Chapter 5 - Black man

2284 Words
Chapter 5 : Black man Nakangiti si Trinity habang papalapit sa puntod ng yumao niyang boyfriend na si Cedrick. Sa wakas kasi ay naabutan niyang walang tao sa puntod nito. Ngayon lang siya nakasingit doon dahil nitong mga nakaraang araw ay tila binabantayan din ito nila Tifanny para hindi siya makadalaw roon. Mukhang nagsawa na ang mga ito sa kakabantay doon kaya abot langit ang ngiti niya dahil may oras na siya para magtulos ng kandila roon. Pag-upo niya sa damuhan ay agad siyang nagsindi ng kandila. May dala-dala rin siyang strawberry ice cream. "Dinalan kita ng favorite nating strawberry ice cream, Cedrick," sabi niya at saka nilapit sa lapida nito ang ice cream na hawak niya. Nilabas niya ang apang kasama ng ice cream. Nilagyan niya ng ice cream ang apa at saka itinusok sa damo. "Alam kong miss mo na iyan," bulong pa niya. Unti-unti nang nanginginig ang luha niya. Hindi niya lubos maisip na ang sunod na kain niya ng strawberry ice cream ay sa sementeryo at sa puntod pa ng taong mahal niya. Para siyang batang umiiyak habang kumakain ng ice cream. Kung kaylan nando'n na siya ay saka siya walang masabi. Tameme lang habang nakatitig sa lapida ni Cedrick. Tulala at hanggang ngayon ay hindi makapaniwala na patay na ito. "Sorry sa lahat-lahat ng nagawa kong kasalanan sa iyo, Cedrick. Huwag kang mag-alala, magkakaroon din ng katarungan ang nangyari sa 'yo. Sa oras na malaman ko kung sino ang gumawa sa iyo niyan, halimaw man o tao ay itatayo ko ang buhay ko maiganti lang kita." "Matapang!" Nagulat si Trinity nang biglang sumulpot sa likod niya ang mga dati niyang matalik na kaibigan na sina Tiffany, Megan, Jem, Margo at Clarissa. "Sabi sainyo e, malingat lang tayo ng sandali ay lilitaw na agad iyan dito," nakapamewang na sabi ni Tiffany. "Narinig niyo ba ang sinabi niya? Igaganti raw si Cedrick? Kanino? Sa halimaw?" sabi ni Megan na tinawanan siya. "Akala mo kung sinong matapang e, duwag naman!" sabi naman ni Jem na nakataas ang kilay sa kanya. Lumapit si Clarissa sa kanya. "Wow! May dala pang ice cream. Nagpunta lang siya rito para mag-food trip. Tila nagsasaya pa ata siya sa pagkawala ni Cedrick!" "Kaya nga. Nakakagigil talaga!" inis na sabi ni Tiffany at saka ito lumapit kay Clarissa. Dinampot niya ang ice cream na nasa tabi ni Trinity. Tunaw na ang ilaw doon kaya bigla niyang binuhos iyon kay Trinity. "O.M.G!" natatawang sabi ni Margo na tuwang-tuwa sa ginawa ni Tiffany. Walang reaksyon si Trinity. Nakaupo pa rin siya at nakatitig sa lapida ni Cedrick. Tila hindi niya pinapansin ang mga ito kaya lalong nainis si Tifanny. "Ay iba, wala lang sa kanya ang ginawa mo, Tiffany," sulsol pa ni Jem. "Nakakagigil talaga!" sabi ni Tiffany at saka niya tinadyakan si Trinity. Tumumba ito sa damuhan. Tumayo si Trinity habang hinihimas ang likod na sinipa ni Tifanny. Seryoso niyang tinapunan ng tingin si Tifanny. "Bakit niyo ginagawa sa akin ito? Anong dahilan? Please, sabihin niyo sa akin. Masakit isipin na nawala na nga si Cedrick, naging ganito pa kayo sa akin. Parang awa niyo na, ayusin natin ito," sabi niya habang umiiyak. Si Jem naman ang lumapit sa kanya. Napangiwi si Trinity nang sikmuraan siya nito. "Wala nang aayusin dahil sinira mo na, Trinity! Ikaw ang nag-umpisa nito kaya walang dapat sisihin kundi ikaw lamang." "Bakit ako? Anong ginawa ko? Ipaliwanag niyo nga. Hindi naman ako ang pumatay sa kanya. Bakit parang hindi ko ata alam na kasalanan ko ang nangyari. Ipaliwanag niyo sa akin." Sasapakin pa sana siya ni Tiffany pero biglang natigil iyon nang may sumigaw sa kanila. "Tigilan niyo ang pamangkin ko!" sabi ni Indira kaya nagulat sina Tiffany. Agad silang lumayo kay Trinity. Lumapit si Indira kay Jem. "Kitang-kita kita kanina. Sinikmuraan mo ang pamangkin ko. Pambu-bully iyang ginagawa niyo. Pinaliguan niyo pa siya ng ice cream!" sigaw niya kaya natameme ang mga dating kaibigan ni Trinity. Aalis na sana sila pero biglang hinatak ni Indira ang buhok ni Jem. Napaaray ito dahil sa patilya niya ito hinatak. "Sa oras na maulit ito, ako ang bubugbog sainyo!" pananakot niya at saka niya tinulak si Jem. Nasubsob ito sa damuhan. Tumayo rin ito ka agad at saka sila nagtatakbo papaalis sa kanila. "Ayos ka lang?" tanong agad ni Indira. "Opo," maikling sagot ni Trinity. "Bakit hinahayaan mong ganyanin ka ng mga iyon?" inis na tanong ni Indira sa kanya. Naglabas siya ng panyo sa bulsa at saka inabot kay Trinity. Tinanggap naman iyon ni Trinity at saka niya pinunasan ang sarili niya. "Wala naman po akong magagawa dahil hindi ko sila mapigilan. Pilit akong umiiwas sa kanila, pero sila itong palaging nanggugulo sa akin," sagot niya. "Teka, bakit po kayo biglang napunta rito?" tanong ni Trinity na kinabigla naman ni Indira. "Ah, e, napadaan ako sa puntod ng kaibigan ko. Death anniversary niya ngayon. Malapit lang iyon rito. Natanaw ko kasi na may sumisigaw rito kanina. Doon na nanlaki ang mata ko dahil namukhaan kita," sabi niya. "Ganoon po ba? Mabuti na lang at nakita niyo ako. Mga dati ko pong kaibigan ang mga nakita niyo kanina. Ako ang sinisisi nila sa pagkamatay ng boyfriend ko. Hindi ko nga alam kung bakit ganoon sila sa akin," paliwanag niya habang binubuksang muli ang namatay na kandila dahil natuluan na ice cream iyon kanina. "Mga baliw ata ang mga iyon. Teka, kilala ko ata ang boyfriend mong ito. Siya ba iyong huling nabalitaan na nakitang patay sa gubat?" tanong nito kaya tumango si Trinity. "Siya nga po." "Kayo pa rin ba o break na kayo?" tanong pa ni Indira. "Hindi na po kami nang mamatay siya. Nakipag-break ako kay Cedrick. Matagal ko siyang hindi kinibo. Iyon ang naiisip kong dahilan kung bakit nagagalit sila ngayon. Pero hindi ko maintindihan kung bakit parang ako ang sinisisi nila sa pagkamatay niya." Nilapitan siya ni Indira. Inagaw nito sa kanya ang panyo at siya na ang nagpunas sa pamangkin niya. "Don't worry, sa oras na ulitin nila ito, malalagot sila sa akin. Magsabi ka lang sa akin kapag ginugulo ka nila. Ako ang gaganti sa iyo," sabi pa niya pero hindi sumagot si Trinity. Matapos siyang punasan ni Indira ay umupo siya para lumapit ulit sa lapida ni Cedrick. "Uuwi na muna ako, Cedrick. Babalik ako sa mga susunod na araw," paalam niya. Sabay na silang lumabas sa sementeryo. "Sorry kung nadamay ka kahapon sa pangtataboy ko. Hindi ko na kasi kinaya ang mga sinasabi ng mama mo," sabi ni Indira habang nag-aabang na sila ng masasakyan. "Okay lang po iyon. Naiintindihan ko naman," sagot ni Trinity. Sa oras na 'yon ay lumambot ang puso niya sa tiyahin niya. Tuwang-tuwa siya sa pagdating nito kanina para ipagtanggol siya. Naramdaman niyang kahit pa paano ay mahal din siya nito. "Bakit nakatitig ka sa akin?" bigla nitong tanong sa kanya. Napansin kasi niya na nakatitig si Trinity sa kanya habang nakangiti pa. "Thank you po sa ginawa niyo kanina, Tita Indira," sabi niya at napayakap pa siya rito. Naramdaman niyang tinanggap nito ang yakap niya dahil hinaplos pa nito ang buhok niya. "Kamukhang-kamukha mo si Tatiana," sabi nito sa kanya kaya nangiti siya. "Hanggang ngayon po ba ay magkamukha pa rin kami?" tanong pa niya nang bumaklas na siya nang yakap sa kanya. "Oo, para talaga kayong kambal." "Sana talaga ay makita na natin siya. At sana rin ay na sa mabuti siyang kalagayan ngayon." May dumating ng tricycle kaya sumakay na si Trinity. Hindi sumabay sa kanya si Indira dahil may dadaanan pa raw ito. "Don't worry, Tita Indira, gagalain pa rin kita kahit ayaw ni mama." "Sige, aasahan ko iyan," sagot nito sa kanya at saka siya nginitian. "Anyway, maligo ka agad pag-uwi mo. Baka kasi tumigas ang buhok mo. Malagkit pa man din ang ice cream," sabi pa niya. "Noted po, bye!" sagot niya at saka na siya sumakay sa loob ng tricycle. Pag-alis ng tricycle ay natahimik siya. May kasabay kasi siyang lalaki roon. Naiilang si Trinity dahil titig na titig sa kanya ang lalaking iyon. "H-hello," bati nito sa kanya kaya biglang nagulat si Trinity. Hindi naman siya suplada kaya pinansin naman niya ito. "H-hi," sagot niya at saka niya tinapunan ito nang tingin. Napataas ang kilay ni Trinity dahil nakita niyang guwapo pala ito. Kung titignan ay parang may lahi ito. Mukha siyang matangkad dahil halos umabot na sa kisami ng tricycle ang ulo niya, singkit ang mga mata, maputi, mapula ang labi at ang ayos-ayos ng buhok niya kaya mukhang ang linis-linis niyang tignan. Tapos iyong balbas at bigote niya ay bagay sa kanya. Malinis pa ring tignan. Mukhang may edad na ito pero halata sa boses na binata pa lang siya. Medyo weird lang ito dahil itim na itim ang porma niya. Damit, pantalon at rubber shoes. Kung titignan ay para siyang galing sa libing. "Amoy strawberry ice cream ka. Matanong ko lang...anong nangyari sa 'yo at ganyan ang itsura mo?" tanong nito sa kanya. "Wala. Aksidente lang na natapunan ako kanina ng ice cream," pagsisinungaling niya. Ayaw na lang niyang sabihin ang totoo at nahihiya siyang sabihin na binu-bully siya ng mga dati niyang kaibigan. "Ah, okay. Next time, mag-ingat ka na lang," sabi nito kaya nginitian na lang niya ang lalaki. Iniwasan na niya nang tingin ang lalaki dahil nahihiya na rin siyang makipagtitigan dito. Pakiramdam niya ay para siyang natutunaw. Kung ibang babae lang ang nasa katauhan niya ay baka nagsisigaw na ito sa kilig, lalo na kung siya si Doti na kaibigan niya. Mahilig kasi ito sa mga ganitong guwapo. "Kamukhang-kamuha mo talaga siya..." bulong ng lalaki kaya napakunot ng noo si Trinity. "M-may sinasabi ka ba?" tanong ni Trinity pero umiling na lang ang lalaki. Napapailing si Trinity dahil pakiramdam niya ay nalulungkot siya habang nakasakay sa tricycle. Hindi niya alam kung bakit. Pakiramdam niya ay parang nasa tabi niya si Cedrick. Pababa na siya sa tricycle nang mapansin niyang kaamoy pala ng pabango ni Cedrick ang pabango ng lalaking katabi niya sa tricycle. Gusto sanang tanungin ni Trinity ang pangalan nito, pero hindi niya magawa dahil sadyang mahiyaing tao siya. Paalis na sana ang tricycle, pero bigla itong huminto. Nakita iyon ni Trinity kaya hindi muna siya pumasok sa gate nila. Dumungaw ang guwapong lalaki sa tricycle. "I'm Carson nga pala. Nice to meet you, Trinity," sabi nito at saka siya nginitian. Mabilis niyang binalik ang ulo niya sa loob ng triycycle at saka na ito tuluyang umalis. Napanganga na lang si Trinity dahil nagulat siya na alam nito ang pangalan niya. Iiling-iling na lang tuloy siya habang papasok sa gate nila. ---**--- "A-anong ginagawa mo rito?" nanlalaking matang tanong ni Indira pagbaba niya sa tricycle. Nanlaki ang mata niya nang makita niya ang kaibigan ni Trinity na sinabunutan at itinulak niya kanina sa sementeryo. Tila hindi natatandaan ni Indira na si Jem pala ang isa sa anak ni Jamie na pinagkakautangan niya kapag natatalo siya sa sugal. "Anong ginawa mo sa anak ko?" galit na sabi ni Jamie. Inilapit niya si Jem sa kanya at ipinakita ang pasa sa likod nito dala ng paninipa niya kanina. "Jamie, makinig ka. Ipinagtanggol ko lang ang pamangkin ko," paliwanag niya. "Bakit? Anong ginawa ng anak ko sa pamangkin mo?" galit pa ring tanong ni Jamie. "Binu-bully nila ito. Nakita ko kanina sa sementeryo na binuhusan nila ito ng ice cream. Hindi lang iyon at sinukmuraan pa ng anak mong iyan ang pamangkin ko. Marami sila, nag-iisa lang ang pamangkin ko. Kung naroon ka ay maaawa ka rin sa pamangkin ko," paliwanag niya kaya naliwanagan na rin si Jamie. "Totoo ba iyon, Jamie?!" sigaw nito sa anak niya. "Sabi ko naman sa iyo, huwag na tayong pumunta rito," inis na sabi ni Jem na tila inaamin na sila ang may mali. Muli niyang binalik ang tingin kay Indira. "Mali man ang ginawa nila, sana hindi ka nanakit. Pinagsabihan mo na lang sana ang anak ko. Parang wala ka namang utang na loob. Hindi mo pa nga nababarayan ang fifthteen thousand na inutang mo. Teka, kaylan mo nga pala babayaran iyon?" "Pasensya na sa nagawa ko. Huwag kang mag-alala dahil babayaran ko na iyon next week," sagot niya. "Oh, siya, pasensya na rin sa nagawa ng anak ko. Hayaan mo at pagsasabihan ko rin itong anak ko," sagot nito sa kanya. Kalmadong-kalmado si Indira dahil alam niyang nasa tama siya. Hindi na rin sila nag-usap pa ng marami dahil may isang salita si Indira. Kapag nangako siya ay tinutupad niya. Kahit pa paano naman ay may tinatabi pa rin siya pera sa bangko niya. Iniipit lang talaga niya dahil ayaw niyang pagdating ng araw ay mamulubi siya. Pag-alis nina Jamie at Jem ay napahinto na naman si Indira sa gate ng bahay niya. Isang papel na naman ang nakita niya roon. Pinulot niya ang papel at agad na binasa. "Maniniwala ka ba kung sasabihin kong kinulong sa buwan si Tatiana?" basa niya sa nakasulat sa papel kaya agad niya itong pinunit at itinapon sa kalsada. Pakiramdam niya ay may taong nanggago sa kanya. Akala niya ay maniniwala siya sa mga iyon. Matanda na siya at wala siyang oras sa mga ganoong mukhang kathang-isip lamang. Malakas ang kutob niya na may batang nangti-trip sa kanya. "Mahuli ko lang kung sino ang gumagawa nito, pasensyahan kami. Ibabakat ko talaga ang mukha niya sa pader!" galit na sabi ni Indira at saka siya padabog na pumasok sa bahay niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD