"Naihatid mo na ba sila, Amihan?" tanong ng prinsipe nang makarating kami sa kaniyang silid. Mabilis na isinara ang mga bintana at pintuan upang makapag-usap kami nang pribado. "Nahirapan ako sapagkat nagpupumiglas ang prinsesa kaya pinatulog ko muna siya, kamahalan," sagot ng aking kapatid. "Ngunit nakaalis na sila ng Primero." "Mabuti naman kung ganoon," sagot ng prinsipe. Hinubad niya ang suot na sapatos saka niluwagan ang damit na suot. "Ano nga ba ang nangyari at nakatakas ang prinsesa? Akala ko ba'y hindi pa siya nagigising." "Nilinlang sila ng prinsesa at tumakas siya kaninang madaling-araw, mahal na prinsipe," pag-ulat ng aking kapatid. "Gamit ang kabayo ni Zenaida ay tinahak niya ang daan papuntang Primero." "Maaaring may nakakita sa kaniyang mukha kaya madali siyang nakapaso

