Ten months later...
KINILABUTAN si Zigfreid nang magsimulang tumugtog ang mga kabanda nina Rocky at Tanya. Nagsisilbing hudyat iyon na anumang sandali ay masisilayan na niyang muli si Mary Ann, sa araw na iyon na pinakahihintay niya. Hindi niya nakapiling ang babae sa nagdaang gabi dahil sa lumang bahay ito natulog kasama sina Thea at Baby Lea.
“You are the candle, love's the flame. A fire that burns through wind and rain. Shine your light on this heart of mine, till the end of time.”
Kasabay ng pag-awit ng malamig na boses ni Tanya sa mga unang linya ng kanta ay ang pagsisimula rin ng pagpoprosisyon ng ilang taong mahahalaga kay Zigfreid papasok sa simbahan. Habang nauubos ang mga taong nakapila at nagsisisapit sa upuan ng mga ito ay nadodoble nang nadodoble ang bilis ng t***k ng puso niya.
“With all my soul I've tried in vain, how can mere words my heart explain. This taste of heaven so deep so true, I've found in you. So many reasons in so many ways, my life has just begun. Need you forever, I need you to stay. You are the one, you are the one.”
Damang-dama niya ang bawat liriko sa parteng iyon ng kanta na inawit ni Rocky. Iyon ang paborito niyang parte dahil sinasalamin niyon ang eksaktong nadarama niya para sa mapapangasawa.
Nabawasan ang kaba sa dibdib niya nang dumaan si Thea, ang matron of honor ni Mary Ann, sa harapan niya. Natawa kasi siya sa ginawa nitong pagkindat kay James na siya namang best man niya. Nasiyahan din siya sa tipo ng tinging ibinato nito sa kaniya, na waring nagsasabing, “You guys finally made it! I'm happy for you.”
“Said I loved you but I lied. 'Cause this is more than love I feel inside. Said I loved you but I was wrong. 'Cause love could never ever feel so strong. Said I loved you... but I lied.”
Pumasok sa isip niya ang naging pag-uusap nila nina Mary Ann at Mommy Marissa dalawang gabi bago ang kasal; ang pagtatapat nila sa kaniyang ina kung paano talaga nagsimula ang kuwento ng kanilang pag-iibigan. Naisip nilang kahit matagal nang tapos ang bahaging iyon ng buhay nila ay may karapatan pa rin si Mommy Marissa na malaman ang totoo.
“Mom, this might be a little too late, but I want to tell you a secret tungkol sa amin ni Mary.” Nagpatuloy siya nang bigyan ng ina ng nagtatanong na tingin. “Hindi po totoo ang relasyon namin noong una. We just pretended to be a couple para i-please kayo ni Lola Eming.”
Sa pagkabigla nila ay ngumiti ang mommy niya. “Really? Pero, bakit heto kayo ngayon, may anak at ikakasal na sa makalawa?”
“Uh... kasi, naging tunay rin naman 'yung relationship namin, months after. Then, the rest is history,” sagot niya sa kabila ng pagtataka sa naging reaksyon ng ina.
Impit itong tumawa, na lalong nagpakunot ng noo niya. “Well, let me tell you a secret, too, mga anak. Matagal na naming alam ni Tiya Eming na nagsinungaling lang kayo sa amin. We never believed that lie, to begin with.”
“Ano po?! Pero... paano? At bakit po kayo nakisakay sa pagpapanggap namin?” hindi makapaniwalang tanong ni Mary Ann.
“Nanay mo ako, Zig. Kilala kita, higit pa sa inaakala mo. Ganoon din ang Lola Eming mo sa iyo, Mary.” Magaang bumuntong-hininga si Mommy Marissa. “Hinayaan lang namin kayo sa ginawa n'yo dahil... well, una pa lang na ipinakilala n'yo sa amin ang isa't isa ay nagustuhan na naming kayo ang magkatuluyan. Nakita naming bagay na bagay kayong dalawa. At, tingnan n'yo naman ngayon. Tama ang naging desisyon namin at maganda ang kinalabasan.”
Huminto sa pagsasalita si Mommy Marissa nang tila may maalaala. Tumayo ito mula sa inookupang balcony chair at nagpaalam na may kukunin saglit sa kuwarto nito. Pagbalik ay may dala-dala na itong isang envelope na halatang luma na.
“Mary, sulat ito para sa 'yo galing sa lola mo,” anito sabay abot ng envelope kay Mary Ann. “Ibinigay niya 'yan sa 'kin noong nagkita kami ilang araw bago siya nawala. Ang bilin niya, ibigay ko 'yan sa 'yo bago kayo ikasal ni Zig... sakaling hindi na niya abutan ang araw na 'yon dahil daw tumatanda na nga siya.”
Hindi na nagpatumpik-tumpik si Mary Ann. Agad nitong binuksan ang sulat at idinais sa kaniya upang sabay nilang basahin.
Mahal kong apo,
Kung binabasa mo na ito, nangangahulugang paparating na ang araw na pinakahihintay mo. Bagama’t hindi mo ako kasama’y gusto ko pa ring malaman mong maligayang-maligaya akong natagpuan mo ang lalaking iibig sa iyo nang buong puso. Noon pa ma’y nakita ko sa mga mata ni Zig na siya na ang taong iyon kahit hindi pa niya alam, kaya nagkunwari akong walang alam sa pagpapanggap ninyo.
Oo, matagal ko nang alam ngunit hinayaan ko kayo ‘pagkat naniwala akong siya na ang katuparan ng mga pangarap at dasal mo.
Ngayong nasumpungan n’yo ang wagas na pag-ibig sa isa’t isa, nawa’y gamitin n’yong susi ito upang magtagal ang inyong pagsasama nang habambuhay.
Baunin n’yo ang aking basbas sa inyong buhay-mag-asawa.
- Lola Eming
Kapuwa natigilan sina Zigfreid at Mary Ann sa nadiskubre. Nagkatinginan sila gamit ang parehong naluluhang mga mata. Hindi lingid sa kanila na naging malapit din sina Mommy Marissa at Lola Eming sa isa't isa sa tagal ng panahong naging magkasintahan sila, ngunit hindi nila inakalang napagkaisahan pala sila ng mga ito. Lumalabas na sila pa pala ang nalinlang ng dalawa.
“Gayunpaman, salamat pa rin, mga anak, dahil naging matapat kayo sa akin.” Hinawakan ni Mommy Marissa ang kamay niya at ipinatong sa kamay ni Mary Ann. “Gusto kong sabihin sa inyong masaya ako dahil pinili n'yong huwag bitiwan ang isa't isa. Ngayong papasok na kayo sa isang bagong kabanata ng buhay ninyo, magsimula kayo na ang tanging baon ay ang pagmamahalan at pag-asa sa magandang bukas, kasama ang mga aral na natutuhan n'yo sa lahat ng pinagdaanan ninyo. Tapos na ang nakaraan, kaya iwan n'yo na anumang pagsisisi o pag-aalala ang meron kayo. Tandaan n'yo, lahat tayo ay nakagagawa ng pagkakamali, pero lahat din naman ay may chance na ayusin iyon at mamuhay nang tama sa bawat panibagong araw na ipinagkakaloob sa atin ng Diyos. Just always put God in the middle of your marriage, at siguradong titibay ang pagsasama ninyo.”
Nagtubig ang mga mata ni Zigfreid nang sa muling pagbukas ng pinto ng simbahan ay bumungad sa kaniya ang maningning na ngiti ni Mary Ann, na solong naglalakad papunta sa kaniya. She looked elegantly beautiful with her simple wedding gown paired with just a flower crown and a pair of pearl earrings. Hindi rin naging hadlang ang kakauntian ng kolorete nito sa mukha para ito ang maging may pinakaangat na ganda sa lahat ng mga kababaihang naroroon.
Hindi na naman siya nagugulat pa. Simplicity had always been her best asset; it is what makes her shine even more. At iyon ang isa lang sa mga gustung-gusto niyang katangian ng babaeng minamahal.
“Samahan mo na siya, Pare.”
Natauhan siya sa ibinulong na iyon ni James, at sinunod ang sinabi nito. Masigla niyang sinalubong ang kaniyang bride at magkaagapay na silang naglakad palapit sa altar. Malapit na silang makarating sa unahan nang lingunin nito at kawayan ang anak nilang karga ni Mommy Marissa, dahilan para mapahagikhik ang bata.
“Napakaganda mo ngayon, sweetie. You're glowing,” malambing na bulong niya kay Mary Ann.
“Dahil iyon sa 'yo, mahal. Dahil sa inyo ni Celine. Kayong dalawa ang nagbibigay-ningning sa buhay ko.”
Hinigpitan na lamang niya ang pagkakahawak sa kamay ng mapapangasawa na para bang may kung sino ang nagtatangkang umagaw rito, kasabay ng pakikipagngitian kay Baby Celine. He silently promised himself not to let anyone or anything steal his heart and his life away from him.
LALONG nanabik si Mary Ann na makarating agad sa harapan ng simbahan nang pagbukas ng pinto niyon ay natanawan niya ang admirasyong malinaw na rumehistro sa mga mata ni Zigfreid pagkakita sa kaniya.
Nagpasya siyang mag-isang magmartsa palapit sa altar sa araw ng kanilang kasal. Nagpresinta sina Tito Hernan at Tita Cielo na ihatid siya ngunit magalang niyang tinanggihan ang alok ng mga ito. Iyon ang paraan niya ng pagpaparating kay Zigfreid na mula sa araw na iyon, kahit na anong mangyari ay hindi na siya muling tatalikod pa at tatakas palayo rito. Na sa bawat lakad na kaniyang gagawin ay wala na ibang patutunguhan kundi sa piling nito, kung saan siya palaging mananatili.
Unti-unting nagbalik sa isipan niya ang mga pinagdaanan nila ni Zigfreid, partikular na sa nakalipas na sampung buwan, habang nakatitig siya rito. Naging dahilan iyon ng pagbagal ng kaniyang mga hakbang.
Kinabukasan ng gabing sumugod si Zigfreid sa Batangas para sunduin siya ay bumyahe agad sila pabalik sa bahay ng mga ito. Doon na siya nito iniuwi, kagaya ng napagkasunduan nila bago matulog. Kinausap nito si Mommy Marissa at tungkol sa planong pagsasama nila at hindi naman umalma ang ina nito, sa halip ay natuwa pa. Mainam na rin daw iyon, tutal ay hindi naman na sila mga bata, para siguradong hindi na sila maghihiwalay pa. Tuwang-tuwa rin ang matandang babae sa ideyang magkakaroon na ito ng apo sa panganay na anak.
Napagdesisyunan nilang lahat na iurong ang petsa ng kasal hanggang sa makapanganak na siya at maka-recover nang husto. Habang naghihintay sa paglabas ni Baby Celine ay siya na muna ang ginawang baby ni Zigfreid. Literal na b-in-aby siya ng kasintahan; wagas kung alagaan siya at kahit saan siya makarating ay sinasamahan nito, na waring ayaw na ayaw nang nawawala siya sa paningin nito. Puwera na lamang kapag alam nitong mas gusto niya ng oras para sa sarili, lalo na sa tuwing magkasama sila ni Thea.
Bukod sa regular na pagpapa-check-up sa obstetrician para sa kaniyang pagbubuntis ay pinayuhan din siya ni Zigfreid, pati na ng mga kaibigan, na kumonsulta sa isang psychologist patungkol sa anxieties niya, bagay na kaniyang sinang-ayunan. At hindi niya pinagsisisihan ang naging hakbang na iyon 'pagkat nakatulong iyon nang malaki sa kaniya.
Ngayon, panatag na ang kalooban ni Mary Ann. Batid niyang noon pa man ay nasa tamang tao na siya, at hindi na niya iyon kalilimutan dahil lang sa mga bagay na nakaraan na.
“Napakaganda mo ngayon, sweetie. You're glowing.”
Nag-init ang mga pisngi niya sa ibinulong ni Zigfreid. Iba talaga ang epekto sa kaniya ng mga papuri basta't dito nanggagaling.
“Dahil iyon sa 'yo, mahal. Dahil sa inyo ni Celine. Kayong dalawa ang nagbibigay-ningning sa buhay ko.”
Pagkatapos ng seremonya ay nagkaroon ng pagkakataon sina Mary Ann at Zigfreid na masolo ang isa't isa sa bridal car. Sa orihinal na plano ay nais sana nilang isama si Celine sa sasakyan, ngunit tumutol si Mommy Marissa at sinabing ito na muna ang bahala sa bata sa buong araw na iyon.
“Kagabi... naikuwento sa 'kin ni Thea lahat ng ginawa mo noong gabing 'yon,” pagsambit ni Mary Ann sa naalaala.
“Aling gabi?”
“'Yung gabing pumunta ka sa Batangas para sunduin ako. Sinabi niya sa 'kin kung paano mo siya napilit na ibigay sa 'yo ang address ko.”
Bahagyang natigilan si Zigfreid sa narinig. Hindi yata nito inasahang makararating pa sa kaniya ang tungkol doon.
“Minsan talaga, ang daldal din n'yang pinsan mo, 'no? Ang tagal na no'n, ah.”
Hindi niya napigilan ang sarili. Humilig siya sa dibdib ng asawa at yumapos sa may tiyan nito.
“Thank you, Zig. Salamat sa lahat ng ginawa mo para sa 'kin mula pa nung una.”
Naramdaman niya ang paghalik nito sa tuktok ng kaniyang ulo. “Siguro naman ngayon, alam mo nang hindi ako makapapayag na basta-basta lang tayong magkahiwalay.”
Marahan siyang tumango. “Hmm. I'm sorry din, dahil ngayon ko lang na-realize na napahirapan talaga kita nung mga panahong---”
“Sshh... tama na 'yan. We already agreed to leave the past behind, 'di ba?” Itinaas nito ang baba niya para magtagpo ang kanilang mga mata. “I love you, my wife.”
Matamis siyang napangiti. Naalaala niya ang palagi nitong sinasabi sa kaniya noong mga panahong nagluluksa siya sa pagkawala ni Lola Eming.
“Kapag sinabi kong ‘I love you’, ang ibig kong sabihin, wala kang dapat ikatakot at ipag-alala. Dahil mahal kita, hindi kita hahayaang mag-isa. Sasamahan kitang humarap sa hirap man o ginhawa.”
“I love you, too, my husband.”
Akmang hahalikan siya ni Zigfreid nang tumikhim ang driver nila. Nangingiting sinipat sila nito sa rearview mirror.
“Pasensiya na ho sa abala. Nandito na ho tayo sa reception venue.”
Natatawang naglayo silang dalawa at naghanda nang lumabas sa kotse.