KABANATA 28 - SUHOL

2656 Words
TW/ salita at eksenang hindi angkop sa mga bata  "Ikaw pala ang nasa likod ng pagbanta kanina, Binibining Carmelita?” Napatuwid ako ng tayo nang makitang nakatayo sa aking likuran si Prinsipe Isagani. Agad ko namang nailagay sa likuran ang ibon na hawak ko ngunit nakatingin na siya roon. “H-Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin mo,” nauutal kong sagot. Alam kong wala nang saysay ang magsinungaling sa kaniya at hindi naman siya bobo. “Ano bang ginagawa mo rito?” “Hindi dapat ikaw ang nagtatanong niyan,” sagot niya naman. “Matapos mong pagtangkaan ang isang maharlika, maaari kitang ipaaresto. Ang lakas naman ng loob mong manatili rito.” “Bagay na hindi mo ginawa, kamahalan,” sabi ko at mapang-asar na yumuko sa kaniya. Wala na siyang naging imik at nanatili na lamang sa aking likuran. Ako ngayon ay nakatago sa isang poste sa silangan, sa labas ng bulwagan kung saan nagtipon ang lahat para sa seleksyon. Suot ko’y isang bandanang itim at maskara. Hindi ko inaasahang magtatagpo ang mga mata namin ni Amihan at kahit naka-maskara ako’y alam kong nakilala niya pa rin ako. Kahit maliit lamang ang nailaan na oras para sa kaniya, nabigyan niya pa rin ng detalye ang baryang ginuguhit niya. Nasa likurang banda siya kaya nakita ko na mukhang may mali at hindi siya nakapinta kaagad. Ang pakay ko sana’y obserbahan ang kaganapan sa palasyo at hindi ko rin inaasahang gaganapin nila agad agad ang ikalawang yugto ng seleksyon. Upang mabigyan siya ng oras, naisipan kong linlangin ang karamihan na may bomba sa pamamagitan ng ibon ni Norjannah. “Mukhang may ginawa ang ikalimang reyna upang mapili sa seleksyon ang alipin,” biglang sambit ng prinsipeng hindi pa umaalis. Bahagyang napataas ang aking kilay nang marinig iyon. “Hindi mo ba nakikitang naiiba ang kaniyang talento sa pagpinta?” depensa ko. “Alam naman nating kahit siya ang pinakamagaling diyan, isa pa rin siyang alipin.” Hindi ko na siya sinagot at kinuyom na lamang ang aking kamao. Sapat na sa akin ang malaman na isa si Amihan sa tatlong napili. Bakit nga ba nila minamadali ang seleksyon? Sa labinlimang kandidatang natitira, nagulat ako dahil tatlo lamang ang nakapasok. Sa pagkakaalam ko’y hindi pa iyon ang huling seleksyon at sa huling seleksyon, dalawa lamang ang mapipili. Hindi ko na kailangang manatili at baka may makakita pa sa akin kaya mabilis kong itinago ang ibon sa suot kong saya at agad na tumalikod. Ngunit bago pa ako makalayo, hinawakan kaagad ng prinsipe ang aking braso. “Napag-isipan mo na ba ang aking alok?” tanong niya. Hindi ko siya nilingon. “Hindi ko na kailangang pag-isipan dahil hindi naman ako isang sicaria,” mahinahong sagot ko sa kaniya. Binawi ko ang aking kamay. “Kung maari’y maiwan na kita, mahal na prinsipe.” Wala na siyang sinabi at hinayaan na lamang akong umalis. Mabilis akong naglakad palayo sa kaniya at pumunta sa likurang bahagi ng bulwagan. Hinihiling ko na sana’y hindi sabihin ni Amihan sa prinsipe na ako’y kaniyang nakita. Aalis na sana ako sa lugar na iyon ngunit nakarinig ako ng ilang yapak kaya mabilis akong napatago sa isang haligi at mataman na inobserbahan ang kanilang kilos. Mukhang galing sila sa naganap na seleksyon at ngayon ay pupunta na sa sariling kamara. “Bakit ka ba naiirita na napili ang aliping iyon, anak?” sabi ng isang matandang boses na hindi pamilyar sa akin. Alam ko kung sino ang pinag-uusapan nila kaya mataman akong nakinig. “Dahil hindi naman siya dapat na mapili, tay,” iritang sabi ng isang boses pabebe. Hindi pa sila nakadaan sa aking pinagtataguan kaya di ko sila makilala. “Parang sinabi mo na rin na ang ginawa kong pagsabotahe sa kaniyang materyales ay para lamang sa wala.” Kumulo ang aking dugo nang marinig iyon. Siya pala ang gumawa ‘non sa king kapatid. Hindi maaaring wala akong igaganti. “Ginawa nila iyon dahil malakas ang kapit niya sa ikalimang reyna,” sagot ng matanda. Mabagal lamang silang naglalakad at kahit hindi ganoon kalakas ang kanilang mga boses ay naririnig ko naman. “Ikaw naman ang pipiliin ng hari kaya huwag ka nang mag-abala pa. Ipinangako na sa iyo ang korona.” Narinig ko namang tumawa ang babae sa sinabi ng ama. Nang magpatuloy sila sa paglalakad, tanging likuran lamang nila ang aking nakita. Dahil magkatabi sila ng aking kapatid, agad kong natukoy na ang kandidatang iyon ay galing sa angkan ng mga Homobono. Gusto kong kumilos at patumbahin ang kandidatang iyon ngunit natatakot ako na baka ako’y pumalpak at isang pamilya na naman ang mawawasak sa lungsod na ito. Pumunta lamang ako rito dahil pinagbigyan ko ang prinsesa na titignan ko ang mga kaganapan sa palasyo. Ngunit hindi ako pumayag sa kaniyang nais na maging kaniyang alalay. Alam naman ng lahat na hindi ako sumusunod sa mga utos at kumikilos akong mag-isa ayon sa aking prinsipyo at hindi ako isang uliran na miyembro ng lipunan. Kikilos ba akong mag-isa? Kung hindi, sino ang aking pagkakatiwalaan? “At sa tingin mo ba’y mapagtataguan mo ako?” Napatalon ako sa gulat nang makita ang prinsipeng pinakaayaw kong makasalamuha ngayon. Napahawak pa ako sa aking dibdib at nang mapatingin sa kaniyang mukha, nakataas ang kaniyang kaliwang kilay at nakakrus ang kaniyang braso. “S-Sino naman ang nagsabing pinagtataguan kita?” kinakabahang sagot ko at napaiwas ng tingin. “Nagmumuni-muni lamang ako dito, kamahalan.” “Kung gayon, doon ka magmuni-muni sa silid ko at may pag-uusapan tayo,” sabi ni Prinsipe Isaiah. Hindi ako mapakali at nang akalaing tatakas ako’y mahigpit niyang hinawakan ang aking braso. Matalim ang aking tingin sa kaniya ngunit hindi niya ako binibitawan. “Bitawan mo ako!” inis na sabi ko sa kaniya ngunit kahit anong hila ko’y hindi ko makuha sa kaniya ang aking braso. Hinayaan ko na lamang siyang kaladkarin ako papunta sa kanilang kamara. Nang makarating doon ay agad naman niya akong binitawan at tinulak pa papasok. Pinigilan ko talagang magalit at dabugan siya dahil nakita ko ring nasa loob ang aking kapatid. Hindi na siya nagulat nang makita ako at hindi rin siya nakangiti. “Binabati kita, aking kapatid,” sabi ko sa kaniya at ngumiti. Ngumiti siya pabalik. “Ako’y nagpapasalamat, ate,” sagot niya naman. “Kung hindi dahil sayo, malamang ay wala akong maipipinta.” “Gusto ko ngang humingi ng tawad dahil matagal kong naaksyunan ang pangyayari kanina. Hindi ko kasi kaagad nalaman kung bakit hindi ka makapinta.” “Wala kang dapat ipagpatawad, ate.” Tumango na lamang ako at umupo katabi ni Amihan. Tinanggal ko ang suot na bandana at ang maskara dahil ako’y pinagpapawisan. “Bakit ka nga ba nandito?” tanong ni Prinsipe Isaiah nang makaupo sa kaniyang upuan. Mataman siyang nakatingin sa akin na para bang may ginawa akong isang mabigat na kasalanan. “At bakit ka rin lumisan ng walang paalam?” “Hindi na iyan importante, kamahalan,” sagot ko. Napasimangot siya ngunit hindi na nagpumilit. “May kailangan kayong malaman.” “Hindi ba kayo nagtataka kung bakit minadali nila ang seleksyon?” tanong ko. Walang umimik sa kanila kaya nagpatuloy ako. “Dapat sana’y sa ikalabing-siyam na araw pa ang huling seleksyon at dalawa lamang ang natitira.” “May napili na, hindi ba?” tanong sa akin ni Amihan. Agad niyang naintindihan ang sitwasyon. “Si Homobono,” sagot ko. Mukhang hindi na nagtaka si Amihan. “Siya rin ang nagsabotahe sa iyong mga materyales.” “Malakas ang kapit nila sa hari at kilala si Fernandez Homobono hindi lamang sa Servorum,” singit ng prinsipe. “Hindi natin alam kung tunay nga bang sa ikalabing-siyam na araw magaganap ang piging,” sabi ni Amihan. “Kailangan nating gumawa ng paraan at hindi natin mapapatumba ang anak kung nasa likuran niya ang kaniyang ama.” “Sinabi ko lamang ang aking nalalaman ngunit labas na ako diyan,” seryosong sabi ko saka tumayo. “Kung maaari’y paalisin niyo na ako at may mga sinampay pa ako. Maraming salamat sa oportunidad at nakapasok ako rito sa palasyo ngunit aasahan niyong hindi niyo na ako makikitang muli.” “Sinong may sabi sa iyo na makakabalik ka pa sa dati mong buhay?” tanong ng prinsipe kaya napatigil ako sa paghakbang. “Sa ngayon, pinaigting nila ang paghahanap sa babaeng may peklat. Alam ng lahat sa Tercero na ikaw ang babaeng iyon.” Hindi ako makapaniwala at maging ang tunay kong pagkatao ay hindi ko na maaangking muli. Hindi rin naman maaaring manatili akong isang hadyi dahil kalaunan ay malalaman din nila kung sino ako. “Edi sa puntong ito’y mas mabuting kitilan niyo na ako ng buhay,” sabi ko. “Wala na akong mapupuntahan maliban sa sarili kong libingan.” “Ang bagay na ito’y kailangan kong sabihin sa kaniya ng pribado, Amihan,” sabi ng prinsipe sa aking kapatid. Mabilis naman siyang tumayo at yumuko. “Kung gayon, mauna na ako,” tanging sabi niya at umalis. Hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan at hindi ako makapaniwalang iiwan lang ako dito ng aking kapatid. “Manatili ka dito sa palasyo bilang si Carmelita,” sabi niya. Naitaas ko ang aking kilay. “Noong nakaraan ay desperado kang paalisin ako, kamahalan. Maaari ko bang malaman kung bakit nagbago ang iyong isip?” “Ang kapalit nito’y magiging espiya kita.” Hindi ako makapaniwala sa aking narinig. Bakit tatlong maharlika ang naghahabol sa akin at gusto akong gawing sicaria? “Alam mo naman kung paano ako kumilos, hindi ba?” “Oo, at kung may plano kang muli na magpadalos-dalos, hindi ka sana sumunod sa akin at agad na sumugod sa mga Homobono,” sagot niya. “Hindi naman ako madamot upang hindi na muling magbigay ng tsansa.” “Paumanhin kamahalan ngunit wala na akong balak na maging kasangkot pa sa inyong mga gawain at wala rin akong balak na sumali sa rebelyon.” “Hindi ka basta-bastang makakatakas dahil alam mo na ang aming grupo at ang impormasyong hawak mo’y maaaring bumuwag sa amin.” Bigla akong naging alerto nang bigla niyang inilabas ang isang espada. Mahigpit akong napahawak sa punyal na nakatago sa aking saya at mabilis iyong inilabas. Alanganin ang aking sitwasyon at hindi ko kaagad siya malalapitan. Hindi siya umimik at mabilis na tumalon sa ibabaw ng kaniyang mesa upang sugurin ako. Mabilis naman akong umilag at gumulong upang hindi matamaan. “Dito mo ba talaga tatapusin ang aking buhay sa ‘yong silid?” natatawa kong sabi. Nanibago ako at hindi niya yata pinapatulan ang aking pang-aasar. Talaga bang tatapusin na niya ang aking buhay? Patuloy lamang siya sa pag-atake at ako nama’y ilag ng ilag. Hindi ko mahanap ang anggulo kung saan ko siya matatamaan at magaling siyang dumpensa. Idagdag mo pa ang haba ng kaniyang espada at isang kutsilyo lamang ang aking nabitbit. Balak niya yatang ikulong ako sa sulok kaya ang ginawa ko’y pumunta sa gitna at patuloy lamang sa pag-ilag. Sinubukan kong tamaan siya ngunit hindi ko siya malapitan dahil sa kaniyang espada. Sa ilang beses kong pag-ilag ay hindi ko namalayang nasa isang sulok na pala ako. Bago ko pa masaksak ang kaniyang kamay ay mabilis niyang sinipa ang hawak kong kutsilyo at tumilapon iyon sa kabilang sulok ng kwarto. Nakatutok sa aking leeg ang kaniyang espada. “Natalo kita kaya ako ang masusunod,” nakangising sabi niya sa akin habang nakatutok pa rin ang espada. Hindi ako makagalaw at ayaw kong masugatan muli. “Wala tayong kasunduan,” matigas na sabi ko sa kaniya. “Ngunit natalo pa rin kita,” hambog na sagot niya. Mukhang puputok na ang aking ugat sa noo dahil sa inis. “Bakit noong gustong-gusto kong sumali sa inyo’y hindi ka pumapayag?” naguguluhang tanong ko. “Ngayon na ayaw ko na, biglang kailangan mo ako? Ganiyan mo ba talaga ang pagka-disgusto mo sa akin, mahal na prinsipe?” Naibaba niya ang kaniyang espada at biglang nagbago ang kanina’y hambog na mukha. Hindi na siya naging alerto at kung gustuhin ko mang sugurin siya’y magagawa ko ngunit hindi ko ginawa. “Kung maaaring ipatira kita sa ibang bansa, gagawin ko upang hindi ka na masangkot sa kaguluhan dito,” sabi niya at tuluyan nang binitawan ang espada. “Ngunit alam nating pareho na kahit iwasan mo pa ang gulo, mapapalaban ka pa rin pagdating ng panahon.” “Wala na sa iyo ‘yon. Kung bumalik man sa akin ang mga krimeng nagawa ko, wala ka na ‘don.” “Mas ligtas ka sa ‘king tabi, Hiraya. Hindi ako makatulog magmula ‘nung malaman kong umalis ka nang walang paalam,” mahinang sabi niya ngunit narinig ko naman. Kumunot ang aking noo. “Hindi kita maintindihan, kamahalan.” “Hindi ko rin maintindihan ang aking sarili,” sagot niya. Kakaiba ang kaniyang titig sa akin kaya biglang tumayo ang aking mga balahibo. “U-Umayos ka nga!” naiilang na sabi ko. “Kung makapagsalita ka nama’y parang hindi ako isang prinsipe,” sarkastikong sagot niya. Inirapan ko na lang siya. “Hindi ka na ligtas dito sa Servorum,” pag-iiba niya sa usapan. “Sa ngayon, dito ka lamang sa aking tabi at magpanggap muli na aking pinsan. Malinis ang pangalan ng tunay kong pinsan at kung wala kang katangahang gagawin ay hindi mabubunyag ang iyong pagkatao.” “Ayaw ko nga,” matigas na sabi ko. “Oo, sabihin nating ligtas ako, paano naman ang aking ina?” “Nandoon sina Norjannah at karamihan sa Tercero ay kasapi ng Motus Femina. Huwag kang mag-alala’t mas ligtas ang iyong ina kung wala ka sa kaniyang tabi bilang si Hiraya.” Gusto kong magalit sa kaniya ngunit alam ko namang walang mali sa sinabi niya. Tila ako’y nanghina at mukhang wala nang ibang paraan upang ako’y mabuhay kundi ang maging si Carmelita. “Lahat ng krimeng nagawa ko ay para sa aking kapatid,” natatawang sabi ko. “Hindi naman sa nagrereklamo ako dahil ginusto ko naman iyon ngunit bakit ang daya? Bakit sa huli’y maging ang aking katauhan ay mawawala sa akin?” Mataman lamang siyang nakatingin sa akin at nang mapagtanto kong naiiyak na pala ako’y tumayo ako ng tuwid at tumikhim. Punyeta, kailangan ko ng alak. Saan nga kaya nakuha ni Zenaida iyon? “Paumanhin sa aking mga nasabi, nakakahiya,” mahinang sabi ko at tumawang muli. Wala namang naging reaksyon ang prinsipe. “Kung maari sana’y bumalik muna ako sa Tercero at pangako ko’y hindi na ako tatakas, kamahalan.” “Panghahawakan ko ang pangakong iyan.” Yumuko ako sa kaniya saka tumalikod upang umalis na. Nang may maalala, agad akong lumingon pabalik. “May libro ka ba tungkol sa mga bulaklak?” tanong ko. Tumango naman siya kaya ngumiti ako. “Maaari ko bang hiramin, kamahalan?” “Ikaw lang talaga ang may lakas ng loob na manghiram sa akin,” natatawang sabi niya. Naglakad siya papunta sa mga istante at hinanap ang libro. Ibinigay niya kaagad sa akin ang isa. “Huwag mo nang isauli.” “Ngunit wala akong pambayad, mahal na prinsipe,” sabi ko. Marami naman akong salapi na galing lang din sa kaniya ngunit para sa alak ko na iyon. “Sana’y may tawad ang librong ito.” “Isinulat iyan ng isang intsik na manunulat at isinalin lamang sa ating wika,” sagot niya. “Ibinibigay ko na iyan sa iyo.” “Maraming salamat, kamahalan,” sabi ko at ilang beses na yumuko. Ibinigay niya sa akin ang libro at hindi matanggal ang aking ngiti. “Suhol mo ba ‘to para sa ‘kin upang masigurong babalik ako rito?” “Parang ganiyan na nga,” sabi niya at tumawa. Pabiro ko siyang inirapan. “Kung gayon, aasahan mo ang aking pagbabalik, kamahalan,” nakangiting sabi ko. Yumuko akong muli. “Aasahan ko ‘yan.” Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD