KABANATA 9 - SUGAT

1845 Words
TW/ salita at eksenang hindi angkop sa mga bata Tahimik kaming nagmartsa papunta sa tagpuan ng pagpupulong kung saan kaming lahat ay inaasahang dumalo. Suot ang sayang kulay asul na bigay sa amin ni Ina, sabay naming tinungo ng aking kapatid na si Amihan ang aming mapait na kapalaran.  Naganap na nga ang inaabangan ng lahat. May mga gustong umatras at mayroon namang may pagnanasa sa trono ng ikapitong reyna. Hindi ko aakalaing ganito ang aking mararamdaman sa magaganap na seleksyon. Akala ko'y hindi ako maapektuhan ngunit parang gusto nang sumuko ng aking mga tuhod sa kaba. "Ate, natatakot ako," bulong sa akin ng aking kapatid. Gusto ko mang hawakan ang kaniyang kamay, natatakot din ako na baka hilahin ng isang kawal na kanina pa nakatingin sa amin ang kaniyang gatilyo.  "Natatakot ka bang hindi ikaw ang mapili?" walang-emosyon kong sagot sa kaniya. Agad siyang napatingin sa akin na para bang isang estranghero ang kumausap sa kaniya. Sa kaniyang pagiging tuso'y hindi ko mawari kung totoo bang natatakot siya o isa lamang iyong pagpapanggap. "Nandito lang ako," mahinang sagot ko sa kaniya. Kahit gusto ko nang masuka sa halu-halong emosyong nararamdaman ko, wala akong ipinakita sa aking kapatid. Ayaw kong gumuho ang pag-asang natitira sa kaniyang dibdib at ayaw ko ring ipakita na nawawalan na ako ng pag-asa. Nandito lang ako, Amihan upang pigilan ka sa iyong mga balak. Kaya huwag kang mag-aalala at sisiguraduhin kong hindi ka makakatapak sa lupain ng mga demonyo. Sinundan namin ang linya na tinuro sa amin ng mga kawal. Ang ibang mga babaeng nanlaban ay hinila ang mga buhok at kinaladkad papunta sa linya. Naririnig ko man ang mga daing nila, nanatili akong tahimik ngunit mahigpit na ang pagkakakuyom ng aking kamao. Nang iangat ko ang aking paningin sa entablado, ang unang nakakuha ng aking paningin ay si Prinsipe Isaiah kasama ang kaniyang ina. Napapaligiran sila ng mga kawal at mahigpit ang kanilang seguridad. Nagsalubong ang aming paningin kaya agad akong umiwas. Naalala ko pa ang pag-uusap namin kagabi. Hindi iyon isang pangkaraniwang pangyayari kaya nawindang ako pagkatapos 'nun. Nang makabalik ako sa bahay ni Norjannah, tandang-tanda ko pa ang rason kung bakit may seleksyon para sa mga alipin. 'May nagaganap na seleksyon sa mga alipin upang hawakan sa leeg ng palasyo. Pagkatapos ng seleksyon bukas ay ilalaban ang napili sa ilang mga maharlika para sa posisyon, at kahit hindi magiging mapalad, mananatili sa palasyo ang aliping napili.' 'Bakit naman?' 'Upang kitilin sa oras na may magtangkang magrebelde. Pupugutan ng ulo ang alipin saka gagawing paalala na kamatayan ang singil ng palasyo sa oras na may maglalakas-loob na sumalungat sa pamahalaan.' 'Paano naman kung mapipili bilang ikapitong reyna ang alipin?' 'Hindi pa nangyari 'yan," sagot ni Norjannah sa naging tanong ko. 'Ngunit sa oras na mangyayari iyan, magkakaroon ng kapangyarihan ang alipin. Kung may puso para sa bayan ang aliping iyon, hindi mo na mapipigilan ang rebolusyon.' Napatingin ako sa aking kapatid at napaisip kung gaano kadelikado ang palasyo para sa kaniya. Kahit siya ang mapipili ngayon, hindi pa rin siya makakaalis ng palasyo at mas magiging impyerno ang kaniyang buhay. Kahit siya pa ang maitanghal na maging reyna, hindi pa rin makakasigurong hindi siya hahawakan ng mga halimaw. Nang maisaayos na ang linya ng bawat pangkat, nakita kong umakyat na sa entablado ang kinamumuhian kong babae. Huminto siya sa tapat ng mikropono at nilibot ang tingin sa mga babaeng nasa harapan niya na nakahanay na parang mga sundalo. Lahat ay takot na galawin kahit ni isang daliri. "Magandang umaga sa lahat ng mga nagagandahang binibini sa aking harapan, ako si Tanashiri Abello, ang kanang kamay ng ating mahal na hari," walang paligoy-ligoy na pagpapakilala niya. "Ngayon ay gaganapin ang seleksyon ng magiging ikapitong asawa ni Haring Emiliano Valmorida." Mas maputi pa sa mga ulap ang kaniyang mga balat, sa sobrang puti ay makikita mo ang iyong repleksyon. Kulot ang kaniyang mga buhok at makapal ang koloreteng makikita sa kaniyang mukha. Matataas ang pilik-mata, kulubot ang balat, at halatang maraming produkto ang inilalagay sa mukha bago matulog. Imbis na pagandahin siya'y lalo siyang nagmukhang chaka. Naiyukom ko ang aking kamao at napatingin sa aking labingpitong taong gulang na kapatid na nasa aking harapan. Kahit mahigit sa isang daan kaming mga nakahanay sa kaniyang harapan, nangangamba pa rin ako na baka si Amihan ang mapili. "Nararapat na ang pinakamaganda, pinakamagaling, at ang pinakamatapat ang mapapangasawa ng hari. Isang dalagang porselana ang kutis, magaling sa bahay at sa pagserbisyo sa ating mga kalalakihan ang siyang mapalad na mapipili." Tanginamo, Tanashiri. Hindi parausan ng mga lalaki ang mga babae. "Ang mga hindi mapipili ay maitatakda sa mga trabaho sa lipunan gaya ng pagiging isang katulong, mananahi, o di kaya'y pagiging isang maybahay ng isa sa mga senador. Iyan lamang ang mga maaaring gawain ng isang babae." Hindi mahihina ang mga babae.  "Ang mapalad na mapipili ngayong araw ay masusubukan pa ang tatag sa pangalawang seleksyon na magaganap sa Primero laban ang mga maharlikang kandidata. Kung siya'y hindi naging mapalad sa pangalawang seleksyon, mananatili pa rin siya sa palasyo gaya ng reyna ngunit hindi na siya makakabalik sa Tercero." Alam ko namang kaya hindi nila pinapabalik ang mapipili dahil nakita na nila ang tunay na Primero. Ang hindi ko lang alam ay kung ano nga ba ang nasa Primero? Nangangati ang aking mga paang puntahan ang lupa ng mga maharlika. "Ngayon ay bababa na ako at pipili sa karapat-dapat na manatili sa Primero. Buena suerte, chicas." Bumaba siya sa entablado at isa-isang dumaan sa bawat hanay ng mga babae. Nakakabingi ang katahimikang aking naririnig at ang bawat isa'y tensyonado sa maaaring mangyari. May mga matagal siyang tinignan at sinuri ang bawat mukha. Nang makarating siya sa aming hanay, parang huminto ang t***k ng aking puso matapos siyang huminto sa tapat ni Amihan. Isang tusong ngiti ang kaniyang ipinakita matapos tingnan ang kard ng pagkakakilalan na nakasabit sa leeg ng aking kapatid. Binaling niya ang atensyon sa akin at tinignan din ang kard ko. Hindi nagtagal ang kaniyang paningin sa akin at dumiretso na sa nasa aking likuran. Ilang minuto ang lumipas bago siya bumalik sa entablado at humarap sa mikropono. Dumoble ang tensyon sa paligid at tila'y hindi na humihinga ang mga babae. Maging ako'y hindi na mailarawan ang aking kaba. "Nahirapan akong pumili sapagkat kayong lahat ay may potensyal. Gayunpaman, isang babae ang nakakuha ng aking atensyon," sabi niya. "Kilala siya bilang isang natatanging babaeng pintor sa Tercero. Siya ang nag-iisang anak ni Mahalia Alcantara." Biglang tumigil ang ikot ng aking mundo nang marinig ang mga katagang iyon. Biglang nanlabo ang aking paningin nang makita ang bawat pares ng mga matang nakatingin sa harapan ko, sa pwesto ng aking kapatid.  "Ang mapalad na napili bilang ikapitong asawa ng hari ay si Amihan Alcantara." Tila ako'y naging isang bingi matapos marinig ang mga katagang iyon. Napako ako sa aking kinatatayuan at bumalik lamang sa reyalidad nang marinig ang sigaw ng aking kapatid. "Hiraya! Hiraya!" sigaw niya nang kaladkarin siya ng mga kawal. Agad akong lumapit at sinubukan siyang agawin mula sa mga sundalo. Nanginginig ang aking mga kamay ngunit pinilit kong lapitan ang nagpupumiglas kong kapatid. "Bitawan niyo ang babaeng iyan!" pagmamakaawa ko. Parang mapupunit ang aking puso nang marinig ang hikbi ni Amihan. Hindi maari! "Gusto kong maging asawa ng hari!" Nang marinig ang aking mga kataga'y isang malutong na halakhak ang narinig ko sa babaeng may hawak ng mikropono. Natigilan ang lahat pati ang mga kawal na humahatak sa aking kapatid. Nakita ko ang mapang-asar na tinging ibinigay sa akin ni Tanashiri. "Hindi naman masamang mangarap, ngunit kapag masyadong mataas ay agad ka ring babagsak," sabi ni Tanashiri gamit ang mikropono. Nangangalaiti ko siyang tinignan. "Nasa palasyo ka nga ngunit ang katawan mo'y habang buhay na magiging parausan ng isang matandang lalaking walang ginawa kundi mambaboy!" sigaw ko sa kaniya. Agad akong tinutukan ng mga patalim ng mga kawal. "Wala nang paglilitis ang maibibigay sa isang hangal na katulad mo!" sigaw niya. Idiniin ng isang kawal ang kaniyang patalim sa aking leeg. "Isinapubliko mo ang iyong kalapastangan at kawalang galang sa hari! Putulin ang kaniyang ulo!" Ididiin pa sana ng kawal ang kaniyang patalim sa aking leeg nang biglang tumayo ang prinsipe. Agad na napatayo ng matuwid ang kawal saka sumaludo sa prinsipe. "Huwag niyo sanang kalimutan na nasa inyong harapan ang mahal na reyna," malakas na sabi niya sa lahat. Agad na yumuko ang mga tao sa baba ng entablado ngunit nanatiling nakataas ang aking ulo. "Ayaw kong makita ang pagdanak ng dugo sa aming harapan. Agad kong kikitilin ang may hawak ng patalim na may dugo." Naitago ng kawal ang kaniyang patalim na naidiin sa aking leeg. Hindi ko naman mapigilang mapangisi nang makita iyon. Nakakaawa naman kung isusumbong ko pa 'tong kupal na ito. Nagkatinginan kami ng prinsipe. Hindi ko pinahalatang magkasabwat kami at nanatili ang matalim na titig ko sa kaniya. Kinuha niya ang mikropono mula sa kamay ni Tanashiri at nagsalita, "Hindi matatawaran ang iyong kalapastangan. Bilang parusa, hindi mo na makikita ang iyong kapatid kahit kailan." Nagulat naman ako sa kaniyang mga naging kataga. Hindi agad ako nakagalaw nang hatakin si Amihan ng mga kawal papalayo sa akin. Naguguluhan kong tinignan si Prinsipe Isaiah ngunit tinignan niya lamang ako na para bang inaasa niya sa akin ang pagpigil kay Amihan.  Wala na akong ibang naisip kundi ang gamitin ang tanging bagay na magaling ako. Sa dahas. Yumuko ako saka binangga gamit ang aking noo ang tuhod ng kawal na nasa gilid ko't nagpipigil sa aking pagpiglas. Agad niyang nabitawan ang aking kamay kaya hindi na ako nag-atubiling sipain ang tiyan ng isa pang kawal.  Kinabahan ako nang makitang malapit nang maipasok si Amihan sa kalesa. Mabilis akong tumakbo at humabol sa kanila dala-dala ang sandatang hawak ng kawal kanina upang tumabi ang mga tao. Naramdaman ko rin ang paghabol ng iba pang mga kawal ngunit mas mabilis ako. Naapakan ko na ang mga paa ng ilang mga tao at walang tigil na bumangga dahil wala na akong pakialam. Kailangan kong mapigilan ang pagkapili ng aking kapatid. Maaaring hindi na siya makabalik nang buhay sa aming distrito o di kaya'y gawin rin siyang laruan ng hari. Nanginginig ako sa tuwing naiisip ko iyon. Nang mapagtantong hindi ko na sila mahahabol, umakyat ako sa gilid ng entablado at umupo. Nakita ko ang paglingon ni Amihan sa akin direksyon habang isinasakay siya sa kalesa. Isang ngiting humihingi ng tawad ang ibinigay ko sa kaniya. "Patawad," bulong ko saka itinutok sa kaniya ang patalim na hawak ko. Hindi niya agad napagtanto ang aking balak at huli na ang lahat nang tumama sa kaniyang pisngi ang patalim. Nagkaroon ng kaguluhan sa puntong iyon at hindi sila makapaniwala sa aking ginawa. Nang lumingon ulit sa direksyon ko ang aking kapatid, nakita ko ang dugo sa kaniyang pisngi na gawa ng aking patalim. Isang makahulugang tingin ang aking ibinigay saka bumaba na ng entablado. Nakaabang na ang mga kawal bago pa ako makatakas. Isang sugat bilang isang hadlang sa marami at mas masasakit pang sugat. Patawad, Amihan. Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD