TAHIMIK na pumasok si Kelly sa loob ng kanilang bahay. Kagagaling lamang niya sa eskwelahan at kailangan pa niyang pumasok sa night shift na trabaho niya sa isang fast food chain sa isang mall malapit sa kanilang lugar. Umuwi lamang siya upang makapagpalit ng kaniyang damit at upang kuhanin ang ilan sa mga gamit niya. Mukhang abala ang mga tao sa kabahayan dahil wala ni isang nakapansin sa kaniyang pagdating.
Bago siya tuluyang pumanhik sa ikalawang palapag ng kanilang bahay ay sumilip muna siya sa loob ng sala. Nakarinig siya ng tawanan mula sa loob. Sa kaniyang pagsilip ay nakita niya ang kanyang ama na si Kevin. Katabi naman nito ang pangalawang asawa nito na si Ursula. Tulad ng dati ay pusturadong pusturado ang kaniyang madrasta. Ang kaniyang Ate Andrea naman ay nakaupo sa katapat na single sofa ng mga ito. Napansin niya ang lalaking katabi nito sa naturang sofa.
Bahagyang umusad siya upang tuluyang makita ang mukha ng lalaking katabi ng step sister niya. Nahugot niya ang kaniyang paghinga ng tuluyang masilayan ang hitsura ng lalaki. Hindi masasabing sobrang guwapo ng lalaki pero base sa naging reaksyon niya ay malakas ang dating nito. Sanay siya na pulos magagandang lalaki ang kahalubilo niya dahil ang mga kaibigan niyang lalaki ay talaga namang pinagkakaguluhan sa state university na pinapasukan niya. Magandang lalaki din ang manager kung saan siya nagpa-part time job.
Ngunit iba ang dating ng lalaking kasalukuyang pinakakatitigan niya. Singkit ang mga mata nito na binagayan ng may kakapalang kilay. Matangos ang ilong nito na nagpapakita ng awtoridad sa aura nito. Ang mga labi nito ay manipis ngunit mapupula na tila ba nag-aanyaya na halikan. Mukhang maganda rin ang pangangatawan nito base na din sa fit ng damit nito. Kayumanggi ang kulay ng lalaki. Sumatotal ay taglay ng lalaki ang complete package na hinahanap niya sa isang lalaki.
Hindi niya napigilan ang mapasinghap ng mapansin niya kung papaano nito hawakan ang kamay ni Ate Andrea niya. May mumunting kirot siyang naramdaman mula sa kasuluksulukan ng kaniyang puso. Nalito siya sa damdamming bigla na lamang niyang naramadaman ng mga oras na iyon. At bago pa man niya maturol ang dahilan ng mumunting kirot sa kaniyang puso ay nagpasya na siyang pumunta sa kaniyang silid.
Ngunit nakakailang hakbang pa lamang siya ng tawagin siya ng kaniyang ama. Nais sana niyang ignorahin na lamang ang Papa niya ngunit ayaw naman niyang lumabas na bastos sa harap ng bisita ng mga ito. Humugot muna siya ng malalim na paghinga bago humarap sa mga ito.
“Kanina ka pa ba? Bakit hindi ka man lang nagpasabi na maaga kang uuwi ngayon?” magkasunod na tanong ng Papa niya.
Pinilit niyang huwag magawi ang kaniyang tingin sa bisita at ituon ang atensyon sa kaniyang Papa. “Kadarating ko lang Pa, Tita.” Lumapit siya upang magmano sa mga ito. Halatang napilitan lang ang madrasta niya ng abutin nito ang kamay niya. “Umuwi lang po ako para magpalit at kuhanin yung mga gamit ko. May duty po kasi ako ngayon sa Jollibee. Sige mauna na po ako sa inyo.” Magalang na wika niya bago muling humakbang palayo.
“Why don’t you stay for a while Kelly?” ang tinig ng kaniyang Ate Andrea ang nakapagpapigil sa tuluyang paglakad niya. Nakakunot ang noo na humarap siya dito. “Huwag ka na muna pumasok sa trabaho mo. Hindi mo naman siguro ikatatanggal iyon. At isa pa nakakahiya dito kay Limuel kung aalis ka. By the way honey, this is my step sister Kelly, sis, this is Limuel my boyfriend.” Anito bago kumapit sa braso ng lalaking tinawag nitong ‘Limuel’.
So Limuel pala ang pangalan niya.. hindi napigilang saad niya sa kaniyang isip.
“Nice meeting you Kelly. Ikaw pala yung madalas ikuwento ni Andrea na step sister niya.” bahagyang hinagod nito ang kaniyang kabuuan.
Nais niyang mahiya ng maalala kung ano ang kasalukuyang hitsura niya. Paniguradong nanlilimahid siya sa pawis ng mga oras na iyon. Nagkaroon kasi sila ng field activity sa eskuwelahan kung saan sinubukan ang resistensya nila pagdating sa physical activities. Parte iyon ng programa na kailangan nilang gawin bago bago matapos ang unang semester sa unibersidad na kaniyang pinag-aaralan. She was a second year irregular colleges student in Bulacan State University. Irregular siya dahil may mga subjects siya na hindi nakuha kaagad dahil sa conflict ng oras sa kaniyang mga part time jobs.
“Nice meeting you too Kuya Limuel.” Inilahad niya ang kanyang palad sa harap nito. Pakiramdam niya ay napaka-plastic niya ng tawagin niya itong ‘Kuya’.
May naramdaman siyang maliliit na tila kuryenteng dumaloy sa kaniyang palad ng dumampi ang kamay nito sa kaniya. Pasimpleng binawi niya kaagad ang mga kamay niya dahil sa kaniyang naramdaman.
“I hope hindi masyadong pangit ang mga ikinukuwento ni Ate sa akin.” Nakangiting pagbibiro niya upang pagtakpan ang kasalukuyang nararamdaman.
“Anu ka ba naman Kelly! Anu naman ang ikukukwento kong di maganda patungkol sa iyo? Wala naman di ba? Maliban na lang sa pagiging missing in action mo parati dito sa bahay.” natatawang parungit ding wika ni Ate Andrea.
May halong katothanan ang sinabi ng kaniyang Ate Andrea. Mas madalas siyang kapiling ng mga kaibigan kaysa sa kaniyang pamilya. Kung hindi mga kaibigan niya ang kaniyang mga kasama ay nasa trabaho naman siya. Pinili niyang maging abala kaysa makapiling ng madalas ang pangalawang pamilya ng kaniyang Papa. Kaya naman hindi siya kailanman naging close sa step sister niya kahit pa nga maayos naman ang pakikitungo nito sa kaniya. Sa katunayan ay madalas itong gumawa ng paraan upang maka-bonding siya ngunit siya ang kusang lumalayo dito. Hindi lang niya gusto ang ideya na madalas siyang maikumpara dito. Sa tuwing magkakaroon ng family gathering ang pamilya sa side ng kaniyang ama ay hindi maaaring hindi sila pag-usapan at pagkumparahin ng mga bisita nila. Her Ate was every man’s dream, while she on the other hand was just an ordinary Jane. There’s nothing special about her. Kaysa patuloy na bumaba ang self esteem niya ay pinili niyang ilayo ang loob niya sa bagong pamilya ng kaniyang ama. She chose to be with people who accepted and appreciated the real Kelly.
Kaswal na ngumiti lamang siya. “Anyway maiwan ko na muna kayo at may trabaho pa ako.” Aniya. “Pa, Tita una na po ako.” Baling niya sa mag-asawa.
Walang nagawa ang kaniyang Papa kundi payagan na lamang siya. “Kumain ka muna bago ka umalis.” Bilin na lamang nito.
Humalik muna siya sa pisngi ng kanyang ama bago tuluyang umalis. Pasimpleng sinulyapan niyang muli ang kasintahan ni Ate Andrea. Ganoon na lamang ang pagkabog ng kaniyang dibdib ng mahuli ni Limuel ang kanyang nakaw tingin.
Wala sa loob na napatakbo siya paakyat ng hagdan.