LUCY
PAGKAUWI KO, dumiretso agad ako sa kuwarto. Binuksan ko ang bagong biling cellphone ni Xerxes para sa akin. Hindi ko maiwasang kiligin. Ang mahal ng cellphone na ito at high end. Hindi ko lubos akalain na magkakaroon ako ng ganito kaganda at kamahal na cellphone.
“My gosh! Pakshet ang ganda! Ang linaw ng camera! Grabe paldo!” hindi ko mapigilang sambit.
Agad ko itong kinalikot at ilang oras din akong nag-selfie. At nang mapagaod ay nakatulog ako. Hindi ko nga namalayang napahaba pala ang tulog ko. Gabi na anng magising ako. Nang makaramdam ako ng gutom, lumabas na ako ng kuwarto. Naabutan kong nanunuod sa sala ang dalawang bruha. Napatingin sila sa akin at inirapan ako. Napatingin naman ako kay mama. Ngumiti siya ng mapait sa akin.
“Anak, pasensya ka na dahil naubusan ka ng ulam.”
“Ayos lang po mama dahil may pambili naman po ako ng pagkain.”
“Ay talaga ba at saan naman galing ang pera mo?” biglang singit ni Jana.
“At bakit naman interesado ka? Gusto mo talagang malaman? Puwes…mayroon na akong trabaho kung saan makakabili na ako ng pagkain ko.”
“Mabuti naman kung ganoon, anak. Pasensya ka na talaga kung palagi kang nauubusan ng ulam,” mahinahong wika ni mama.
Biglang tumikhim si Gardo sa likod ni mama.
“Amelia, dapat hindi ka na humihingi ng pasensya diyan sa anak mo. Kasi dapat binibigyan siya ng sustento ng tatay niya. Hindi naman sa ano… pero kasi yung pera ko para lang sa dalawa kong anak iyan,” wika ni Gardo sabay tingin sa akin na para bang minamaliit ako.
Napabuntong-hininga na lamang ako at pagkatapos ay matamis kong nginitian si mama.
“Huwag niyo na po akong alalahanin mama dahil may trabaho na po ako. Hayaan niyo po sa susunod bibigyan ko kayo ng pera para bumili kayo ng mga personal na gamit ninyo.”
Biglang tumalim ang tingin sa akin ng step father ko.
“Bakit ganiyan ka kung makapagsalita, ha? Parang sinasabi mo sa akin na hindi ko binibigyan ng pera ang nanay mo para makabili siya ng personal niyang gamit?!”
Hinawakan ni mama ang kamay ni Gardo.
“Gardo…hindi naman iyon ang ibig sabihin ni Lucy.”
Bumuga ako ng hangin at pagkatapos diretsong tiningnan sa mata si Gardo.
“Tito…. wala po akong sinasabi na ganyan at kayo lang naman itong nag-isip ng ganiyan. Huwag niyong gawing kumplikado ang sinabi ko dahil wala naman akong ibang ibig sabihin doon. Ang gusto ko lang sabihin ay kapag nagkapera ako sa trabaho ko ng malaki-laki… bibigyan ko si mama ng pera.”
“Ang yabang mo na agad porket ng katrabaho ka? Akala mo kung sino ka ng makapagsalita?”
“Bahala po kayo kung ganyan ang gusto niyong isipin sa akin. Hindi ko rin naman talaga alam kung bakit galit na galit kayo sa akin kahit wala naman akong ginagawang masama.”
“Dapat kasi umalis ka na lang dito para maging masaya na kami. Hindi ka rin kasi makaramdam.”
Napatingin ako kay mama. Halata sa mukha niya na gusto niya akong ipagtanggol pero wala siyang magawa. Alam kong mahal na mahal niya si Gardo at takot siyang iwan nito. Kaya hindi niya ako magawang ipagtanggol.
“Huwag po kayong mag-alala sa susunod na buwan ay aalis na rin po ako dito. Kaya lang naman ako nandito ay dahil gusto kong makasama si mama.”
