Apoy 9

1655 Words
HINDI ko akalaing ganito ang kalalabasan ng paghahatid ko kay Venus. Nabigla na lang ako nang ipakilala niya ako sa kanyang Lola bilang kanyang boyfriend. Sabi niya ay siya raw ang bahala at sa Lunes na lang daw niya ipapaliwanag kung bakit. Ano ba itong napasukan ko? Naging girlfriend ko si Venus sa mata ng kanyang Lolo't Lola. "Mars? Tama ba?" tanong ng Lolo niya sa akin. Kasalukuyan kaming nasa dining table, naka-upo na magkatapat. Seryoso niya akong pinagmasdan na parang kinikilatis. "O-opo," tugon ko naman. Nang oras na 'yon ay talagang 'di ko alam kung ano ang aking sasabihin. Kinakabahan ako at nahihiya, lalo pa't ang buong akala nila ay boyfriend ako ng kanilang apo. "May kamukha ka," wika pa ni Lolo. "Hindi ko lang matandaan kung sino." Parang napaisip pa siya sa kanyang sinabi. Pagkatapos ay muli niya akong tiningnan, na sinundan ng pag-iling. "M-may problema po?" kinakabahan kong tanong. "Wala naman, iho. May naalala lang ako, pero kalimutan na natin 'yon," nakangiti naman niyang tugon. Ilang sandali pa'y pumunta na rin si Venus sa dining area. Nakapagpalit na siya ng damit at ang hindi ko maintindihan, nang mapatingin ako sa kanya ay parang bumagal ang takbo ng oras. Natulala ako sa kanya nang 'di ko maipaliwanag. "Mars?" Napapitlag na lang ako nang tapikin niya ang balikat ko. "Hoy! Ano'ng nangyari sa 'yo?" tanong pa niya habang nakangiti. "Nagandahan ka sa 'kin, noh?" "Huh?" walang kakwenta-kwenta kong tugon na ikinasama ng tingin niya sa akin. Dahil do'n ay nagwalk-out siya at pumuntang kusina. Hindi ko naman alam kung ano'ng nangyari, basta parang nakahinga na ako nang maluwag nang siya'y umalis. "Ha Ha Ha!" Bigla akong napatingin sa Lolo ni Venus nang marinig ko siyang tumatawa. "Nakakatuwa talaga ang apo kong 'yan," sabi pa niya sa akin. "A-ah...O-oo nga po," labas sa ilong kong tugon, dahil 'di ako natutuwa sa mga trip niya sa akin. "Magkaklase kayo, tama?" tanong naman niya. "O-opo," mabilis kong tugon. "Hindi ba parang napakabilis ng dalawang buwan. Magdadalawang buwan pa lang siyang transferee, kaya tatanungin kita iho...Seryoso ka ba sa apo ko? Kung hindi ay mabuti pa'y sabihin mo." Napalunok ako ng laway sa sinabing iyon ng Lolo ni Venus. Napako ang tingin ko sa mga mata niya. Base sa tingin niya'y parang inuutusan niya akong magsabi ng totoo. MATAGAL na rin ng huli ko itong gawin. Nginitian ko ang Lolo niya. "Seryoso po ako kay Venus. Hinding-hindi ko po siya sasaktan at higit sa lahat... poprotektahan ko siya," walang pag-aalinlangan kong sinabi na naging dahilan ng pagngiti ni Lolo. "Salamat, iho," wika naman ni Lola na 'di ko napansing nandito rin. Kasalukuyan siyang naghahain ng aming kakainin. Katulad ni Lolo, napangiti rin siya nang marinig ang sinabi ko. Pero bigla akong kinabahan nang makita ko si Venus na naka-upo na pala sa tabi ko. Kanina pa ba siya rito? Narinig kaya niya ang sinabi ko? Balisang-balisa ang aking isip pero nasabi ko na, narinig man niya o hindi ay wala na akong magagawa. Pagkatapos naming kumain ay kinausap ako ng Lolo't Lola niya. Si Venus ang naghuhugas ng pinagkainan kaya ginamit nila itong pagkakataon. "Mars, ipangako mong aalagaan mo si Venus," wika ni Lola habang hawak ang kamay ko. Hindi ko maunawaan kung bakit niya ito sinasabi sa akin. Parang sinasabi nila na baka 'di na sila tatagal sa Mundo, pero sa tingin ko ay malalakas pa sila. "Kung mawala man kami, gusto naming bantayan mo siya. Kung mahal mo talaga ang apo namin, protektahan mo siya," sabi naman ni Lolo sa akin. Hindi ko talaga maunawaan kung bakit parang ipinagkakatiwala nila sa akin si Venus. Kung alam lang nila, may kapangyarihan yatang taglay ang apo nila. Kung tutuusin ay kayang-kaya niyang ipagtanggol ang kanyang sarili. Ngunit ang mga titig ng Lolo't Lola niya... totoo at seryoso. Walang halong pag-aalinlangan. Ito ang naging dahilan para masabi ang mga bagay na 'di ko inaasahan. "Huwag po kayong mag-alala," seryoso kong sinabi sa kanila. "Hangga't nandito po ako, walang mangyayaring masama kay Venus. Ako po ang bahala sa kanya." Hinintay kong matapos sa paghuhugas ng plato si Venus at doon na ako nag-paalam. Nagpaalam din ako sa Lolo't Lola niya. Nakangiti sila pareho nang ako'y lumabas, parang ang saya-saya nila dahil sa akin. "Hoy! Anong sinabi nina Lola sa 'yo?" tanong ni Venus na sinamahan pa ako hanggang sa tabing kalsada. "Wala!" sagot ko. "Pahamak ka kasi. Ginawa mo pa akong boyfriend sa harap nila." Tinawanan niya lang ako, na siyang inaasahan ko. "Sa Monday ko na ipapaliwanag sa 'yo. Sorry naman!" aniya ng nakangiti. Ano pa ba'ng magagawa ko? Nangyari na iyon at hindi na mababago. Huwag lang sanang may makaalam na iba, lalo nang mga kaklase namin. "Bumalik ka na ro'n, hinihintay ka na nina Lola mo. Kaya ko nang umuwing mag-isa," sabi ko sa kanya. Baka pa kasi malaman niyang maglalakad lang ako pag-uwi. "Sige na nga, gabi na pati," aniya na ipinagtaka ko ang pagpunta sa harapan ko na nakangiti. "Mars," malambing niyang sinabi na siyang nakapagpakilabot sa akin. "G-gusto mo ba ng goodbye kiss? Boyfriend naman kita, eh." Napalunok ako ng laway sa sinabi niyang 'yon. Bigla akong pinagpawisan at bumilis ang pagtibok ng puso ko. Hindi ko maipaliwanag ang aking naramdaman, basta... hindi ko alam kung ano ang aking isasagot. "Agkhh!" Pero bigla niya akong sinikmuraan. Muntik ko nang maisuka ang aking mga kinain dahil sa lakas no'n. Napakapit din ako sa tiyan ko para mabawasan ang sakit. "S-sira! Bakit mo iyon ginawa?" bulalas ko subalit nakita ko siyang nasa terrace na ng kanilang bahay. Tawang-tawa siya habang kumakaway sa akin. Nakakaasar ang ginawa niyang 'yon pero bigla akong natigilan nang may makapa akong papel sa tapat ng t'yan ko. "Nakatuping papel?" Nagtaka ako kung saan ito galing at agad ko itong binuklat. Mabuti't malapit ako sa poste ng ilaw, kaya mababasa ko kung may nakasulat dito. "Sulat-kamay ito ng babaeng iyon," sabi ko sa sarili. Kaunti lang naman ang nilalaman kaya binasa ko na rin. "Mars, salamat! Don't worry kasi, babawi ako sa Monday. Ingat ka sa pag-uwi!" Pero nang mabasa ko pa ang nahuhuling sulat niya ay hindi ko na napigilang mapangiti. Ngiting pilit kong pinigilan subalit 'di ko nagawa. "Sa wakas! Nakita rin kitang ngumiti. Mas pogi ka 'pag naka-smile." KINABUKASAN, pagkamulat ng mga mata ko'y ramdam ko na agad ang p*******t ng aking binti't paa. Naglakad kasi ako kagabi, simula Onse hanggang dito sa amin. Ilang Barangay ang kinailangan kong lampasan at ang masaklap, tatlong beses pa akong hinabol ng aso. "Alas-onse na pala," sambit ko nang mapatingin ako sa marumi kong orasan sa tapat ng aking higaan. Mabuti na lang at next week pa ang umpisa no'ng gagawing bahay sa kabilang Barangay. Nakiusap kasi ako na magtatrabaho ako roon t'wing Sabado. Wala naman akong gagawin kaya ipinikit ko muna ang aking mga mata. Isang mukha ang biglang gumuhit sa isip ko. Malinaw ito at ang ganda niyang tingnan. Hindi siya nakakasawang pagmasdan. "Mars, pumopogi ka 'pag naka-smile." Bigla itong sinabi ng napanaginipan ko, dahilan para ako'y magising. "Binangungot ako!" bulalas ko nang aking maalalang si Venus ang napanaginipan ko. Muli pala akong nakatulog. Nawala ang antok ko bigla kaya nagpasya na akong bumangon. Pagkahilamos ko aya tiningnan ko kung may kanin, wala kasi si Nanay. Malamang ay nando'n na naman siya, doon mo lang naman pati siya matatagpuan. "Ulam pala ang wala," sabi ko sa sarili matapos makitang may kanin. Sinulyapan ko ang bote ng toyo at mukhang alam ko na ang aking iuulam. Pagkakain ko ay hinugasan ko na rin ang aking pinagkainan. Pagkapahinga ko ng kaunti ay agad kong binuklat ang aking bag. "Nilagyan ko ng guhit ang mga dapat mong i-review. May test tayo sa Monday. Mag-aral ka!" Naalala kong muli ang sinabi sa akin ng babaeng iyon bago kami mag-uwian kahapon. LUMIPAS ang isa, dalawa, at tatlong oras. Nakatulog pala ako habang nagre-review. Hapon na pala kaya mga ilang sandali pa'y napagdesisyunan kong lumabas at maglakad-lakad. Ilang minuto akong na-upo sa may Basketball Court at pinanood ang mga naglalarong kabataan. Ilang minuto pa ang lumipas ay isang lalaking naka-itim at malaki ang pangangatawan ang tumabi sa akin. "Maganda ba ang pinapanood mo, Brad?" Nagulat ako nang magtanong siya. "A-ayos lang," tugon ko. Mukhang hindi maganda ang pakiramdam ko sa taong ito, lalo na nang mapansin ko ang tattoo ng bungo sa kanan niyang braso. Pamilyar ito at pilit ko inisip kung saan ko 'yon nakita. Maya-maya pa'y bigla siyang umalis. Hindi ko nga maintindihan kung bakit ko siya palihim na sinundan. Siguro'y dahil sa 'di maganda ang kutob ko sa kanya. Nakarating ako sa isang bakanteng lote na malapit sa school. Bihira ang taong dumaraan dito, dahil dead-end ang kalsada rito. "T-teka? Sa'n na nagpunta 'yon?" tanong ko sa aking sarili nang bigla siyang nawala sa paningin ko. "Ahgk!" Napaluhod ako nang biglang may matigas na bagay ang tumama sa likod ko. Napakasakit no'n at halos 'di ako makagalaw dahil do'n. Ang ipinagtataka ko lang ay bakit parang may lakas pa ako, pero masakit talaga. "Sabi ni Boss, turuan ka raw ng leksyon," nakangising sinabi ng nakaitim na lalaking sinundan ko. May hawak siyang arnis sa kanang kamay at mukhang ito ang tumama sa likod ko. "Mas mabuting dito sa tagong lugar kita bugbugin para malinis ang trabaho." Dito ko biglang naalala 'yong mga snatcher kahapon. Mukhang kasamahan nila ang isang ito, dahil sa tattoo sa kanang braso niya. Muli niya akong hinataw ng arnis pero mabagal, kaya nakaikot ako palayo at agad nakabangon. Hanggang ngayon ay 'di ko pa rin maipaliwanag kung bakit ang bagal ng kilos ng mga nakakalaban ko. Pilit niya akong pinatamaan pero walang kahirap-hirap ko lang itong iniwasan. "Ako naman!" bulalas ko at isang malakas na suntok ang pinatama ko sa kanyang sikmura. Halos lumuwa ang kanyang mata sa lakas no'n at pagkatapos ay dahan-dahan siyang bumagsak. "Para 'yon sa paghataw mo sa likod ko!" sambit ko habang hinihilot ang medyo masakit kong likod. "Kung sino man ang Boss mo, pakisabing tigilan niya ako dahil 'di kayo uubra," sabi ko pa bago ako umalis. Mukhang matibay rin siya. Hindi kasi siya nawalan ng malay, 'di tulad ng mga kasama niyang snatcher. Nakauwi ako ng bahay na sumasakit na nga ang binti't paa, heto at nadagdagan pa nga. Medyo masakit din ang likod ko dahil sa paghataw kanina ni Arnis Man.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD