Umaga na at alam kong dapat ay sumisikat na ang araw. Ngunit masyadong malungkot yata ang panahon. Parang dapit-hapon na kaagad na wari mo ay nais ng humalik ng araw sa dilim.
Nagpasya akong bumangon at maligo, kahit parang ayaw pa ring kumilos ng aking katawan sa pagkakahiga sa kama. Malamig at nakakatamad man ay kailangan kong maglinis ng katawan. May pasok pa ako sa trabaho. Kahit sabihing maliit lang ang sahod bilang tindera sa isang grocery store ay mas mainam na iyon kaysa naman sa wala.
Nakarinig ako ng malalakas na katok sa aking silid. Napailing na lang ako ng marinig ko ang boses ni Eloira. Kahit naman sabihing para na siyang sumisigaw ay napakahinhin pa rin ng pagsasalita niya.
"Opo na. Babangon na. Salamat po ate," naging tugon ko na lang. Hindi ko man nakikita ang kanyang mukha ay napahagikglhik na lang ako. Nararamdaman ko kasi ang kanyang pag-ismid.
"Bilisan mo ng maligo Raselle. Nakaligo na ako at lahat, nakaluto na rin at nakakain pero ikaw nakahilata pa rin!" Alam kong sermon na iyon. Ngunit hindi mo iisipin na nananenermon si Eloira kung bago mo lang siyang kakilala.
"Anong oras na ba?" Napatingin ako sa madilim pa ring liwanag na tumatagos sa salamin na bintana. Kung ang pagbabasehan ay ang madilim na sinag ng araw ay wala pang alas sais ng umaga. Pero sa panggigising ni Eloira ay parang tanghali na.
"Alas syete y media na po ineng. Kanina pa kitang kinakatok at ginigising pero tulog mantika ka pa rin. Mauuna na ako. Bilisan mo dyang kumilos. Siguradong sermon ka na naman kay Mr. Go pagnalate ka na naman."
"Pero bakit madilim pa sa labas?" Wala sa sariling tanong ko. Pero nagsisimula na akong mag-ayos ng gamit na susuotin ko at gamit na dadalahin ko.
"Umulan kagabi, pero wala namang bagyo. May low pressure area, pero hindi naman gaanong maaapektuhan itong lugar natin. Madagim sa labas, pero wala pang ulan. Pero siguradong lalakas ang ulan mamaya kaya magdala ka ng payong. Aalis na ako. Magmadali ka na at ng hindi ka mapagalitan ng Intsik na iyon."
Wala na akong narinig maliban sa pagsara ng pintuan sa labas. Dali-dali naman akong lumabas ng kwarto para makaligo matapos kung ayusin ang mga gamit ko. Halos limang minuto lang ang itinagal ko sa banyo. Mabilis rin ang pagkaing ginawa ko. Daig ko pa nga yata si flash sa bawat kilos ko. Natapos ko ang lahat ng gawain ko sa loob ng labinlimang minuto.
Lakad takbo ang aking ginawa makarating lang sa labasan sa may kalsada. Kung minamalas ka rin naman ay wala man lang ni isang nakapilang tricycle.
"Ano bang buhay ito? Kung hindi ka nga naman sinuswerte," reklamo ko na lang at nagsimulang maglakad. Alam kong late na rin naman ako. Kaya umaasa na lang ako sa galit sa akin ni Mr. Go. Ang may-ari ng grocery kung saan kami nagtatrabaho ni Eloira.
Ilang beses pa akong tumingin sa suot kong relo. Wala na talagang pag-asa na aabot pa ako sa pagbubukas ng tindahan. Kung ipagpapatuloy ko ang paglalakad ay mga dalawang kilometro pa ang layo ng tindahan at limang minuto na lang ay late na talaga ako.
Wala pa ring dumaraang sasakyan na pampasahero. Puro na lang mga pribado. "Ang yayaman naman ng mga tao. Hay ako kaya? Kailan ba ako yayaman? Makabili din ng mga sasakyan. Mga lima," nasambit ko na lang ng bigla na lang akong mapasigaw dahil sa gulat.
Halos manlaki ang aking mga mata ng biglang sumulpot ang kotse sa aking harapan. Nanginginig pa ang aking mga tuhod, ngunit pinilit kong makatayo.
Sira ang unahan ng kotse. Yupi ang passenger side nito na siyang malakas ang impact sa pagbangga sa poste. Kung titingnan ay wala talagang mabubuhay na nilalang, kung may nakasakay sa passenger seat.
Parang nagrarambulan ang aking mga bituka sa kaba. Hindi ko alam ang aking gagawin. Ngunit kailangan kong makahingi ng tulong. Ngunit umaasa akong walang nasaktan ng malala sa nasa loob ng sasakyan.
Dahil natatakot akong makita ang nilalaman ng passenger seat ay pinilit kong buksan ang bintana ng driver seat. Habang sumisigaw at kumakatok sa bintana. Habang sumisigaw sa mga dumaraang sasakyan para makahingi ng tulong.
Hindi ko alam kung paano ko nagawang ibaba ang bintana ng driver seat gamit ang packaging tape na nasa aking dalang bag.
Halos nakahinga ako ng maluwag ng mapansing walang sakay ang passenger seat. Ngunit hindi pa rin ako dapat makampante, dahil ang lalaking siyang nagmamaneho ng kotseng bumangga sa poste ay walang malay at may dugong nagmumula sa kanyang ulo na umaagos sa kanyang mukha.
Dahil sa pangyayari at sa aking mga sigaw ay nakaagaw naman ng atensyon sitwasyon kong iyong. Kahit wala pang rescue at ambulansya ay napagtulung-tulungan ng mga taong may kanya-kanyang pribadong sasakyan na mailabas ang lalaki sa kotse nito. Mabuti na lang at walang naging harang o abala sa mga paa nito. Kaya ito ay mabilis na nailabas sa sasakyan.
May isang nagmagandang loob ang naghatid sa amin sa ospital. Dahil ako ang saksi ay ako ang napilitang sumama. Hindi ko na nga halos naalala na may trabaho nga pala ako at mapapagalitan ako ng aking amo.
Bigla na lang bumukas ang operating room at lumabas ang doktor na siyang tumingin sa lalaki. Ang hawak nitong mga gamit ng lalaki ay ibinigay nito sa akin. Hindi ko alam kung paano magsisimulang magtanong. Dahil hanggang ngayon ay may kaba pa rin akong nararamdaman. Blanko pa rin ang aking isipan. Gusto ko mang magsalita ay walang tinig na lumabas sa aking bibig. Mabuti na lang at ang doktor na ang unang nagsalita.
"Ikaw ba ang kasama ng pasyente?" tanong ng doktor na ikinatango ko na lang. Takot na takot ako sa mga oras na iyon. Kaya wala akong ibang nasa isip kundi ang sana ay kasama ko si Eloira. "Anong pangalan mo hija?"
"E-Eloira." Nagulat na lang din ako kung bakit iyon ang pangalang lumabas sa aking bibig. Siguro ay dahil sa kakaisip ko sa kanya ay pangalan niya ang aking nasambit. Hindi ko na rin nabawi ng muling magsalita ang doktor.
"Relax hija. He is safe now. Wala namang gaanong napinsala sa ulo niya. May sugat pero natahi na namin. Ganoon din sa mga paa at binti niya. Pati na rin sa braso. May sugat pero hindi delikado. Kailangan lang niya ng pahinga. Mga ilang araw ay makakalabas na rin siya ng ospital," paliwanag ng doktor.
Nakahinga ako ng maluwag dahil sa sinabi ng doktor. Kahit hindi ko kilala ang lalaki ay nakaramdam ako ng takot para sa kanya. Parang may koneksyon kami sa isa't isa kahit wala naman
Napatingin naman ako sa isang pulis na patungo sa pwesto namin. Tahimik lang ako habang nakikinig sa sinasabi niya sa doktor. Ipinagpasalamat kong wala naman palang kasong maiisampa sa lalaki. Sasakyan lang nito ang nasira, ngunit wala itong nasirang property. Kahit ang poste ng kuryente ay matatag na nakatayo. Inalam lang ang dahilan ng aksidente. Nawalan bigla ng preno ang sasakyan kaya ito bumangga sa poste.
Pagkaalis ng pulis ay sinabihan na lang ako ng doktor na magtungo na lang sa isang pribadong silid ng ospital na siyang inilaan sa lalaking naaksidente at doon ko na lang ito hintayin.
Pagkaupo ko pa lang sa upuan ay siyang pagtunog ng cellphone ko. At doon bumalik sa aking isipan kung ano ang dapat ko nga palang gagawin. Mabilis kong sinagot ang tawag. Wala pa akong nasasalita ay ang sermon na kaagad ni Eloira ang aking narinig.
"Anong petsa na Raselle? Huwag mong sabihing muli kang bumalik sa pagkakahiga mo nang umalis ako? Nasaan ka na ba? Alam mo bang halos dalawang oras ka ng late? Anong gusto mong sabihin ko kay Mr. Go? Absent ka na o maghalf-day ka na lang. Ako ang kinukulit niya kung nasaan ka na. Dahil mukhang may malakas na ulan mas madami ang namimili ngayon." Ramdam ko ang pagkairita sa boses ni Eloira, pero ano ba ang dapat kong gawin. Hindi ko alam kung bakit may parte sa puso ko na ayaw kong iwan ang lalaki hanggat wala itong sariling bantay habang hindi pa ito nagigising. Ngunit wala na ang aking kaba. Hindi na katulad ng kanina.
"I'm sorry Eloira. Baka kasi hindi na ako makapasok. Narito ako sa ospital."
"What? Anong nangyari sa iyo? Naaksidente ka ba? May masakit ba sa iyo? Kumusta ang pakiramdam mo?" Doon hindi ko na napigilang mapangiti. Alam ko namang medyo OA si Eloira sa parteng iyon, pero mas lalo ko lang nararamdaman na may pamilya akong nagmamahal sa akin.
Galing ako sa ampunan at doon ko nakilala si Eloira. Pangarap ko lang talaga noon na may mag-asawang umampon sa akin. Kaya lang wala talaga.
Noong sanggol pa raw ako sabi ng mga madre ay walang pumupunta para mag-ampon. Kaya lang noong nasa anim na ako, gusto nilang ampunin ay sanggol pa rin. Ang saklap lang talaga.
Habang lumalaki ay kaming dalawa lang ni Eloira ang magkasangga. Hanggang sa makatapos kami ng highschool sa tulong ng mga madreng kumupkop sa amin. Ngunit nagpasya na kami ni Eloira na umalis na ng ampunan nang sa tingin namin ay kaya na naming mabuhay ng walang hinihinging tulong mula sa iba.
Sabay kaming naghanap ng trabaho. Kahit anong trabaho ay pinasok namin. May tagahugas ng pinggan sa isang karinderya. Naging taga walis pa kami ng kalat sa isang club para lang magkaroon kami ng bubong na masisilungan. Hanggang sa kahit papaano ay nakahanap kami ng matinong trabaho para makapagrenta ng isang maliit na apartment na siyang tinutuluyan namin ngayon. Nasa pitong taon na rin kami sa apartment na iyon at masasabi kong masaya ang buhay ko habang kasama ko ang best friend ko.
Siya ang tumatayong ate ko dahil mas matanda siya sa akin ng dalawang taon. Kahit pa mismong sa pangalan ko lang din naman siya tinatawag.
"Raselle ano ba? Hindi ka na nagsalita. Labis mo akong pinag-aalala. Pupuntahan kita dyan. Magpapaalam ako kay Mr. Go. Kahit mapagalitan ako. Mas mahalaga pa rin ang kalagayan mo." Batid ko ang labis niyang pag-aalala. Lalo na at parang maiiyak na ang boses niya.
"Ayos lang ako," mabilis ko namang tugon.
"Ayos? Maayos? Paano mo nasabi? Nasa ospital ka at wala akong alam kung bakit ka nariyan. Kaya huwag mong masabing ayos ka lang. Nag-aalala ako."
Doon hindi ko na napigilan ang aking mumuting tawa. Tawa kasi natutuwa ako sa pag-aalalang ibinibigay ni Eloira. At sa pagmamahal niya sa akin bilang kaibigan niya.
"Anong nakakatawa Raselle?"
"Maayos lang ako ate ko," biro ko sa kanya. "Hindi ako nasaktan at hindi ako naaksidente. May naaksidente habang papunta ako dyan, lakad lang kasi ako. Ewan ko ba sa mga tricycle sa labasan kung bakit wala sa pila kahit isa. Tapos ayon may isang mamahaling kotse na bumangga sa poste. At nasisigurado kong mayaman ang lalaking sakay noon. So ayon na nga, ako lang ang saksi kaya iyong mga tumulong ako na pinasama dito sa ospital. Okay naman daw ang lalaki wala pa lang malay. Mamaya uuwi na rin ako sa bahay. Pero magpapadala pa rin ako sa iyo ng mensahe, pag nagising siya kaagad. Pero habang wala pa ring malay dito muna ako."
"Ganoon ba? Totoo? Hindi ikaw ang naospital at maayos ka lang talaga?"
Natawa na talaga ako ng tuluyan sa sinabi niya. "Oo nga."
"Okay, sige pag nariyan ka pa at nakalabas na ako sa trabaho ay dyan na ako tutuloy ng masamahan kita. Ako na ang bahala kay Mr. Go. Gusto ko ring makita iyang lalaking tinulungan mo."
"Sige na ate ko, salamat ha. Relax ka na ha. Huwag ka ng oa ate ko."
"Sira!" anito na ikinatawa ko na lang.
Matapos ang tawag ay bumukas ang pintuan ng silid na iyon. Ipinasok ng mga nurse ang stretcher na kinahihigaan ng lalaking walang malay. Maayos itong inihiga sa kama na naroroon, bago ang mga ito nagpaalam sa akin.
Doon ko lang napagmasdan ng mabuti ang mukha ng lalaki. Gwapo ito kahit may benda at ilang gasgas ang mukha.
Mula sa aking pagkakatitig sa kanyang mukha ay hindi ko napigilang idampi ang aking mga daliri sa kanyang maamong mukha. Doon ay bigla na lang unti-unting bumilis ang t***k ng aking puso. Napahawak pa ako sa aking dibdib.
"Ito ba iyong tinatawag na unang pana ni kupido, sapul kaagad?" Naitanong ko pa sa kanya. Alam ko namang hindi siya sasagot. Wala nga kasing malay. "Na love at first sight yata ako. Sa 'yo." Pag-amin ko kaagad sa lalaking nasa aking harapan.