“Hala! Ate tingnan mo ang bagong cellphone niya!” biglang sabi ni Jane sabay turo sa phone ko.
Nanlaki ang mga mata ni Jana nang mapatingin sa cellphone ko.
“Saan galing iyan? Ang mahal ng cellphone na iyan dahil latest iyan! Saan mo ninakaw iyan?” nanlalaki matang wika ni Jana.
Bigla akong natawa ng malakas sa sinabi niya. At ang kapal talaga ng mukha niyang sabihin sa akin na magnanakaw ako? Impakta talaga ang magkapatid na ito. Mana sa tatay niyang impakto!
“Wow naman! Anong akala mo sa akin? Magnanakaw? Binigay ito sa akin ng amo ko. Mayaman kasi ang amo ko at guwapo. Naawa siya sa akin kaya binilhan niya ako ng cellphone,” sabi ko sabay ngisi.
Kulang na lang umusok ang mga mata niya sa sobrang galit. Nakakatawa silang magkapatid. Palibhasa kasi kupal ang tatay nila at pinalaki silang ganiyan ang ugali. Ni hindi man lang tinuruan ng mabuting asal.
“Sinungaling! Sigurado akong ninakaw mo lang iyan sa amo mo! Nakakahiya kang babae ka! Para magkaroon ka ng magandang cellphone, nagnakaw ka!”
“Jana, ano ba iyan?” biglang sabi ni mama.
“Amelia, hayaan mo si Jana dahil mukhang totoo ang siansabi niya. Imposibleng magkaroon ng ganiyan kaganda at kamahal na cellphone ang anak mo!”
Tumingin sa akin si mama at may lungkot sa kanyang mga mata. Pero nakikita kong hindi siya naniniwala sa sinasabi nila dahil kilala niya ako. Hindi ako magnanakaw.
“Mama, hindi po ako magnanakaw. Binigay po talaga ito ng amo ko. Okay sige, bukas pakikiusapan ko ang amo ko na pumunta dito para malaman niyo ang totoo,” kalmadong sabi ko sabay lakad palabas ng bajay.
Saktong pagkalabas ko ng bahay, biglang sumulpot ang isang mamahaling sasakyan. Nanlaki ang mata ko nang makilala ang sasakyang iyon. Mula doon, lumabas si Xerxes at seryosong nakatingin sa akin.
“Ikaw po pala, sir! Akala ko tauhan mo ang magsusundo sa akin.”
“Naisipan kong daanan ka na.”
Tumikhim ako at saka pinaglaruan ang mga daliri ko bago yumuko.
“Bakit?”
“Ah kasi sir.. pinagtulungan ako ng mga impakta kong stepsister at ang impakto nilang tatay. Sinasabi nilang ninakaw ko itong cellphone na binigay niyo.”
“I see…”
Ilang sandali pa, bigla na lang may tumawag sa akin.
“Hoy, Lucy! Ibalik mo iyan sa taong pinagnakawan mo!”
Nilingon ko si Jana na nakatayo sa pinto. Sumunod na rin si Jane, ang tatay nila at si mama. Ang dalawang impakta ay nanlalaki ang mga matang nakatingin kay Xerxes.
“Hala…ang guwapo,” rinig kong sabi ni Jane.
Tumikhim si Xerxes at saka naglakad ng mabagal patungo sa kanila. Ilang hakbang ang layo niya nang huminto sa tapat ng mga ito.
“Good evening. I'm Xerxes…. Lucy's boss. And for your information, hindi niya ninakaw ang cellphone na iyan. Binili ko para sa kanya iyan. Naiintindihan niyo ba?”
Halos lumuwa ang mga mata nilang tatlo. Habang si mama naman ay napatingin sa akin na para bang maiiyak na.
“Kung wala na kayong magandang sasabihin pa kay Lucy, aalis na kami. May trabaho pa siya ngayong gabi.”
Pagkasabi no’n ni Xerxes, tinalikuran na niya ang mga ito. At nang makalapit siya sa akin…
Bigla na lang niyang hinawakan ang kamay ko at marahang hinila papasok sa loob ng kanyang sasakyan.