Sa gitna ng kabilugan ng buwan, tanging malamig na hangin ang maririnig. Alulong ng asong tila may kung anong nakikita ang bubulahaw sa malalim na gabi. Sa gitna nang mahimbing na pagtulog ni Natasha ay naalimpungatan siya sa biglang pagbukas ng bintana ng kanyang kwarto. Laking pagtataka niya dahil sa pagkakaalam niya ay nakasara ang two-doorway window ng kanyang kwarto at hindi ito magagawang buksan ng lakas ng hangin na nagmumula sa labas. Maliban na lang kung may nagbukas nito. Ngunit dahil ayaw ni Natasha ng nakabukas ang bintana ng kanyang kwarto ay pinilit niyang bumangon upang isara ito. Lumapit siya rito at itinulak ang bintana niya upang maisara. Ngunit habang ginagawa niya iyon ay may kung anong hangin ang dumampi sa kanyang balat na tila may nagmamasid sa kanyang likuran. Nangilabot ang buo niyang katawan dahil pakiramdam niya ay may naririnig siyang malakas na paghinga ng isang tao sa kanyang likod. Paulit-ulit ang tunog na wari mo'y naghihingalo dahil sa paghahabol nito sa hininga. Nanlaki ang mata niya dahil sa pangingilabot na naramdaman. Buong tapang biyang isinara ang bintana at dahan-dahang tumingin mula sa kanyang likuran. Sa pag-aakalang may makikita siyang nilalang ay ganoon na lamang ang lalim ng kanyang paghinga nang makitang walang kahit ano o kahit na sino ang kanyang nasa likuran.
"Guni-guni ko lang siguro,"wika niya sa sarili. Kaagad siyang humiga at tiningnan ang oras sa digital clock na nasa side table ng kama niya.
*3:04*
Alas tres na ng madaling araw, oras ng mga kaluluwang ligaw. Ito ang oras kung saan ang mga bagay ay nagiging kahindik-hindik at nakakatakot para sa karamihan. Sa paniniwala ng lahat, ang oras na ito ay oras ng demonyo para maghasik ng lagim. Dahil ang sabi nila, kapag nagising ka ng ganitong oras ay may isang nilalang mula sa kabilang buhay na nakamasid sa iyo.
Ipinikit ni Natasha ang mga mata ngunit hindi na niya magawang ibalik ang kanyang sarili sa pagtulog. Paulit-ulit niya itong ipinikit ngunit bigo siyang maibalik ang antok. Sa muling pagmulat niya ay may kung anong nilalang ang nakita niya mula sa kanyang harapan. Nakapaling kasi siya sa may bandang kaliwa kung nasaan ang pinto. Madilim ang sulok ng silid niyang iyon kaya ang tangi lang niyang nakikita ay anino. Ngunit hindi lang basta anino. Tila isang katawan ito na nakalutang at sa pagkakaaninag niya ay lalaki ito. Dahan-dahan itong lumalapit sa kanya kaya nanindig ang balahibo niya. Gusto niyang sumigaw ngunit walang anumang boses ang lumalabas mula sa kanyang bibig. Tila papalapit ang nilalang sa kanyang kinahihigaan at muli niyang narinig ang malakas na paghingang sa pandinig niya ay naghihingalo. Paulit-ulit ang tunog kasabay ng dahan-dahang paglapit sa kanya ng nilalang na 'yon. Hindi niya magawang maigalaw ang katawan at hindi makasigaw. Hindi na niya alam kung bakit tila may pumipigil sa kanyang gumawa ng anumang aksyon pero isa lang ang naiisip niyang paraan. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at nagdasal nang pabulong. Sa pagkakataong 'yon ay nawala ang takot niya. Unti-unting nawala ang kakaibang tunog na naririnig at nararamdaman niyang may lumalabas nang boses sa kanyang bibig. Doon pa lamang niya napagdesisyunang imulat ang mga mata. Laking pasasalamat niya at nawala ang nilalang na nasa harapan niya. Napabalikwas siya mula sa pagkakahiga at napaupo sa kama na tila naghahabol ng hininga. Nawala man ang kakaibang nilalang na nakita niya ay halos manikip naman ang dibdib niya matapos ang nangyari. Nagdesisyon muna siyang bumangon para maghilamos. Binuksan niya ang ilaw ng banyo na nasa loob lang ng kwarto niya. Tiningnan muna niya ang sarili sa salamin na nakakabit sa dingding at pinihit niya ang gripo mula sa sink ng banyo, isinahod ang kamay sa tubig na umaagos sa gripo. Kaagad naman siyang yumuko upang ihilamos sa mukha ang sinahod na tubig mula sa gripo. Ngunit ganoon na lamang ang panghihilakbot niya nang muling ituon ang sarili sa salamin. Kitang-kita niya na nakatayo mula sa kanyang likuran ang isang binatilyo na tila kasing edad niya. Nanlilisik ang mapupula mga mata nito at namumutla niyang mukha na tila walang buhay, ngunit mas kapansin-pansin ang nakakakilabot nitong hitsura dahil sa bakas ng dugo mila sa leeg nito na wari mo'y sinakal nang napakahigpit gamit ang isang lubid. Nang tingnan niya ang kabuuan ng nilalalang na nakikita ay nakalutang ito sa hangin at nakasuot ng isang school uniform. Kilala niya ang uniporme na suot nito dahil 'yun ang uniform ng isang eskwelahan na malapit lang sa paaaralan kung saan siya nag-aaral. Hindi siya maaaring magkamali sa nakikita. Presensya ng kaluluwa ni Matthew ang nagpapakita sa kanya ngayon. Napasigaw siya sa takot dahil tila hindi pa rin siya tinitigilan ng kaluluwa nito. Ngunit ang mas nakapagpanginig ng kanyang katawan ay nang dahan-dahang lumapit sa kanya ang nakalutang na katawan. Muli na naman niyang narinig ang malakas na paghinga nito. Matalim ang bawat tingin niya habang papalapit kay Natasha.
"Lumayo ka!,"paulit-ulit na suway ni Natasha ngunit tila hindi ito pinapansin ng nakakatakot na nilalalang. Papalapit ito nang papalapit sa kanyang likuran ngunit hanggang sa mamataan niyang unti-unti nitong inilalapit ang mukha niya sa kanyang likuran. Napapikit si Natasha sa takot at napasigaw hanggang sa mamalayan na lang niya na panaginip lang pala ang lahat. Napabalikwas siya mula sa pagkakahiga. Pasikat na ang araw nang mamalayan niya. Malamig ang kanya silid ngunit ramdam niya ang tagaktak ng pawis na dumadaloy sa kanyang katawan. Tila isang bangungot ang nangyari sa kanya. Habol-hininga siya ngayong nakaupo sa kama at hindi halos alam ang gagawin.
Habang nasa hapagkainan si Natasha kasama ang kanyang mommy at napansin nito na balisa siya at may malalim na iniisip. Hindi pa rin kasi matanggal sa isipan ni Natasha ang bangungot na nangyari sa kanya kagabi lang. Kasalukuyan silang nag-aagahan kasama ng kanyang daddy.
"Anak, is there something wrong? Papalitan ko 'tong ulam kung ayaw mo," wika ng kanyang ina nang mapansin itong hindi man lang ginagalaw ang inihanda niyang pagkain.
"Wala po, mommy.,"saad nito.
"May problema ka ba sa school? Kakausapin ko teacher mo,"muling usisa ng kanyang ina.
Ganoon na lamang ang pagkagulat ng mag-asawa dahil sa inasal ni Natasha. "I said nothing!"
Natahimik ang dalawa nang biglang sumigaw si Natasha, maging si Natasha ay nabigla sa kanyang nabitawang salita. Pakiramdam niya ay saglit siyang nawala sa sarili dahil sa lalim ng iniisip kaya nasagot niya nang pabalang ang ina. Nagtaka ang dalawa dahil hindi naman ganoon si Natasha, hindi pa nila ito nakikitang nagagalit o sumusuway sa utos nila.
"I—I'm sorry, mom. I need to go,"iwas tingin nitong wika at kaagad na tumayo para ayusin ang sarili at kinuha ang school bag. Nagmamadali itong lumabas ng bahay at pumunta sa kotse. Pinagbuksan siya ng driver at pumasok dito. May kaya sa buhay ang pamilya ni Natasha kaya halos araw-araw ay inihahatid siya ng personal driver niya papasok ng eskwelahan. Habang nakasakay sa sasakyan si Natasha papasok sa paaralan ay hindi pa rin matanggal sa isipa niya ang bangungot na nangyari. Ngunit bangungot nga ba talaga iyon o totoong nangyari? Isa lang ang naging malinaw kay Natasha. Nagpakita sa kanyang panaginip si Matthew, ang may-ari ng diary na hawak ng guro niyang si Alex.
Itutuloy...