"B-Bernard," tanging nasambit ko na lamang nang tuluyan akong makapasok sa opisina ng aking asawa.
Tinitigan ko ito sa aking mga mata ngunit hindi naman ito makatingin ng diretso sa akin. Alam kong nararamdam niyang nasasaktan ako. Alam kong nararamdam niyang hindi ko gusto ang aking nakikita.
"Honey, ano kasi.."
Mas lalong akong nasaktan sa naging reaksyon ni Bernard. Mas lalo kong naramdamang, wala na. Na matagal na niya akong niloloko.
"Oh! Bakit ganiyan ang hitsura mo, Laura? Para kang hinabol ng asong ulol." Agaw pansin sa akin ni Lara. Tiningnan ko siya ng masama kaya natigilan din ang kaniyang hitsura.
"Hindi kita kinakausap Lara, kaya manahimik ka!" Galit na sabi ko pagkatapos ay binalingan ko ulit si Bernard. "May dapat ba akong malaman, Bernard?" dagdag ko pa.
Natahimik siya at napailing. Tumayo din ito at nilapitan ako habang ako naman ay nagpupuyos ng galit. Pigil na pigil ko ang aking sariling saktan ang aking sariling kapatid at asawa.
Naaalala ko na naman ang tagpo na aking nakita. Naaalala ko na naman kung paano umindayog ang katawan ni Lara sa katawan ng aking asawa.
Nakakasuka. Nakakadiri.
Sa buong buhay ko, ni minsan hindi ko inisip na magagawa sa akin ni Lara ang bagay na 'yon. Buong buhay akong nagtiwala sa kaniya. Buong buhay akong naniwala na kahit kailan hindi niya ako kayang traydurin.
Ngunit, bigo ako. Dahil alam ko sa sarili kong higit pa sa pagtatraydor ang ginawa niya sa akin. Pinatay ako ni Lara. Hindi man literal ngunit ang puso ko ay lubha na niyang nasaktan.
"Honey, hindi. Ano ka ba, nagkayayaan lang kami ni Lara. Aalis na din siya, ngayon." sabi nito ng tuluyang makalapit sa akin. Hinawakan niya ang aking dalawang braso at mukhang nag-aalangan kung paano ako pakakalmahin. Sa huli, niyakap ako ni Bernard. Yakap na alam kong hindi na katulad ng dati.
"Kailan pa?" halos pabulong na lamang ang aking tanong. Hinintay kong sagutin ang ni Bernard ngunit hindi nangyari. Itinaas ko ang aking tingin upang makita siya at ganoon na lamang pagtataka sa kaniyang mga mata.
"Honey, kung anu-anong iniisip mo. Mabuti pa, umuwi ka na lang muna." sabi pa nito.
"Hay, naku! Bernard pati ako dinadamay ng asawa mo. Tapatin mo nga ako Laura, may galit ka ba sa akin?" Pag-agaw naman ni Lara sa aking pansin. Napapakunot din ang noo nito na para bang totoong mga inosente ang mga ito.
Napakagaling. Napakagaling ng mga sinungaling. Papaano nila nagagawang pakiharapan ako kung alam nila ang totoo? Napakakapal ng mga mukha.
"Kung ako naman kasi sa'yo Laura, bantayan ko ring maigi ang asawa mo. Hindi 'yong kung anu-ano ang inaatupag mo!" Bwelta pa nito sa akin.
Lumayo ako kay Bernard at nilapitan ang aking kakambal. Tiningnan ko siya ng may diin. Gusto kong maramdaman niyang hindi ako natutuwa sa kaniya. Gusto kong makita niyang ako ang asawa ni Bernard at ako lang ang may karapatan sa dito.
"Kung may isip ang babae. Kusa na silang lalayo, Lara. Alam nilang may asawa na si Bernard. Oh, baka naman ang gusto mong sabihin ay, bantayan ko ang asawa ko sa mga makakating babae?" Sarkastiko kong tanong sa aking kakambal.
Nagulat si Lara sa aking sinabi. Tulayo ito at sinuyod ako ng tingin mula ulo hanggang paa. Sabay sinulyapan si Bernard at napapailing.
"Hindi na rin ako magtataka kung nagiging paranoid ka, Laura. Tingnan mo nga ang hitsura mo? Mukha kang kapalit-palit. Di ba.."
Hindi na nito nasabi ang anumang salitang gusto nitong sabihin. Isang malakas na sampal kaagad ang iginawad ko sa kaniya. Siniguro kong ibinuhos ko sa sampal na iyon ang lahat ng aking hinanakit at galit.
Lara pushed me to my limit. Hindi ko na maatim ang pangungutya niya sa akin. Mas lalong hindi ko maatim na siya ang kabit ng asawa ko. Gusto kong isigaw sa kaniyang pagmumukha ang bagay na iyon, ngunit pinigil ko ang aking sarili.
"Kung ipagpapalit man ako ni Bernard, sisiguraduhin kong hindi sila magiging masaya! Tandaan mo 'yan, Lara." Nagpupuyos sa galit na sabi ko.
Bigla ay naramdaman ko na lamang ang pagpulupot ng mga braso ni Bernard sa aking katawan. Hindi ko siya pinansin kahit na pilit niya akong pinapalayo sa aking kapatid.
Tinitigan ko si Lara ng mariin. Gulat na gulat ang kaniyang hitsura. Hinawakan niya rin ang pisngi na nasampal ko. Alam kong hindi niya inaasahan ang aking ginawa dahil ito ang unang beses na sinampal ko siya.
Hindi ko na napigilan at sumabog na lang ako.
"Honey, huwag ka dito sa opisina mag-eskandalo. Pag-usapan natin ito sa bahay, honey." bulong sa akin ni Bernard. Nakikiusap ang kaniyang tinig.
Nilingon ko siya ng bahagya at sinamaan ng tingin. Nang-aarok ang aking mga tingin. Gusto kong umamin siya sa akin at higit sa lahat gusto kong tigilan na niya ito. Tigilan na nila ng kapatid ko ang kanilang kabaliwan.
"Baliw na iyang asawa mo, Bernard!" Galit na sabi ni Lara nang makahuma.
Napangisi ako at natawa na lamang sa aking isip. Sino nga namang kriminal ang aamin?
"Bitiwan mo ako! Putang*na ka!" Sigaw ko kay Bernard. Kapagkuwan ay siniko ko siya sa kaniyang tiyan dahil sa higpit ng pagkakahawak niya sa akin. Napaaray ito ngunit, hindi ako nagsisisi sa aking ginawa. "Ito ang tandaan mo, Lara. Hindi ako bulag." sabi ko bago ako tuluyang umalis sa loob ng opisina ni Bernard.
Nagpupuyos ang aking dibdib sa galit ngunit wala akong magawa upang mawala ang sugat nito. Wala akong kakayahan na maging maayos ang lahat pagkatapos ng aking nakita at nasaksihan.
Kung hindi ako umalis marahil ay tama si Bernard, mag-eeskandalo lamang ako. Dahil ngayon, damang-dama ko sa aking pagkatao ang isang walang kamatayang sakit ng dahil sa pagtataksil nila sa akin.
"Mga walang hiya." bulong ko sa aking sarili.
Nang makarating ako sa pick-up ay agad ko itong pinasibad. Hindi ko alam kung saan ako tutungo. Hibdi ko alam kung saan ako dadalhin ng sakit na aking nararamdaman. Ngunit, natagpuan ko na lamang ang aking sarili sa dati kong paaralan.
Hapon na kaya wala ng gaanong estudyante sa lugar. Dumiretso kaagad ako sa rooftop na paborito kong tambayan noon. Dito pa rin talaga ako dinadala ng aking sarili kapag nasasaktan ako.
Dito sa lugar na ito pa rin.
"Hindi pwede!" mariing wika ni Nanay sa akin.
"Pero, Nay! Pangarap ko po 'yon!" sagot ko naman sa kaniya.
"Bakit? Pangarap ko rin namang maging Engineer ang Kuya mo, pero hindi nangyari! Sana ikaw na lang ang namatay!" dagdag pa nito habang tinitingnan ako ng mariin.
Pumikit-pikit ako upang palisin ang nagbabadyang luha sa aking mga mata. Nagsisikip ang dibdib ko sa bawat katagang lumalabas sa bibig ng aking sa sariling ina. Napakasakit ng kaniyang mga salita.
Kung pwede nga lang sanang ibalik ang nakaraan, mas gugustuhin ko na lamang na ako na lamang ang nawala. Kasi kahit buhay ako, ramdam kong araw-araw akong pinaparusahan. Araw-araw akong unti-unting pinapatay.
Kahit masakit sa akin ang naging tugon ni Nanay ay hindi na ako nagpumilit pa. Dumiretso ako sa aking eskwelahan ng may mabigat na dibdib. Hindi rin kami nagsabay ni Lara dahil nauna na ito sa akin.
Habang nasa hallway ay pigil na pigil ko ang sariling humagulgol. Kahit marami ang bumabati sa akin ay hindi ko ito pinansin.
"Laura!"
Agaw pansin sa akin ni Lara. Nasa may pasilyo siya at kasama ang bago niyang mga barkada. Binaling ko kaagad ang aking paningin sa kaniya at nakita ang kaniyang nakangising mukha.
"Bakit Lara? May problema ba?" tanong ko sa kaniya.
Nagtawanan muna sila ng kaniyang mga kabarkada at saka niya ako sinagot. "Nakita ko si Bernard kanina, may kasamang babae. Naku! Laura, mag-ingat ka. Baka masalisihan ka na."
Umiling ako sa kaniyang sinabi at hindi na ito pinansin pa. Dumiretso kaagad ako sa rooftop ng school sa may gilid niyon at umakyat sa tuktok nito.
Wala naman akong planong magpakamatay. Gusto ko lang tingnan kung ano ang pakiramdam ng tumitingin mula himpapawid.
Saktong natatanaw ko na ang ibaba ng school building ng may humila sa akin paalis sa aking kinalalagyan. Mabilis ako nitong naibaba at nang magmulat ako ng paningin ay bumungad sa akin ang mukha ni Andrew.
Mabilis ang paghinga nito at mukhang galit. Sinamaan niya kaagad ako ng tingin habang ako naman ay naguguluhan sa kaniyang inaakto.
"Magpapakamatay ka ba?!" tanong nito sa akin na may kasama pang pagsinghal.
Kaagad na napakunot ang aking noo. Naguguluhan ko siyang tinannong, "Anong sinasabi mo? Bakit naman ako magpapakamatay?"
"Kapag may problema ka, pwede mo namang iiyak lahat." sabi nito.
Sana ganoon lang kadali.
Isa-isa kong pinupunasan ang aking mga luha. Napailing pa ako habang inaalala ang tagpong iyon. Napangiti ako ng mapait para sa sarili. Simula pa lang, nakatadhana na talaga akong masaktan. Sa simula pa lang ang buhay ko ngayon, ay hindi talaga para sa akin.
Nang tingnan ko ang aking relo ay nagulat akong mag-aalas syete na nang gabi. Agad akong tumayo sa aking kinauupuan at pinagpagan ang sarili.
Nang magtaas ako ng tingin ay nakita ko na naman siya. Siya na laging naroon kapag nasasaktan ako. Siya na laging nakikita ang bawat paghikbi at mga luha ko. Siya na laging nandyan para sa akin.
"Andrew," tanging naiusal ko.
Titig na titig ito sa akin na para bang inaarok ang lahat sa akin. At tulad ng mga nagdaang pagkakataon. Lumalakas na naman ang t***k ng aking puso. Kinakabahan na naman ako na hindi ko alam kung bakit.
Natanong ko tuloy ang aking sarili.
Nagkamali ba ako ng pinili?
@sheinAlthea