Chapter 2 - Rain

1380 Words
MALAPAD akong nakangiti habang inaanggulo nang maganda ang mukha sa camera. Sunod-sunod naman ang pag-flash nito para kuhanan ako. Ilang oras pa akong nagtagal sa harapan ng camera bago natapos ang photoshoot ko ngayong araw. Pagod ako nang tahakin ko ang bangko kung nasaan ang ina ko. “Here’s your water,” bungad ni Mama at inabot sa akin ang isang bottled water. Tinanggap ko ito. “Thanks, Ma.” Naupo ako sa bangko bago uminom sa bote. Nang matapos ay inilapag ko ito sa mga hita ko at pinagmasdan ang nangyayari sa paligid. Isa-isa nang inaalis ng mga staff ang pagkaka-set-up ng studio. “Nga pala, Valerie.” Bumalik kay Mama ang atensiyon ko nang marinig siyang nagsalita. “Bakit po?” “Kanina pa may nagte-text sa ‘yo,” imporma niya at inabot sa akin ang phone ko. Nagpasalamat pa ako nang tanggapin na ito at agad tiningnan ang mga mensahe para sa akin. Bahagya akong napangiti at nakaramdam ng excitement nang makita ang mensahe ni Bea. She’s inviting me tonight. Tatambay na naman sila ni Avah sa bar na madalas na naming puntahan. Ito ang bar kung saan tumutugtog ang Aces. Mabilis akong nagtipa ng isasagot sa kanya, pumapayag na. Kulang na lang ay umalis na ako ngayon dito sa studio sa sobrang pagka-excite ko. Saglit na nawala ang atensiyon ko sa phone ko nang may tumawag sa akin. Tinungo ko ang photographer nang ipakita niya sa akin ang ilan sa mga kuha ko, at pasalamat na lang dahil lahat ng ‘yon ay magaganda kaya wala nang kailangang ulitin pa. Nang maasikaso na ang lahat sa studio ay napagpasyahan na rin namin ni Mama ang umuwi. Dahil pagabi na ay inabutan na kami ng rush hour at naipit pa sa traffic. “Magpahinga ka muna bago maligo. Huwag mo rin kakalimutang gawin ang skin care routine mo bago matulog,” bilin ni Mama nang makauwi na kami sa bahay. Alas-otso na rin ng gabi. Binitiwan ko ang bag sa sofa bago ibinagsak ang sarili rito. “Hindi pa ako matutulog, Ma. May lakad ako.” Natigilan siya sa akmang pagtungo sa kwarto niya nang marinig ang sinabi ko. Bumaling siya sa akin nang nakakunot ang noo. “Saan ka pupunta, aber?” Ngumiti ako. “Inaaya ako nina Bea at Avah ngayong gabi.” Unti-unting nawala ang ngiti ko sa labi nang pagtaasan niya ako ng kilay. “Napapansin ko, nagiging madalas na ang paglabas mo tuwing gabi. Madalas ay sinasabi mong kasama mo sina Bea at Avah sa isang bar.” Ngumuso ako. Halos lahat ng lakad ko ay alam ni Mama. Nakasanayan ko na rin kasi na magsabi sa kanya kaya kahit nasa tamang edad na ay ginagawa ko pa rin ito. “Aminin mo nga sa akin, may sinisilayan ka ba sa pinupuntahan nyo?” Namilog ang mga mata ko sa narinig. Mabilis akong umiling. “Ma! Wala, ‘no!” Tumawa siya. “Ano ka ba, nagbibiro lang ako. Sige na, umalis ka na. Huwag kang masyadong magpapaabot ng gabi. Huwag mo rin kalimutan ang spray mo. Mahirap na, delikado pa naman ang panahon ngayon.” “Opo, Ma.” Nang makitang tuluyan nang pumasok si Mama sa kwarto niya ay tumayo na ako sa kinauupuan at tinungo ang kwarto ko. May pagmamadali sa akin nang maligo at mag-ayos. Anong oras na pero nandito pa rin ako sa bahay. Malamang ay hindi ko na maaabutan ang first set ng performance ng Aces. Hindi na rin ako nagtagal pa sa bahay. Nang matapos na makapag-ayos ay agad na rin akong bumiyahe. Nagpadala pa ako ng mensahe kay Bea para ipaalam na papunta na ako. “Valerie!” Hindi na ako nahirapang hanapin ang table na inuukupa ng mga kaibigan ko. Malapit lang ito sa entrance kaya nang makapasok ako ay mukhang napansin kaagad nila ako. “Hello, girls!” bati ko nang makalapit sa kanila. Tumayo ang dalawa para makipagbeso sa akin. “Ginabi ka yata. Sayang, katatapos lang na tumugtog ng Aces.” Napasimangot ako sa narinig. “Nasa photoshoot pa kasi ako nang mag-text ka. Naipit pa kami ni Mama sa traffic. Kinailangan ko pang mag-ayos kaya lalong natagalan bago nakapunta rito.” “Hayaan mo na. Mamaya ay tutugtog pa ang Aces.” Nang makaupo na ay nagtawag ng waiter si Bea para mag-order ng maiinom namin. Mukhang nagsimula na sila ni Avah base na rin sa mga bote ng alak na nasa lamesa namin. Dahil pagod ako galing sa photoshoot, tanging isang baso lang ng light drink ang in-order ko. Wala akong balak na masyadong mag-inom ngayong gabi. Habang hinihintay na tumugtog muli ang Aces ay nagkaroon ng kwentuhan sa pagitan namin nina Bea at Avah. Ang iba sa mga ‘yon ay tungkol sa university. Pare-pareho kami ng mga kurso na business. Kaya nagkakaintindihan kaming tatlo kapag umaangal ang isa sa amin tungkol sa academics. Natigil lang ang pag-uusap naming tatlo nang mapansing umakyat na sa stage ang Aces. Tumuon agad ang mga mata ko sa drummer ng banda. “Kalmahan mo lang, Valerie. Baka matunaw na nyan si Castiel kakatitig mo sa kanya,” pang-aasar ni Avah. Inirapan ko lang siya at muli nang ibinalik ang atensiyon kay Castiel Rivera. Hindi lingid sa kaalamanan ng mga kaibigan ko ang pagtingin ko para sa binata. Kaya nga palagi nila akong inaaya kapag pupunta sila sa bar na 'to. Ang una at pangalawang kanta na tinugtog ng Aces ay puro rock song na nagpa-indayog at bumuhay sa mga tao ngayong gabi. Nang tumuntong na sa pangatlong kanta ay naging love song na ito at ngayon ay apat na silang kumakanta. No doubt. Lahat sila ay may mga talento sa pagkanta o pagtugtog man. Pero nang ang boses na ni Castiel ang mangibabaw sa paligid ay parang biglang may dumaan na anghel. “Crush na crush mo talaga si Castiel, ‘no?” Bumaling ako kay Bea sa sinabi niya. Ramdam ko ang pag-iinit ng pisngi. “Sakto lang…” “Talaga ba?” Nawalan ako ng imik. Nakagat ko na lang ang pang-ibabang labi. “Bakit hindi mo kausapin? Sigurado akong papansinin ka nyan, sa ganda mo ba naman,” suhestiyon ni Avah. Umiling ako. “Nahihiya ako.” Tumawa ang dalawa na para bang iyon na ang pinakanakakatawang biro na narinig nila. “Parang hindi ka si Valerie. Ang kilala naming Valerie ay malakas ang confidence sa sarili.” Pero pagdating sa drummer na ‘yon ay nawawala ang confidence ko. Iyon sana ang gusto kong isagot sa kanila ngunit mas pinili ko na lang ang manahimik. Bumalik na sa normal ang paligid ng bar nang matapos na ang performance ng Aces. Bigla na rin itong nawala na parang mga bula. Inilabas ko ang phone mula sa dalang maliit na bag. Bahagya akong natigilan nang mapansing mag-a-alas dose na ng gabi. “Girls, I have to go. Mag-twelve na pala. Baka malagot ako nito kay Mama.” Baling ko sa dalawa. Tumango sila. “Hindi ka namin masasabayan, mamaya pa ang uwi namin ni Bea.” “Ayos lang.” Tumayo na ako mula sa kinauupuan at nilapitan sila para makipagbeso sa kanila. “Alis na ako.” “Mag-iingat ka.” Tumango ako at ngumiti. Kumaway pa ako bago tuluyang lumabas na ng bar. Naging dahan-dahan ang lakad ko at malalim na napabuntong hininga nang makita ang malakas na ulan dito sa labas. Hindi ito rinig sa loob ng bar. “My God,” bulalas ko nang maalalang wala akong dalang payong. Paano na ako nito? Baka kapag inabutan talaga ako rito ng alas dose ng hatinggabi ay malagot ako sa ina ko. Baka hindi na ako payagan na umalis pa sa gabi. I guess I have no choice. Hinanda ko na ang sarili sa pagsuong sa ulan. Bahala na kung mabasa. Ang mahalaga ay makauwi na agad. Akmang tatakbo na ako sa gitna ng ulan nang maramdaman ang paghawak ng kung sino sa palapulsuhan ko na naging dahilan ng pagkatigil ko. Nanlaki ang mga mata ko sa pagkabigla at mabilis na nilingon ang gilid ko kung saan may nakatayo roon na isang tao. Tila biglang tumigil ang pagtakbo ng oras nang makita ko kung sino ang taong humawak sa pulso ko. It’s… it’s Castiel Rivera!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD