FIRST LOVE, FIRST HURT

6372 Words
Chapter 5 FIRST LOVE, FIRST HURT Hindi siya nakakilos lalo pa't nakatingin ito sa kaniya. Habang lumalapit sa kaniya si Drew ay wala siyang balak umatras. Ni hindi siya tatabi. Gusto niya ang ginagawa ni Drew na paglapat sa katawan nito sa kaniyang katawan. Ang paglapit ng mukha nito sa kaniyang mukha. Nakita niya ang pagtaas ng kamay ni Drew. Alam niyang hahawakan na siya nito. Hindi siya nagkamali, ipinatong ni Drew ang palad nito sa kaniyang braso. Hindi siya nagpahuli. Ipinatong din niya ang palad niya sa balikat ni Drew. Sobrang lakas na ng kabog ng kaniyang dibdib. Matagal niyang inasam na muling magdampi ang kanilang mga labi. At nang halos amoy na niya ang hininga ni Drew ay di niya napigilan ang mga mata para pumikit. Gusto niyang buum-buo niyang maramdaman ang pagkakadampi ng kanilang mga labi. Handa siyang magpagamit muli makuha lang ang gusto. "Akala ko ba ayaw mo nang maulit ang nangyari." Bulong niya habang nakapikit siya. "Anong sinasabi mo?" "Yung gagawin natin. Yung hahali..." "Hahalikan? Nag-expect ka talagang hahalikan kita o yayakapin?" Naramdaman niyang ang palad ni Drew sa kaniyang balikat ay humahawi pala sa kaniya para patabihin siya dahil hindi siya makadaan. "Kukunin ko lang ang cellphone kong naiwan ko kanina na ipinatong ko diyan sa likod mo." Nahimasmasan si Markie. "Sana kasi sir nagsabi na lang kayo para iaabot ko sa inyo." Huminga siya ng malalim. "Paasa ka din kasi ih!" pabulong na ang huli niyang tinuran. "Paasa? Pinaasa ba kita? Kanina ko pa sinasabi. Paano mo ako maririnig e, naka-earphone ka. Next time kasi huwag kang mangarap at umasa nang di ka napapaasa sa wala." Nakangiti niya iyong sinabi pagkakuha niya ng cellphone at mabilis din itong umalis sa harap niya. Nasapo ni Markie ang ulo. Naiirita sa sarili. "Papikit-pikit ka pa talaga eh, no. Nakita ko 'yun ah!" kasunod iyon ng malutong na tawa ni Drew habang hinuhugasan nito ang kaniyang kamay sa faucet. Napahiya si Markie. Minabuti niyang huwag na lang patulan ang pang-aalaska sa kaniya. "Nagugutom ka ba?" muling tanong ni Drew. "Hindi ho, sir." Maikli niyang sagot kahit ang totoo niyan, kanina pa kumakalam ang kaniyang sikmura. Ang alam niya kasi, hanggang 5 PM lang ang opisina. 7 PM dapat wala nang tao at tapos na siya sa mga gawain niya ngunit mag-aalas otso na nasa office pa din siya. "Sigurado ka?" "Opo sir." Magalang pa din niyang sagot. Tapos na siya sa kaniyang ginagawa ngunit nahihiya siyang humarap kay Drew dahil sa nangyari kanina. "Sige ikaw ang bahala. Ginabi lang ako dito ngayon dahil marami akong ini-rush. Sa makalawa na kasi ang annual board presentation kaya kailangan kong i-check ang mga proposal namin. Hindi ka puwedeng uuwi hangga't may tao pa dito sa opisina." Hindi pa din siya sumasagot. "Security guard pa pala ako dito." Bulong niya sa sarili. Narinig niya ang pagbukas at pagsara ng pintuan ng CR. Huminga siya ng malalim. Lumabas siya sa cubicle. Dumiretso siya sa salamin. Habang hinuhugasan niya ang kaniyang kamay ay parang naririnig pa din niya ang sinabi sa kaniya ni Drew. "Next time kasi huwag kang umasa nang di ka napapaasa sa wala." At sa totoo lang. Nasasaktan siyang marinig iyon sa unang taong minahal niya ng ganito katindi. Nang lumabas siya ng CR ay nakita niyang abala nga si Drew sa table nito. Nakayuko siya at di man lang siya tinapunan ng tingin nang dumaan siya hanggang sa nakalabas na siya sa opisina nito. "Sir, nasa pantry lang ho ako kunsakaling may kailangan kayo." Nakangiti niyang pamamaalam. Kinindatan lang siya ni Drew at ibinalik na nito ang mga mata sa kaniyang ginagawa. Bago siya tuluyang lumabas ay muli niyang tinapunan ng tingin si Drew. Kahit gabi na ay napakaguwapo pa din nito. Hinanda lang niya ang sarili na dapat ay mabilis niyang isara ang pintuan kung mapansin ni Drew na nandoon pa din siya at nakasilip. Nang magsawa siya sa kasisilip ay nagdesisyon siyang tumambay na lang sa pantry kung saan may TV. Kumakalam na talaga ang sikmura niya at para maibaling sa iba ang matinding gutom ay manonood na lang siya. Pagkabukas niya ng TV ay Got to Believe na ang palabas. Sinusuway niya dati si Marian sa panonood nito ngunit hindi niya alam kung bakit wala siyang balak ilipat iyon. Kinikilig siya kina Waki at Chichay. Umayos siya ng upo. "Chichay tayo na?" tanong ni Waki. Kinagat ni Markie ang labi. Nakangiti siyang nakatingin sa TV. "Anong tayo?" balik tanong ni Chichay. "As in mag-girlfriend boyfriend." Hindi napigilan ni Markie ang kiligin. Itinaas niya ang kaniyang paa. "Ano bang pinagsasabi mo diyan." Gusto ni Markie na isiping sila ni Drew ang nag-uusap. Dahil mukhang si Drew ang maarte, siya ang dapat si Waki at si Drew si Chichay. "E, sinabi mo din naman na sa aking mahal mo ako e, at mahal din naman kita. Di ba dapat tayo na no'n?" sagot ni Waki. "Oo, gano'n talaga yo'n. Dami kasing arte nitong si Drew este ni Chichay." Di na napigilang sumabad ni Markie. Apektadong-apektado sa pinapanood. "Di ba mahigpit ang bilin sa akin ni Papa Bear? Bata pa tayo marami pa tayong pwedeng gawin." Sagot ni Chichay na siyang kinairita ni Markie. "Asus, porke ba bata pa at nag-aaral pa lang di na puwedeng magmahal? Kung ako 'yan, sige lang. Di naman ibig sabihin na kung kayo na e, matitigil na din ang lahat." paningit uli niya na pakiramdam niya kasama na siya sa teleserye. "So MU na muna tayo?" tanong ni Waki. "MU?" "Ayy di alam ni Chichay ang MU?" natawa siya. "Mutual understanding lang 'yun ih." Halos sabay nilang nasabi ang Mutual Understanding ni Waki. "Ano naman 'yang walang kuwentang pinagkakaabalahan mo dito?" tumingin siya sa TV. "Nanood ka niyan?" boses iyon ni Drew. Mabilis na tumayo si Markie sa pagkabigla dahil di niya napansin ang pagpasok ni Drew. "Hindi sir. Pinagtitiisan ko lang kasi walang magawa." Pagpapalusot niya. "Good. Love stories and even love songs are not for us! Lagi mong isipin 'yan." "NO! I'll prove to you na ang pagmamahal ay para sa lahat. Walang estado, walang kasarian. Patutunayan ko sa'yong ako, ako ang tunay na magmamahal sa'yo." Gusto niyang sabihin iyon ngunit nagpigil siya. "Bakit kayo nandito sir? May iuutos ba kayo?" "Kanina pa dapat. Di ka talaga maasahan." Dumiretso si Drew sa oven. May hawak itong styrofoam. "Ako na ho." Mabilis na hinawakan ni Markie ang styrofoam. Naglapat ang kanilang mga palad. Nagtitigan sila. Mabilis na binawi ni Drew ang kaniyang kamay. "Dadalhin ko na lang po sa office ninyo." "Good. Nagugutom na din kasi ako. Hintayin ko na lang 'yan doon." Mabilis siyang lumabas sa pantry. Naiwan si Markie na pasilip-silip sa pinanonood niya. Kinikilig lalo pa't di sinasadyang dama pa din niya ang init ng palad ni Drew kanina. Inamoy-amoy pa niya iyon nang nakakasigurado siyang nakabalik na si Drew sa opisina nito. Ilang sandali pa ay dinala na niya ang pagkain sa office ni Drew ngunit naabutan niyang nagsusuot na ito ng kaniyang suit. "Actually, para sa'yo talaga 'yan. Kainin mo na habang mainit pa." "Baka hindi pa kayo kumakain, sir. Okey lang naman ako." "Huwag nang makulit. Kainin mo 'yan. Binili ko 'yan kanina para sa'yo. May lakad pala ako kaya kailangan ko nang mauna. Tulungan mo na lang akong dalhin itong gamit ko sa kotse. Yung laptop ko na lang ang bitbitin mo at ako na ang bahala sa mga folders. Sa bahay ko na lang ito babasahin." Seryoso niyang utos. Bago sila makasakay sa elevator ay may tumawag kay Drew. Sinagot niya muna iyon at nauna nang pumasok si Markie. "Paalis na ako ng office. I'll call you later." Ibinulsa ni Drew ang cellphone niya at pumasok na din ito sa elevator. Pagkasara ng elevator ay tinitigan siya ni Markie. Nakipagtitigan din siya. Iba ang lagkit ng tingin nito sa kaniya. Sa totoo lang, kung gusto ni Markie makipaglaro sa kaniya, hindi niya ito aatrasan basta ba walang halong feelings. Nasisira lang kasi ang lahat kung hahaluan na ito ng pag-ibig. Okey lang siya sa tikiman at laro huwag lang isama ang puso. Hindi siya naniniwala sa relasyon. Lalong hindi siya naniniwala sa pag-ibig ng kagaya niyang nasa gitna. Lumapit si Markie sa kaniyang titig na titig sa kaniyang mukha. Hindi siya kumilos. Ni hindi siya nagpakita ng pagtutol. Basta ba hindi siya ang uuna. Itinaas ni Markie ang isang kamay nito at lumapat iyon sa tagiliran niya. Hindi nakuntento si Markie at inilapat nito ang katawan niya sa kaniyang katawan. Kinagat ni Drew ang kaniyang labi pagpapakitang interesado din siya sa binabalak ni Markie. Inilapit pang lalo ni Markie ang mukha nito sa kaniya at naamoy na niya ang mabango nitong hininga. Hindi na niya matatagalan pa kaya kumilos siya para siya na lang ang hahalik kay Markie. Kailangan masimulan na ang halikang iyon bago magbukas ang elevator. Hindi na niya mahihintay pa si Markie. Ang mahalaga ay si Markie ang unang nagpakita ng motibo. Nang inilapit niya ang labi niya kay Markie ay saka naman umatras ito. Mabilis na itinapat ni Markie ang palad niya sa labi ni Drew. "Pipindutin ko lang sana ang basement button sir. Nasa likod kasi ninyo kaya hindi tayo bumababa." Pigil ang pagtawa ni Markie. Alam niyang nakaganti na din siya. Kitang-kita niya kasi kung paano pinaghandaan ni Drew na halikan siya ngunit nakaiwas siya. Namula si Drew. Napailing kasunod ng kaniyang pagyuko. "Iwas-iwas din tayo sir kapag may time para di aasa sa di naman talaga mangyayari." Tuluyang humagalpak ng tawa si Markie. Huminga ng malalim si Drew. Gusto niyang kagalitan si Markie dahil sa kawalan nito ng respeto sa kaniya ngunit di niya kayang gawin. Di niya alam kung bakit parang may pumipigil sa kaniyang gawin iyon. Pinindot niya ang "B"button saka siya tumalikod. Pakiramdam niya napakatagal nilang makarating sa basement nang di na niya marinig pa ang pigil na tawa ni Markie at ang pang-aasar nito. Naisahan din siya. Ngunit di siya patatalo. Makakabawi din uli siya sa susunod. Nang nakauwi na si Markie sa kanilang bahay ay mukha pa din ni Drew ang naglalaro sa isip niya. May pagsisisi siya kung bakit di na lang niya itinuloy na halikan kanina si Drew. Mukhang pumayag na ito at siya pa nga ang naglapit sa kaniyang labi. Naunahan lang kasi siyang isiping maghiganti sa ginawa nito sa CR pero laking panghihinayang talaga niya nang nakaalis na si Drew. Tuloy hindi siya nakatulog dahil sa pinakawalan niyang pagkakataon. Sayang naman! Sa school, madalas siyang tuliro. Walang pumapasok sa utak niya. Para kasing laging may nakadagan sa dibdib niya. Kung alam lang niyang ganito kasakit mabigo sana di na lang niya sinubukang magmahal. Kung sana kasi di siya nagpapaniwala sa Serendipity na 'yan at sa fairy tale na katulad ng Cinderella at Sleeping Beauty, sana wala siyang iniisip ngayon. Mas nanaisin pa niyang maging isang Cinderella na nahihirapan at tanggalin yung part na may dumating na prince kasi mas nanaisin niyang mahirapan sa buhay kaysa bibiguin siya at sasaktan ng isang prince. Mas gusto na niyang matulog habang buhay katulad ni Sleeping Beauty kaysa may darating na prinsipeng gigisingin siya para lang paiyakin sa huli. Ngunit pilit pa rin siyang naniniwala na may ibang prinsipeng darating sa kaniyang buhay. Ngunit hindi yata si Drew iyon. Malayong si Drew ang katuparan ng kaniyang happily aver after. "Tol, gusto mo, daanan kita tuwing gabi? Malapit lang naman pala ang office na pinagtatrabahuan mo sa office nina Mommy. Doon din kasi ako kina Mommy naglalagi sa gabi para tulungan siya. Nadadaanan ko din naman ang paradahan ng jeep pauwi sa inyo e, di idaan na lang kita doon para hindi ka na mamasahe at sumakay ng dalawang beses." Pagmamagandang loob ni Marlon kinabukasan pagkatapos ng kanilang klase. "Huwag na. Kaya ko naman tol saka abala pa 'yun sa'yo. Ayaw ko namang abusuhin ka." "Wala namang abala do'n kasi on the way naman yung paradahan ng jeep saka ando'n na din lang ako sa area ng office ninyo, bakit hindi ka na lang sasabay." "Huwag na nga. Huwag nang makulit. Nahihiya na nga ako sa dami ng naitutulong mo!" "Sige bahala ka. Basta sabihan mo ako kung magbago isip mo." "Salamat tol." "Sige na, mauna na ako. Kita na lang tayo bukas uli!" Itinaas ni Marlon ang kaniyang kamao at idinikit naman ni Markie ang kamao niya. Pagkatapos ay mabilis na silang naglakad palayo sa isa't isa. Sa trabaho, hindi na siya pinapansin ni Drew. Dinadaan-daanan lang siya kahit pa binabati niya ito. Abala lagi sa dami ng trabaho nito kaya nagdesisyon siyang gawin na din lang ang trabaho niya. Sa gabi, kapag uwian, madalas din siya nitong pitadahan kung naabutan siya nito sa tapat ng Building nila at naghihintay ng masasakyang jeep. Kahit nakatabi na siya sa bangketa ay pinagdidiskitahan itong patabihin dahil nakaharang daw ito sa dadaanan niya. May ginagawa pa itong kunyari pagbubuksan siya ng pintuan ng kotse at kung sasakay siya ay saka niya pahaharutin palayo ang sasakyan. Doon siya nairita ng husto. Ginagawa siyang katatawanan ni Drew. Pampawala siguro nito sa stress niya sa trabaho. Napaka-immature lang para sa isang COO na paglaruan siya ng gano'n. Hindi tuloy niya alam kung sino nga ba talaga si Drew. Kung gaano ito kaseryoso at ka-istrikto sa loob ng opisina, ganoon din kasalbahe sa labas. Dahil doon, nagpasya siyang maglakad na lang papunta sa hintayan ng jeep hindi kalayuan sa kanilang Building para tuluyang makaiwas. Isang gabi ay may naabutan siyang todo-pusturang isang lalaking nakatayo doon sa hintayan ng jeep. Maganda ang katawan ngunit hindi kaguwapuhan. Sandaling nagtagpo ang kanilang paningin. Ngumiti ito sa kaniya at sa isang tingin palang niya, alam niyang kahit pa lalaking-lalaki ang porma nito may kakaiba sa pagkakatitig at pagkakangiti nito sa kaniya. Amoy niyang iisa ang lansa ng kanilang dugo. Para hindi niya ito mapahiya ay ngumiti na din siya ngunit hindi na niya ito muling tinapunan pa ng tingin. Mahirap ng isipin pa nitong interesado din siya. Madalas naman na iyong nangyayari sa kaniya kaya para hindi siya makapagbigay ng ibang kahulugan, mas gusto pa niyang magmukhang suplado kaysa sa lapitan siya saka siya lantarang tatanggi kung manghingi ito ng number, ng f******k account o magyaya sa kung saan-saan. Bihirang-bihira siya nakakakita ng nagugustuhan at kung magkagusto man siya, madalas siya ang umiiwas. Lalo na ngayon na ang buong atensiyon niya ay nakatuon lang kay Drew. Kahit pa madalas siyang hindi pinapansin ni Drew sa opisina o kaya tinuturing na wala lang ay sapat na yung ibinibigay nitong inspirasyon para pumasok siya sa trabaho makita lang niya ang binata. Sumilip siya kung may darating na jeep ngunit mukhang wala pa naman siyang namamataan kaya binunot muna niya ang cellphone para basahin ang text ni Marlon. Nagtatanong na naman ito kung gusto niyang magpasundo. Nagreply siyang okey lang siya at tigilan ang pangungulit nito. Muli siyang tumingin sa daan nang nakita niyang message sent na ang reply niya. Nang hindi niya napaghandaan ang pagdaan ng kotse ni Drew. Umiwas na siya sa alam niyang dinadaanan nito ngunit kung anong dahilan at doon pa sa mismong hinihintayan niya ng jeep ang pinili nitong daanan sa gabing iyon. Sinadya ba talaga nitong dumaan doon para sundan siya? Huminto ang kotse sa tapat niya. Kitang-kita niya ang pagsilip nito na para bang pinapasakay siya. "Manigas ka diyan. Hindi kita papansinin kahit boss pa kita. Gawin mo na naman akong stress reliever mo." bulong niya sa sarili. Hindi siya nagpahalata ng kahit anong excitement. Ayaw na niyang umasa. Hindi na niya hahayaan ang sariling muling mapahiya. Kung lumapit siya at buksan nito ang kotse para sasakay baka patakbuhin ni Drew ang kotse niya at muli siya nitong pagtatawanan. Alam niyang may pagkasalbahe ito at di siya kakagat sa simpleng paghinto at pagsenyas lang sa kaniya para lumapit. Kaya lang di niya napigilan magbigay ng sign sa sarili. Kung bababa si Drew mula sa kaniyang kotse at lalapitan siya, hindi na siya magpapakipot pa. Sasakay siya at sasama kay Drew. Nang una ayaw niyang patulan ito pero nang bumaba na ito sa kaniyang kotse at nakangiting lumapit sa kaniya ay di na napigilan pa ang sariling ngumiti din. Natupad na naman ang sign. Wala na sila sa office at naisip din nitong nagiging salbahe niya siya sa kaniya at bumabawi na ito. "Hi!" maikling bati ni Drew ng isang dipa na lang ang layo sa kaniya. Nanibaguhan siya sa bating iyon ng boss niya. "Hello" mahina ngunit puno ng excitement niyang sagot. Kinikilig siya lalo pa't nagpatuloy lang ito sa paglapit. Huminga siya ng malalim. Mauulit na bang muli ang nangyari noon sa pagitan nila? "Kanina ka pa?" muling tanong ni Drew. Muli siyang nagtaka sa tanong. Sasagot sana siya ngunit mukhang may mali. Dinaanan lang siyang parang hindi siya nakita. Anak ng... Hindi pala siya ang sinesenyasan nito. Hindi pala siya ang nilapitan. Hindi pala siya ang binati. "Well, worth naman yung paghihintay ko kasi dumating ka. Ikaw pala yung nakasakay diyan sa kotse. Mabuti at bumaba ka kasi kung hindi, malamang magdadalawang isip akong lapitan ka. Wow! Mas gwapo ka nga talaga in person. Hindi kita nakilala." sagot ng lalaking nadatnan na niya sa hintayan ng jeep. Humugot siya ng malalim na hininga. Sobrang pahiya siya sa nangyari ngunit hindi iyon ang naglikha ng matinding sakit kundi yung naririnig niyang pag-uusap ng dalawa sa likod niya. Gusto niyang maglaho na lang doon. Gusto niyang harapin sila, hilain palayo si Drew ngunit wala siyang karapatang magsalita, wala siya sa lugar para magreklamo at lalong di niya kayang pigilan si Drew. Sino ba siya kay Drew para gawin ang mga bagay iyon? "Hindi na nga ako dapat bababa kanina. I'm trying to connect sa net para magmessage sa f******k mo para sabihing nandito na ako pero di ako maka-connect. Sumesenyas ako pero di ka naman nakatingin din sa akin." "I told you, you just have given me your digit. Sana hindi mo na kailangan pang bumaba. Tinawagan mo na lang sana ako at ako na ang lumapit at sumakay." Naninikip ang dibdib ni Markie sa naririnig niya. Noon alam niya, kung s*x lang ang pinanghahawakan niya kay Drew kaya nga paniguradong hindi lang siya ang may karapatan. Kung ang s*x lang ang dahilan ng lahat para sabihing pag-aari na nila ang isang tao, maaring nabigyan sana siya ng karapatang mangialam at ipaglaban ang sarili. Ngunit walang gano'n. Kinagat niya ang labi. Hindi siya iiyak. Hindi niya papayagan ang sariling lumuha sa walang kuwenta. "Paano let's go?" boses ni Drew. "Okey. Let's have fun!" Yumuko siya nang dumaan ang dalawa sa tabi niya. Kanina pa niya gustong lumayo ngunit hindi niya maigalaw ang paa. Naninikip ang dibdib niya sa sakit lalo pa't ayaw niyang umiyak ng dahil lang sa nasaksihan niya. Patuloy pa din niyang sinasabihan ang sariling hindi iiyak sa lalaking kailanman ay hindi naman naging sila. "Go ahead, susunod ako." iyon ang sinabi ni Drew sa kasama niya. "Do you know him?" Alam niyang siya ang pinatutungkulan ng katagpo ni Drew ngunit di siya nagsayang ng oras para tapunan ito ng sulyap. "Oo naman. Katrabaho ko siya." maikling sagot ni Drew. Nanatili siyang nakayuko ngunit ramdam niyang nauna nang umalis ang kasama ni Drew at nanatiling nakatayo si Drew sa tabi niya. Humakbang siya palayo ngunit naramdaman niya ang paghawak ni Drew sa kaniyang braso. "Okey ka lang?" tanong ni Drew. "Oo naman, sir. Bakit naman hindi?" garalgal ang boses niya. Pinilit pa nga niyang ngumiti ngunit kumbakit mas nauna pang tumulo ang luha sa isa niyang mata na mabilis din niyang pinahid para hindi makita ni Drew. "Ito ako Markie. Ito ang mundo ko. Ito lang ang larong alam ko."seryoso ang pagkakasabi ni Drew niyon. "Wala naman akong sinasabi. Hindi mo kailangan magpaliwanag sa akin sir." Sobrang sakit ng pakiramdam niya noon. Gusto niyang sumigaw. Gusto niyang magmura ngunit bakit? Para saan? "Sige na sir. Hinihintay ka na ng kasama mo." pabulong na lang iyon. Nakita niyang may padating na din na jeep at mabilis niya iyong pinara. "Markie, may maga..." "Mauna na po ako, sir." garalgal pa din ang kaniyang boses. Hindi na niya hinintay pang matapos si Drew sa kaniyang sasabihin. Ayaw niyang lumuha sa harap nito. Ayaw niyang manghingi kahit katiting na awa. Pagkasakay niya sa jeep ay nakita niyang sumakay na din ang lalaki sa kotse ni Drew ngunit nanatiling nakatayo si Drew sa nakabukas na pintuan ng kaniyang kotse. Nakatingin din ito sa kaniya ngunit binawi na niya ang kaniyang tingin. Alam na niya kung saan pupunta ang dalawa. Kahit pa gusto niyang dugasin ang sarili ay alam niyang gagawin din ni Drew sa lalaking iyon ang ginawa nila noon. Naglaro nang naglaro iyon sa kaniyang isip. Sobrang sakit pala iyon. Kahit hindi niya iyon masasaksihan ay alam niyang sa gabing iyon ay may kasiping si Drew na iba. Paano siya? Sosolohin niya ang sakit ng pag-iisa. Sana di na lang niya hinayaan ang sariling mahulog. Sana di siya nagmahala sa lalaking naka-one night stand lang niya. Dahil sa mga huwad niyang pangarap, dahil sa pag-asa niyang si Drew na ang para sa kaniya, kaya ngayon, siya ang lumalabas na talunan. Siya ang luhaan. Bumili siya ng beer at tumambay muna siya sa harap ng kanilang barong-barong pagdating niya.  Sanay siyang nakahubad ng pang-itaas kapag nakatambay sa harap ng kanilang bahay kaya madalas din siyang lingunin at pagpantasyahan ng mga dumadaan. Sa kinis ng kaniyang katawan at kaguwapuhan, hindi puwedeng hindi siya mapansin lalo na ang mga bakla at mga babae nilang kapitbahay. Marami pa ding dumadaan, maingay ang buong looban nguit pakiramdam niya wala siya sa lugar na iyon. Wala siyang ingay na naririnig, ni hindi niya napapansin ang pagbati sa kaniya ng mga dumadaan dahil ang atensiyon niya ay na kay Drew. Masakit sa dibdib na isiping sa mga sandaling iyon, iba ang kayakap nito, iba ang kahalikan at kahit alam niyang nangyayari iyon, wala siyang magawa. Wala siyang karapatan para pigilan o pagbawalan si Drew sa ginagawa niyang iyon. Hindi naging sila. Ni hindi nga niya alam kung pareho lang sila ng nararamdaman. Napakamanhid ni Drew. Wala siyang puso, walang pakiramdam at ngayon siya nagsisisi ng lubusan kung bakit siya nagpatalo. Muli niyang itinungga ang bote ng beer. Naaktuhan siya ng kaniyang Mama sa pagtungga niyang iyon. May mga pagkakataong malakas ang pangangatawan ng Mama niya at sinusulit nito ang pagkakataong iyon para makapaglakad o tumambay sa harap ng kanilang barong-barong. "May problema ka ba anak?" naramdaman niya ang pagtabi ng Mama niya at ang marahan nitong paghaplos sa kaniyang balikat. 'Wala ho." nakangiting pagsisinungaling niya. "Anak kita. Alam ko kung kailan may gumugulo sa isip mo. Pagod ka na bang igapang kami?" humugot ng malalim ng hininga ang Mama niya. "Hindi ho, Mama."  "Pasensiya ka na kung ikaw ang gumagawa sa mga dapat ay responsibilidad ko. Nasabihan pa kitang tumigil sa pag-aaral mo kahit alam ko namang mahalaga sa'yo ang pangarap na iyon. Gusto kong gumaling anak para ako na lang ulit ang magtatrabaho para sa ating pamilya." Inakbayan niya ang Mama niya. Kitang-kita niya ang pagbaybay ng luha sa pisngi nito. Alam niyang nagkasakit ang Mama niya sa sobrang kasipagan, igapang lang sila sa hirap. Lahat ng trabaho pinapatos niya para lang hindi nila maramdamang magkakapatid ang kaibahan ng buhay nila noong buhay pa ang Papa nila, Nasasaktan siyang makitang lumuluha ang kaniyang Mama dahil lang iniisip nitong nahihirapan na siyang itaguyod sila. "Ma, ano ka ba? Huwag mong isiping nahihirapan akong itaguyod ko kayo at nang mga kapatid ko. Hindi kayo ang dahilan kung bakit ako umiinom ng beer. May iba lang na gumugulo sa akin pero pangako ho, ngayon lang 'to. Lilipas din po ito." "Babae ba, anak? Nagmamahal na ba ang panganay ko?" ginulo ng Mama niya ang kaniyang buhok. Ngumiti si Markie. Naisip niya, hanggang ngayon ba hindi pa siya amoy ng Mama niya? Akala kasi niya, ang ina ang dapat nakakaalam sa pagkatao ng kanilang anak ngunit sa kaso nila, mukhang hindi siya kilala ng sarili niyang ina. "Naku ha, sino ba 'yang babaeng 'yan at ginugulo niya ang isip ng guwapo kong binata?" "Ma, huwag na. Gusto kong magfocus na lang sa pag-aaral ko. Gusto ko na lang kalimutan." "Anak, madaling sabihin 'yan ngunit mahirap gawin. Pero kung determinado ka talagang abutin ang pangarap mo at isantabi ang pagmamahal mo, makakaya mo naman ngunit sabihin ko sa'yong hindi madaling gawin iyon. Mahirap labanan ang damdamin lalo na kung sobra mo nang mahal ang taong iyon. Bata ka pa naman. Kung mabibigo ka ngayon, marami pang darating na iba lalo na kung handa ka na. Kung hindi kayo para sa isa't isa, kahit anong gawin mo, hindi iyon mangyayari. Huwag mong ipilit ang sarili mo sa taong ayaw sa'yo o lalong huwag mong ipilit na maging kayo kung tumututol pa ang pagkakataon dahil lalo ka lang masasaktan. Ang pag-ibig anak ay dapat akma sa tamang tao at pagkakataon. Mainam sigurong pagtuunan mo muna ng panahon ang pag-aaral mo at pagtatrabaho. Hindi mo kailangan pagsabay-sabayin ang lahat ng iyon anak." "Salamat, Ma. Tama kayo. Masyado yata akong nahuhulog sa isang taong di naman marunong magmahal. Malakas naman ang panganay ninyo di ba Ma? Kayang-kaya kong lagpasan ito. Ako pa ba!" Nakangiti niyang wika kay Mama niya ngunit maluha-luha siya. Sugatan pa din ang puso niya. Nahihirapan pa din siyang huminga dahil sa sulok ng isip niya, alam niyang may kasiping na iba ang lalaking mahal na mahal niya. "Yan! Ganyan dapat anak. Matapang ka eh! Alam namin 'yan ng mga kapatid mo." Tumango siya. Ngayon lang siya nagmahal. Ngayon lang siya nakaranas na masaktan ng ganito at hindi siya gano'n kahanda para labanan ang damdamin. Ngunit para sa kaniyang pangarap at pamilya, kailangan niyang tulungan ang sarili. Kailangan niyang magsimulang muli. Bago siya natulog ng gabing iyon ay nagtext muna siya kay Marlon. Makakatulong nga naman si Marlon sa kaniya para hindi na maulit pa ang nangyaring masaksihan niya si Drew sa pakikipagkita sa kung sinu-sino. Dalawang sakay din kasi siya kaya mas makakatipid na siya kung sasabay siya kay Marlon na galing lang naman sa malapit na office ng Mommy niya. "Sige tol, payag na akong daanan mo ako sa gabi para magpahatid hanggang sa sakayan ng jeep papunta sa amin. Pero hanggang sa sakayan lang ng jeep para di kita maabala masyado." "Sige tol. Ikaw kasi e, tanggihan ba naman ang favor?" "Nahihiya na kasi ako sa'yo sa dami ng tinutulong mo sa akin. Ayaw ko kasing isipin mong inaabuso ko na ang kabaitan mo." "Sabi ko naman sa'yo, nadadaanan ko ang paradahan ng jeep papunta sa inyo kaya paanong pang-aabuso 'yun? Magkalapit pa ang office mo sa office nina Mommy kaya wala akong nakikitang abala sa part ko. Huwag kang maarte, tol. Hindi bagay. Nyt tol. Mwahh hehehe." "Salamat tol. Mwahhh hehehe." napangiti siya sa madalas nilang biruan na dalawa sa huli ng kanilang text lalo na kapag nagpapaalam na ang isa sa kanila. Mapalad siyang may kaibigang katulad ni Marlon. Sa bigat ng kaniyang dinadala, gusto sana niya ng isang taong mapagsabihan ng kaniyang sikreto ngunit naisip niyang solohin na lang muna ang lahat. Kaya niya ito. Alam niyang wala siyang hindi kayang lagpasan. Ayaw niyang biglain ang kaibigan sa tunay niyang pagkatao. Nang sumunod na mga araw, nagdesisyon siyang umiwas kung kaya naman niyang iwasan si Drew. Sinadya niyang maglinis sa office nito kung nakaalis na siya o kaya dumaan sa corridor na hindi nito madalas daanan. Mas gusto pa nga niyang tumambay sa mga CR sa labas para di na sila magkikita pa sa pantry o kaya sa labas. Mahirap lalo pa't hindi maiwasang magkita pa din sila at bilang isang Janitor kailangan niyang batiin si Drew. Ngunit madalas ay nilalagpasan lang din naman siya nito na parang walang nakita lalo pa kung may kasama ito o may kausap na ibang employee. Daman-dama niya ang layo ng kanilang estado. Tinanggap na niyang lagi lang siyang titingala sa langit. Hindi niya ito kayang abutin o kaya ay mahihirapan siya para ito ay pantayan. Kung makita niyang makakasalubong niya si Drew ay kailangan niyang umiwas. Kung uutusan siya ni Stan para magdala ng green tea na walang gatas at asukal ay madalas itong may kausap sa phone at para makaiwas ay binibilisan niya ang paglabas ng opisina. Mahirap dahil sobrang mahal niya ang taong pinagtataguan ngunit mas masakit ang palagi niyang pagbibigay ng pag-asa, mas mahirap yung makulong siya sa pangarap na alam niyang malayong magkatotoo. Kung busy si Drew sa harap ng computer o kaya sa hawak niyang phone, alam ni Markie na may kausap itong i-mi-meet lalo na kung nakangiti ito at maagang aalis sa office. Nagpapakapusong-bato siya ngunit sa katulad niyang hindi naman sanay makipaglaro, nanunoot sa kaniya yung sakit. Idinadaan na lang niya sa lahat sa paghinga ng malalim at pag-isip na maayos din siya. Makakalimutan din niya ang pagmamahal niya kay Drew. Isang gabing hinihintay niyang daanan siya ni Marlon sa tapat ng kanilang Building nang binusinahan siya nang noon ay paalis na ding si Drew. Siniguro muna niyang walang ibang tao sa likod niya bago niya ito nginitian. Siya lang ang nakatayo doon at hindi din naman siya nakaharang sa dadaanan nito dahil nasa bangketa na siya. Gusto ni Drew na bumawi sa pagkapahiya niya kay Markie ilang araw na ang nakakaraan. Kaya nang makita niya itong nag-aabang ng masasakyan ay inihinto niya ang kotse para pasakayin siya. Kahit hanggang sa bahay pa nila ay ihahatid niya ito. This time, siguraduhin niyang maihahatid niya ito sa mismong bahay nila. Nakokonsensiya kasi siya nang minsang may katagpo siya at nandoon siya't nakatayo. Alam niyang nasaktan niya ang binatilyo noon ngunit gusto niyang malaman ni Markie na hindi siya ang para sa kaniya. Hindi sila ang para sa isa't isa. Masyado siyang matanda bukod sa katotohanang isinara na niya ang puso niya sa pag-ibig. Sana magamit ni Markie ang sakit ng nasaksihan niyang iyon para tuluyang burahin nito ang napapansin niyang pagtatangi nito sa kaniya. Sa edad niya ngayon, nababasa na niya ang isang tao kung may gusto ito o wala at sa lagkit ng mga titig ni Markie, sa mga ipinapakita nitong pagkanerbiyos at pamumula sa tuwing magtama ang kanilang paningin, alam niyang nahulog na sa kaniya si Big Boy bagay na isang bagay na ayaw niyang mangyari. Hindi siya dapat mahalin ng katulad nito. Hindi niya iyon kayang pantayan. Hindi na siya muli pang iibig. Nakailang busina na siya ngunit hindi pa lumalapit si Markie. Nakita niya ang paglingon nito sa paligid. Napangiti siya. Natatakot siguro si Big Boy na mapahiya muli kaya sinisiguro na nitong di na mauulit pa iyon. Nang nakita niyang naglalakad na sa bangketa si Markie palapit sa kaniyang kotse ay binuksan niya ang pintuan ng kotse. Itinulak niya iyon para malaman nitong pinagbubuksan siya ng pintuan. Ngayon, walang halong biro. Seryoso na siyang ihatid ito. Napapangiti siya habang palapit na ito sa kaniyang kotse. Ngunit nang huminto ito at di pa din sumasakay ay naisip niyang bumaba ng kotse. Baka nagdadalawang isip ito at natatakot na pinaglalaruan muli siya kaya ayaw pa nitong sumakay. "Kanina ka pa ba diyan?" sigaw ni Markie. "Di ba nga kadarating ko lang? Tara na sumakay ka na at ihatid kita" nakangiting sagot ni Drew. "Oo kanina pa ako ih! Hindi mo nakita yung kotse ko? Ipinarada ko lang do'n kasi wala akong pagparadahan dito kanina." narinig niyang familiar na boses sa hindi kalayuan sa kaniya. Para siyang binuhusan ng tubig sa pagkapahiya. Hindi pala siya ang tinanong. Hindi siya ang kausap. Naramdaman niya yung maaring naramdaman ni Markie noon. Ngunit hindi siya basta na lang susuko. Panindigan na niya ang nauna niyang sinabi. Sigurado namang sa kaniya sasakay si Markie kahit pa may sundo na siya. Hindi na niya nilingon pa ang kausap nito dahil baka lalo lang siya makaramdam ng pagkapahiya. Itinuon na lang niya ang kaniyang tingin kay Markie. "Ihahatid na kita. This time, I'll make sure na ihahatid na kita hanggang sa inyo." wika niya nang nasa tapat na niya si Markie. "Pasensiya na sir. Pero nakakahiyang sasabay sa inyo. Baka kasi may dadaanan pa kayong iba. Ingat na lang ho." nakangiti nitong tinuran at mabilis itong dumaan sa harap niya. Sa inis niya sa pagtanggi ni Markie ay mabilis siyang sumakay. Hinila niya ang nakabukas na pintuan ng kotse at pinaharurot niya ang kaniyang kotse. Hindi na niya tinapunan pa ng tingin si Markie at nang sumundo pa sa kaniya. Hindi niya sila pag-aakasayahan pa ng panahon. Hindi niya lang alam kung bakit siya naiinis. Tama, hindi lang siya napahiya, galit siya ngunit hindi lang malinaw sa kaniya kung bakit. At mula no'n nagdesisyon siyang iwasan na din niya si Markie kahit sa opisina. Alam niyang dapat lang din na nangyari iyon para kunsakaling tama siya sa hinala niyang may gusto sa kaniya si Markie ay matulungan na niya itong tigilan na niya ang kung anumang nararamdaman nito sa kaniya. At hindi nga iyon ang huling araw na nakita niya ang pagsundo sa kaniya ni Marlon. Oo, kilalang-kilala niya si Marlon ngunit wala siyang balak mamagitan o kaya ipaalam kay Markie na magkakilala sila ng sumusundo sa kaniya. Sigurado din siyang hindi magkukuwento si Marlon ng tungkol sa kaniya kung walang binabanggit si Markie. Sana kayang ilihim ni Markie ang tungkol sa nangyari noon sa kanila. Nang minsang naglilinis si Markie sa comfort room ng CEO Office, ang Office ng Daddy ni Drew ay naulinigan niya ang boses ni Drew. Galit na galit na nakikipagtalo sa Daddy niya. Ayaw sana niyang mangialam ngunit sa lakas ng kanilang sigawan ay dinig na dinig niya ang lahat. "Dad, paano tayo magkakaroon ng full control kung nagbenta pa kayo ng 10% of our shares? Hindi ba puwedeng pag-usapan natin bago ninyo iyon ginawa? 45% na lang ang share natin sa sarili nating kumpanya at ngayong ibinenta ninyo ang 10% nito that makes it 35%. Dad, para saan ang pera ha? Bakit hindi na lang kayo nagsabi sa akin at baka nagawan ko ng paraan!" "Huwag mong pagsalitaan ng ganyan. This is still my company. Ako pa rin ang CEO at ako pa din ang ama mo! Kung ano ang gusto kong gawin, ako ang masusunod. Anak lang kita." "Pero Dad, you know that your move is too risky lalo pa't nawawalan na ng tiwala ang clients natin at iba pang investors. Paano kung tuluy-tuloy ang pagpull-out nila sa kanilang shares o hindi ituloy ng iba pa nating clients ang mga naantala nilang projects. Dad, andami nating claims ngayon na hindi natin natutugunan at wala kayong ginagawa para ayusin. Pagod na pagod na akong patakbuhin ang company. Hirap na hirap na akong iayos ang lahat at kayo! Wala kayong ginawa kundi sirain ng sirain ang reputation nito. Anong pang silbi ng ginagawa ko Dad kung di ninyo ako tinutulungan? Wake up, Dad! Mabuti pang magresign na lang kayo as CEO o kung hindi, ako ang magreresign as COO and I'll pull out my 20% share. Dad, 15% na lang ang share ninyo dahil binenta ninyo ang 10% of your share. Kung ibubukod ko yung pinaghirapan kong bunuuin para lang lumaki ang share natin ibig sabihin halos pareho na lang kayo ng iba pang investors." "So all this time, gusto mong maging CEO? You want me to resign para ikaw ang magiging head ng company? You are not yet ready to take over?" "At kailan Dad? Kung tuluyan nang bumagsak ang kumpanya? I don't expect you to be that selfish!" "Get out! Bago kita masaktan umalis ka na sa harapan ko!" singhal ng CEO. Ilang sandali pa ay narinig niya ang malakas na pagsara ng pinto. Nang patapos na siyang linisin ang CR ay naramdaman din niyang may isa pang lumabas ng opisina kaya nagmamadali na niyang kinuha ang mga gamit niya sa paglilinis para di isipin ang mag-amang CEO at COO na narinig niya ang dapat ay private lang nilang pagtatalo. Ang CR na lang ni Drew ang di niya nalilinis. Napansin niyang nakauwi na ang ilang mga empleyado sa Operations Department. Nagdadalawang isip siya kung papasok na siya sa office ni Drew para simulang na niya itong linisin. Pumapasok lang kasi siya doon kung alam niyang nakaalis na ito. Kumatok na muna siya bago sumilip. Mukhang nakaalis na din si Drew kaya siya pumasok dala ang ginagamit niyang panlinis. Nagsisimula na niyang punasan ang table ni Drew nang may lumabas sa CR. "Sorry po sir. Akala ko nakaalis na kayo." paghingi niya ng dispensa. Hindi sumagot si Drew. Nakita niyang namumula ang mata nito na para bang mabigat ang dinadala nitong problema. Dumiretso ito sa kaniyang upuan at tahimik lang siyang tumitig kay Markie. "Uunahin ko na lang po sa CR sir." Itinigil niya ang pagpunas sa table. Mabilis siyang tumalikod. "May lakad ka ba mamayang gabi?" wika ni Drew. Tumigil si Markie sa paglalakad papuntang CR. Dahan-dahan siyang lumingon. Hindi siya kailangang sumagot agad kay Drew at baka may kausap lang ito sa cellphone niya. Mahirap nang mapahiya. "Ikaw ang kausap ko, Markie. May gagawin ka ba mamayang gabi?" "Bakit ho, sir?" "Wala." "Wala naman pala eh." Pabulong. "Pakidala yung ibang gamit ko. Uuwi na lang ako." Tumayo si Drew at isinuot ang kaniyang suit. Dinala niya ang cellphone niya. Mabilis na itinabi muna ni Markie ang hawak niyang panlinis at dinala ang laptop at iba pang folder na gamit ni Drew. Naabutan na niya si Drew sa elevator. Nang nasa loob na sila ng elevator ay nagpapakiramdaman sila. Naghuhulian sila ng tingin at kung aksidenteng nagkakatitigan ay mabilis nilang iniiwas ang kanilang mga mata. Para ba silang nadadarang sa tingin ng bawat isa. Nang nasa basement na sila ay binuksan ni Drew ang sasakyan. Sumakay siya. Binuksan ni Markie ang passengers seat sa likod. Doon niya inilagay ang mga gamit ni Drew. "Puwedeng sa harap mo ilagay ang latop ko?" "Sige sir. Pasensiya na po." Mabilis na kinuha ni Markie ang laptop. Binuksan niya ang kotse at maingat na inilapag ang laptop sa harap. Ngunit biglang hinawakan ni Drew ang kaniyang kamay. Hinila niya ang kamay niya at dumulas ang palad ni Drew sa kaniyang palad. Hindi na pinakawalan ni Drew iyon. Nagkatinginan sila. Matagal. Nakita ni Markie ang lungkot at puno ng problema sa mukha ni Drew. May kung anong takot at agam-agam namang nakita si Drew sa mukha ni Markie. "Pwede mo ba akong samahan? Please?" mapagkumbabang wika ni Drew. "Ahmmm...Hindi ko pa po tapos ang trabaho ko, sir." hinila ni Markie ang kamay niya. "Kahit ngayon lang." "Bakit ako?" "Gusto ko lang ng kausap, ng taong makasama. Gusto ko lang maging masaya." "Bakit wala ka na bang ibang makontak na magpapaligaya sa'yo ng isang gabi, sir?" makahulugan niyang tanong. "Hindi kita masisisi kung iyon agad ang tingin mo sa akin" huminga ng malalim si Drew. "Markie, pangako hindi kita dadalhin sa hotel, hindi kita gagamitin sa s*x para lang mapaligaya ko ang sarili ko. Gusto ko lang talaga ng makausap. Gusto kong makalimot sa problema. Puwede ba, Markie?" Nag-isip si Markie. Kung pagbibigyan niya si Drew, paano kung lalo lang siyang mahuhulog ngayong unti-unti na din siyang nakakalimot? Kaya lang, paano kung ito na ang simula ng kanilang pagkakaibigan na mauuwi sa kanilang pagmamahalan? Sasayangin ba niya ang bihirang pagkakataong ito dahil lang sa natatakot siyang muling saktan ni Drew? Note From The Author: Read the continuation in my account at http://www.dreame.com/ Search my Name: Joemar Ancheta. Follow Me and Read all my old and new novels there!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD