Hawak ko ang calling card ngayon na ibinigay ni Kuya na suki. Iniisip ko kung tatawagan ko ba ang matanda o hindi. Pauwi na ako at sa awa ng Diyos, naubos naman ang paninda ko.
Pero ang anim na daan ko na tinubo, alam ko na kulang na kulang pa para sa gamot na maaaring reseta ni Lola Anita.
Hindi ko alam kung bakit ngayon lang sumagi sa isip ko na ang taas ko mangarap, pero wala naman akong ginagawa na pagbabago sa buhay namin.
Kumain lang kami ni Lola at mabili ko lang ang kanyang maintenance na mga gamot ay madalas, ayos na ako. Kumita lang ako ng higit limang daan, masaya na ako.
Ngayon ko lang naisip na hindi sapat ang ganito kaliit na halaga para yumaman ako. Kaya't nagmadali akong umuwi ng kubo at naligo.
Nagbihis ako ng medyo maayos na damit at pumunta ako sa palengke.
“Manang, may damit ka ba diyan na pang opisina?” tanong ko sa tindera na matanda.
Ilang tindahan na ang aking napuntahan, pero lagi na lang hindi kasya sa akin ang mga damit. Kung hindi maiksi, puputok naman sa laki ng aking dibdib o kaya balakang.
Kaya nagpasya ako na sa ukay-ukay na lang pumunta. Dasal ko na sana, may makita ako na maganda pa.
Pumasok ako sa loob at kaagad naman ako sinalubong ng saleslady.
“Halika dito, ano ba hanap mo Madam? Pang pageant?” napangiwi ako sa tanong nito.
“Pang opisina sana, mag a-apply ako ng trabaho bukas,” sabi ko dito na tumango at iniwan ako.
Nag lakad ako patungo sa hanay ng mga naka hanger, hinawi ko isa-isa at halos maubos ko na ang isang hanay ay wala akong nakita na maayos.
Akmang tumalikod na ako ng tawagin ako ng sales lady, “Madam! Meron dito, bagay na bagay sayo!”
Kaya't lumapit ako at napangiti. Isang skirt na may kapares na coat. Pwede kahit papano. Isa pa, mukhang bago pa. Kaya't inabot ko sa babae ang hawak nito at diretso ako sa fitting room.
Pagsuot ko ay sakto naman sa akin. Kaya mabilis ko na rin hinubad. Paglabas ko naman, inabot ulit ng babae ang dalawang spaghetti strap na sando sa akin.
“Inner ang tawag dito Madam. Bente pesos lang ang isa. Wala ka naman tiyan, kaya keri mo na yan!” sabi pa nito ng iabot sa akin ang sando.
Pauwi na ako ngayon at napapakamot ako. Lagas ang apat na daan ko sa aking nabili. Dalawang daan na lang ang natitira, mamasahe pa ako at kakain bukas.
Habang nasa loob ng tricycle natulala ako sa dami ng bayarin. Pagbaba ko ay naglakad pa ako papunta sa aming kubo. Nagsaing ako at nagluto ng adobong kangkong na may tokwa. Sapat na pagkain namin ni Tinay.
Matapos ko magluto, nilabhan ko na rin ang damit na pinamili ko. Dahil basang-basa pa ito, kumuha ako ng tuwalya at doon ko piniga. Napangiti ako ng makalipas ang ilang minuto, para na rin na dryer ang damit na isusuot ko.
Sinampay ko sa labas ng bahay at napatingala ako. Maraming bituin, kaya't malabo na umulan ngayong gabi. Bitbit ko ang pagkain na nilagay lang sa pinaglalagyan ng ice cream.
Isinara ko na ang pinto at pumunta ako sa kapitbahay. Ibinilin ko na ipasok ang aking sinampay kapag umulan, dahil gagamitin ko bukas.
Dahil wala na akong pera, naglakad na lang ako papuntang hospital. Sayang din naman ang dose pesos at pwede ko na rin ‘yon pamasahe bukas.
Pagpasok ko sa loob ng hospital, diretso ako kaagad sa private ward. Nakaupo lang si Tinay habang nakangiti at may kausap sa cellphone.
Tumango ako dito bilang pagbati at inayos ko na ang dala ko na pagkain namin.
“Kamusta si Lola?” tanong ko dito na niyakap ako, kaya't bigla tuloy akong kinabahan.
“Ano nga?” naiinis na tanong ko dito.
“Relaxed lang! Ang sungit mo naman. Mamaya na ang operasyon ni Lola Anita, may iniwan na papel doon sa lamesa malapit sa kama na hinihigaan ni Lola. Basahin mo mamaya, english kasi. Nakakatakot, baka dumugo ang ilong ko.”
Hindi ako kumibo dito, mamaya ko na titingnan. May harang kasi na dalawang plastik na makapal bago ang kama ni Lola, ayaw ko muna silipin dahil baka hindi ako kumain sa awa ko.
“Shalla ng pagkain natin ah! Maghapon ako dito karne ang ulam! Alam mo ba, masarap ang rasyon na pagkain dito,” tumango lang ako dahil napapagod na ako.
Hindi ko kayang sabayan ang hyper ni Tinay ngayong gabi, dahil inaantok na ako sa sobrang pagod. Magana kaming kumain magkaibigan at pinagkakasya ang isa lang na tali ng kangkong na binili ko kanina at dalawang tokwa na sahog.
“Ano, uuwi na ako? Balik na lang ako dito bukas na umaga?” tanong ni Tinay matapos namin kumain.
“Pwede ba na mga alas kwatro ka dito bumalik? Makipagsapalaran sana ako bukas, hahanap ako ng trabaho,” pakiusap ko sa aking kaibigan.
“Ayos lang naman! Sige, pahingi na lang ako ng pamasahe. Tinatamad ako maglakad ‘e.”
Inabot ko dito ang isang daan na buo. Tinanggap naman niya at umalis na rin. Sinilip ko ang laman ng aking wallet at sakto na isang libo na buo at isang daan, may barya din na sa palagay ko, hindi na aabot ng bente pesos.
Humakbang ako papunta sa kinahihigaan ni Lola Anita at hinalikan ito sa kamay. Handa akong gawin ang lahat, makasama ko lang ng mas matagal pa ang matanda.
Wag sana udyok ng tadhana na pumasok ako sa trabaho na ayaw ko. Dahil papatusin ko ngayon lahat ng pwedeng trabaho, kumita lang ako ng pera.
“Good evening. Check lang namin ang pasyente,” sabi ng doktor at sa likod nito, na kasunod ang mga nurse.
Kinausap ako nito tungkol sa operasyon ni Lola at sa babayaran ko na halos kalahating milyon na pala. Nanghina ako dahil saan ako kukuha ng ganun kalaking pera, pero ang sabi sa akin, ay may tatlong buwan naman daw ako para ma settle ang payment.
Matapos ko pirmahan ang papel na kailangan, para sa operasyon ni Lola, kinuha na nga siya dito sa silid para dalhin sa operating room. Nagtanong ako sa nakasalubong ko na bantay kung saan ang chapel para magdasal.
Sa mga oras na ‘to, kailangan ko ang gabay at makakapitan. Dahil may edad na ako at isa sa risk ang bagay na ‘yon.