“Oh Steph, bakit busangot na naman ang mukha mo?”
Hindi niya pinansin ang itinanong sa kanya ni Lucille dahil naiirita pa rin siya habang iniisip na ‘yong Lydia na iyon na naman ang kasama ng Tito Zeke niya mamaya.
Hindi naman kagandahan ang babae na yon! Marami ngang pimples sa mukha na tinatabunan lang ng makapal na make up. Tapos ang arte-arte! Pwe!
“Hulaan ko, tungkol na naman yan sa girlfriend ng Tito mo, tama ba?”
Napalingon na siya kay Lucille habang masama ang tingin niya.
“Paano, magdi-date na naman sila mamaya!” ayaw na lang niyang isipin kung ano pa ang ibang gagawin ng dalawa mamaya dahil ngayon pa lang ay nagseselos na siya ng sobra! Ayaw niyang may ibang babaeng malapit sa Tito niya bukod sa kanya. Kaya lang, may girlfriend ito. At hindi naman niya maitaboy-taboy ang girlfriend nito.
Napapalatak naman si Lucille pagkatapos ay umiling-iling.
“Sabi ko naman kasi sa’yo, wag mo nang gustuhin ang Tito mo. Tito mo iyon noh, kadugo mo! Hello? Ang daming lalaking nagkakagusto sa’yo dito sa school. Bakit di na lang sila ang pansinin mo.” Mataray nitong pangangaral sa kanya.
Lalo lang tuloy siyang nainis dahil sa sinabi nito. Kahit kailan talaga ay hindi nito suportado ang pagkakagusto niya sa Tito Zeke niya. Ipinagpapasalamat na lang niya na hindi nito iyon ipinagsasabi sa iba dahil nga mag best friend silang dalawa.
“Eh siya nga kasi ang gusto ko.” mariin niyang wika at napanguso pa siya. Kung pwede nga lang na utusan niya ang puso niya na wag makaramdam ng espesyal para sa Tito niya. Ewan ba niya, mabait naman siya. Pero bakit kailangan niyang pagdaanan ang ganitong pagsubok na mismong Tito niya pa ang mamahalin niya.
Tama si Lucille. And daming nagkakagusto sa kanya. Pero talagang ang Tito Zeke lang niya ang gusto niya.
Para sa kanya ay wala itong kasing gwapo, kasing macho at kasing sweet. Wala nang hihigit pa kaysa rito.
“Ang tigas kasi ng ulo mo. Wala namang kapupuntahan yang kahibangan mo kasi magkadugo nga kayo. Tsssk. Kahit magkahiwalay pa ang Tito mo at ang girlfriend niya ay imposible pa ring maging kayo…”
“Sige, idiscourage mo pa ako. Kaibigan ba talaga kita?” kunwari ay naiiyak na tanong niya rito.
“Oo kaya nga concern ako sa iyong babae ka. Oh ayan na ‘yong isang suitor mo.” Ngumisi ito sa kanya at umayos ng upo paharap sa board. Maaga pa kaya wala pa ang professor nila.
Nang mapatingin siya sa tinutukoy nito ay nakita niyang papalapit sa kanya si Jolan, classmate nila sa subject na iyon at manliligaw rin niya na ilang beses na niyang binasted.
“Hi girls. Steph, para sa’yo nga pala. Napasobra ang bili ko kanina.” Anito sabay abot sa kanya ng isang chocolate bar.
Sus, kunwari pa ito eh alam naman niyang sinadya nitong bumili niyon para sa kanya. Imposible naman kasi yatang napapasobra ang bili nito sa tuwing magkakasama sila sa klase.
Tinanggap na lang niya at nagpasalamat siya dahil kapag tinatanggihan niya iyon ay ipinipilit lang nito hanggang sa tuksuhin na sila ng classmates nila.
Nang matapos ang lahat ng klase niya sa araw na iyon ay mag-aabang na sana siya ng taxi nang may kotseng biglang tumigil sa tapat niya.
Agad bumaba mula sa driver seat ang sakay niyon ay nagulat siyang si Jolan iyon.
At kailan pa ito nagkaroon ng kotse? Motor lang kasi ang gamit nito lagi pag papasok sa school.
“Steph, ihatid na kita sa inyo.” Offer nito sa kanya nang nasa tapat na niya ito.
“Wag na Jolan, thank you na lang.” tanggi niya.
“Sige na… Tapos kung gusto mo, daan muna tayo sa Festive. Maaga pa naman.” Tukoy nito sa isang Mall.
Biglang sumagi sa isip niya ang Tito Zeke niya. Malamang ay mamaya pa ito makakauwi o baka nga madaling araw na. Paniguradong hindi rin niya madadatnan sa bahay ang Daddy niya.
Ang lungkot naman ng buhay niya.. mag-iisa na naman siya sa bahay nila.
“Sige na nga.” Kunwari ay napipilitan niyang pagpayag.
Hindi naman iyon date kaya ok lang. Tsaka para na rin malibang siya kaysa naman magmukmok siya sa bahay tapos maiisip pa niya ang Tito niya kasama ang Lydia na iyon.
Masayang-masaya naman si Jolan at pinagbuksan pa siya nito ng pinto. Gwapo rin naman si Jolan, matangkad pa. Kaso, hanggang pagiging kaibigan lang talaga ang kaya niyang ibigay dito.
Dumiretso nga sila sa Festive galing school. Nag-ikot sila sa mall pagkatapos ay kumain na rin sila ng dinner dahil nagpumilit si Jolan. Anito ay minsan lang naman sila nagkakabonding ng ganoon at gutom na raw ito kakaikot.
Niyayaya pa nga sana siya nitong magsine kaso matigas na siyang tumanggi kaya wala na itong nagawa kundi ihatid na siya pagkatapos kumain.
“Thank you Jolan, sa paghatid at sa libre.” Natatawang sabi niya rito nang maihatid na siya nito sa labas ng gate ng bahay nila.
“Anything for you Steph. Sa uulitin.” Anito at napakamot pa ito sa batok.
“Sige na at baka hinahanap na ng Daddy mo ang kotse niya.” Natatawang biro niya rito. Bumaba pa kasi ito ng kotse at inihatid siya sa tapat ng gate.
“Hindi ah, akin talaga yan. Regalo yan sa’kin nina Mom at Dad dati pa kaso ngayon ko lang dinala sa school.”
Napalabi na lang siyang ngumiti rito at tumangu-tango.
“Oh siya. Ingat ka sa pagda-drive pauwi ha. Thank you ulit.”
“Thank you Steph. See you sa school.”
Pagkapasok niya sa gate ay saka niya lang napansin na bukas na ang ilaw sa sala. Nandiyan na kaya ang Daddy niya?
Pagkapasok niya sa sala ay nadatnan niya roon ang Tito niya habang nakatayo sa may bintana.
“Tito!” binilisan niya ang mga hakbang palapit dito at niyakap ito ng mahigpit.
“Sino ang naghatid sa’yo, Steph? At bakit ngayon ka lang nakauwi? Kanina pa tapos ang klase mo, di ba? Saan kayo nagpunta?” sunud-sunod at seryoso nitong tanong. Hindi pa nga niya nananamnam ang pagkakayakap dito ay bahagya na siya nitong itinulak palayo.
Sasagot na sana siya pero bigla namang sumulpot sa sala ang kinaiinisan niyang girlfriend nito.
“Dalaga na si Steph, hon kaya normal lang sa edad niya yan. Hayaan mo na at baka may boyfriend na yan.” Ani Lydia na hindi niya alam kung ikaiinis niya o ikatutuwa niya dahil mukhang ipinagtatanggol naman siya nito.
“Totoo ba? May boyfriend ka na?” seryoso ulit na tanong ng Tito Zeke niya.
“Classmate ko lang yon, Tito. Gumala lang kami sa mall.” Sagot niya.
“Ikaw talaga Hon, dalaga na yang pamangkin mo kaya wag mo nang masyadong i-baby.” Ani Lydia at pumagitna sa kanilang dalawa sabay kawit ng mga kamay sa batok ng Tito niya. May ibinulong pa ito at malandi itong napahagikhik pagkatapos.
Naiinis na umakyat na lang siya sa kwarto niya.
Umuwi nga agad ang Tito niya, pero kasama naman nito ang malandi at maarte nitong girlfriend. Tapos maglalandian pa sa harap niya! Hmp!