Part 3 - Miami

2148 Words
Miami, Florida “COME home, Alejo. Please,” pakiusap ng kanyang ina na si Mrs. Flocer Sampana. “Mama, hayaan mo na lang ako rito,” matabang na sagot ni Alejo. “Hijo, ano pa ang gagawin mo riyan? Wala na ang papa mo. Dadalawa na lang tayo, nasa magkabilang panig pa tayo ng mundo.” Napangiwi siya. Madalas sabihin ng kanyang mama ang linyang iyon. Mahigit isang taon na mula nang mamatay ang kanyang papa. Nang maipa-cremate ang bangkay nito ay nagpasya ang mama niya na umuwi sa Pilipinas. Nagpasya naman siyang magpaiwan sa America. Ang katwiran niya noon ay si Connie, ang asawa niyang American citizen na ayaw umuwi sa Pilipinas. Ipinanganak at nagkaisip si Connie sa America. Ang minsan nitong pag-uwi sa Pilipinas ay naging traumatic pa dahil nasali ito sa mga hostage sa isang hinoldap na bangko. Hindi naman nasaktan si Connie pero nadala na ito. Dahil doon, kahit anong pagkumbinsi niya sa asawa na umuwi sila sa Pilipinas ay parang wala itong naririnig. Pero hindi na maikakatwiran ngayon ni Alejo sa ina na hindi niya maiiwan si Connie. Ngayon ay malaya na niyang magagawa kung gusto man niyang sundin ang gusto ng ina. Wala na si Connie. Six months ago, nagreklamo si Connie ng madalas na bleeding kahit walang monthly period. Nagpunta sila sa doktor. Pagkatapos ng ultrasound ay may nakitang isang maliit na cyst. Ang akala nila ay hindi delikado iyon dahil pangkaraniwan na raw sa mga babae ang magkaroon ng ganoon, pero habang ginagamot ay lalong may nararamdamang kakaiba sa katawan ang asawa niya. Nagdesisyon silang ipatanggal ang cyst. Nagulat sila sa resulta ng biopsy. Ilang beses nilang ipinaulit ang pagsusuri sa specimen para makasiguro pero iisa lang ang resulta. It was cancerous. At hindi pa man gaanong nakaka-recover sa operasyon ay dumaing na naman si Connie. After a series of tests, hindi na ito pinalabas ng ospital. Kung ano-anong treatment ang ibinigay ng doktor at nag-schedule na rin ng chemotherapy. Gulat na gulat si Alejo, hindi makapaniwala. Maliban sa minsang pagdaing ay walang palatandaan na mayroong problema sa kalusugan si Connie. Masaya sila. Nagtagis ang mga bagang ni Alejo. Indeed, they were happy. Kaya hindi niya maintindihan kung kasalanang maging masaya sila para bigyan ng ganoon kabigat na problema. Sa kanilang dalawa, si Connie pa ang naging mas matapang sa realidad na iyon. Ito pa ang nagpalakas ng kanyang loob. Na-realize na lang niyang kay bilis palang dumating at lumipas ng mga araw. And he saw her slowly slipping away. Hanggang sa dumating ang maikling pagitan ng ilang segundong hawak pa lang niya ang mga kamay ni Connie ay parang isang kisap-matang tumigil na lang ito sa paghinga. Walang salitang makakatumbas sa sakit na naramdaman ni Alejo nang ganap siyang iwan ni Connie. Iba ang sakit na naramdaman niya nang mawala ang kanyang ama at hindi niya mapagkompara kung alin ang mas masakit: ang maulila sa ama o sa asawa. Lumipad papunta sa America ang kanyang mama para damayan siya. Pagkatapos ng libing at ilang araw na pagluluksa ay kinausap siya nito nang masinsinan. Gusto nitong umuwi na sila sa Pilipinas. Pero dahil sariwang-sariwa pa ang sugat na dulot ng pagkamatay ni Connie, nauwi lang ang usapan sa pagsagot niya nang pabalang. Umuwi sa Pilipinas ang kanyang mama nang hindi siya kasama. Alam niyang malaki ang hinanakit nito pero binale-wala niya iyon. The pain was too raw. Wala siyang ibang focus maliban sa pag-inda sa sakit ng pangungulila. Alejo became a bitter man. Hindi niya lubos-maisip kung bakit kailangang mangyari iyon sa kanyang buhay. Naging mabuting tao naman siya. Kahit nag-iisang anak, hindi siya lumaking spoiled at sakit ng ulo ng mga magulang. Muntik pa nga siyang pumasok sa seminaryo noon. He always lived the values he had learned. As far as he know, wala siyang inagrabyadong tao. Tumutulong siya sa mga nangangailangan. Kaya ganoon na lang ang pagtatanong niya kung bakit kailangang mangyari ang ganoon sa kanya. Connie was his first love. Kahit marami siyang kaibigan noong high school at lapitin ng mga babae, kay Connie lang lubusang nahulog ang loob niya. He fell in love with her almost instantly. Dahil din dito kaya niyakap niya ang kultura ng ibang bansa. Ang bakasyon ng kanilang pamilya sa America ay naging isang nabuksang pinto para sa kanya. Nang sagutin siya ni Connie, tinanggap din niya na doon na siya mamimirmihan. “Son...” pukaw ng kanyang mama mula sa kabilang linya. “Mama, huwag na muna nating pag-usapan ang tungkol diyan,” paiwas na sagot ni Alejo. Alam niyang walang patutunguhan ang usapan. Narinig niya ang paghikbi ng ina. “You know how much I want to be near you, anak. Ang totoo, kung kaya lang ng katawan ko ay kahit ako ang bumalik diyan. Pero alam mo rin kung gaano kagrabe ang sumpong ng rayuma ko. Mas dumadalas ang sumpong kapag nariyan ako. Hindi ko makasanayan ang klima riyan.” “Mama, hayaan n’yo na lang muna ako rito. Uuwi rin ako diyan.” “Pero kailan, Alejo? I hate to say this but I think you have to hear it. Sino pa ang babantayan mo diyan? Wala na si Connie. Kung gusto mo siyang makapiling, take her ashes. Kagaya ng ginawa ko sa abo ng papa mo.” Nagtagis ang mga bagang ni Alejo. Kung ibang tao lang siguro ang nagsalita ay malamang na nasigawan na niya. Pero ang ina ang kausap niya. At sa isang banda ay naiintindihan niyang may point ito. Bumuntong-hininga siya. “Give me some more time, Mama. Kapag naisipan ko nang umuwi, sa inyo ko unang sasabihin.” “Aasahan ko iyan, hijo.” Parang nakahinga nang maluwag ang kanyang ina. “Nagkakaedad na ako. Kung narito ka lang ay hindi ako masyadong mahihirapang patakbuhin ang patahian. Alam kong malayo iyon sa trabaho mo pero iba pa rin `yong nandito ka, malapit sa akin. I hope you know what I mean.” Nang matapos ang pag-uusap nila ay hindi agad lumayo sa telepono si Alejo. Nakatitig siya roon, iniisip kung tama ba ang mga salitang sinabi sa ina. Hindi niya alam kung dapat nga ba siyang magsisi. Sa kanyang sinabi, alam niyang ngayon pa lang ay umaasa na ang kanyang mama na uuwi siya sa Pilipinas. Iginala niya ang tingin sa paligid. Isang bungalow type ang tinitirhan niya. Maliit lang, dalawa ang kuwarto. Nang ipagawa ang bahay ay kasama niya si Connie sa pagpaplano. Si Connie ang may gustong maliit lang muna ang ipagawang bahay kahit hindi naman problema ang budget. Ang katwiran nito ay madali namang magpa-extend ng bahay kapag kailangan na. Sa kanya ang lupang kinatitirikan ng bahay, regalo ng kanyang Uncle Pete—ang nag-iisang kapatid ng kanyang ama—nang malamang mag-aasawa na siya. Lalo pang natuwa ang tiyuhin nang malamang si Connie ang mapapangasawa niya. Best friend ng asawa ng uncle niya—si Auntie Mercy—ang ina ni Connie. Habang ipinapatayo ang bahay ay inihahanda naman ang kanilang kasal. Hustong natapos ang bahay ay nagpakasal sila ni Connie. They both wanted to spend their honeymoon in their house. At para sa kanya, walang kasintamis ang honeymoon na iyon, kahit sabihin pang hindi naman sila nagpunta sa ibang lugar. They spent their honeymoon decorating the house. Si Connie mismo ang nanahi ng mga kurtina at throw pillowcases. Siya naman ay gumawa ng wooden swing sa ilalim ng oak tree sa likod-bahay. Magkatulong din silang nagtanim ng yellow roses sa paligid ng bahay. Dilaw ang paboritong kulay ni Connie. Pinagtawanan sila ng mga kamag-anak sa compound. Ibang klase raw ang idea nila ng honeymoon. Diniinan ni Alejo ang sulok ng mga mata. Naiiyak na naman siya. Ang totoo, hanggang ngayon ay hindi pa siya nakakabangon sa lungkot na dulot ng pagkawala ng kanyang asawa. Parang hindi pa rin siya makapaniwala. Ni wala pang dalawang taon silang nagsama. Desisyon niyang huwag munang magkaanak. Bata pa kasi sila nang magpakasal. Ang plano nila ay mga dalawa hanggang tatlong taon munang ie-enjoy ang isa’t isa bago magdadagdag ng miyembro ng pamilya. Pumayag naman si Connie. Pareho silang may trabaho. Supervisor si Connie sa isang convenience store at draftsman naman siya sa architectural firm ng tiyuhin. Naturingang laking-Amerika si Connie pero ito rin mismo ang nagsabing hindi iaasa sa yaya ang bata oras na magkaanak sila. Gusto nitong personal na alagaan ang magiging anak. Kaya naisip niyang tama lang na hindi muna sila magkaanak. Nag-e-enjoy pa kasi si Connie sa trabaho. Alam niya, isasakripisyo nito ang trabahong iyon kung magkakaanak na sila. Alejo swallowed painfully. Ngayon ay hindi na niya alam kung tama nga ba ang naging desisyon niya noon na ipagpaliban muna ang pag-aanak. At ngayon, gustuhin man niya ay wala na si Connie. He was left alone. Kung tama o mali na naiwan siyang mag-isa ay ayaw na niyang isipin. Alam niya, mas makakadagdag lang iyon sa sakit. Kung gaano ang kirot na naramdaman niya nang malaman ang tungkol sa sakit ng kanyang asawa ay mas tumindi pa iyon sa pagdaan ng mga araw. Pinilit lang niya ang sarili na harapin ang katotohanan. “Alejo!” Kumunot ang kanyang noo. Nang muling marinig ang pagtawag ay saka pa lang siya kumilos para sumilip sa bintana. Nakita niyang nasa tapat ng pinto si Uncle Pete. “Bukas iyan. Come in,” walang siglang sagot niya. “Nagmumukmok ka na naman,” sabi ng tiyuhin nang makapasok. “Of course not,” tanggi niya. “Nagpapahinga lang ako.” Pinilit niyang ngumiti. “Katatawag lang ni Mama. Kinukumusta rin kayo.” Tumango ito. “Tumawag din siya sa akin.” Tumuloy si Uncle Pete sa kusina at nagtimpla ng kape. Hinayaan lang ni Alejo ang tiyuhin. Kahit naman noong buhay pa si Connie ay malayang nakakapasok ang mga kamag-anak sa bahay. Welcome ang lahat doon. Gustong-gusto nga ni Connie na palaging may bisita dahil mahilig itong makipagkuwentuhan. He groaned inwardly. Hindi yata lilipas ang limang minuto na hindi niya naiisip ang asawa. “Coffee?” alok ni Uncle Pete. Umiling siya. Dala na nito ang puswelo ng kape nang lumapit. “Puro canned soup ang laman ng cupboard. Iyong loaf bread, mukhang expired na. Wala ring laman ang ref kundi beer at tubig. Kumakain ka ba, Alejo?” Tiningnan muna ni Alejo ang tiyuhin. Alam niya, sa likod ng malumanay na tono ay nagsisimula na itong magsermon. “Kung hindi ako kumakain, patay na rin ako ngayon,” pilosopong sagot niya. “Sa labas ako kumakain. Lahat ng klase ng kainan sa paligid, nakainan ko na. Hindi ako kumakain dito sa bahay. Malungkot.” Sinulyapan siya ni Uncle Pete, mababakas sa mga mata ang pakikisimpatya. “I understand that, Alejo. You’re mourning. Pero mahigit isang buwan nang wala si Connie. It’s about time you move on. I know, madali para sa amin na sabihin iyon. Pero hindi lang ikaw ang nasaktan, Alejo. Kami rin. We saw her grow up. Parang anak na rin siya ng Auntie Mercy mo. We were also devastated when she died. But we all have to accept that fact gaano man kasakit at kahirap `yon.” Marahas ang naging paghinga niya. “Kaya ka ba tinawagan ni Mama para sabihin sa akin iyan?” “No. Nagtatanong lang siya kung kumusta ka na rito. I told her the truth. Halos hindi ka pumapasok sa opisina at wala kang konsentrasyon sa trabaho. Alejo, nakiusap sa akin ang mama mo na pauwiin na lang kita sa Pilipinas. Hindi ako nangako sa kanya dahil kilala kita. Hindi kita madidiktahan. Saka kahit hindi mo sabihin, alam kong mahirap sa iyo na umuwi sa Pilipinas ngayon. Narito ang lahat ng alaala ni Connie.” Tinitigan si Alejo ng tiyuhin pero nag-iwas siya ng tingin. Gayunman alam niyang nagkakaintindihan sila. And the older man was right. He could see Connie everywhere. Kahit nga ipikit niya ang mga mata ay si Connie pa rin ang kanyang nakikita. “Alejo, kahit wala na si Connie ay may pamilya ka pa rin dito. Kami. Pero ang mama mo, nag-iisa na lang doon. If you really want to move on, siguro ay dapat ka na munang umuwi sa Pilipinas. Pero kung gusto mong bumalik dito ay walang problema. Property mo ang bahay na ito. Puwede mong balikan anumang oras.” “Itinataboy n’yo ba ako?” paungol na tanong niya. “No. Naisip ko lang din, kaysa naman nandito ka at palaging nag-iisip, siguro mas mabuting mag-iba ka ng paligid. Saka sigurado, matutuwa ang mama mo kapag umuwi ka. The choice is yours, Alejo. Walang pumipilit sa iyo sa gagawin mo.” Inubos ni Uncle Pete ang kape at tumayo na. “Kaysa sa labas ka na naman kumain, bakit hindi ka na lang lumipat sa amin ngayong gabi? Matutuwa ang Auntie Mercy mo kung makakasalo ka namin. Isa pa, talagang espesyal ang hapunang binabalak niya para sa gabing ito.” Noncommittal na tingin ang naging sagot niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD