She is beauty, she is grace.
Lahat ng magagandang katangian ay nasa kaniya na—mahinhin, matalino, maganda, at mula sa mayamang pamilya. She has everything that everyone wants.
Porche Clementine Eduardo.
Ang matalik kong kaibigan na laging nagniningning kahit saan siya magpunta.
Para siyang bida sa isang nobela na laging sinusundan ng tingin. Halos lahat ng tao ay gustong makilala at maging kaibigan siya.
“Let’s give a round of applause to our top one… Porche Clementine Eduardo!”
Napuno ng palakpakan ang buong gym nang umakyat siya sa stage kasama ang mommy niya para kunin ang certificate. Hindi na ’ko nagtaka—wala ring kumontra. Ang spot na ’yon ay parang nakalaan na talaga sa kaniya.
“Ang galing-galing mo talaga, beshy!” Malapad ang ngiti kong sinalubong siya ng yakap. “Grabe, hindi mo na talaga pinakawalan ang pagiging top one!”
Natawa siya at marahang humiwalay sa yakap ko. “Salamat, Yzain.”
“Oo nga pala, pwede ka ba mamaya?” ani ko nang may maalala. “Nag-aaya si Fiel sa bahay nila. Isama rin daw kita—alam mo, feeling ko may gusto ’yon sa ’yo.”
Napakamot siya sa batok at nahihiyang tumanggi. “May lakad kami ni Mommy ngayon eh.”
“Ay, ganon ba?” Humaba ang nguso ko. “Kung sabagay, malaking award ang nakuha mo ngayon kaya siguradong magse-celebrate kayo ng parents mo.”
“Pasensya na.”
“Hindi na lang din ako sasama,” ani ko.
“Sumama ka na. Baka magtampo sila kung hindi ka pupunta dahil lang sa hindi ako makakasama.”
“Kung hindi ka sasama, hindi rin ako sasama. Tsaka biglaan—hindi ako nakapagpaalam sa bahay. Baka abutin kami ng gabi, hindi na ’ko papasukin.” Napakamot ako sa ulo. “Magrarason na lang ako na hindi ako pinayagan para hindi sila magalit.”
“Wala ba ang parents mo ngayon?” nagtataka niyang tanong habang naglilinga sa paligid.
Marahan ko siyang hinampas sa braso sabay malakas na tawa. “Ba’t naman sila pupunta dito—wala naman akong awards?”
Muli siyang napakamot ng batok.
Marami ang nagtataka kung paano kaming naging magkaibigan. Kung siya si Ms. Perfect, ako naman si Ms. Pasang-awa.
Halos igapang ko na ang grades ko—hindi sa bobo ako, mabilis lang talaga akong makalimot.
Iyong ituturo ngayon, makalipas ang sampung minuto, limot ko na ang lesson.
Paglabas ko ng classroom sa uwian, nakalabas na rin sa utak ko ang pinag-aralan.
“Oo nga pala, malapit na birthday mo—April 17 na ’yon. Aalis ba ulit kayo?” biglang pumasok sa isip ko.
“Hindi siguro. Wala namang sinasabi si Mommy, kaya baka sa bahay lang ako buong summer.”
“Oh, hindi mo naman ramdam ang summer dahil aircon ang kwarto mo, kaya okay lang ’yan.” Kaya gustong-gusto ko ring tumambay sa kanila—malamig kasi.
“—sakto rin ang enrollment natin sa birthday ko.”
“Oo nga pala!” bulalas ko. “Bayaran na naman ng tuition at panibagong gastos sa libro.” Librong hindi naman nabubuklat.
“What if ayain mo classmates natin doon sa bahay?” suhestiyon niya. “Ipapalinis ko ang swimming pool.”
“G ako diyan!” sang-ayon ko, pero kaagad napangiwi. “Pero hindi kaya magalit ang Mamita mo kung pupunta kami? Ang sungit pa naman no’n!”
Kung ano ang ikinabait ng mommy at ni Porche, iyon naman ang ikinasungit ng lola niya.
Laging nakataas ang kilay, matalim ang tingin, at halos hindi ngumiti. Kaya kahit matagal na kaming magkaibigan, nauutal pa rin ako tuwing kinakausap niya ’ko.
“Hindi ’yon,” ani niya sabay pulupot ng kamay sa braso ko. “Ipagpapaalam ko kay Daddy. Kapag pumayag siya, doon tayo sa bahay—pero sure akong papayag ’yon!” masayang usal niya.
“Okay, ako na ang bahala sa kanila.” Kinindatan ko siya.
Pareho kaming natawa at sandaling nagkuwentuhan habang hinihintay ang mommy niya. Gan’on ba talaga ang parents ng top student—laging may kausap na teachers tuwing kuhaan ng card o closing?
Sa tatlong taon ko sa high school, dalawang beses lang pumunta si Mama sa classroom. Madalas ako na ang kumukuha ng grade card. Wala rin naman siyang rason para pumunta—wala akong awards. Teka… meron naman pala—Best in Attendance.
Okay na ’yon. Medalya pa rin.
“Good afternoon po, Tita Ely,” bati ko nang makalapit siya sa ’min. “Kumusta po? Mas lalo po kayong gumaganda habang tumatagal.”
“Nambola ka pa,” marahan niyang ngiti. “Ayos naman. Ikaw, Yzain, kumusta ka na? Ang parents mo?” mahinhin niyang tanong.
Kitang-kita kung saan nagmana si Porche—sa mama niya. Mahinhin kumilos, kalmado magsalita, at balingkinitan ang katawan. Para siyang dalaga—parang walang anak.
At sa isang tingin pa lang, halatang galing sila sa may kayang pamilya.
“Heto po, maganda pa rin,” biro ko sabay hawi ng buhok. “Nasa maayos na kalagayan din po ang parents ko.”
“Mabuti naman,” ani niya sabay baling kay Porche. “Tara na, anak. Nagpa-reserve na ’ko sa restaurant na gusto mo.”
“Talaga po?” hindi makapaniwalang usal ni Porche.
Wow… restaurant. Ako hanggang mix and match lang sa Jollibee.
“Oo, kaya tara na,” aya niya sabay ngiti sa ’kin. “Gusto mo bang sumama, Yzain?”
“Ay, hindi na po!” tanggi ko sabay atras. “Sige po, una na ’ko. May gagawin pa po ako. Ingat po kayo—Porche, chat ka na lang.” sabay takbo palayo.
Huminto ako nang makalayo at dumiretso sa classroom para kunin ang bag. Hahanap na lang ako ng ibang matatambayan. Ayaw ko pang umuwi—siguradong uutusan lang ako ni Papa nang uutusan.
“Ano na, Yzain?” ani Fiel. “Saan si Porche?” dagdag niya habang naglilinga.
“Hindi siya makakasama. May lakad daw sila ng mama niya.”
“Sayang!” punong-puno ng panghihinayang ang boses niya. “Sige, tayo-tayo na lang. Nakahanda na ang bahay—hinihintay na tayo ni Mama.” aya niya sa lahat.
Nagsigawan ang klase at kaniya-kaniyang kuha ng bag. Akma sana akong tatanggi nang akbayan niya ’ko at hinila palabas ng classroom.
Mukhang wala na ’kong takas.