Part 3

2329 Words
“GUSTO mong mag-sideline, Bev?” tanong sa kanya ni Brinnie. Certified interior designer ito at kaklase niya noon sa college. Iyon nga lang, si Brinnie ay nakatapos at siya ay hindi. Mayroon na itong sariling opisina. Malaki na iyon at madalas ay nag-aabot ang mga ipinapagawa ng kliyente. It was also her chance para mapakinabangan ang hilig niya sa interior designing. Nagiging sidekick siya ni Brinnie.       “Saang mansiyon tayo pupunta?” Excited na agad siya. Karaniwan na kasing big-time ang kliyente ni Brinnie. Kung hindi first-class condo ay mansiyon ang inaayusan nito.       “Don’t expect much,” maarteng wika ng bakla. “Wala ngang glamour ang trabaho, eh. Walang magkakabit ng wallpaper sa isa kong kliyente. Iyon kasing handyman ko, binubutas pa iyong banyo ni Mr. Gascon. Maryosep! Nakakatatlong palit na ako ng whirlpool tub doon, nagbago na naman ng isip. Palalagyan ko na iyon ng swimming pool!”       Umungol lang siya. “Hindi naman ako namimili           ng trabaho. Magkano muna?” At sabay silang napa-halakhak.       “Nag-quote na ako ng rate. Iyo nang lahat iyon kung magagawa mo.”       Napangiti siya. “Kailan ba iyan? Gusto ko, kaya lang, hindi ko pa natatapos ang ipinatatahi mo. Drapes pa lang ang nagagawa ko. Katatabas ko pa lang ng swag.”       She was a curtainmaker par excellence. Lahat ng kurtinang isinabit ni Brinnie sa mga bahay na inayusan nito ay nagdaan sa kamay niya. Kung anuman ang iba pang ginagawa niya na may kinalaman sa interior designing, sideline na lang iyon.       “Unahin mo muna iyang kurtina para masingil na natin ang balanse kay Mrs. Ting. Itatawag ko na lang sa iyo kung kailan ka magkakabit ng wallpaper. Madali lang naman ito. No sweat!”       “Oo na. Palibhasa, sanay kang puro utos lang kaya kahit ano sa iyo, no sweat!”       “Well, it’s definitely no sweat when it pays well.”       “Amen.”       Nang ibaba niya ang telepono ay pahuni-huni na siya. Hindi naman barat si Brinnie sa presyo niya kaya alam niya, makakabili na rin siya ng air conditioner. Hindi naman dahil wala talaga siyang pambili kundi ayaw lang niyang galawin ang ipon niya. Pang-emergency niya iyon. At hanggang may pamaypay at hindi pa siya napapasma sa kapapaligo, hindi niya iniisip na emergency case ang pagbili niyon.       Hinarap niya ang pananahi matapos asikasuhin ang mga alagang hayop. Ilang sandali pa, mahinang ugong ng sewing machine ang pumuno sa paligid niya. “BEVERLY, kumusta ka na?” malamyos na wika sa kanya ng tumawag.       “Mrs. Delos Santos?” gulat na gulat na sabi niya. “Nasaan kayo? Bakit may nagke-claim ng bahay ninyo?”       Marahan itong tumawa. “I’ve already sold it, hija. Mabuti nga at madaling nakahanap ng buyer ang agent ko. I gave him a special power of attorney para hindi ko na kailangang bumalik diyan para lang maibenta ang bahay.”       “Paano ho ang mga naiwan ninyong gamit?”       “You know me, Beverly. Hindi naman ako sentimental na tao. Pinakuha ko lang sa isa kong pamangkin ang mga personal kong gamit. Isinali ko na sa bentahan ang halos lahat ng laman ng bahay.”       “Biglaan naman ho yata ang desisyon ninyong ibenta ang bahay?”       “Hindi naman. Matagal na rin naman akong inaaya ng mga anak ko rito. Nahirapan pa nga akong mag-decide dahil magseselos ang isa kong anak kapag pinili kong tumira doon sa isa. But I made the final decision when I got here in New York.”       “Nasa New York ho pala kayo? Akala ko, sa California ang punta ninyo?”       “I stayed there for six days. Tinawagan ako nitong bunso ko dahil two months on the way na pala siya. Third child at medyo maselan. I’ve decided na dito na ako mamalagi sa New York. Napag-usapan na rin namin na kaysa naman iasa nila ang pag-aalaga ng per ora sa nanny ang mga bata, mas mabuting ako na ang mag-supervise sa kanila. Besides, I want to instill our values and culture to my grandchildren. Baka magpalipat-lipat na lang ako sa dalawang state. For now, dito muna ako sa bunso ko. Complete bed rest kasi ang advice sa kanya ng doktor.”       Hindi siya agad na nakakibo. Walang dudang sigurado si Mrs. Delos Santos sa desisyong iyon.       “I’ll miss you, hija. At saka si Shimmie. Pero kung sa ngayon lang ay malabo pa akong bumalik sa Pilipinas. So ibinibigay ko na sa iyo ang alaga ko. I know you’ll take care of her.”       “O-of course, Misis.” Nakadama siya ng lungkot. Kahit na madalas ang pagbabakasyon ng kapitbahay niya, iba pa rin pala ang lungkot na mararamdaman kapag walang katiyakan kung kailan niya uli ito makikita.       “Nagkakilala na ba kayo ng bago mong kapitbahay? Ilang beses na rin kaming nagkausap sa telepono. He’s a bachelor at malaki ang pag-aaring negosyo. I wish na maging magkaibigan kayo.”       Nahimigan niya ang panunukso nito sa huling tinuran. “N-nagkakilala na nga ho kami. Hindi ko naman ho alam na iba na pala ang may-ari. He accused me of trespassing nang maligo ako sa pool ninyo.”       Natawa ito. “Oh, dear. I guess, ako ang dapat sisihin. Hindi man lang kita natawagan para ipaalam sa iyo ang balak ko sa bahay na iyan. But I guess everything is okay now.”       “I guess so,” malabong sagot niya. Nagpasya siyang huwag nang ipaalam dito kung gaano ang naging iritasyon ng lalaki dahil kay Shimmie.       “Hindi naman kayo nagkakalayo ng edad ni Mitch. He’s only thirty-three. Ano kaya kung—”       “Marami po akong tanggap ngayong tahiin,” paiwas na sagot niya. Nahihimigan na niya ang pagma-match-make nito sa kanya sa suplado niyang kapitbahay. “Hindi na nga rin po ako masyadong nakakalabas ng bahay.”       “Come on, Beverly. Hindi mo naman kailangang lumabas ng sarili mong bakuran. I might phone you one of these days. I guess I should tell him na hayaan ka namang makagamit ng pool lalo ngayon na tag-init pa riyan.”       “Huwag na po ninyong intindihin iyon. Okay lang naman po na hindi ako makapaligo sa pool. Saka busy nga rin po ako. Maraming kliyente ngayon si Brinnie kaya marami rin po akong tahiin.”       “Hindi kaya gusto mo lang umiwas sa bagong kapitbahay?” may panunuksong wika nito. “I’m wondering. Ang sabi sa akin ng agent ko, muy simpatico si Mitch. Parang nakikinita ko nang bagay kayo.”       “Please...” She grimaced.       “I’ll call you up from time to time, Beverly. Bye for now.”       “Opo. Bye.”       IBINABA ni Beverly ang librong binabasa nang mapuna niyang tila na ang ulan. Iyon ang pagkakataong hinihintay niya upang maharap ang ibang gawaing-bahay. Halos kalahating araw nang brownout at hindi siya makapanahi. Kanina, habang nakapanungaw siya sa bintana, napansin niyang matataas na ang Bermuda grass.       Humarap muna siya sa salamin at itinali ang hanggang balikat niyang buhok. Naglagay pa siya ng manipis na pulbos, saka maputlang lipstick. Kahit naman magtatabas lang siya ng d**o sa labas, gusto niya ay cute pa rin siyang tingnan.       Cute kagaya ni Jolina Magdangal. Kasi, dalawang pulgada lang yata ang itinangkad niya rito. Pero kung kinulang man siya sa height, bawi naman iyon sa kinis ng kutis niya. She had a fair and creamy complexion. Ang buhok niya ay brown kapag nasisinagan ng araw, tuloy, lalo siyang nagmumukhang  mestiza.       Nginitian niya ang sariling repleksiyon. “Sino ang mag-iisip na malapit ka nang maging treinta?” aniya sa sarili at hinagod ng tingin ang suot niyang pink hanging blouse at white shorts. Mukha lang siyang teenager.       Dinampot niya ang discman at ikinabit iyon sa kanyang baywang. Minsan pa ay pinagmasdan niya ang sarili. Lalo pa siyang bumatang tingnan.       Kinindatan niya ang sarili. “Cute ka na,” sabi pa niya at nilisan na ang silid. Buhat nang mamuhay siyang mag-isa roon, natuto na rin siyang kausapin ang sarili. Maliban kay Brinnie na constant caller niya, puro pets ang nakakausap niya. Eventually, nasanay na rin siyang pati sarili ay kinakausap. Pero hindi naman niya dinadalasan. Mahirap nang mapagkamalan siyang nasisiraan ng bait.       Mayamaya pa ay hila na niya ang electric mower sa labas.       “Buhos na ulan, aking mundo’y lunuring tuluyan. Tulad ng pag-agos mo, `di mapipigil ang puso kong nagliliyab. Pag-ibig ko’y umaapaw, damdamin ko’y humihiyaw sa tuwa. Tuwing umuulan at kapiling ka...”       Huminto siya at hinawan ng paa ang mga damong nagupit. Napangiti siya sa samyo ng damong bagong tabas. Pakiramdam niya ay nasa tabi lang siya ng bundok. Bago niya ipinagpatuloy ang pagtatabas ng d**o ay itinodo pa niya ang volume ng discman.       “Minsan pa ulan bumuhos ka’t huwag nang tumigil pa. Hatid mo ma’y bagyo, dalangin ito ng puso kong sumasamo...” Huminga siya, bago labas-litid na bumuwelo. Bigay na bigay siya sa pagkanta sapagkat nalulunod naman ng ugong ng makina ang boses niya.       “Pag-ibig ko’y umaapaw, damdamin ko’y humihiyaw sa tuwa. Tuwing umuulan at kapiling kaaaa...” Pumikit pa siya at bahagyang lumiyad. Tuwing kakantahin niya ang piyesang iyon ay palagi na lamang siyang nadadala ng lyrics. At lalo pa ngayon na katatapos lang umulan.       “Hoy! Ano ka ba!”       Nasira ba ang CD niya? Dahan-dahan niyang iminulat ang mga mata habang kinakapa ang off  button ng mower. Then she knew. Hindi sira ang CD niya. May nambubulahaw lang sa kanya na nasa kabilang pader.       “Bakit?” painosenteng tanong niya.       “Bakit, itinatanong mo pa?” asar na asar na wika ng kapitbahay niyang masungit. “Ang ingay mo.”       “Kailan pa `ko naging maingay?”       Tila napipikon nang napahinga ang lalaki. “Iyang mower mo, daig pa ang eroplanong ayaw lumipad. And much more, iyang boses mo, nakakakulili sa tainga!”       Pahaltak na tinanggal niya mula sa mga tainga ang headphone niya upang mas malinaw niyang marinig ang sinasabi nito. Namaywang pa siya bago humakbang palapit sa pagkakatanghod nito.       “Hoy, Mr. Whoever-you-are, sa lahat ng kapitbahay, ikaw itong napakamareklamo! Ano ba’ng problema mo?”       “Look, I wouldn’t have any problems at all kung mayroon lang sana akong kapitbahay na may konsiderasyon sa kapwa. Iyon bang naiintindihan iyong value of privacy and peace.”       “Bakit, am I invading your privacy?” maang na tanong niya.       “As a matter of fact, yes,” prangka namang tugon nito. “Actually, mapagpapasensiyahan ko ang tunog ng mower. But your voice, my goodness! Kung puwede lang siguro na ora mismong ipa-replica ko ang Great China Wall, ginawa ko na.”       Napahumindig siya. Pero sa halip na patulan ang patutsada nito, matamis pa siyang ngumiti. And at that instant, natuwa siyang malaman na higit palang epektibo iyon dahil lalong gumuhit ang inis sa mukha nito.       “Sana nga ay may power ka na mag-magic. It would be very nice to have the Great Wall of China between us. Gagawin kong tourist destination ang panig ko. Bahala ka kung ano ang gagawin mo sa iyo.”       Pabuntong-hiningang umungol ito. “Mahirap talagang makipag-usap sa iyo!”       She made a low, sexy laugh. “Sino ba naman kasi ang nagsabing makipag-usap ka sa akin?” Banayad pa rin ang tono niya pero mahahalata roon ang pang-iinis. “Come to think of it, hindi kaya ikaw ang nang-aabala sa akin? Inaabala mo `ko sa gawain ko.”       “But you are also disturbing me,” katwiran nito. “Look.” Itinuro nito ang malaking terrace. Mayroong apat na tao roon na pawang nakatingin sa kanila. Sa gitna ay may mesa na maraming nakalatag na papeles. “Let me tell you, we were having a meeting. Puwede sana naming ignorahin ang tunog ng pagak mong mower but dear Lord, bingi lang ang makakapagpasensiya sa boses mo.”       She laughed again. “Alam mo, ngayon lang ako nakarinig ng ganyang klase ng papuri sa boses ko. But thanks anyway. Asahan mong maghahanda pa ako ng mas magandang piyesa for that appreciative ears of yours. How would you like, “What Kind Of Fool Am I”? Idol ko kasi si Regine Velasquez, so expect to hear me singing her version.”       Tumaas ang mga kamay nitong halos mamuti ang mga buto sa pagkakakuyom. Bumagsik ang mukha nito at kumibut-kibot pa ang mga labi.       “I’m having a very important meeting,” he said between gritted teeth. “Today’s Sunday, at kung hindi ito importante ay maaari kaming maghintay ng bukas. So please, my dear neighbor, kahit ayokong lumabas na nagmamakaawa, I guess I don’t have any choice. Bigyan mo naman kami ng katahimikan.”       Napalunok siya. Sa tono nitong iyon ay lubos niyang naunawaan kung gaano kahalaga ang meeting na sinasabi nito. She could easily say “yes”, pero paano na lang ang panlalait na ginawa nito sa boses niya? Alam niyang parang hinahambalos na palanggana ang boses niya pero kailangan ba naman siyang harap-harapang insultuhin? Napakabrutal ng lalaking ito!       “All right,” she managed to say in a lighter tone. “Baka naman sabihin mo ay mahirap akong pakiusapan. Sige, bumalik ka na sa mga ka-meeting mo.”       “Thank you,” agarang sabi nito na salat na salat sa anumang sinseridad.       “Wait!” habol niya at humakbang palapit sa pader. Malakas ang loob niyang lumapit doon sapagkat ilang hakbang na ang layo roon ng lalaki. Kung may tendency man itong maging bayolente, may pagkakataon siyang makailag. “Hindi ba’t may library ang bahay na iyan? Bakit hindi kayo roon mag-meeting? I’m sure, mangangati na naman ang lalamunan ko mamaya. Baka kumanta ako ng ‘On The Wings Of Love’!” Nginisihan pa niya ito.       “My library is under renovation,” he snapped.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD