Agad akong lumayo sa kanya at nagpatuloy sa paglalakad. Sumunod siya sa akin at tahimik lang kaming pumunta sa bahay. Nang makarating kami, nakita ko sila ina at ama na umuupo sa duyan. Napatingin sila sa aming dalawa at tumayo silang dalawa.
“Magkasama kayong naligo?” Galit na tanong ni ama.
“Hindi naman po kami naghubad.” Sabi ni Cadfael.
“Ama, naligo lang kami sa ilog, wala kaming ginawang masama.” Sabi ko sa kanya at hinawakan ni ina ang kamay ni ama.
“Nakakadalawa kana talaga, Cadfael,” Pagbabanta ni ama.
“Pasensya na po,” Sabi ni Cadfael. Pumunta na ako sa taas at nagbihis. Nakita ko si Cadfael na pinupunasan ang katawan niya. Binigyan siya ni ama ng masusuot at hindi ko mapigilang mapamangha sa kanya. Kahit anong suotin niya, bagay na bagay sa kanya. Bahag ang pinahiram sa kanya ni ama at nakikita ko ang malalakas at niyang katawan. Bakit sobrang gwapo niya? Para siyang anghel na nahulog sa langit. Mapuputi ang kanyang balat kompara sa morena kong balat. Ang kanyang buhok ay may pagka dilaw at ang aking ay sobrang itim at mataas.
Napatingin si Cadfael sa akin at namula naman ako at agad na lumabas.
“Kung may magtanong kung saan galing si Cadfael, sabihin mo doon sa kabila nanggaling.” Sabi ni ina at tumango naman ako. Nahahati kasi ang tribu sa islang ito ng dalawa at minsan lang namin nakikita ang mga tao sa kabila.
“Ina malapit na ang prosisyon.” Sabi ko.
“May lalaking nag aya na ba sayo anak?” Tanong ni ina at malungkot akong napayuko at umiling. Wala talagang interesado sa akin dito dahil isa kami sa pinakamahirap sa aming tribu at mas maganda ang ibang babae kaysa sa akin.
“Hindi rin naman kailangan talaga ang may paris anak, hayaan mo na lang ang iba kung ano ang sasabihin.” Sabi ni ina at tumango ako.
“Anong problema?” Tanong ni ama at lumapit sa amin.
“Ang anak mo, walang paris sa prosisyon.” Sabi ni ina.
“Ako magiging paris niya,” Narinig ko ang sabi ni Cadfael at nagulat ako sa sinabi niya. Talaga bang makikipag paris siya sa akin? Hindi ba siya nahihiya na makasama ang tulad ko? Maraming mas magandang babae sa tribu na ito.
“Oh anak, may paris kana.” Sabi ni ina at napatingin naman si ama sa aming dalawa. Napayuko naman ako at napakagat labi.
“Talaga?” Tanong ko kay Cadfael at tumango naman ito. Hindi ko mapigilang mapangiti dahil magiging paris ko si Cadfael. Hindi ko naman akalain na magiging gwapo ang paris ko at sigurado ako na magugulat ang mga tao doon. Pero sasabihin ko na taga kabila si Cadfael dahil hindi pwede na malaman nila na taga labas ng isla si Cadfael. Hindi na kasi pinapapasok ang taga labas dito sa isla namin. Hindi lang mapigilan ni ama ang tumulong dahil kailangan ng tulong ni Cadfael nong nakita ko siya at ngayon, wala na kaming magagawa.
“O siya, kumain na tayo.” Sabi ni ama at umupo na kami at nagsimulang kumain.
***
“Mamimingwit muna ako ng isda,” Sabi ko nila ama at ina at tumango sila.
“Mag ingat ka at huwag lumangoy sa malalim.” Sabi ni ina.
“Opo ina,” Sagot ko.
“Pwede ba akong sumama?” Narinig kong tanong ni Cadfael at napatingin ako kay ama.
“Sige, samahan mo siya.” Sabi ni ama at napangiti si Cadfael at sumunod sa akin. Pumunta kami sa dagat at sinumulan ko ng mamingwit ng mga isda. Hindi ko mapigilang tumawa nang makita si Cadfael na nahihirapang kumuha ng mga isda at nadulas.
Nagulat ako nang marinig ko ang sigaw niya. “May ahas!” Iyak nito at agad na tumakbo patungo sa akin at nagtago sa likod ko. Kinuha ko ang aking palaso at tinira ito sa ahas at agad itong natamaan sa ulo. “Magnifico! Ang galing mo.” Masayang sabi nito at napangiti naman ako.
Nang matapos kaming kumuha ng mga isda. Umupo kami sa dalampasigan habang tinitignan ang dagat. “Mahahanap ka ba talaga ng kasamahan mo?” Tanong ko sa kanya. Hindi ko mapigilang malungkot, dahil kapag nahanap na siya ng kanyang mga kasamahan, uuwi na siya at tuluyan na siyang aalis sa lugar na ito.
“Oo, may access sila sa lahat.” Sabi nito at napatingin sa langit.
“Maganda rin ba ang palasyo gaya sa mga kwento?” tanong ko sa kanya at napalingon siya sa akin.
“Oo, malaki ang palasyo at kumikinang gaya ng ginto.” Sabi niya. Bakit gusto kong makita kung ano ang larawan ng palasyo? “Gusto mo bang makapunta don?” Tanong niya at dahan dahan akong tumango.
“Minsan kasi, naiisip ko kung ano ang nasa labas sa aming isla.” Sabi ko sa kanya.
“Gusto mong sumama sa akin?” Tanong niya at nagulat ako sa sinabi niya at biglang bumilis ang kabog ng aking puso. Bakit ko ba nararamdaman ang lahat ng ito. Kahit gustuhin ko man na pumunta doon, hindi pwede dahil hindi pwedeng lumabas sa isla na ito.
“Oo, kaso hindi pwede.” Sabi ko sa kanya.
“Bakit naman hindi, may kalayaan kang gawin ang gusto mo, Anya.” Sabi niya sa akin.
“Dito ako lumaki sa isla at ayaw kong iwan ito.” Sabi ko sa kanya. Masama ba akong tao kung ipagdadasal ko na huwag na siyang mahanap at dito na siya habang buhay na titira? Siguro masama na ako dahil ito ang hiling ko. Ayaw kong umalis siya dito sa isla.
“Sabihin mo lang kung magbago ang isip mo. Isasama kita.” Sabi niya at napayuko naman ako. Hindi ko mapigilang umasa na makakapunta talaga ako doon. Gusto kong maramdaman kung ano ang mga ginagawa nila doon at gusto kong maranasan ang kanilang buhay.
Lumubog na ang araw kaya umuwi na kami ni Cadfael pabalik sa bahay habang dala niya ang mga isda na nakuha namin. Nakita namin sila ina na nagluluto. “Buti naman nakauwi na kayo.” Sabi ni ama at binigay ko ang mga isda sa kanila.
“Anya, bukas na ang prosisyon. Ihanda mo na ang damit mo para bukas.” Sabi ni ina at tumango ako at pumunta kami ni Cadfael sa loob ng bahay. Bigla akong nabuhayan dahil parang gusto ko nang mag prosisyon ngayon dahil kay Cadfael. Masaya ako dahil siya ang magiging paris ko sa prosisyon.
May damit na rin si Cadfael para sa prosisyon bukas. Damit ito ni ama noong nag prosisyon sila ni Ina.
**
Nakasuot ako ngayon ng baro’t saya habang inaayusan ako ni ina. Nilagyan niya ng pulang pintura ang aking labi. “Ang ganda naman ng anak ko,” Masayang sabi ni ina at napangiti naman ako. Lumabas kami ni ina sa kwarto at nagulat ako nang makita ko si Cadfael, nakasuot siya ng T’nalak na sobrang bagay sa kanya.
“Wow,” Narinig kong sabi ni Cadfael. “Ganda,” Sabi niya at uminit naman ang pisngi ko. Hinawakan niya ang kamay ko at may kakaiba akong naramdaman sa aking tiyan.
“Oh siya, mag ingat kayo.” Sabi nila ina at nagpaalam na kami at pumunta kung saan kami mag po prosisyon. Nakita ko na medyo marami na rin ang mga tao at bigla akong kinabahan baka magkikita na naman kami nila Corazon at lalo na si Kasa. Si Kasa ay anak ng leader namin dito sa isla at sobrang sama ng ugali nito, at lahat ng gusto niya ay kanyang nakukuha.
“Okay ka lang?” Tanong ni Cadfael at tumango ako.
Napatingin lahat sa amin nang makalapit na kami at lahat sila pinagmasdan si Cadfael. Bigla akong kinabahan nang makita ko sila Kasa, Corazon at Maria. Hinigpitan ko ang hawak ko kay Cadfael at nakita ko sila Corazon na lumalapit sa amin. Pinagmasdan ni Kasa si Cadfael at nakita ko na napatingin si Cadfael sa kanila.
Maganda si Kasa at siya siguro ang pinakamagandang babae sa tribu namin. May itim at makukulot siyang buhok, medyo morena ang kanyang kutis at maamo at mala anghel ang kanyang mukha.
“Anya, hindi ko alam na kasama mo kaibigan mo. Hindi makakarating ang paris ko kaya pwede ang kaibigan mo na lang?” Tanong ni Kasa at napayuko naman ako.
“Paris ako ni Anya.” Sabi ni Cadfael.
“Sabi niya, asawa daw siya ni Anya.” Narinig ko ang bulong ni Corazon kay Kasa.
“Talaga ba? Saan ka galing? Mukhang hindi ka naman taga rito.” Tanong ni Kasa.
“Taga kabila siya,” Sabi ko kay Kasa.
“Ahh ganon ba? Pwede ikaw muna maging paris ko ngayon?” Tanong ni Kasa sa kanya. Binitawan ko ang kamay ni Cadfael.
“S-Sige, Cadfael.” Malungkot na sabi ko sa kanya.
“Ang ganda ng pangalan, Cadfael.” Bulong ni Kasa. Hinawakan niya ang kamay ni Cadfael at hinila palapit sa kanya. Bigla akong nakaramdam ng kirot sa aking puso. Wala na akong magagawa kung gusto ni Kasa si Cadfael, lahat nakukuha ni Kasa at hindi na ako lalaban pa. Mukhang gusto rin naman ni Cadfael si Kasa dahil iba ang mga tingin niya kay Kasa.
“Anya,” Narinig ko ang tawag ni Cadfael pero hindi ko siya pinansin at nagsimula na ang prosisyon. Nakahawak na ang lahat sa kanilang mga paris. Nakayuko lang ako habang mag isang lumakad. Napatingin ang iba sa akin at uminit ang pisngi ko sa hiya.
Bigla akong nakaramdam ng mga hawak sa bewang ko at nakita ko si Cadfael na nakabalot ang mga kamay sa katawan ko habang sinamahan akong maglakad. Napalingon ako sa likod at nakita ko si Kasa na masamang nakatingin sa akin. “Bakit mo iniwan si Kasa?” Tanong ko sa kanya.
“Ikaw ang gusto kong makasama,” Sabi niya at hindi ko mapigilan ang saya ng aking puso.