Chapter 2

2514 Words
CHAPTER two   “WHAT do we have here?” ani Milo sa sekretarya niyang si Roman pagkaupo niya sa executive desk sa loob ng kanyang opisina sa Montecillo and Partners Law Firm. Agad niyang kinuha ang mga folder na nasa tray. Iyon ang mga kasong kailangan niyang suriin at pag-aralan. Marami silang abogado roon pero marami pa ring kliyente ang humihiling na siya ang humawak sa kaso ng mga ito. Kapag sinabi kasing Atty. Montecillo, agad na pumapasok sa isip ng lahat ang matinik na abogadong produkto ng Harvard at wala pang natatalong kaso. Malawak ang kaalaman ni Milo sa international law kaya mayroon din siyang jurisdiction sa ibang bansa. He wasn’t simply just powerful man. He had money, and brains. He had the right connections here and abroad. At hindi sa pagmamayabang, kahit nga sa looks department ay taglay niya ang halos lahat ng magagandang katangian. Gising na gising nga raw siya nang magsabog ng kakisigan ang Diyos, mula sa maliit na cleft chin hanggang sa mga ngiting alam niyang asset din niya. He was considered a triple threat by most men. He had money, brains, and looks. Kulang na lang yata ay ipagtayo siya ng dambana at sambahin ng mga babae. High profile man sa publiko, normal at ordinaryong tao pa rin naman siya. Maliban sa mga kaibigan at mga kamag-anak ay hindi na alam ni Milo kung sino pa ang totoo sa kanya. Iyon ang kapalit ng tagumpay na kanyang tinatamasa. So he put up a very nice façade; everybody thought he enjoyed what he had. If they only knew… “Napasadahan ko na ng basa ang mga `yan, boss,” wika ni Roman. Abogado rin ito, fresh out of law school. Pinili nitong magtrabaho muna sa kanya bago sumabak sa trial court. Roman said he wanted to learn from the best, and Milo was the best. Tinanggap niya si Roman tutal naman ay isa ito sa mga scholar ng foundation nina Kristina, ang asawa ng kapatid niyang si Jared. “These cases are the most challenging ones, boss,” sabi pa ni Roman. “This one is a simple case. Puwede na itong ipasa sa ibang abogado. Madali lang nila itong maipapanalo, kahit nakapikit pa,” anito bago itinuro sa kanya ang mga tinutukoy. “Sige, ako na ang bahala. Thank you.” Ngunit hindi pa nakakapagsimulang magbasa nang tumunog ang telepono sa mesa ni Milo. Si Kristina ang nasa kabilang linya. “Hi, sis.” Napangiti siya. He used to have a crush on Kristina. Naipagkamali pa nga niya sa pag-ibig ang damdaming iyon. Pero hindi siya pinapansin ni Kristina, sa halip ay nakatutok lamang ang mga mata nito sa iisang lalaki, sa kapatid niyang si Jared. Sobrang insecure siya noon sa kapatid. Isa rin marahil iyon sa mga dahilan ng dating rivalry nilang magkapatid. Gayunman, na-realize din agad niya na pagtinging kapatid lamang ang nararamdaman niya para kay Kristina. At naglahong parang bula ang rivalry sa pagitan nilang magkapatid nang makita niya kung gaano nasaktan si Jared noon. “Hello, gorgeous!” sagot ni Kristina, saka mabining tumawa. Kapagkuwan ay sinabi na nito ang pakay sa kanya. “We have a new case, Attorney.” Hindi na kailangang magtanong ni Milo kung ano ang bagong kaso na tinutukoy ni Kristina. Tiyak niyang tungkol iyon sa foundation. Ang pamilya kasi ni Kristina ang founder ng tatlong malalaking charity institution sa Pilipinas—ang Carla Youth Foundation, Carla Teens Foundation, at ang Carla Elderly Foundation. Bukod sa pagiging internationally-acclaimed writer ng hipag niya ay personal ding pinamamahalaan ni Kristina ang mga foundation. Siya naman ay isa sa mga abogado nito na namamahala sa lahat ng legal na mga aspeto ng mga foundation. “Okay, I’ll be