Chapter 2

1301 Words
"MAGPAHINGA NA muna kayo, panigurado ay malayo ang nilakbay ninyo.." ang sabi ni Lola Esma matapos nitong magpakilala sa kanila. Inilibot ni Kitch ang tingin sa buong kabahayan at doon niya lang napagtanto na gawa iyon sa kawayan at narra. Hindi kagaya ng mga bahay sa kanilang probinsya na semento ang nagsisilbing haligi. "Matagal na po ba kayo rito nakatira, lola?" tanong ni Daizy sa gitna ng katahimikan na ang tanging maririnig lang ay ang naghuhunihang mga kuligkig at ibon sa gabi. Inilapag ni Lola Esma ang inihain niyang kape sa anim na magkakaklase at saka sumagot, "Dito na ako lumaki, at alam ninyo ba ang ikinatatakot ko?" Napatingala silang anim sa matanda at hinayaan lang nila itong ipagpatuloy ang sasabihin, "Ang matuklasan ninyo ang kaganapan dito sa bayan namin na walang ibang solusyon kung hindi ang tanggapin na lang." Doo'y napakunot ang noo nilang anim. "H-hindi ka po namin maintindihan, lola-- a-ano po ba ang ibig mong sabihin?" tanong ni Kitch matapos humigop ng kape. "Mahabang kwento, hija, o, siya nga pala.. bakit ba ulit kayo nagpunta rito?" Nagkatinginan silang anim at ipinakita ang kanilang proposal para sa documentary project. Habang si Loise naman ay tila hindi mapakali sa kinauupuan. "Loise, anong problema?" tawag pansin ni Fudge sa kaibigan. "H-hindi kasi ako umiinom ng kape," walang gana nitong sagot. Napabuntong-hininga naman si Siobe at siyang agaw naman sa hawak na tasa ni Loise. "Arte mo," puna pa nito at muling nakinig sa nagsasalitang si Lola Esma. "At bakit pala Davao ang napili ninyong puntahan? Isa pa, ang lugar na hinahanap ninyo rito sa Davao ay medyo may kalayuan pa.." Napaawang ang bibig nila sa narinig. "Kung ganoon ay nagkamali po kami ng daan?" tanong ni Devee at dahan-dahang napatango ang matanda. "Paano na 'to, paano po kami makakaalis dito?" kunot-noong tanong ni Siobe. "Susubukan ko kayong tulungan na makalikas bukas ng madaling araw, kapag inabot na kasi kayo ng liwanag ay malabo na kayong makaalis pa.." Lalo silang kinabahan sa tinuran ng matanda. Ang mga salitang iyon ay pilit silang binabalot ng pangamba at takot. "Lola, bakit po ba hindi ninyo p'wedeng sabihin kung ano ang mayroon dito sa lugar ninyo?" tanong muli ni Kitch. "Hija, kung sasabihin ko ay mas mabuti na lang na matuklasan ninyo, ang aking kaalaman ay hindi rin naman makapagbabago pa sa naging tradisyon dito sa bayan." "Tradisyon?!" magkakasabay nilang tanong na lalong nagbigay sa kanila ng kuryosidad. "Oo, may tradisyon ditong sinusunod dito sa bayan namin, kaya kung ayaw ninyong malaman 'yon ay mas mabuti pang lumikas na kaagad kayo," pagpapaliwanag nito. Kung kaya'y nagkaroon sila ng malaking palaisipan kung bakit ganoon na lang ang nadatnan nila sa bayan na iyon. "Noong una talaga nating dating dito ay kinilabutan na ako, e," pagmumungkahi ni Loise na ngayon lang yata may magandang sinabi. At animo'y akaramdam sila nang panginginig dulot ng takot na bumabalot sa kanilang katauhan. Subalit lahat sila ay napalingon sa sinabi ni Kitch, "Kung ano man ang tradisyong iyon ay handa kong matuklasan, Lola Esma." Siyang kunot naman ng noo nina Fudge, Devee at Daizy. "Kitch, huwag mo nang subukan!" pagpigil sa kaniya ni Fudge. "Kaya nga, p'wede naman natin lisanin ang bayan na ito nang kahit walang nalalaman," suhestyon ni Devee. "Tama si Devee, kailangan na natin umalis dito kaagad-agad," dagdag pa ni Daizy. "Kayo, kung gusto ninyong umalis, umalis kayo, basta ako.. gusto kong matuklasan ang totoo. Papayag ba kayo na habang buhay magdusa ang mga taong isisilang sa susunod pang henerasyon kung walang pagbabagong mangyayari sa bayan na ito?" matapang na mungkahi ni Kitch. "Pero, Kitch, hindi madali iyang gusto mo," sabi ni Fudge. "Hayaan na natin siya, kung iyan ang gusto niya," sabat ni Loise. "Naririnig mo ba ang sinasabi mo Loise? Kaibigan ko rin si Kitch at ayokong may mangyaring masama sa kanya!" malakas na katwiran ni Fudge. "Tumigil na kayo-- buo na ang desisyon ko," wika ulit ni Kitch na nagpatuliro sa kanila. "Ano?! Hindi maaari, Kitch," naluluha nang sambit ni Fudge. "Handa akong isugal ang buhay ko, pangako.. ililigtas ko ang sarili ko. At nasisiguro ko na kapag naging matagumpay ako rito, ay ipinapangako kong ito ang pinakamagandang documentary na maibabahagi natin bukod sa lahat," napapangiting aniya. At ewan ba niya kung bakit may kung anong bumalot sa katauhan niya para lakasan ang loob niya. Naramdaman na lang niya ang pagyakap ng kaniyang mga kaklase kahit na hindi ito sang-ayon sa kagustuhan niya maliban kay Loise na kinakabahan pa rin. "Humahanga ako sa katapangan mo, hija, pero hanggang saan nga ba ang tapang mo kapag nalaman mo na ang totoo.." tila makahulugang tugon ni Lola Esma. Nang maghiwa-hiwalay sila sa pagkakayakap ay ngumiti si Kitch sa mga kaklase habang hindi inaalis ang tingin sa mga mata nito at ang kaniyang mga sumunod na sinabi ay mas lalong nagpahanga sa matanda, "Makinig kayo sa'kin, hindi ito ang ninanais kong mangyari, hindi na rin natin maibabalik ang dati, pero handa akong sumugal, para sa ikatatahimik ng lahat." Kinabukasan, habang hindi pa sumasapit ang liwanag ay maagang naghanda ang anim upang lisanin ang bayan na iyon maliban kay Kitch na desidido na talagang magpaiwan. Tinulungan sila ni Lola Esma na kinailangan din naman silang iwan dahil na rin sa pag-iingat sa nakasanayang tradisyon ng bayan na iyon. Nasa kalagitnaan na sila ng paglalakad nang kaagad na natigilan si Fudge at lumapit kay Kitch na tahimik lamang. "Sigurado ka na ba talaga sa desisyon mo?" tanong niya kay Kitch at napalingon naman ito sa kaniya. "Oo, Fudge. Malaki ang tiwala ko na ang misteryong bumabalot dito ay lubos na makatutulong para sa documentary project natin." Kapansin-pansin ang malakas na kompiyansa ni Kitch sa sarili at lingid sa kaalaman nito na humahanga si Fudge sa angking katapangan niya. Sandali pang napabuntong-hininga si Fudge at napalingon ang lahat sa isinagot niya, "Kung ganoon ay sasama ako." Agad na nagsitayuan ang balahibo sa kanilang katawan nang umihip ang malakas na hangin. Ang kanilang mga dalahin at maging ang mahahabang buhok ay sumasabay sa ihip ng hangin maliban kina Fudge at Devee. "Pero, Fudge--" natigilan si Kitch sa sasabihin nang magsalita si Loise. "Fudge, hindi mo na siya kailangan samahan, siya naman ang may gusto niyan, e." "Loise, handa kong suportahan kung anong nais ni Kitch, d-dahil nagtitiwala ako sa kaniya." "Tumigil na nga kayo, ngayon pa talaga kayo magtatalo-talo? Kailangan na natin lumikas, o," sabat ni Siobe na tila naiinis na. "Hindi!" Hindi pagsang-ayon ni Devee na ikinalingon ng lima. "Sasamahan natin sila Kitch, dahil hindi naman p'wedeng iwan natin sila rito, magkakasama tayong nagpunta rito kaya dapat ay magkakasama rin tayong uuwi. Pero kung ayaw mo talaga, Loise, makakaalis ka na," mahabang paliwanag ni Devee. "Pero, Devee--" natigilang sabi ni Siobe. "Handa na rin akong matuklasan ang katotohanan at may tiwala ako kay Kitch," malakas na paninindigan pa nito sa sarili. "Sasama na rin ako," nakangiting ani Daizy na hindi nila inaasahan. Samantala'y napabuntong-hininga na lamang sina Siobe at Loise na hindi pa rin sang-ayon sa naging desisyon nila. "Bahala kayo, ito ang camera, ipauubaya ko na muna sa inyo, halika na, Loise." At hinila niya kaagad si Loise na ngayon ay nag-aalangan nang umalis. "Teka, marunong ka bang magmaneho?" paniniguro pa ni Loise. "Kakayanin ko, bahala na!" malakas na sagot ni Siobe at saka sila nagsimulang maglakad papalayo sa apat. Tuluyan na nga silang nagkahiwa-hiwalay na anim at tanging silang dalawa lang ngayon ang magkaramay. Hanggang sa hindi nila namalayan ang mabilis na pagsikat ng liwanag. "Bilisan mo, malapit na tayong makabalik," tila natatarantang sabi ni Siobe. "Pero nag-aalala ako kay Fudge, Siobe.." malungkot na sabi ni Loise habang tinatahak ang daan patungo sa naiwang sasakyan. Subalit ang mga sumunod na pangyayari ay labis na nagbigay ng matinding dagok sa kanila at dito na nagsimula ang pagbabago sa kanilang buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD