KABANATA 18 - PLAZA

3121 Words
TW/ salita at eksenang hindi angkop sa mga bata   “Mag-alay ka ng limandaang dasal sa Panginoon at hindi ka pinagdiskitahan ng prinsesa,” sabi agad sa akin ni Prinsipe Isaiah matapos umalis ng prinsesa. Inirapan ko na lamang siya at tinanggal ang pulbo na nakadikit sa aking mukha. “Subukan niya lang pagdiskitahan ako at kakagatin ko talaga mga daliri niya hanggang sa dumugo at matanggal ang kaniyang mga kuko!” nangangalaiti kong sagot saka agresibong itinapon ang pamunas na ginamit ko. Nandiri naman ang prinsipe sa sinabi ko at hindi maipinta ang kaniyang mukha. “Isa ka bang lobo sa nakaraang buhay mo?” “Bobo.” “Hindi ka dapat nagmumura o nanglalait sa loob ng palasyo, Carmelita,” diin niya sa hiniram kong pangalan. Umirap na lamang ako at nagpatuloy sa paglilinis ng aking mukha. Narito ako sa kwarto ng prinsipe at nakaharap sa isang napakalaking salamin. Inaayos pa raw ang magiging silid ko dito sa kamara ni Reyna Mimosa. Napabilang na ako sa pamilya ng ikalimang reyna at isa akong pekeng monarko. “Gusto kong bumalik sa Tercero,” mahinang sabi ko sa prinsipe. Humarap ako sa kaniya at nakita kong may binabasa siya sa kaniyang mesa. Maluwag din ang kwarto ng prinsipe. Gaya ng silid ni Reyna Mimosa, marami ring mga aklat at mamahaling pigurin na nakapalibot. May mga halaman nga lang sa kwarto ng reyna habang mga koleksyon naman ng mga bihirang sandata at patalim ang nasa paligid ng prinsipe. “Isa ka nang monarko ngayon,” sagot ng prinsipe. Tumango ako saka tinignan ang sarili ko sa salamin. Hindi ko makilala ang aking anyo. “Tuturuan ka ng solera sa mga gawain dito sa palasyo. Isaulo mo iyon at gampanan ng maayos ang iyong karakter na hiniram.” Isa akong alipin. Kahit masanay ako sa buhay dito sa palasyo, hinding-hindi ako magiging kagaya nila. Nakakatawa, kinamumuhian ko sila ngunit kailangan ko ang identidad ng isang monarko upang sila’y mapag-aralan at talunin. Tumayo ako saka lumapit sa mga nakahilerang mga aklat sa gilid. Pinagmasdan ko ang bawat balat at ang mga libro’y nakasulat sa iba’t ibang lengguwahe. Kadalasan ay nakasulat sa Filipino, Espanyol, at Ingles ang mga ito. Nakahanay ang mga libro base sa kanilang mga paksa gaya ng Pilosopiya, Pisika at Astronomiya, at ang Politikal na Agham at Batas. Hindi pangkaraniwan ang mga librong iyon at hindi pa ako nakakakita ng kahit ni isang kopya sa Segundo. Paniguradong matutuwa ang aking kapatid kapag nakita niya ang mga librong ito. “Maaari ba akong humiram ng libro, mahal na prinsipe?” tanong ko. Hindi na ako nilingon ni Prinsipe Isaiah at tumango. Ibinalik ko ang tingin sa librong nakakuha ng aking interes. KASAYSAYAN NG SERVORUM Iyan ang librong nakakuha ng aking atensyon. Gawa sa pergamino ang materyal na ginamit sa libro, galing ito sa balat ng mga hayop gaya ng mga tupa at kambing. Kadalasan sa mga librong gawa sa pergamino ay bihira at tanging mga may salapi ang nakakakuha ng kopya. Madalas sigurong nililinisan ang estante sapagkat wala akong nahawakan ni isang alikabok. Marami namang mga lumang libro na agad mapupunit kapag hinawakan ngunit parang bago pa rin tignan dahil sa linis ng mga ito. Mukhang ako na yata ang pinakamaruming bagay sa loob ng silid na ito. Hindi na ako tinapunan ng tingin ni Prinsipe Isaiah at mukhang abala sa pagbabasa ng mga liham galing sa kaniyang mga tao. Hindi ko na siya inabala at umupo na lamang sa sahig at binuksan ang libro. Sa unang bahagi ng aklat ay ang mga nagdaang hari sa Servorum. Limang hari na ang pumanaw at nakaguhit ang kanilang mga larawan sa librong ito. Pawang magkadugo lang din ang mga nagdaang pinuno at hindi na naisalin ang trono sa hindi nila kalahi. Emiliano Valmorida. Nakaguhit sa kasunod na pahina ng libro ang larawan ng mahal na hari noong siya’y hindi pa masyadong matanda. Walang kangiti-ngiti at nakakatakot pa rin tignan ang kaniyang wangis noon pa man. Siya ang ikaanim na hari at ang nagsimula ng diktadoryal na pamahalaan. Sa mga nagdaang mga hari, siya ang pinakanakakatakot at ang pinakamalalang hari. Nakasulat sa libro ang mga nagawa niya para sa kaharian ng Servorum. Kilala siya sa pagpapaunlad ng mga riles at daanan upang mapalago ang kalakalan ng bayan. Ang daloy ng ekonomiya sa kaniyang pamamalakad ay umunlad din ngunit ang kapalit nito ay ang pang-aabuso sa serbisyo ng mga aliping kagaya ko. Kasunod naman ay ang mga nagdaang reyna. Ang bawat nagdaang mga hari ay may natatanging reyna maliban na lamang kay Haring Emiliano. Anim na reyna ang nakatala sa kaniyang pamamalakad at ngayo’y naghahanap na naman siya ng kaniyang panibagong laruan. Kung sana’y madali lamang siyang bisitahin sa kaniyang pagtulog at paglaruan din ang bawat ugat sa kaniyang leeg, naroon na rin sana ako sa kaniyang silid. Ang unang reyna ay si Reyna Rosellia. Ikinasal siya sa hari noong siya’y dalawampu’t dalawang taong gulang pa lamang at namatay dahil sa isang biglaang pag-atake. Hindi na naitukoy kung anong klaseng pag-atake iyon ngunit buntis daw ang kamahalan noong siya’y namatay. Dahil hindi nabiyayaan ng tagapagmana sa trono’y ikinasal ulit ang hari kay Reyna Diwali. Pagkatapos maitanghal bilang pangalawang reyna, nalaman ng hari na may itinatago itong sakit at walang kakayahang magdalang-tao. Sa kasunod na taon ay namatay din siya. Ikinasal ulit ang hari sa ikatlong reyna na si Reyna Luwalhati. Nagkaroon sila ng única hija na si Prinsesa Alona. Labing-pitong taong gulang na rin ang prinsesa sa kasalukuyan at nagbibida-bidahan sa palasyo. Ang pang-apat naman na reyna ay si Reyna Mirikit. Hindi siya agad nagkaroon ng anak at ngayon ay may sampung-taong gulang na prinsipe na siya at ang ngalan ay si Prinsipe Aguirre. Ang ikalimang asawa ay si Reyna Mimosa. Nabuntis na siya ng hari bago pa lamang sila maikasal. Hindi niya agad inilahad ang katotohanan hanggang sa naisapubliko ang identidad ng kaniyang anak noong siya’y tatlong taong gulang pa lamang. Nang malaman iyon ng hari, kinoronahan siya bilang isang reyna. Ang huling napangasawa ng hari ay si Reyna Wilfreda. May nag-iisa rin siyang anak na si Prinsipe Isagani. Hindi ko pa siya nakikilala at nagtataka ako sa wangis niya. Magkasing-edad lang din siguro sila ni Amihan. Ang mga kasunod na pahina ay mga kaganapan na sa nakaraan at kung paano nabuo ang Servorum sa kalagayan nito sa kasalukuyan. Hindi na nakaya ng aking utak ang mga impormasyong nabasa kaya isinara ko ang libro at huminga ng malalim. “Suko ka na? Babasahin mo pa ang lahat ng aklat diyan sa estante,” sabi ng prinsipe. Matalim ko siyang tinignan saka umirap. “Kung ikaw na lang kaya ang magbasa?” “Natapos ko na lahat ng iyan noong ako’y anim na taong gulang pa lamang,” sagot niya. Hindi ko alam kung dapat ko ba siyang paniwalaan ngunit hindi rin naman imposible ang kaniyang inihayag. “Hindi ‘yan dapat maipagmayabang, iba ang pagbabasa sa pag-uunawa.” “Kumuha ka ng isang libro doon at tanungin mo ako,” sagot niya na para bang nakakatiyak siya na masasagot niya ang aking katanungan. Hindi rin naman ako magpapatalo kaya agad akong tumayo at kumuha ng libro sa seksyon ng Astronomiya. Nang makapili na, agad akong umupo sa harap ng prinsipe saka binuksan ang aklat. Sinigurado kong pumili ng isang mahirap na katanungan. Nang makakita ng isang paksa, agad ko siyang tinanong. “Sino ang nagmungkahi at sumulat tungkol sa teoryang geocentric?” “Ptolemy.” Bumusangot ako nang masagot niya iyon nang walang halong pagdadalawang-isip. Hindi man lang siya gumamit ng isang segundo upang sagutin ang katanungang iyon. “Ang dali naman niyan, Carmelita,” pang-aasar niya. Inirapan ko ulit siya at naghanap muli ng isang katanungan ngunit napagtanto kong kabisado na niya ang mga sarili niyang libro kaya hindi na ako nagseryoso. “Sa anong pahina makikita ang Philae probe?” “Pahina 37, paragraph 1.” “Aba’y depota,” pagmumura ko saka malakas na isinara ang libro. Isang malademonyong halakhak ang lumabas sa kaniyang bibig na para bang nanalo siya sa isang paligsahan. “Mapapamura ka talaga sa aking taglay na karisma.” “Tingnan natin ang iyong yabang kapag hindi galing sa libro mo ang katanungan,” sagot ko saka tumayo na upang isauli ang libro sa estante. “Kahit nakasulat pa iyan sa Intsik, walang katanungan ang hindi ko masasagot,” pagmamayabang niya. Sumimangot na lamang ako saka tumayo. “Hindi mo alam kung ano ang hindi mo pa nalalaman.” “Ang kaalaman ay may simula ngunit walang hangganan, Hiraya,” sagot niya saka isinara ang huling sulat na nasa mesa niya. “Parang agos ng tubig na nagbabago ng anyo habang dumadaloy paibaba.”  Nagkatinginan kaming dalawa at ilang segundo pa ang lumipas bago ako umiwas ng tingin. Napatikhim pa ako at tumalikod sa kaniya dahil biglang uminit ang aking pisngi. Nakakamangha ang kaniyang pananaw sa buhay. Siya ang tipong akala mo’y walang pakialam ngunit mas maalam pa pala kaysa sa iyo. Mukha siyang mayabang ngunit may maipagyayabang naman talaga, at kapag seryoso na ang usapan ay may matututunan ka sa kaniya. Siya ang pinakamatandang prinsipeng nabubuhay ngayon at may potensyal na maging hari. Ang alam ko’y walong buwan na siyang hindi nakabalik dito sa palasyo at nanatili lamang sa Tercero. May komportableng buhay naman na nag-aabang sa kaniya dito sa Primero ngunit bakit isa siya sa mga namumuno ng rebelyon? “Kung sumasabay ka sa agos ng tubig, bakit mo pinipigilan ang daloy ng kasalukuyan?” tanong ko. Nilingon ko siya matapos ang ilang segundong katahimikan at mukhang natigilan siya sa naging tanong ko. “Hindi mapipigilan ang tubig ngunit mababago ang patutunguhan nito,” sagot niya at seryosong tumingin sa akin. “Sa ngayon, ang daloy ay mababaw at maingay. The deeper the waters are, the more still they run.” Nabasa ko ang salawikaing iyan sa isang aklat na galing sa Goryeo. Hindi man ako mahusay magsalita ng wikang Ingles at hindi rin masyadong nakakaintindi, magaling naman akong mag-unawa at napag-aralan ko rin ang mga naaral ni Amihan. “Hindi ka rin naman pala isang ganap na tanga, kamahalan,” pang-aasar ko na lang sa kaniya. Mahina siyang tumawa at napailing na lamang. Isang katok ang narinig naming dalawa bago bumukas ang pinto. Iniluwa doon ang isang alalay na magalang na yumuko bago ipinahayag ang mensahe. “Hinahanap ni Prinsesa Alona ang iyong pinsan, mahal na prinsipe.” Nagulat naman ako sa aking narinig at nagkatinginan pa kami ng prinsipe. May pagdududa sa kaniyang mga mata habang pinanlakihan ko naman siya ng mata. Wala naman akong ginawang masama, ah. “Papasukin mo siya sa aking sil—“ “Sandali!” natataranta kong bigkas saka kinuha ang pulbo at tumapat sa harap ng salamin. “Bigyan mo ako ng ilang minuto upang mag-ayos.” “Masusunod, binibini.” Isinara niya ang pinto matapos ipahayag iyon. Bigla akong kinabahan at inayusan muli ang aking sarili. Sinigurado kong natatakpan ang aking peklat sa mata bago humarap sa prinsipe. “Maayos na ba ang aking hitsura, pinsan?” tanong ko sa kaniya. Inangat niya ang kaniyang tingin saka sinuri ako. “Hindi ko aakalain na ito ang araw na magmumukha ka nang tao, Carmelita,” pang-aasar niya pabalik. Napairap ako. “Tangina mo.” Biglang bumukas ang pinto at nagulat kaming dalawa ng prinsipe. Bumungad sa amin ang mukha ng prinsesang naghahanap daw sa akin. “Paumanhin at hindi ko sinasadyang mabuksan ang pinto, mahal na prinsipe,” bati niya at yumuko. Yumuko rin ako sa prinsesa kahit na bulok naman ang kaniyang palusot. “Ano ang sadya mo at bumalik ka sa aking lugar, Prinsesa Alona?” tanong ng prinsipe. Ngumiti naman si Prinsesa Alona at tinignan ako. “Kung maaari sana’y gusto kong magpasama sa iyong pinsan upang mamili ng regalo para sa aking ina,” sabi niya. Napataas ang aking kilay nang marinig iyon. “Gusto ko rin siyang makilala ng lubos at maging isang kaibigan dito sa palasyo.” Palihim kong tinignan si Prinsipe Isaiah at pinanlakihan ng mata. Palihim ko siyang sinenyasan na ayaw kong sumama gamit ang aking kamay. “Mabuti naman at naisipan mo iyan, Prinsesa Alona. Kanina pa gustong lumabas ni Carmelita,” sagot ng prinsipe. Matalim ko siyang tinignan at malaki naman ang ngisi niya sa akin. “Talaga ba?” kuminang ang mga mata ng babae at tumingin sa akin. “Kung gayon, ako ang tamang kasama upang makilala mo nang lubusan ang bayan namin.” Gusto kong magmura ngunit pinigilan ko ang aking sarili at pilit na ngumiti. Huminga ako nang malalim saka maayos na tumayo at hinarap ang monarko. “Ikinagagalak ng aking puso ang makasama ka, Prinsesa Alona,” mahinahong sabi ko at yumuko. Sa sulok ng aking mga mata’y nagpipigil ng tawa ang prinsipe at gusto ko siyang kaltukan. “Kung gayon, mauna na kami Prinsipe Isaiah at ipapasyal ko ang iyong pinsan sa bayan,” sabi ng prinsesa at tumalikod na. Kinuha ko ang aking bakya saka isinuot. “Sana mabilaukan ka at sampung segundo kang hindi makahinga,” mahinang sabi ko bago padabog na isinara ang pinto. Nang makitang nakatingin sa akin ang prinsesa, agad akong umayos ng tayo at nginitian siya. “Maaari ko bang malaman kung bakit ako ang nais mong isama, mahal na prinsesa?” magalang na tanong ko sa kaniya. Akala ko’y tatanggalin na niya ang kaniyang balatkayo ngunit bigla siyang ngumiti. “Nararapat lamang na kilalanin ko ang pamilya ni Prinsipe Isaiah,” nakangiting sagot niya. Parang ang tanda na niya kung magsalita, kaswal lamang ang pakikitungo na para bang hindi apat na taon ang aming agwat. “Gusto ko ring makilala ang natatanging prinsesa sa kahariang ito,” tanging naisagot ko. “Humihingi ako ng patawad sapagkat hindi maganda ang una nating pagtatagpo.” “Hindi naman kasi dapat iyon ang una mong masaksihan,” sagot niya at mahinang tumawa. Gusto kong punitin ang kaniyang bibig. “Patawad din, Carmelita.” Hindi na ako sumagot at tahimik na lang na bumaba kasama ang prinsesa. May isang kalesa na nakaabang sa ibaba at dalawang alalay ang naroroon upang asikasuhin ang prinsesa. Tahimik lamang ang aming biyahe at minsan ay nag-uusap naman kami ngunit matipid akong nagsasalita. Pinipigilan ko ang aking sarili na sungitan ang prinsesa at ang masama pa’y gusto ko siyang sabunutan. Ano nga ba ang mahirap sa pagrespeto sa lahat ng tao, mahirap man o mayaman? Kung isa akong alipin ngayo’y paniguradong kanina pa ako sinabunutan nito at minaltrato. Trenta minutos ang lumipas bago kami nakarating sa bayan. Mas maingay pa ang lugar kaysa sa palengke sa Tercero. Medyo sumakit pa ang aking tainga sa mga sigaw at mga tambol. Sinamahan ko lamang ang prinsesang mamili ng kaniyang mga kagamitan at ang mga tao’y inaalalayan siya at ginagalang. Para akong isang hangin na hindi nakikita at minsan nga’y naiiwan ako. “Ano nga ba ang mga bagay na kinahihiligan ng mga tao sa Espanya?” tanong sa akin ng prinsesa habang nakatingin sa mga keramika. Bigla akong kinabahan at hindi ko alam ang sagot doon. “Mahilig ba sa keramika ang mahal na reyna, prinsesa?” pang-uusisa ko. Inaalala ko ang mga nabasa ko noon sa isang libro tungkol sa Espanya. “Mahilig siya sa mga bagay na isinusuot,” sagot niya. Parang nag-aabang talaga siya sa aking  sasabihin at alam kong pinagdududahan niya pa rin ako. “Mahilig ang mga tao sa Espanya sa mga pagkain, kamahalan,” maingat na sagot ko. “Mahilig akong kumain ngunit hindi ako marunong magluto.” Tumawa naman ang prinsesa, “Ano naman ang paborito mong kinakain?” Ano nga ba ulam doon sa Espanya? Wala nga akong kinakain. Punyemas. “Paumanhin kamahalan ngunit lugaw lamang ang aking nakakain dahil sa aking sakit,” tanging sagot ko. Mabilis ang t***k ng aking puso. “Ipinagbabawal ako sa mga pagkaing mahirap nguyain.” “Ganoon ba?” tinaasan niya ako ng kilay. “Bakit sinabi mong mahilig kang kumain?” “Mahilig akong kumain ng lugaw,” sagot ko. Tumango na lamang siya saka itinuon ang atensyon sa mga keramika. Nakahinga ako ng maluwag kahit alam kong ang tanga ng sinabi ko. Patuloy sa pagbili ng kung anu-ano ang prinsesa at ako pa ang pinagbibitbit niya. Dinala niya lang pala ako upang maging alalay niya. Halatang nagpapasikat lamang ito sa prinsipe at kunware ay kinakaibigan ako. “Bakit ka tulala diyan?” nagbalik ako sa sarili nang kausapin ako ng prinsesa. “Hali ka na at ipapakita ko sa iyo ang libangan dito sa Primero.” Hindi na ako nakakibo nang mauna na siyang pumasok sa kalesa. Sumunod naman ako at tumabi sa kaniya. May agwat pa sa pagitan namin dahil hindi naman talaga kami komportable sa isa’t isa at gusto ko pa nga siyang itulak pababa. Ilang minuto rin nang huminto ang kalesa sa tapat ng lugar na may maraming tao. Akala ko’y wala nang mas maingay pa kaysa kanina ngunit nagkamali ako. May sinasabi nga ang prinsesa ngunit hindi ko marinig. “Bumaba ka na!” sigaw ng prinsesa at hinila ako. Nagulat pa ako ngunit nagpatangay na lamang ako. Nang makababa ang maharlika, unti-unting nawala ang mga ingay at nagbigay sila ng respeto sa prinsesa. Nakabuka ang aking bibig nang mailibot ang paningin sa lugar na pinuntahan namin. Malawak pa ang ngiti ng prinsesa na para bang nakasaksi ng isang paraiso sa aming harapan. Sa gitna ng lugar ay mga hubo’t hubad na mga kababaihang minomolestya sa publiko. Pinaglalaruan ang kanilang mga katawan habang pinagpipyestahan ng ilang kamay. Nakatali ang kanilang mga kamay habang may roleta sa gilid at para bang sila ang premyo. Napalingon sa aking direksyon ang isang alipin at nang makilala kung sino iyon, tuluyan nang nanigas ang aking katawan. Punit ang kaniyang bibig at tanging bakya ang kaniyang suot. Bigla siyang naiyak nang makita ako at alam kong nakilala niya ako kahit iba ang aking anyo. Marielle. “Ito ang Plaza de Primero,” sabi niya at ngumiti sa akin. Pinigilan ko ang maiyak, magwala, at pumatay. Nanginginig ang aking mga kamay at gusto kong punitin ang ngiti sa labi ng prinsesa. “Dito makikita ang libangan ng karamihan. Nakaaliw, hindi ba?” Baliw. Hindi ko alam kung ano ang nasa isip nila at ganito sila kalupit sa amin. Bakit pinagpipiyestahan nila ang pagdurusa ng ibang tao? “Mas nakakaaliw kung ikaw ang naroroon, prinsesa.” Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD