"Manang, 'yung isa pa nga pong ulam dito."
"Sige ho, Sir."
"Salamat ho," sagot pabalik nitong kaharap kong pulis ngayon habang nandito kami sa isang canteen. Pagkatapos no'n ay ibinalik na ulit nito sa akin ang tingin niya, na siyang hindi ko nagugustuhan.
"Kumain ka pa ha," sa sinabi niyang 'yun ay hindi na ako nakasagot pa. Hindi ko na lang din siya gaanong pinansin dahil ang mas pinagtuunan ko na ng atensyon ay ang kinakain ko ngayon. Hindi ko na lang din naiwasan ang medyo mainis sa sarili ko dahil hindi ko man lang natanggihan ang alok niyang 'to. No'ng nag-uusap kasi kami kanina ay bigla na lang kumalam ang sikmura ko, sumakit na rin ito kaya't napansin niya ito kaagad. No'ng ma-realize niyang nagugutom ako ay bigla na lang niya akong kinaladkad dito sa canteen na kinaroroonan namin ngayon, na siyang malapit lang din sa pinanggalingan naming tulay kanina lang.
Kung hindi lang talaga ako nagugutom ay hindi ako papayag na magpakaladkad sa kanya rito, kung hindi ko lang talaga gustong mabuhay, hindi ko na pag-aabalahan pang samantalahin ang tulong na iniaalok sa akin ng pulis na 'to.
"Siya nga pala, ako si Toby. Isa akong police detective." Sandaling nabaling sa kanya ang mga mata ko no'ng marinig ko ulit itong magsalita, pero wala pang limang segundo ay kaagad ko na ring ibinalik ang tingin ko sa kinakain ko ngayon.
"Sir, heto na po 'yung isa pang ulam na in-order niyo," sabi no'ng isang ginang na kinausap niya kanina. Mukhang siya ang may-ari ng canteen, dalawa sila rito ng kasama niyang isang babae. Pero mas pinili talaga yata nito na siya na mismo ang mag-serve ng order nitong pulis na ngayon ay nagpapasalamat na sa ginang. Nang umalis na ang ginang sa kinaroroonan namin ay tsaka naman ulit nagsalita ang pulis sa harapan ko. Kasalo ko siya rito sa isang table at pareho lang din kaming kumakain, no'ng una ay ako lang in-orderan nito ng pagkain, pero pagkatapos ng ilang minuto ay um-order na rin ito ng makakain niya.
"Ikaw? Ano'ng pangalan mo?" sa tanong niyang 'yun ay sandali na akong natigilan. Ramdam kong nakatingin ito sa akin, kaya naman inilapag ko muna ang hawak kong kutsara sa ibabaw nitong pinggan ko bago ako tuluyang magsalin ng tubig sa baso. Kaagad ko namang ininom ang tubig, nang maubos ko 'yun ay tsaka lang ako nagdesisyong magbaling sa kanya ng tingin.
Nakita kong nakatuon na ngayon ang atensyon niya sa kinakain niya. Hindi ko alam kung dapat ko pa bang sagutin ang tanong niya, lalo na't sigurado namang hindi na ulit kami magkikita pagkatapos nito.
"Ano bang pangalan mo at saan ka nakatira nang maihatid na kita mamaya." Hindi ko na lang napigilan ang mapalunok nang mabigat sa sarili kong laway dahil mukhang desidido siyang malaman ang pagkakakilanlan ko. Nakatitig na rin ito ngayon sa akin na siyang naging dahilan ng pagtatama ng mga mata namin, no'ng mapansin niyang hindi pa rin ako sumasagot ay nagsalita ulit ito.
"Miss? Okay ka lang?" Wala sa oras na nag-iwas na ako ng tingin at kaagad na itong ibinaling sa mga pagkain dito sa ibabaw ng table. Ilang segundo pa ay napabuntong-hininga na rin ako nang mahina, no'ng sa wakas ay mapagdesisyunan kong sabihin na lang sa kanya ang totoo.
"H-Hindi ko alam," sagot ko sa kanya, bilang pagsasabi ng totoo. Wala pa akong gaanong tiwala sa kanya, pero wala rin namang mawawala kahit sabihin ko sa kanya ang tungkol sa pagkalimot ko sa pagkatao ko.
"Miss, seryoso ka ba? Kung natatakot ka sa'kin, huwag kang mag-alala. Hindi naman ako masamang tao eh."
"Hindi ako natatakot sa'yo at nagsasabi ako ng totoo. H-Hindi ko talaga alam kung sino ako at kung saan ako nakatira," sa mga sinabi kong 'yun ay nag-angat na rin ulit ako ng tingin sa kanya. Nakita ko naman kung paano ito sandaling matigilan, pati ang isang kutsarang kanin at ulam na sana'y isusubo niya ay nailapag niya na nang marahan sa ibabaw ng plato niya.
"H-Hindi mo talaga alam?" tanong nito sa akin na para bang naninigurado pa. Hindi ko na lang naiwasan ang mapabuntong hininga bago ako tuluyang tumango sa kanya nang marahan, bilang sagot na rin sa tanong nito.
"Pero p-paanong?"
"Nagkaroon ako ng amnesia no'ng maaksidente ako," kaagad kong sabi, na siyang marahan niya nang ikinatango.
"Kung gano'n, baka matulungan kita," sa sagot niyang 'yun ay sandali na rin akong natigilan. Bakit ganito na lang para sa kanya kadali ang magtiwala sa ibang tao na hindi naman niya kilala? Ano bang klaseng tao siya?
Ilang saglit lang ay parehas nabaling ang tingin naming dalawa sa entrance ng canteen no'ng magsidatingan ang isang grupo ng mga estudyante. Rinig na rinig ang lakas ng mga tawanan nila kaya naman hindi na namin naiwasan ang mapatingin sa kanila, no'ng mapansin nila 'yun ay unti-unti na ring nabawasan ang pag-iingay nila.
"Kung wala kang alam na tutuluyan, p-pwede ka muna sa amin pansamantala." Kaagad namang nabaling ang tingin ko sa kanya no'ng marinig ko ulit itong magsalita. Pero sa pagkakataong ito ay hindi na ako makapaniwala, seryoso ba siya? Nagtitiwala siya sa akin at balak pa niya akong patuluyin sa sa kanila?
Ilang segundo lang ay mukhang napansin na rin niyang wala akong balak magsalita, kaya naman wala sa oras na narinig ko ulit itong magsalita.
"Matutulungan kita kung gusto mo, kaya magtiwala ka sa'kin," dagdag nitong sabi at para bang sigurado na talaga siya sa iniaalok nito sa akin. Hindi ko siya kilala at hindi rin ako gano'n nagtitiwala sa kanya, pero kung sigurado siyang matutulungan niya ako ay baka nga dapat ko na ring tanggapin ang alok niya?
"Hindi kita pipilitin kung ayaw mo. Mukhang hindi ka naman nagtitiwala sa kagaya ko." Narinig ko pa ang pagbuntong-hininga niya pagkatapos nitong sabihin ang mga salitang 'yun sa akin. Ilang segundo lang ay nagbaba na rin ulit ito ng tingin para ituon ang pansin sa kinakain, kaya naman gano'n na rin ang ginawa ko. Hindi ko alam kung ano'ng isasagot ko dahil hindi ko pa alam kung ano'ng magiging desisyon ko. Pero sa kalagayan ko ngayon, na pagala-gala lang at walang makain? Tama bang tanggihan ko pa ang iniaalok nitong tulong sa akin?