this to me, Art? Binigay ko lahat. Inalagaan ko ang anak natin, ang mga kinikita mo. I've been a good wife to you. This is unfair! Kaya ba ayaw mo na halos tumabi sa akin? At kaya ba... kaya ka ba umalis noon?" Naluha ako nang marinig 'yon mula kay Mommy. I can attest to everything she had said. She's always been a great Mom and wife. Siya ang tunay na ibig sabihin ng salitang perpekto. Hindi si Helga. Maganda, maalaga sa pamilya. Mapagmahal. Hindi niya deserve lahat ng sakit na nararamdaman niya ngayon. "Ang sabi mo, kailangan mong umalis noon dahil maganda ang opportunity sa US? Hindi kita pinigilan kahit ayaw kong wala ka sa tabi namin ng anak mo. Pero wala kang narinig na reklamo, Art. I trusted you with my life. We trusted you! Tapos ngayon, may babaeng dumating lang sa buhay mo na halos tatlong buwan mo pa lang kakilala, eto? Iiwan mo na ako? Ano bang pinakain niya sa'yo para magbago ng ganyan ang pagmamahal mo?"
"I know. Kaya nga nahihiya ako sa'yo. I simply fell out of love. And I am sorry."
Lalong lumakas ang iyak ni Mom kaya naghagilap ako ng maipantatakip sa mga tenga ko. Ayoko na silang marinig kaya nagsalpak ako ng rock music sa CD player ko at mas nilakasan ko 'yon habang naka-headset ako.
Kasabay ng malakas na tugtog, mas nilakasan ko ang pag-iyak. Iyon lang naman ang kaya kong gawin sa ngayon. Saka ko na iisipin ang problema. Umiiyak lang ako hanggang sa makatulog.