Pendant and Letter

1817 Words
KINABUKASAN nagtungo ako sa simbahan pinapatawag daw kasi ako ni Father Morales. Naku! Baka pagsasabihan akong mangumpisal dahil sa ginawa ko kahapon huwag na man sana. Kakakumpisal ko lang sa kasalanan ko no'ng isang araw tapos heto na naman? Naupo kami sa mahabang upuan na gawa sa kahoy walang ibang tao kundi kaming dalawa lang. May inilabas si Father Morales, isang kwintas ibinigay niya ito sa akin kasama ang isang lumang sobre. Huminga muna siya nang malalim bago tumingin sa akin. "Noong natagpuan kita sa tapat ng pinto ng simbahan, nakasuot sa 'yo ang kwintas na iyan. Kasama ng sobre na tingin ko ay isang sulat para sa 'yo. Maaaring iniwan 'yan para sa pagdating ng panahon ay makilala ka ng tunay mong mga magulang. Itinago ko 'yan para hindi mawala," kwento ni Father Morales. Isinuot ko ang heart shape na kuwintas, kulay silver at may pasukan ng susi sa gitna? Sinilip ko ang butas nito pero wala akong makita. "Tingin ko, ang susi ng pendant na 'yan ay nasa kamay ng tunay mong mga magulang Mouse," saad pa ni Father. Sandali akong natahimik habang hawak ang kuwintas pinilit kong unawain ang mga sinabi ni Father, pero parang balewala lang sa akin? Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko ngayon. Hindi naman kasi ako umaasang may malaman pa tungkol sa pinagmulan ko. "Alam n'yo po okay lang naman kung hindi na nila ako hanapin kasi tingnan n'yo po, iniwan nila ako no'ng baby pa lang ako tapos babalikan nila ulit ako ngayong malaki na? Ano'ng klaseng magulang ang gagawa no'n sa anak?" Hinimas-himas ko ang pendant habang inuusisa ang hitsura nito. Biglang tinapik ni Father ang ulo ko't ngumiti. "Siguradong may dahilan, hindi lang natin alam kung ano 'yon. Hindi tama na husgahan natin ang isang tao hanggat hindi natin nalalaman ang tunay nitong dahilan kung bakit—nakagawa sila ng hindi tama sa kapwa. Mahirap maunawaan sa ngayon pero, balang araw pagdating ng tamang panahon…sa muli n'yong pagkikita—sana, sana pakinggan mo muna ang paliwanag nila." "Paano po kung ginusto talaga nila akong iwan? Kung, sinasadya po talaga nila? Masama po ang loob ko! At hindi 'yon basta-basta mawawala!" "Kapag nangyari 'yon, bumalik ka rito sa simbahan makikinig ako sa lahat ng sama ng loob o galit mo. Tandaan mo, nandito lang kami para sa 'yo… lalo na ang Panginoon." Itinuro ni Father Morales ang langit, natingala ako at pinagmasdan ito. Kulay asul ang kalangitan, kumpol-kumpol ang ulap, banayad ang sikat ng araw. Hindi ko alam kung ano'ng mangyayari sa hinaharap, ipagpapasa-Diyos ko na lang ang lahat. Magkita man kami o hindi ng tunay kong mga magulang. Bago umuwi ng ampunan may regalong ibinigay sa akin si Father Morales, isang pares ng tali sa buhok. Napansin niya siguro na goma lang ang ginagamit kong pantali sa kulot kong buhok. Taos-puso akong nagpasalamat sa ibinigay niya, talagang mabait si Father para talaga siyang ama sa aming lahat. "Father, salamat po at may maayos na akong panali sa buhok. Hindi na po siya sasabog tulad sa isang bulkan! Kung bakit kasi kulot ang buhok ko? Sana, tuwid at kulay itim na lang ang buhok ko tulad po sa inyo." Bigla siyang natawa nang malakas sa sinabi ko. "Ang ganda kaya ng kulay ng buhok mo kulay Almond lalo na kapag nasisinagan ng araw, sigurado may ibang lahi ka—" "Lahing alien? Ano po sa tingin n'yo?" biro ko. "Hindi! Ikaw talaga! Mukha kang half British, mamulamula ang pisngi mo at may mga pekas ka sa mukha kakulay ng buhok mo ang mga mata mo—kulay brown." Sinabi na ni father ang mga pisikal na katangian ko. Bigla akong nahiya dahil sa naiiba nga naman ang hitsura ko kumpara sa ibang mga bata. Sinasabihan nila akong alien dahil hindi raw ako taga-rito. Pero, may iba namang nagagandahan sa naibaba kong kataingian. He-heh! Bigla tuloy akong namula. Iniisip ko tuloy kung ano'ng klase ng pamilya mayroon ako? Sino nga kaya ang tagaibang bansa, ang nanay ko o ang tatay ko? Tunay nga kaya na alien ako o normal na tao? Hay! Ewan! Napangiti na lang ako sa mga sinabi ni father para hindi na siya mag-alala sa akin. Nagpasalamat akong muli sa magandang regalo ni Father. Iingatan ko itong kuwintas pati ang sulat na hindi ko pa binubuksan. Ano nga akaya ang nakasulat sa loob nito? Inilagay ko sa loob ng bulsa ang sulat saka tumayo. Nagpaalam ako kay Father na uuwi na ako sa bahay-ampunan, tumakbo ako palabas ng gate ng simbahan. Nang mapansin ko ang isang magarang sasakyan na kulay itim na nakaparada sa gilid. Sigurado sasakyan na naman iyon ng mayayaman! Muli akong tumakbo nang biglang— "Aray! Ang sakit ng pwet ko!" Nabangga ako at napaupo sa simento. "Tsk, bulag! Hindi marunong tumingin sa daan!" Narinig ko ang boses lalaki, dumaan sa gilid ko ni hindi man lang ako tinulungang tumayo. Nilingon ko siya habang nakasalampak sa simento, hindi niya ako nilingon. Tuloy-tuloy lang siya hanggang sa mapansin ko ang pagpasok niya sa loob ng magarang sasakyan. Mayaman pala, kaya panget ang ugali! Hmp! Tumayo ako at paikaikang naglakad. Isang malakas na busina ang gumulat sa akin mula sa likod, pambihira ang kotseng itim pala! Tumabi ako sa gilid upang bigyang daan ang papalabas na kotse nang mapansin kong bukas ang bintana sa likod. Pakiramdam ko huminto ang oras nang masilayan ko ang kumikinang na damit ng lalaking nakasakay sa loob. Hindi ko napansin ang mukha niya dahil natatakpan ito ng hawak niyang libro. Para siyang dyamante kumikinang at nakakaakit sa paningin. Bumalik ang ulirat ko nang tumapal bigla sa mukha ko ang isang—panyo? Kulay puti at ang bango ng amoy. Nang mapansin ko ang kamay ng lalaki sa loob ng kotse, inilabas niya ito saka may tinuro sa ibaba? Nang tingnan ko kung ano 'yong tinuturo niya saka ko lang napansin na may gasgas ang binti ko. Siguro napasadsad kanina nang magkabungguan kami. Ibinigay ba niya ang panyong ito para punasan ko ang sugat ko sa binti? Galos lang naman malayo sa bituka. *** PAGKABALIK ko sa bahay ampunan nakita kong naglalaro ng ten twenty sina Lily at ang iba pa. Tumakbo ako't nakisali sa kanila. Tuwang-tuwa naman ang mga bata dahil kanina pa raw nila ako hinahanap at gusto na nilang makipaglaro sa akin. Hindi man kami magkakadugo rito sa ampunan, para na rin kaming tunay na magkakapatid. Walang humpay ang tawanan namin hanggang sa makaisip ako ng ibang laro. Kumuha ako ng chalk mula sa silid aralan tapos hinati-hati ko't ibinigay sa mga bata. "Guguhit tayo!" sambit ko. Humarap kaming lahat sa tapat ng mahabang bakod saka iginuhit ang anumang bagay na pumasok sa isip namin. Ang saya! Tawa kami nang tawa sa mga ginuhit namin. "Ang cute naman n'yan Lily," puri ko sa ginuhit na bulaklak ni Lily. Ang lahat nama'y napatingin sa ginuhit kong malaking bahay na may malaking hardin at malaking fountain. "Balang araw titira rin ako sa malaking bahay!" pabida ko sa mga bata. "Pero, hindi ako tutulad sa mga mayayamang matapobre! Isasama ko kayong lahat para masaya!" dugtong ko pa. Ang lahat ng bata'y lumaki ang mga mata sa tuwa. Ramdam kong gustong-gusto rin nilang tumira sa malaki at magarang bahay. "Hindi mangyayari 'yan!" Biglang may nagsalita mula sa likod namin, si Jack. Napalingon kaming lahat sa kanya't biglang