Kabanata 5

1687 Words
Pagkatapos nilang umalis ay naisipan kong tawagan si Olive. Alam kong siya lang ang tanging makakaintindi sa aking nararamdaman. Mabilis akong naupo sa pinakamalapit na sofa sa aming malawak na sala. Hinintay kong sagutin ni Olive ang aking tawag at hindi nga ako nagkamali. Pagkatapos ng ilang ring ay sinagot na niya iyon. "Hello?" tanong kaagad nito sa akin. Napangiti ako ng bahagya na para bang nakikita ako ni Olive. Naisip ko rin kung katulad ba ng nararamdaman niya noon ang nararamdaman ko ngayon. Kasi kung tutuusin pareho kaming niloko. "Olive," umpisa ko. "Ano ba 'yon? Hoy! bruha ka, huwag mo akong pinapakaba. Spill the beans, dali!" apuradong sabi nito. Napabuntong-hininga muna ako bago nagpatuloy. Iniisip kong tama bang itanong ko sa kaibigan ang mga bagay-bagay na magpapaalala sa kaniya sa masasakit na karanasan niya sa piling ng dating asawa. Pero kung hindi ko naman gagawin, paano ako magsisimula? "Anong ginawa mo noong unang nalaman mong nagloloko si Dindo?" mahinang tanong ko dito. Alam kong nagulat ang kaibigan sa aking sinabi dahil ilang sandali pa ay hindi man lamang ito nagsalita. Narinig ko pa itong napabuntong-hininga at napalitan ng ingay ng nagkakalansing na bagay ang background nito. "Alam mo Laura, isang gabi kong iniyakan ang bagay na 'yon. Naisip ko ngang magpakamatay dahil pakiramdam ko wala akong kwenta. May mga anak na kami pero nagawa niya pa rin akong lukuhin." sabi nito kapagkuwan. "Pero inisip ko, dapat maging matatag ako. Ipaglalaban ko ang karapatan ko. Ipaglalaban ko ang pagsasama namin para sa mga bata. Inaway ko siya, syempre." dagdag pa nitong sabi. Nararamdaman ko pa rin sa boses ng kaibigan na nasasaktan pa rin ito. Alam kong pinapatatag niya lang ang sarili noong isang araw na nagkita kami. Ganoon naman yata siguro ang lahat ng mga babae. Women can pretend to be strong but deep inside they're broken. "I want to hug you right now, Olive. For being strong and for being a mother to your kids." tanging nasabi ko na lamang. Batid kong, kung magpapatuloy pa ang aking kaibigan ay baka pareho lang kaming masaktan. Nandoon ako noong mga panahong nagluluksa ito. Pero ngayon, hindi ko siya maaaring idawit sa nangyayari sa akin. Buhay ko ito. Ako dapat ang humarap nito.  Kung pagiging makasarili man ang paglilihim, mas gugustuhin ko na lamang na maging ganoon ako. Mas gugustuhin ko na lamang na sarilinin ang aking problema. Natatakot ako na hindi ko alam. Natatakot akong baka kapag sinukuan ko si Bernard ngayon, bumalik na naman ako sa pag-iisa. Matagal akong namuhay nang malungkot. Si Lara lamang ang tanging sandigan ko ngunit, nawala pa ito. At ngayon, natatakot akong pati si Bernard ay mawala rin. "Kapag nasaktan ka na ng sobra, kusa na lamang susuko ang puso mo. Maiisip mo na lang na, tama na. Hindi na sila, worth it. We can be as martyrs as we want, but we can always think if it is still worth it." dagdag pa nito. Nang matapos ang tawag ko sa aking kaibigan ay napasandal na lamang ang aking likod sa sofa. Hinilot ko ang aking sentido at bahagyang pumikit. Napakahirap magdesisyon sa mga bagay-bagay lalo pa at lahat ay kailangan mong timbangin. Naisip ko rin ang sinabi sa akin ni Olive, kanina. Fight if it is still worth it. Ilang sandali pa ay tumayo ako para magbihis. Naalala kong pinakaiusapan nga pala ako ni Bernard para puntahan ang aming maisan. Isang skinny fitted jeans na black ang aking sinuot. Maluwang naman ang aking white t-shirt na pinatungan ng black cargo jacket. Nagsuot din ako ng boots para sa pagroronda mamaya sa lugar. Habang dinala ko naman ang isang cowgirl hat para proteksyon sa init. "Nene, magluto ka na agad ng tanghalian. Baka mamaya pa ako makakauwi." wika ko sa aking katulong pagkababa ko pa lamang ng hagdan. Abala ito sa paglilinis ng mga figurine habang pasayaw-sayaw pa. "Opo, ma'am. Ako na po ba, bahala sa o may gusto ka pong kainin ma'am?" tanong nito sa akin. Iniwan nito ang ginagawa at binalingan ako. "Wala. Kung ano na lang ang gusto mo. Kung hindi ako aabot sa tanghalian, pakihatid na lamang sa tauhan ang pagkain. Nasa may maisan lang ako." sabi ko bago umalis. Nilibot ko kaagad ang likuran ng aming masion. Ilang metro lang ang aking nilakad at narating ko na ang isang malaking kwadra ng mga hayop. Tinungo ko ang kwadra ng mga kabayo at kinuha ang aking paboritong alaga, si Kidlat. My Arabian horse. Bago ko ito kinuha ay hinaplos ko muna ang mukha nito. Napakaamo niyon at napakalambot din ng mga balahibo nito. Napangiti ako ng humalinghing ang kabayo sa aking bawat haplos. "Good boy," sabi ko ng tuluyan itong mailabas mula sa kwadra. Sumakay kaagad ako dito at inayos ang aking sarili sa ibabaw ng saddle nito. Pinatakbo ko kaagad si Kidlat at pareho naming binaybay ang malawak na lupain na ilang kilometro pa mula sa aming mansion. Natanaw ko kaagad ang malalawak na taniman ng tubo. Maging ang mga maisan ay nakikita ko rin. Napakagandang pagmasdan niyon lalo pa at kulay berde pa lamang ito. "Magandang umaga! Kumusta po?" bati ko sa grupo ng mga magsasaka. Sa kanilang hitsura ay napagtanto kong kagagaling lamang nila sa taniman ng palay. "Magandang umaga din, Mayora. Saan po ang tungo niyo?" tanong sa akin ng pinakamatanda sa grupo. "Pupunta po ako sa maisan. Titingnan ko lang," sagot ko naman. "Aba eh, baka sa bagong tanim po? Doon din po kami tutungo. Ang grupo po kasi naman ang magtatanim doon." Napatango ako sa kaniyang sinabi. Nagulat din ako dahil nahuli ang pagtatanim sa bakanteng lupa, ngunit hindi na ako nagtanong pa sa mga trabahante. Kakausapin ko na lamang si Andrew tungkol doon. "Mauna na po, ako. Hihintayin ko kayo doon. Salamat po." sabi ko bago tuluyang nagpaalam. Pinasibad ko agad si Kidlat at mabilis naming narating ang bakanteng lupain. Nakita ko kaagad si Andrew sa gilid ng kaniyang sasakyang wrangler na nakasandal doon. Nakapamulsa pa ito habang pinagmamasdan akong papalapit sa kaniya. "Kapag nahulog ka sa kabayo, wala ako para tulungan ka." bungad kaagad niyang sabi sa akin nang magkatapat kami. Sinamaan ko agad siya ng tingin. Iniinis na kaagad niya ako kahit kararating ko pa lamang. Bumaba ako sa kabayo at sa kamalas-malasan ay nawalan pa ako ng balanse. Sinalo kaagad ako ni Andrew at natatawang tinitigan ako. "Kakasabi ko pa lang, nangyari na agad. Minsan kasi, kailangan mong mag-ingat." sabi niya pagkatapos akong pakawalan. Napanguso ako. Malay ko bang mamalasin ako saktong pagbaba. "Sa susunod, huwag mo na akong saluhin kong napipilitan ka lang." sabi ko nang makahuma sa kahihiyan. Napangisi siya sa aking tinuran. May kakaiba ding ngiti ang kaniyang mga mata kahit pa pormal ang kaniyang hitsura. Sa nakita ay agad akong kinabahan. Pinikit-pikit ko pa ang aking mga mata upang palisin ang isang hindi kanais-nais na ideya. "Napakaswerte ng kapatid ko sa'yo, Laura. Kaya bilang kapatid ni Bernard ay obligasyon ko ring alagaan ka." sabi nito sa akin bago ako tinalikuran. Nang sundan ko si Andrew ng tingin ay sinasalubong na niya ang mga trabahador. Kinausap niya ito saglit habang mataman naman siyang pinapakinggan ng mga ito. "Nasa likod ng sasakyan ko ang binhi, pakikuha na lang. Ang mga mag-aararo, parating na rin. Magpahinga muna kayo, saglit." narinig kong sabi nito ng makalapit ako. Agad naman siyang sinunod ng mga ito. Napagtanto ko ring magaling si Andrew sa pakikisama sa mga trabahante. Ilang sandali pa ay nagsisimula na ang lahat sa pagtatanim ng mais. "Gusto kong subukan, 'yan." paalam ko kay Andrew ng makita ko siyang naglalagay ng binhi sa isang plastic na lagayan. "Ang mga babaeng maporma gaya sa'yo, pinapaupo lang. Tsaka, hindi ka marunong." sarkastiko nitong sabi habang napapangisi. Inirapan ko siya at naupo na lamang sa lilim ng punong mangga na nasa gilid ng taniman. Nakakainis talaga ang kapatid ni Bernard. Kung ituring ako ay parang batang walang alam. Papaano ako matututo kung hindi ko susubukan? Habang pinagmamasdan ang malawak na lupain ay saglit kong nakalimutan ang aking problema. Siguro nga, kailangan ko lang talagang magkaroon ng isang payapang paligid para makahinga naman ako sa lahat ng mga pinagdadaanan ko sa buhay. "Oh! Para sa'yo," Itinaas ko ang aking paningin upang makita ng maigi ang iniaabot ni Andrew sa akin. Isa itong bote ng mineral water at mukhang malamig pa iyon. "Ano namang, gagawin ko dito?" tanong ko sa kaniya habang inaabot ang tubig. "Iinumin, hindi mo naman pwedeng ipaligo 'yan." sagot nito habang napapailing. Ilang saglit pa ay tatawa-tawa na ito na para bang sobra itong natuwa. Umupo din ito sa aking tabi pagkatapos at napapailing. "Nakakainis ka talaga Andrew, alam mo 'yon? Lagi mong sinisira ang araw ko." tanging nasabi ko na lamang. "Nakakainis nga ako. Kaya mas gusto mo si Bernard kaysa sa akin." halos bulong na lamang na sabi nito ngunit dinig na dinig ko 'yon. Nanlaki ang aking mga mata sa sinabi ni Andrew. Agad-agad ay tumayo ako upang umalis. Mabilis ang aking lakad na para bang nakikipag-karera ako sa isang bagay na hindi ko naman matukoy kung ano. "Laura!" Narinig ko pang sigaw niya sa akin, ngunit hindi ko siya nilingon. Ang mga salita ni Andrew ay nakakakilabot sa akin. Isa iyong hindi katanggap-tanggap na bagay. Nababaliw na ba siya? "Laura, makinig ka. Hindi ko intensyong sabihin..." Narinig kong sabi niya sa akin nang magkatapat kami. Tiningnan ko siya at napailing. Sinipa ko si Kidlat sa tagiliran at agad itong tumakbo. Iniwan ko si Andrew. Iniwan ko siya dahil hindi ako dapat nakikipaglapit sa kaniya. Nang makarating ako ay ibinalik ko muna si Kidlat sa kuwadra bago nagmamadaling pumasok sa loob ng bahay. Nagulat pa si Nene ng makita ako, ngunit hindi ko na siya pinansin. Nagtuloy-tuloy ako sa kwarto namin ni Bernard. Hindi ko dapat isipin ang sinabi ni Andrew ngunit hindi ko maiwasan. Napabuntong-hininga ako. Pinakalma ko ang sarili at tinawagan ang opisina ng aking asawa. Nakailang ring muna ito bago may sumagot. "Hello, honey?" wika ko. "Ay! mam, si Glenda po ito. Wala pa po si Mayor, baka may pinuntahan pa po." imporma sa akin ng sekretarya ni Bernard. Napamura ako sa isip. Mas lalong sumakit ang aking ulo dahil sa nalaman. Nasaan na naman ang magaling kong asawa? @sheinAlthea
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD