NINE YEARS AGO…
Costa Fuego
PABAGSAK na humiga si Athena sa malambot na kama ng kuwarto na inihanda sa kanya sa Hacienda Escalbar. Malaki iyon at maaliwas. May malaking glass sliding door sa isang bahagi kung saan puwede kang lumabas papunta sa balcony. Mula roon ay matatanaw ang hardin ng mansion at ang Monte Azul, isang maliit na bundok sa Costa Fuego.
“It’s so hot here, Nana,” buntong-hiningang reklamo niya.
“Well, ikaw itong nagpupumilit na magbakasyon dito sa Pilipinas ng isang taon. Wala pang limang oras, nagrereklamo ka na?” Sagot ng Yaya Elina niya na nakasanayan na niyang tawaging Nana.
Bumuntong hininga ulit siya bago umupo.
Athena was born and raised in California, USA. According to Yaya Elina, she was just five months old when her mother died. Nagkaroon daw ito ng komplikasyon nang manganak hanggang sa tuluyan itong bawian ng buhay matapos ang limang buwan.
Don Alvaro was heartbroken kaya nang umuwi ito ng Pilipinas, hindi siya nito isinama. Alam ni Athena na sinisisi siya nito sa pagkamatay ng ina kahit na palagi iyong tinatanggi ni Yaya Elina.
She was raised by her yaya alone. Ito na ang kinagisnan niyang pamilya bagama’t binibisita siya paminsan-minsan ng ama. Ang yaya niya rin ang nagturo sa kanyang magsalita ng Filipino. Purong Tagalog ang ginagamit nila sa bahay upang masanay raw siya sa wikang ito sa panahon na mamanahin na niya malaking negosyo ng Pamilya Escalbar dito sa Pilipinas.
Spoiled siya sa yaya. Lahat ng gusto niya ay nakukuha. Ang hindi lamang nito binibigay ay ang kalayaan niya na gumala at magparty kasama ang mga kaklase niya sa all-girls Catholic School. Protective ito masyado dahil ito raw ang mananagot kapag may nangyaring masama sa kanya.
Nang magtapos siya ng high school a few weeks ago, nakapag-desisyon siyang magbakasyon dito sa Pilipinas ng isang taon bago mag-aral ng kolehiyo sa Boston. Magde-debut na siya next month at gusto niyang makasama ang ama nang matagal-tagal.
“I want to go outside,” anunsiyo niya.
“Inaayos ko pa ang mga gamit mo rito,” sabi nito habang kinukuha ang ilang nakatuping damit galing sa maleta ni Athena. “Ikaw na muna ang lumabas. Huwag ka lang lalayo.”
Lumabas ng silid si Athena at nasa dulo na siya ng daghan nang bigla siyang sinalubong ng isang matandang babae na kanina ay pinakilala sa kanya na Manang Letty, ang mayordoma ng Pamilya Escalbar. “Athena, anak, may kailangan ka ba? Nagugutom ka ba? You want eat? Eat? Food?” Hinimas-himas pa nito ang tiyan.
Nakangiti siyang umiling. “Hindi po. Mag-e-explore lang ako sa labas.”
Natawa ito. “Nakakaintindi ka nga pala ng Tagalog! Pasensya ka na. Mukha ka kasi talagang Amerikana.”
Natawa na rin siya. May accent siya kung magsalita pero fluent naman siya sa Tagalog maliban na lang sa mga malalalim na salita at sa ibang idiomatic expressions.
“Naku, tuwang-tuwa talaga ako na nakapagbakasyon ka dito, anak. Naaalala ko pa noong nasa tiyan ka pa lang ng donya, ang likot-likot mo. Ako ang laging nakukurot niya tuwing sumasakit ang tiyan niya dahil sa kakasipa mo. Akala nga naming lahat, pati ng doktor, lalaki ka eh. Yun pala, masiglahin ka lang talaga na bata!”
Nginitian niya si Manang Letty. “Puwede niyo po ba akong kuwentuhan about kay mommy?”
“Naku, oo naman! Teka lang at sisilipin ko muna sila sa kusina kung nakapaghanda na ba sila para sa hapunan mamaya. Marami akong kuwento sa’yo sa susunod.”
Akmang lalabas na si Athena nang may maalala. “Manang? Ang sabi nila nasa hacienda lang daw ang mausoleum ni mommy. Puwede ko bang puntahan?”
“Aba, oo naman.” Sunod-sunod itong tumango. “Pasensya ka na at hindi kita masasamahan, anak, ha? Marunong ka naman mag drive ng ATV, hindi ba?”
Nang tumango siya ay giniya siya nito palabas ng mansion.
“Sundan mo lang ang kalsada na iyan hanggang doon.” Ngumuso ito sa Monte Azul.
“Sa bundok po?”
“Oo. Nasa tuktok niyan ang mausoleum. Basta sundan mo lang ang kalsada na iyan. Sa tuktok, may makikita kang mini-garden at sa gitna noon ay ang mausoleum ng mama mo. Basta bumaba ka lang dito bago dumilim. Huwag kang papa-gabi sa daan.”
Athena enjoyed her ATV ride. Nadaanan niya ang malawak na lupain ng kanilang pamilya. Noon ay sa mga larawan lamang niya nakikita ang iba’t ibang panamin doon. Ilang beses siyang huminto para kumuha ng mga litratong ipapadala sa mga kaibigan niya sa Amerika.
Nang marating niya ang tuktok ng bundok, gusto niyang lumundag sa tuwa dahil sa ganda ng tanawin. Kita mula roon ang malawak na Hacienda Escarbal at maging ang dagat na magkahalong asul at berde ang kulay at ang puting buhangin ng dalampasigan sa di-kalayuan.
Ang mini-garden na tinutukoy kanina ni Manang Letty ay napupuno ng sari’t saring tropical flowering plants. Sa gitna ay ang mausoleum na gawa sa white bricks.
Napakunot-noo siya nang makitang bukas ang pintuan ng mausoleum. Agad siyang pumasok doon at muntik nang mapasigaw nang may kung anong sumulpot sa kaliwang bahagi ng entrada.
“What the hell?!” Pagalit niyang sabi nang mapagtantong tao pala ang bumungad sa kanya. “What are you doing here?!”
Pinasadahan niya ito ng tingin. The guy was about her age. Matangkad ito at kung pagbabasehan ang kasuotan at ang sunog-sa-araw na balat, isa ito sa mga trabahador ng hacienda. May hawak itong walis sa isang kamay.
“Sorry, miss. Sisilipin ko lang sana kung sino ang dumating. Hindi ko sinasadyang gulatin ka.”
Pinameywangan niya ito at tinaasan ng isang kilay. “Ano ba kasi ang ginagawa mo rito sa mausoleum ng mommy?”
Bahagyang nanlaki ang mga mata nito. “Ikaw ang anak ni Don Alvaro? Naku, sorry talaga, ma’am. Nililinis ko lang ang mausoleum.”
“So, ikaw ang taga-linis dito?”
Napakamot ito sa ulo. “Hindi po. Gusto ko lang masigurong malinis dito palagi kasi baka bumisita si Don Alvaro.”
Pinasadahan niya ulit ito ng tingin mula ulo hanggang paa. “So sumisipsip ka?”
“Naku, hindi naman po. Malaki lang ang utang na loob ko sa don.”
She crossed her arms. “Puwes, makakaalis ka na.”
Agad itong lumabas at pumunta sa may gilid ng mausoleum kung saan nakaparada ang pulang motorsiklo na hindi napansin ni Athena kanina.
Pinagala ni Athena ang paningin sa kabuoan ng malawak na mausoleum. Sa harapan ay mayroong malaking painting ng namayapa niyang ina. Sa ibaba niyon ay ang himlayan nito na gawa sa mamahaling marmol.
May mga picture siya ng mommy noong nabubuhay pa ito. Mayroon pa nga siyang picture kasama nito noong nasa hospital ang donya at sanggol pa lamang siya. Pero first time niyang pumunta rito sa mausoleum ng ina.
Napadako ulit ang paningin ni Athena sa malaking larawan sa harapan. Wari ay ngumingiti ito sa kanya.
She gasped. “W-wait!” Dali-dali siyang lumabas nang paandarin ng lalaki ang makina ng motor. “J-just stay there!”
“Po?”
“Diyan ka lang,” ulit niya sa tagalog sa pag-aakalang hindi nito naintindihan ang sinabi niya. “Bantayan mo ako.”
Napakamot ito sa ulo, halatang nagpipigil ng tawa. “Natatakot po ba kayo sa loob?”
“Excuse me?” She glared at him. “Bakit naman ako matatakot eh mommy ko ang nakalibing diyan?”
“So puwede na po ba akong umalis? Marami pa kasi akong gagawin sa baba.”
Pinaandar nito ang motorsiklo ngunit nang dumaan ito sa harap niya, mabilis niyang hinablot ang manggas ng suot nitong t-shirt.
“No!”
Huminto naman agad ito at pangiti-ngiting tiningnan siya.
“H-hindi ko kabisado ang hacienda," katwiran ni Athena. "Baka mamaya may mga masasamang tao pala diyan.”
“Eh paano po kung ako pala ang masamang tao?” Pilyo itong kumindat sa kanya.
Inis na tinampal niya ito sa balikat. “Hindi mo lilinisin ang mausoleum ni mommy kung masama kang tao.”
“Paano kung hindi naman pala ako naglilinis, kundi naghahanap ng kayamanan sa loob?”
“Anong kayamanan naman makukuha mo diyan? Bangkay?”
Tumatawang bumaba ito ng motorsiklo.
“Diyan ka lang!” Pigil niya nang akmang papasok ito sa mausoleum. “Huwag kang pumasok. Naiinis ako sa pagmumukha mo.”
……………………
HINDI ALAM ni Jeric kung ano ang magiging reaction sa unang pagkikita nila ng anak ni Don Alvaro. Hindi maikakailang napakaganda nito. Kasing mestisa ito ni Donya Tina, pero base sa mga naririnig niyang kuwento tungkol sa donya, mabait ito at pala-kaibigan sa mga trabahador at mga katulong ng hacienda.
Mukhang masungit at mataray ang anak.
Natatawang napailing na lamang si Jeric. Marahil ay nagmana ang dalaga sa ugali ni Don Alvaro na aloof at strikto. Hindi ito nakikipag-usap sa mga trabahante kung hindi kinakailangan. Sa katunayan, kahit doon mismo sa hacienda lumaki si Jeric, matagal bago siya napansin ni Don Alvaro.
Pinanganak si Jeric sa Manila. Hindi niya kilala ang nanay niya dahil tuwing tinatanong niya ang Papa Bong niya tungkol dito, bigla itong nagagalit. Takot si Jeric sa tatay niya. Malupit ito. Sa murang edad niya ay ilang beses siya nitong napagbuhatan ng kamay.
Natigil lamang iyon noong limang taong gulang siya nang iwan siya nito sa mga magulang nito sa Hacienda Escalbar. Matagal nang katiwala ang dalawang matanda sa hacienda. Mababait ang mga ito at doon niya lamang naranasan na makaramdam ng pagmamahal at pagkalinga.
Matalino si Jeric. Nagtapos siyang valedictorian sa elementarya at high school.
Hindi niya makakalimutan ang high school graduation nila kung saan Guest Speaker noon si Don Alvaro. Namangha ito sa graduation speech ng binata at nagulat nang sabihin ng principal na apo si Jeric ng mga katiwala ng don sa hacienda.
“You should be proud of him, Don Alvaro. May talent ang bata na ito. He will go places with the right nurturing.”
Right there and then, nag-anunsiyo ang don na bibigyan niya ng full-scholarship si Jeric Fundar.
It was one of Jeric’s most memorable moment. Now that he’s nineteen years old, he just finished his first year of college. Pinangako niya sa sariling susuklian niya ang pagtulong sa kanya ng don.
Ginawa siyang parang personal assistant nito. Kung anu-ano ang inuutos nito sa kanya na ikinatuwa naman niya dahil nagbigay iyon sa kanya ng training kung paano patakbuhin ang isang negosyo. Kahit kailan ay hindi siya nagreklamo.
Hindi rin alam ng don na tuwing hapon ay naglilinis si Jeric sa mausoleum. Napansin niya kasi na halos gabi-gabi bumibisita doon ang matandang amo. Pangarap niya na magkaroon din ng isang taong mamahalin na kagaya ng pagmamahal ng don sa namayapa nitong kabiyak.
Napangiti si Jeric habang pinagmamasdan ang nakatalikod na anak ni Don Alvaro. Sa tantiya niya ay nasa 5’5” ang height nito. Mala-porselana ang balat, brown ang mga mata at ang buhok na tuwing natatamaan ng araw ay animo may mga gintong kumikislap-kislap.
Kung pareho lamang sila ng estado sa buhay, marahil ay naging crush niya ang dalaga. Subalit alam niya ang limitasyon niya. Langit ito, at lupa lamang siya.