there, Kris.” Ipinasya ni Milo na dumaan muna sa toy store para bilhan ng laruan ang kanyang pamangkin na James Lorenzo o JL. Nagmula ang pangalan nito sa pinaghalong mga pangalan nila ni Jared. Napangiti siya. Walang makakaisip na ang matinik na abogadong si Milo Montecillo ay nagbe-babysit sa kanyang pamangkin kapag kailangang mag-out of town ng mag-asawa at hindi puwedeng isama ang bata. Pero iyon ang totoo. Isa pa, baliw na baliw talaga si Milo kay JL. Minsan nga ay gusto niyang patulugin ang pamangkin sa condo unit niya. Pero siyempre ay hindi pumapayag si Kristina dahil isa at kalahating taon pa lang si JL. Madalas tuloy siyang tuksuhin ni Kristina na mag-asawa na para magkaroon na diumano siya ng sariling anak at pamilya. Hindi naiwasang mapangiti ni Milo nang biglang lumitaw sa isip si Bianca na may kilik-kilik na sanggol habang sa binti naman niya ay may nangungunyapit na isang batang lalaki na kahawig na kahawig niya. “Did I just see my future?” namamangha niyang bulalas bago ipinilig ang ulo. Wala pang isang oras ay pumapasok na ang sasakyan ni Milo sa bakuran ng opisina ng foundation. Bumaba siya ng sasakyan at hindi nalimutang bitbitin ang pasalubong para kay JL. Nakita niya si Kristina sa pintuan, tila inaabangan talaga ang kanyang pagdating. Gumanti siya ng kaway sa hipag nang kumaway ito sa kanya. Napangiti si Milo. Kristina looked very elegant and graceful as usual. Napapangiti at napapailing na lang siya kapag naaalala kung ano ang pinagdaanan ng pag-iibigan nito at ni Jared. Kunsabagay, lahat nga pala ng kanyang mga kaibigan ay makulay ang kuwento ng pag-ibig. “Hmm, your eyes are smiling, Milo. Let me guess, you’ve found the one? Or should I say you’ve found each other?” ani Kristina pagkatapos niya itong halikan sa pisngi at iabot ang stuffed toy na pasalubong para kay JL. “My eyes are always smiling, Kristina,” nakangiting sagot niya. “I don’t agree with that! May ibang glow sa mga mata mo ngayon. Spill, Milo, come on. Where’s my brave brother-in-law? Bakit hindi mo yata maharap ang damdaming `yan?” ayaw paawat na puna ni Kristina. Nahagod niya ng mga daliri ang kanyang buhok. “Okay, I admit I met this very special lady whom I want to pursue. Who knows, maybe she’s really the one. I mean, it’s too early to tell. Kaya wala pa akong maaamin.” Bahagya rin siyang natawa sa huling sinabi. “Okay na sa akin `yang sagot na `yan, Milo. At last, may nakabihag na rin sa puso mo.” Nagtatawanang pumasok na sila sa pinakaopisina ni Kristina. Sinilbihan muna siya ng hipag ng kape bago nila sinimulang talakayin ang kasong sinasabi nito. Tungkol iyon kay Rosa Artemio—hirap sa buhay, may tatlong anak, at kasalukuyang buntis. Humihingi ng tulong si Rosa sa foundation para sa pag-aaral ng tatlong bata. Bilang standard operating procedure o SOP sa tulong ng DSWD ay nagkaroon ng imbestigasyon at kaukulang pag-aaral kung nararapat bang tulungan ng foundation ang babae at sagutin ang pagpapaaral sa tatlo nitong anak. “Napatunayan naman namin na indigent siya, Milo, at iniwan siya ng kasalukuyan niyang boyfriend. She met most our requirements. Pero hindi niya naipasa ang isa sa pinakamahalagang requirement—ang DNA testing na magpapatunay na anak niya ang mga bata.” Tumango-tango si Milo habang nakatutok ang mga mata sa mga dokumentong ibinigay ni Kristina. “According to this series of DNA tests, the three children are related to each other and to the father, but their DNA do not match their mother’s. Pero sinasabi rin dito na marami ang nagpapatunay na anak ni Rosa ang mga bata—mga kapitbahay, mga kamag-anak, at