Masayang nag-uusap ang magkapatid na sina, Claire at Bon. Abala silang dalawa sa paggawa ng dekorasyon para sa kanilang christmas tree. Sila mismo ang gumawa ng mga palamuti para dito.
Habang ang kanilang mama ay abala sa paghihiwa ng mga sangkap para sa lulutuin nito mamaya.
Habang ang papa nila ay hindi pa nakauwe galing sa bahay ng lolo at lola niya.
"Kuya, kailangan maganda ang pagkagawa natin para matuwa si mama at papa," tukoy niya sa christmas tree na ginagawa nila.
"Naman! Tiwala lang siguradong matutuwa sina mama at papa," wika nito.
Gumawa rin siya ng sulat para sa mga magulang. Sulat kung saan pasasalamat sa mga ito. Alam niya ang hirap ng mga magulang upang maitaguyod at mapag-aral siya sa magandang paaralan.
"Claire!"sigaw ng mama niya.
"Po!"sagot niya rito.
"Pakibantayan mo muna si, Caleb," tukoy nito sa bunsong kapatid.
Isang taong gulang pa lamang ito. Siya naman ay fourteen years old na at ang kuya niya ay fifteen years old. Agad na tumalima siya at pinuntahan sa kusina ang mama niya. Nasa gilid nito ang crib kung saan mahimbing na natutulog si, Caleb.
"Lalabas lang ako saglit, Claire bantayan mo muna si bunso," Agad na tumayo ito at nagmamadaling lumabas ng kusina.
Hindi man lang siyang hinintay na makasagot mukhang importante ang pupuntahan nito.
Hinila niya ang crib patungong sala, buti na lang at de-gulong ito kaya hindi siya nahirapan.
"Saan si mama pupunta?" usisa ni kuya Bon.
Nagkibit balikat lamang siya wala rin naman siyang idea at hindi man lang sinabi sa kaniya kung saan ito pupunta. Baka may bibilhin lang sa palengke. Ang weird lang kasi, noon nagsasabi ang mama nila sa kanila kung saan ito pupunta kahit diyan lang sa kanto.
Wala ngayon si Ate Cora kasambahay nila umuwe ito sa kanila upang doon magdiwang ng Pasko. Malapit na kamag-anak lamang nila ito. Ito ang kasa-kasama nila kapag umaalis ang mama at papa nila.
"Kukuha lang ako ng coloured paper sa taas, Claire." Tumayo mula sa pagkakaupo ang kuya niya at pumanhik paakyat sa ikalawang palapag kung saan naroon ang kwarto nila.
Umupo siya sa puwesto niya kanina. Buti na lang at mabait itong bunso nila at matagal magising. Malapit na rin matapos ang mga palamuti na sila mismo ng kuya niya ang nagdesinyo.
"Ang tagal-tagal bumaba ni kuya," ani Claire.
Bahagyang gumalaw ang bunsong kapatid. Pinapakiramdaman niya muna kung magigising o hindi. Nakita niya mula sa kaniyang puwesto na unti-unting iminulat nito ang cute na mga mata. Mabilis na tumayo siya at nilapatan ito. Ngumiti ito sa kaniya ng makita siya.
"Ang cute mo talaga, Caleb." At kinarga ang kapatid.
Nakakapagtaka lang at parang biglang bumigat ang kaniyang pakiramdam. Na para bang may kulang. Kanina lang ay masaya siya pero—nagulat siya ng biglang umiiyak si Caleb.
"Tahan na bunso nagugutom ka na ba?" Sabay kuha ng gatas nito na nasa loob ng crib. Tila gutom na gutom ito.
Tiningnan niya ang orasan na nakasabit sa dingding mag-a-alas singko na ng hapon. Kanina pa nakaalis ang mama niya pero hindi pa rin ito nakakabalik. At hanggang ngayon hindi pa rin bumababa ang kuya niya.
"Baka naka-idlip si kuya," ani Claire
Ibinalik niya ang kapatid sa loob ng crib at binigay rito ang bote ng gatas. Iniligpit muna niya ang mga kalat at inaayos ang christmas tree. Isinabit niya rin ang nagawang mga sulat para sa mama at papa niya may ginawa rin siyang sulat para sa kuya niya.
Napangiti siya ng masilayan ang napakagandang christmas tree sa kaniyang harapan. Punong-puno ng iba't ibang kulay ng palamuti.
"May kulang pa," wika niya.
Agad na tumakbo siya papuntang kusina at binuksan ang isang kabinet doon. Medyo natagalan siya sa paghahanap.
"Dito lang 'yon." Sambit niya.
"This is it!" Sabay patakbong bumalik sa may sala. Napatigil siya sa pagtakbo ng mapansin na nawawala ang crib pati na rin ang kapatid na si Caleb.
"Caleb!" malakas na sigaw niya.
Hinanap niya sa buong sala pero walang bakas ng crib o ni Caleb.
Patakbong umakyat siya sa ikalawang palapag ng kanilang bahay. Muntik na siyang matalisod sa pagmamadali.
Takot at sobrang kaba ang kaniyang naramdaman. Hinalughog na niya ang buong bahay ay walang bakas ng kaniyang mga kapatid. Pati ang kuya niya ay wala. O, tamang sabihin nawawala rin.
Hindi niya napigilan na umiyak sa sobrang pag-aalala. Tinawagan niya ang numero ng kaniyang papa pero hindi ito makontak. Hindi niya rin matawagan ang mama niya, nakita niyang naiwan nito ang cellphone sa kanilang dining table. Halos tatlong oras na siyang naghahanap. Nagtanong-tanong na rin siya sa mga kapitbahay pero hindi raw nila nakita ang mga kapatid niya.
"Mama!" Umiiyak habang nakaupo siya sa harap ng kanilang bahay. Inaabangan niya baka biglang dumating ang mama at papa niya.
"Baka may sorpresa sila sa akin kaya kunwari nagtago sila," pakukumbinsi niya sa sarili.
Hindi niya mabilang kung ilang oras na siyang nakaupo sa labas.
Medyo may kalayuan ang mga bahay rito sa kanilang lugar.
Napayakap siya sa sarili ng dahil sa lamig ng hangin.
"Bisperas na ng Pasko mamayang hating-gabi," mahinang sambit niya.
Dahil hindi niya nakayanan ang sobrang lamig ay naiisipan niyang sa loob na lang hintayin ang mama at papa niya.
"Alas-onse y medya na pala," mahinang wika niya ng makita kung anong oras na. Umupo siya sa kanilang sofa at ipinikit ang mga mata. Hindi pa man lumipas ang limang minuto ay—may malakas na na kumakatok sa kanilang pinto.
Napatayo siya ng wala sa oras at mabilis na tinungo ang nakasaradong pinto. Bumungad sa kaniya ang nag-aalalang Tiyahin kasama nito ang kaniyang pinsan.
"Para kaming mabaliw sa kahahanap sa iyo, Claire nandito ka lang pala sa lumang bahay niyo!" Niyakap siya ng kaniyang Tita Carla.
Naiiyak naman ang mukha ng kaniyang pinsan. Na tila bang naaawa sa kaniya at mababakas ang matinding lungkot sa mukha nito.
"Tita Carla hindi pa umuwe si papa at mama, sina Bon at Caleb nawawala pa, Pasko na mamaya," mahinang turan niya.
Bigla na lamang napahagulhol nang iyak ang kaniyang Tita pati na rin si Sam ang kaniyang pinsan.
"Wala na sila, Claire!" Mag-iisang taon na!" Umiiyak at mahigpit na niyakap siya nito.
Doon lamang bumalik sa kaniyang alaala ang trahedyang sinapit ng kaniyang pamilya noong nakaraang Pasko. Siya lamang ang nakaligtas. Pinasok ng mga magnanakaw ang kanilang bahay at pinatay ang kaniyang buong pamilya.
Ang lahat ng iyon ay nasaksihan mismo ng dalawang mata niya. May tama rin siya ng bala sa ulo pero siya lang ang pinalad na nabuhay.
"Sana namatay na rin ako," umiiyak na sambit niya. Isang malagim na trahedya ang nasaksihan niya sa huling Pasko na kasama niya ang kaniyang mga kapatid at magulang.