gumuhit ang lungkot sa mukha ng mga bata. "Ikaw naman napaka—mo talaga!" masungit kong sigaw kay Jack. Kahit kailan talaga palaging kontra bida 'tong lalaking 'to. Muli kong hinawakan ang chalk at nagsimula akong gumuhit muli. Gumuhit ako ng mahabang linya, sobrang haba umabot sa tatlong bakod ito. Narinig kong muli ang tawanan ng mga bata. Sige pa raw, habaaan ko pa raw hanggang sa malibot ko raw ang palibot ng bakod. Pero, syempre hindi nangyari 'yon. "Mouse! Ano na naman bang kalokohan 'tong pinaggagawa mo?" matinis na sigaw ni Miss. Mercedes. Hayun nga sangkatutak na sermon na naman ang inabot ko. Ipinalinis niya sa akin ang buong bakod na sinulatan naming mga bata. Napansin ko ang nakaparadang itim na sasakyan sa tabi ng kalsada malapit sa gate ng bahay ampunan. Mukhang may bisita yata si Miss Mercedes, siguro matapobreng mayaman na naman. "Hoy, tomboy! Bilisan n'yo raw 'yang ginagawa niyo at tumulong ka raw sa kusina mamaya!" masungit na paalala ni Jack, hindi ko naman nakakalimutan iyon. Pumasok siya sa loob ng bahay at naiwan kaming mga bata rito sa labas. "Ate Mouse, tomboy ka po ba talaga?" biglang tanong ni Lorna, mas bata kay Lily ng dalawang taon. "H-hindi, a! Ganito lang talaga ako manamit, mas komportable akong nakasuot ng dyamper at t-shirt," pabibo kong sagot sa kanya. Hindi ako katulad ng ibang mga babae na mahilig magsuot ng palda, hindi ako komportable sa gano'n. Nakakasagabal kasi sa pag-akyat ko sa puno, sa paglilinis at minsan kapag malakas ang hangin umaangat ang palda't maaaring masilip ang panty ko. Mas gusto ko 'yung suot ko e, nakakatakbo ako nang mabilis at hindi inaalala ang hangin. "Ah! Tingnan n'yo mga bata, ang ganda ng langit…balang araw makakaalis din ako sa lugar na 'to at sisikapin kong matupad ang pangarap ko!" Itinaas ko ang kamay ko na tila inaabot ang mataas na kalangitan. Alam kong mahirap mangyari pero hindi naman imposible. Balang araw, may darating ding pagkakataon sa buhay ko na siyang magpapabago ng lahat! Tingnan lang nila, ang munting daga na 'to ay magtatagumpay. Pero siguro, hindi pa 'yon mangyayari sa ngayon kaya maghihintay ako sa tamang panahon. "Mouse!" tawag ni Moli, kalalabas lang niya galing sa loob ng bahay. "Moli? Ano'ng problema, ba't hinihingal ka?" Lumapit siya sa akin saka inilapit ang bibig sa tainga ko. "May magandang bisita si Miss Mercedes, nakita ko siya kanina! I-isang mayaman! Mukhang may aampunin siyang bata rito sa ampunan!" Nanlaki ang mga mata namin nang marinig na may gustong mag-ampon ng bata galing dito sa ampunan. Ang lahat ng mga batang kasama ko'y nagningning ang mga mata, sino ba namang ayaw maampon ng mayamang pamilya. "Tingin mo, sino kayang aampunin nila?" usisa ko. Umiling si Moli. "Wala akong ideya kung sino pero… narinig ko na gusto raw nila ay batang babae!" Bigla akong hinatak ni Lily sa laylayan ng damit ko, ramdam kong kinakabahan ang bata, may halong pananabik ang paghawak niya sa kamay ko. Kung si Lily ay aampunin ng mayamang pamilya, ang tanging hiling ko lang ay mapunta siya sa mabait at mapagmahal na pamilya, 'yung pamilyang hindi siya sasaktan. Ganito kami rito sa ampunan, hindi namin alam kung ano'ng magiging buhay namin, may aampon ba sa amin o lalaki na lang kami rito at hindi makakadama ng pagmamahal ng isang pamilya. Narinig namin na tumunog ang bell hudyat na nagtatawag si Miss Mercedes, oras na siguro para maghanda ng kakainin namin mamaya sa hapunan. Hawak kamay kami ng mga bata, lahat kami ay iisa ang nasaisip… may aampon nga kaya sa amin?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD