“Ava, gising na!”
Naulingan kong malakas na tawag kasabay ng kalampag sa pinto. Nagising na ang diwa ko pero ayaw pa ng mata kong dumilat. Parang feeling ko ay kakapikit ko pa lang.
“Ava, anak! Hindi ka ba papasok!?” Muling sigaw mula sa labas ng pinto. Tinig ‘yon ng Mama ko.
Bigla akong napabalikwas ng bangon nang marinig ko ‘yon
Pasok!?
“Sh*t!” Malakas na mura ko nang makitang may kaunting liwanag nang pumapasok sa kwarto ko mula sa siwang ng makapal na kurtina doon sa bintana ko.
Agad akong kumilos at dumukwang para buksan ang table lamp na nasa side table ko at kinuha ang nakapatong na table clock doon.
“My ghaddd!” Sigaw ko nang nakita ko ang oras.
6:30 na ng umaga!
Ganitong oras ay dapat na naka-alis na ako ng bahay dahil mahigit isang oras ang byahe ko. Nagta-taxi naman kasi ako dahil may taxi allowance akong reimbursable sa kumpanya kaya walang problema at hindi na ako nagpapalipat lipat pa ng byahe at hindi haggard sa pagpasok. Pero minsan talaga ay kapag minamalas ay nata-traffic ako.
Kaya nga 30 minutes to 1 hour ang allowance ko sa pagpasok bukod sa travel time ko dahil ang ayoko sa lahat at ma-late sa trabaho.
Sa isang taon kong pagta-trabaho bilang secretary ni Sir Thomas ay tatlong beses lang akong na-late at never pa akong nag-absent. To the point na kahit masama ang pakiramdam ko ay pumapasok ako. Kaya sobrang naaasahan talaga ako ng matandang amo ko sa pagiging masipag ko.
“Avajell!” Muling tawag sa akin ni Mama.
Mabilis akong bumaba ng kama ko. Bigla tuloy na natanggal ang antok ko. Nagmamadali kong binuksan ang pinto ng kwarto ko.
“Ma! Bakit hindi niyo po ako ginising kanina!?” Bulalas ko nang tuluyang buksan ang pinto.
Pinameywangan naman ako ni Mama. “Aba, anak. Naka tatlong punta na ako dito. Kanina pa kita kinakatok at hindi ka naman sumasagot.”
“Ma, I’m late!” Sambit ko sabay talikod kay Mama at nagmamadaling naglakad papunta sa closet ko para kumuha ng bathrobe.
“Naku, Ava… Nagtataka ako sa’yo at tanghali na ay di ka pa bumabangon. Ano naman ang gagawin ko at naka-lock itong kwarto mo. Iniisip kong sobrang napagod ka kahapon dahil nag-overtime ka pa.” Dere deretsong sabi ni Mama na pumasok na rin dito sa kwarto ko.
Nang nilingon ko ito ay nakita kong nagpunta na ito sa kama ko at aayusin ang pinaghigaan ko.
Hindi ko na inintindi pa si Mama at nagmamadaling pumasok ng banyo para maligo.
Well, siguro ay masyadong obvious ang dinadala kong problema kahapon na pag-uwi ko at napansin ni Mama na matamlay ako. Bukod sa nag-overtime ako dahil nag-advance ako ng gawa sa report na malayo pa naman ang deadline ay pagod pa ako sa byahe at nalipasan ako ng gutom.
Masyado ko kasing dinidibdib ang pagpapalit ko ng amo ngayon. Kaya ito at pati pagtulog ko kagabi ay naantala pa. Ang hirap talagang matulog kapag stress. Hindi ko na namalayan pa kung anong oras ako nakatulog. Basta lagpas na ‘yon ng alas dose ay nagpapabaling baling pa ako ng higa at mababaw pa ang tulog ko. Hindi pa naman ako sanay sa puyat kaya late tuloy akong nagising ngayon.
Diyos ko! Ang kabilin bilinan ni Sir Thomas ay alas nuwebe ng umaga ay magmi-meeting na kami para sa announcement ng new CEO ngayong araw. At ngayon pa lang ay sigurado na akong male-late na ako ng dating.
Mabilisang ligo ang ginawa ko. Pati sa pagbibihis ay nagmamadali ako. Hindi na ako nagblower ng buhok at sinuklay na lang. Pati paglalagay ng lipgloss at manipis na powder ay hindi ko na ginawa.
Sinukbit ko na lang ang bag ko at lumabas ng kwarto. Habang pababa ng hagdan ay nagsimula na akong mag-book ng grab taxi.
“Ate, ingat!” Bigla naman akong napaangat ng tingin nang halos mabangga ko na ang kapatid ko.
“Oopps, Sorry, sis!” Hinging paumahin ko sa highschool student kong kapatid na si Arabelle na papa-akyat naman ng kwarto nito na nasa katabing kwarto ko.
Dalawa lang kaming magkapatid at katulong na ako ng mga magulang ko sa pag papa-aral sa kapatid ko. Si Mama at Papa ay nagpapatakbo ng hardware store doon rin sa commercial building na pag-aari namin.
Sa totoo lang ay malaking tulong ang nakukuha namin na renta sa building na ‘yon at pati na rin ang kita nila Mama at Papa sa hardware store kaya nga nakapag-aral ako sa prestigious university na napakamahal ng tuition at doon ko nga nakilala ang first boyfriend ko na si Warren.
Ginapang ni Mama at Papa ang pag-aaral namin na magkapatid kaya naman ako ngayon ay todo tulong naman sa magulang ko na pag-aralin ang kapatid ko. Ang sabi ko nga sa kanila ay pwede na silang mag-stop na tumao sa hardware pero ang sabi nila ay libangan na rin naman nila ang pagtitinda at hindi sila hirap kaya hinayaan ko na rin.
Mas maganda rin naman sa nagkaka-edad kapag may pinagkakaabalahan, eh. Tsaka si Mama naman ay hands on sa pagiging ilaw ng tahanan at inuuna ang pag-aasikaso sa aming magkapatid at nagpupunta na lang sa hardware namin kapag wala nang magawa dito sa bahay.
“Oh, Ava… Hindi ka muna ba mag-aagahan? Tutal late ka na naman, eh… Dito ka na kumain?” Harang naman sa akin ni Mama na papa-akyat ng hagdan.
“Ma, hindi na po at nagmamadali ako!” sambit ko na hindi man lang nagawang tingnan si Mama dahil sa labis na pagmamadali.
“Hay, hija!” Narinig kong sambit na lang ni Mama at pumalatak pa.
Dere-deretso akong nagpunta ng pinto at naglakad palabas ng gate. Ilang minuto pa akong naghintay sa tapat ng kalsada at mabuti ay malapit lang itong pick-up point ng grab kaya nakarating agad ang driver.
“Manong, pwedeng pakibilisan po!?” Sabi ko agad sa driver pagkapasok ko.
Doon na ako mismo sa kotse nag-apply ng manipis na make-up. Inayos ko na rin ang pagkakasuklay sa basa ko pang buhok. Mabuti na lang at masunurin ang driver na na-book ko. Mabilis itong magmaneho at magaling pa sa pasikot sikot sa kalsada at naghanap ng short-cut.
Panay tingin ko sa orasan habang nasa byahe. Nag-text naman ako kay Sir Thomas na male-late at humingi ako ng pasensya. Nag-reply lang ang matanda na mag-ingat ako sa pagpasok. Hindi ko tuloy masabi kung galit ito.
Never pa ako napagalitan ni Sir Thomas kaya hindi ko alam ang mararamdaman ko kapag may sinabi siya sa akin mamaya.
Ngayon pa lang ay nahihiya na tuloy ako kay Sir Thomas na kung kailan sinabihan akong ‘wag magpa-late ay doon ako na-late.
Kung bakit ba naman kasi na kailangan na mangyari ito!? Okay ako sa trabaho, eh… pero simula ngayon ay hindi ko na alam kung magiging okay ako.