lahat ng mga nakakakilala sa kanya.” “Yes, lahat ng kapitbahay niya ay nagpapatunay na anak ni Rosa ang mga bata, na nakita nila nang magbuntis si Rosa, and even the midwife who assisted her during birth claims that Rosa is their mother.” Bumuntong-hininga si Kristina. “We thought there must be some mistake in the DNA test results. Kaya naman ilang test pa ang isinagawa sa iba’t ibang laboratory. Pero ganoon pa rin ang resulta. We had no choice but to take legal action against her, para sa kapakanan na rin ng mga bata. Gano’n din ang ginawa ng DSWD. Biglang naging criminal suspect si Rosa. She’s been charged now of committing welfare fraud.” “Welfare fraud. Isa ngang criminal case. Kung mapapatunayan siyang guilty, her children will be taken away from her. Puwede rin siyang akusahan na paid surrogate mother. Again, another criminal charge. Matindi ang kampanya ng gobyerno ngayon against welfare fraud, kaya hindi kataka-taka na umaksiyon agad ang DSWD.” “I know. What do we do next, Milo? Any minute ay lalabas na ang subpoena para sa court hearing. Rosa needs a lawyer and I hope she gets one.” Bumuntong-hininga si Kristina. “Ang totoo, ilang beses ko nang nakausap si Rosa. At bilang isa ring ina ay nasa kanya ang simpatya ko. Gano’n pa man, nakasampa na ang kaso at ayon sa order ng hukom na may hawak sa kaso ni Rosa ay tayo ang mangunguna sa prosecution team dahil sangkot dito ang Carla Foundation. Makakasama natin ang abogado ng DSWD.” “I’ll see what I can do, Kris. In the meantime, I’ll take these documents with me. Pag-aaralan kong mabuti ang mga `to. But yeah, I’ll take the case.” Mayamaya ay nagpaalam na si Milo kay Kristina.                   “`YA, TAMA na po,” mabigat ang loob na pag-alo ni Bianca sa kanyang Yaya Rosa. Inabutan niya ito ng tubig at pilit pinapayapa pero wala pa rin itong tigil sa pag-iyak. Si Yaya Rosa ang nag-alaga sa kanya mula pa noong sanggol siya kaya parang ina na rin ang turing niya rito, lalo na noong iwan sila ng kanyang ina. Mayaman dati ang pamilya nina Bianca, ngunit nang magkaroon ng economic crisis ay naapektuhan ang kanilang negosyo. Nalugi iyon at nahirapan ang kanyang amang maibangon uli, hanggang sa tuluyan nang ma-bankrupt. Isa si Yaya Rosa sa mga nanatiling tapat sa kanila kahit na hindi na nila ito napapasuweldo sa oras. Kaya nga sa pagbabalik ni Bianca sa Pilipinas ay isa si Yaya Rosa sa mga agad niyang ipinahanap para bigyan ng kaukulang pera bilang pasasalamat at pagtanaw na rin ng utang-na-loob. Sa perang ibibigay niya, makakapagsimula ng kahit maliit na negosyo ang kanyang yaya. Pero hindi niya inaasahan ang problemang kinakaharap nito ngayon. Ayon kay Yaya Rosa ay may mabigat na kaso itong kinakaharap at nanganganib pang mawala rito ang mga anak. Ang masaklap ay baka makulong din ang yaya niya. “Hahanapan kita ng magaling na abogado, `Ya. Huwag kang mag-alala. Patutunayan natin sa kanila na anak mo ang mga bata.” Kung sana ay napaaga ang pag-uwi ni Bianca o kaya ay hindi siya nawalan ng kontak kay Yaya Rosa, baka hindi nito naisipang lumapit sa isang foundation para humingi ng tulong. Kung alam lamang ng yaya niya kung saan siya makokontak siguradong sa kanya ito hihingi ng tulong. “`Ya, huwag n’yo nang alalahanin ang gastos, ha? Ako na ho ang bahala ro’n kaya pumanatag na kayo. Hahanapan kita ng magaling na abogado. Kokontakin ko ang mga dati kong kaklase sa San Beda, matutulungan nila tayo,” dagdag pa niya. Sunod-sunod na umiling si Yaya Rosa. “Marami na akong nilapitan, hija, pero ayaw nila akong tulungan.” Napapikit si Bianca. Maging siya man ay hindi maunawaan ang sitwasyon. Malinaw na malinaw naman na mga anak ng kanyang yaya ang mga bata. Inaanak pa nga niya ang panganay nito at nakita rin niya nang magbuntis ito bago sila lumipad ng papa niya sa Paris upang doon manirahan. Pero hindi iyon ang sinasabi ng mga DNA test result. Kaya hindi kataka-taka ang sinabi ng kanyang yaya na walang abogadong gustong tumulong dito. DNA testing was 99.9% foolproof and it doesn’t lie. It is considered infallible—the gold standard in court. Napabuntong-hininga si Bianca. “Huwag na kayong umiyak, Yaya, baka makasama pa sa dinadala n’yo,” nag-aalalalang sabi niya dahil wala pa ring tigil sa pag-iyak si Yaya Rosa. Natatakot siya na baka maapektuhan ang ipinagbubuntis nito na ngayon ay limang buwan na. “H-hayaan n’yo po, pag-aaralan ko ang kaso at—” “Hahawakan mo ang kaso, Bianca? Payag kang maging abogado ko?” Biglang nagliwanag ang mukha ni Yaya Rosa na animo nakakita ng hindi matatawarang pag-asa. Nakagat ni Bianca ang kanyang ibabang labi. Hindi siya sigurado sa gustong mangyari pero sapat na ang nakikita niyang paghihirap sa mukha ng kanyang yaya maipaglaban lamang ang mga anak. Tumulo ang kanyang mga luha. Ang totoo ay nasasagi ni Yaya Rosa ang isang sugat sa kanyang pagkatao na hindi pa naghihilom hanggang sa kasalukuyan; isang sugat na nilikha ng kanyang mama. Teenager si Bianca nang ma-bankrupt ang kanilang kabuhayan. Kahit nag-iisang anak ay hindi siya lumaking maluho kaya hindi siya masyadong apektado ng pagbagsak ng kanilang negosyo. But not her mother for she was materialistic. Iniwan sila nito ng kanyang papa sa kabila ng pagmamakaawa niya na huwag itong umalis. Pero sumama pa rin ang kanyang mama sa isang matandang negosyante na makapagbibigay ng mga luho nito habang siya at ang kanyang papa ay naiwang luhaan. Dinamdam niya ang pagkawala ng kanyang mama kahit na kung tutuusin ay hindi naman ito naging mabuting ina sa kanya. Kung may mas naapektuhan sa pag-alis ng kanyang ina, iyon ay ang kanyang papa. Mahal na mahal kasi nito ang kanyang mama at saksi siya sa pagtangis ng kanyang ama. Pinabayaan ng kanyang ama ang sarili, lalo na ang sariling kalusugan dahilan para atakihin ito sa puso. Nakaligtas naman ang kanyang papa, pero hanggang ngayon ay paralisado pa rin ang kalahati ng katawan nito. Sa kasalukuyan ay nasa Paris pa rin ang kanyang ama para sa physical therapy. Mabuti pa si Yaya Rosa, kahit mahirap lamang ay ipinaglalaban nito ang mga anak. Batid ni Bianca na halos ikamatay na ng kanyang yaya ang kaalamang maaaring mawala rito ang mga anak. Samantalang ang mama niya ay iniwan siya nang ganoon na lang kapalit ng karangyaan. Now that she had made a name for herself and she had the money, she wondered if her mother regretted leaving them. Kunsabagay, ni hindi nga nagtatangka ang kanyang mama na kontakin siya. Baka nga tuluyan na nitong nakalimutan na may anak ito. Ah, kung puwede lang na pumili ng ina ay ginawa na niya. But she was still a good daughter. Ibibigay niya sa kanyang mama ang kapatawaran sa sandaling hingin nito iyon. Pinahid ni Bianca ang kanyang mga luha at nginitian si Yaya Rosa. “Gagawin ko po ang lahat, `Ya. Pero aware naman po siguro kayo na hindi ko masyadong na-practice ang propesyon ko dahil tinutukan ko ang pagmomodelo. Gayunman, qualified pa rin naman po ako para humawak ng kaso. Sigurado po ba kayo na ipagkakatiwala n’yo sa akin ang kasong `to?” Hinawakan ni Yaya Rosa ang kamay niya. “Lubos akong nagtitiwala sa `yo, ineng. Gagabayan ka ng Diyos,” anito, saka napaiyak na naman.       
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD