Damzel Lumipas ang ilang linggo at hindi ko namalayan ang mabilis na pagtakbo ng mga araw. Araw ng Lunes at tagaktak ang pawis ko nang matapos kong takbuhin ang Sophomore building, para lang malaman kung totoo ang nabalitaan ko. Ayaw ko kasing paniwalaan ang ibinungad sa akin noong isang araw ni Strawberry. Mula sa labas ng principal's office ay nakita ko ang ilang estudyante na nasa tapat ng bulletin board. "Kilala ko 'yung isa riyan, ah.." sabi no'ng isang payat na babae. "Seryoso? Siya talaga?" sabi naman ng bilugin ang katawan niyang kasama. "Balita ko ay galing siya sa highest section," sabi pa ng isang kasama nila. "E, mukhang ganda lang naman ang mayroon siya," ang sabi naman ng isa pa nilang kasama at halos magpantig ang tainga ko nang mapagtanto na nakatingin sila sa akin.

