CHAPTER 3: Popular Girl.
Written by: CDLiNKPh
SOBRA ang pagkabagot ni Cane sa loob ng classroom. Paano nga ba naman siyang gaganahang mag-aral kung halos alam niya na lahat ang tinuturo ng professor niya? Bata pa lang siya ay halos kakambal na niya ang mga libro at nabasa na niya halos ng pwedeng basahin pagdating sa ibat-ibang subjects. Advance nang maituturing ang katalinuhan niya kung ikukumpara sa mga kaklase niya.
Pero syempre, kailangan niya pa ring magpanggap na kunwari ay nahihirapan siya. Hindi ba nga ay gusto niyang magbagong buhay? Gusto niyang mamuhay ng normal lang katulad ng ibang estudyante roon.
Gusto niyang takasan iyong dati niyang imahe na halos sambahin na ng lahat. Ayaw na niyang maging popular. He wants something new. A new life.
Gusto niyang maging tahimik ang buhay niya ngayong nandito na siya sa Pilipinas.
Gusto na niyang magkaroon ng girlfriend Gusto na niyang makita si Ivy!
Kaya mamaya talagang lunch break ay hahunting-in niya ito. Kahit saang lupalop ng classroom man ito naroroon ay sisiguraduhin niya na hindi matatapos ang araw na hindi niya ulit makikita ang kababata.
Nilabas niya ang wallet at tinitigan na lang ang picture nito habang may nagkaklase.
DUMATING din sa wakas ang lunch break na pinakahahantay ni Cane. Ni hindi na niya naisip pang kumain dahil mas gustong niyang hanapin ang nawawala niyang prinsesa.
Bakit ba kasi sa talino niyang iyon ay may lihim din pala siyang katangahan? Pinaimbestigahan naman niya si Ivy. Kaya nga alam niya kung saan ito nag-aaral. Pero ni hindi man lang niya nagawang itanong noon sa private investigator niya kung saan ang eksaktong classroom ni Ivy sa Sacred Heart Academy. Nagbabakasyon na ngayon ang private investigator sa ibang bansa kaya hindi na nito sinasagot ang mga tawag niya.
Naiinis siya dahil malapit nang matapos ang lunch break nila pero hindi pa rin niya nakikita si Ivy. Hanggang sa may narinig siyang mga estudyanteng naghihiyawan.
Galing iyon mula sa canteen at dahil dala na rin ng kuryosidad, naisipan niyang makiusyoso sa nag- kukumpulang mga estudyante.
"Ito ang unang pagkakataon na nakita ko si Ms. Ivy Parker. Ang cute pala talaga niya sa personal, grabe!" Narinig niya na sabi ng isang babaeng naroon.
Biglang lumaki ang tenga ni Cane nang marinig ang sinabi ng babae. Ang pinakamamahal niyang si Ivy ang pinag-uusapan ng mga ito!
Agad siyang nakipagsiksikan sa mga nagkukumpulang estudyante. Lunch na kung tutuusin kaya dapat lang na kumakain na rin ang mga ito pero imbes na kumain ay ang pagtitig lang sa ka-cute-an ni Ivy ang inaatupag ng lahat. Hindi siya makapaniwala na mukhang marami siyang karibal sa school na iyon!
Dahil sa naisip ay nakipagsiksikan pa siya lalo pero dahil isang creepy otaku lang ang tingin sa kanya ng lahat dahil sa kapal ng salamin niya at wirdong pagsusuot niya ng uniform ay walang gustong magpasingit sa kanya sa tinitingnan ng mga ito. Sa katunayan ay naitulak pa nga siya dahil sa sobrang daming tao!
Doon niya naisip na mahirap din palang maging hindi kapansin-pansin. Gusto na niyang makita si Ivy pero hindi pa niya magawa dahil mukha lang siyang tinga sa paningin ng mga tao. Hindi katulad kapag cool ang image niya na nagiging maganda ang pakita ng lahat sa kanya.
Doon na niya ginamit ang lakas ng pwersa ng katawan niya para makarating sa pinakaunahan. Pakapalan na ng mukha, kailangan na niyang makita ang dahilan kung bakit siya umuwi ng Pilipinas!
Parang nagbukas ang pintuan ng langit nang sa wakas ay nasilayan na rin ni Cane sa wakas ang babaeng gustong niyang pakasalan at makasama habang buhay.
Pakiramdam niya ay huminto ang pag-inog ng mundo niya. Pakiramdam niya ay tumigil sandali ang kakayahan niyang huminga.
Hindi pa rin siya makapaniwala hanggang ngayon na nasa harapan na nga niya ngayon si Ivy. Malayo ito pero kitang-kita pa rin ng dalawang mga mata niya ang kagandahan nito. Hindi pa rin ito nagbabago. Sobrang cute pa rin nito at naroon pa rin ang kainosentehan at matatamis na ngiti na palaging nasa labi nito simula pa noong mga bata pa lang sila. Pakiramdam niya ay lumaki lang ito ng kaunti pero parang ito pa rin iyong batang Ivy na mahilig bumuntot-buntot at makipaglaro sa kanya noon. The same Ivy na minahal niya sa kabila ng murang edad niya
"Teka, mare, bakit wala yatang lumalapit sa kanila kahit andami-dami nating nakapalibot dito?" Narinig niyang tanong ng isang babae sa kasama nito.
Napalingon tuloy siya sa mga ito.
"Naku, alam mo kasi, kahit cute man si Ms. Ivy eh, napakataas naman ng temper niya kapag nagagalit siya. Alam ba ninyo na no'ng may nagtangkang lumapit sa kanila dati ng bestfriend niya ay nasigawan pa niya iyong lalaki dahil iniistorbo raw ang masaya nilang pagkain? Sinabihan niya na loser at huwag na raw siyang lalapitan kahit na kailan. Simpleng salita lang iyon kung tutuusin pero kapag may sinabi siyang isang bagay, malaki ang nagiging impact non sa pinagsasabihan niya. Kawawa nga iyong lalaki, eh. Nawalan na ng gana sa buhay dahil sa tuwing magkakasalubong sila ni Ms. Ivy ay sinisimangutan lang siya ng babae. Bukod doon, wala na ring pumansin sa kanya rito dahil pakiramdam ng lahat ay kinalaban niya ang prinsesa ng school," kwento ng babae.
"Wow, talaga palang loyal ang lahat kay Ms. Ivy."
"Sinabi mo pa! Prinsesa ang tingin ng lahat dito sa kanya at lahat ng gusto niya ay nasusunod. Gusto siya ng lahat kaya galit din sila sa taong kinagagalitan ni Ms. Ivy. Ang greatest fear ng lahat dito ay ang magalit sa kanila si Ms. Ivy. Sino ba namang matutuwa kapag ang pinakacute, pinakasikat na commercial model at pinakamagaling maglaro ng tennis dito sa campus ay magalit sa 'yo? Kung sa akin siya magalit, nako, mawawalan na rin ako ng ganang mabuhay!" oa na sabi naman ng isa pang babae.
"Grabe ka naman!"
"At bakit hindi? Bago ka lang sa school na 'to kaya wala ka pang alam. But once you get to know her, siguradong ma-i-inlove ka rin sa cuteness niya! Wala namang hindi, bato lang ang hindi macu-cute-an sa kanya!" pambabara naman ng babae rito.
"Tama si Joyce! Sa katunayan, dahil sa sobrang ka-cute-an ni Ms. Ivy ay parang gusto ko na siyang ibulsa!" Kinikilig pa na sabi ng isang babae.
Parang sumakit ang ulo ni Cane sa mga narinig niya. Kung ganoon ay katulad din pala niya noon si Ivy. Sikat na sikat din ito at mahal na mahal ng mga taong nakapaligid dito. Mukhang marami nga talaga siyang karibal sa school na iyon. Kahit ang mga babaeng katulad nito ay nagkakagusto na rito. Ano ba naman 'yan.
"Pero bakit ganon? Bakit parang wala siyang masyadong kaibigan, sissy? Parang iyong wirdong babae lang na 'yon ang palagi niyang kasama?" puna na naman ng isang babae sa kasama nito.
"Tinuro nito ang nag-iisang babaeng kasama ni Ivy na kumakain."
"Oo nga, friend, sino ba siya?" pagtataka pa ng isa.
"Ay, yan ba? Iyan iyong childhood bestfriend niya. Si Alexa. Naku, simula first year ay palagi na talaga silang magkasama. Marami na nga ang naiinis sa Alexa na 'yan! Palagi niya kasing sinosolo si Ms. Ivy. Hindi nakikipag hang-out si Ms. Ivy sa mga estudyante sa school dahil ayaw niyang iwan iyang otaku girl na 'yan!" Pagrereklamo rin ng isa pang babae na tantya nya ay kaklase rin mismo ni Ivy.
"Mukhang nakakainis nga siya. It's so unfair! Gusto ko ring maging kaclose si Ms. Ivy! Siguro kung makakausap ko lang siya kahit sandali lang ay para na akong nasa langit!" kinikilig pa rin na sabi ng isang babae.
Muli na namang napailing si Cane sa mga narinig niya. Bakit ba nagkalat ang mga lesbians sa school na iyon?
Lumingon siya sa paligid. Lahat ay heartshape ang mga mata.
Hindi lang pala mga fangirls ang mayroon si Ivy. Marami rin itong mga fanboys.
"I love you, Ms. Ivy!"
"Pakasal na tayo!"
"Ipagpapatayo kita ng mansyon!"
"Lets have a date! Kahit isang segundo lang!"
Halos gusto nang takpan ni Cane ang tenga niya dahil sa ingay ng mga estudyante roon.
Pambihira. Sino'ng mag-aakala na gano'n kapopular sa school na iyon si Ivy? Paano siyang mapapansin nito kung ang nerd-nerd niya ngayon? Ang dami-dami niyang karibal!
Pero base sa nakikita niya kay Ivy ay parang wala itong kamalay-malay sa commotion na nagaganap sa paligid nito. Mukhang ito pa rin talaga iyong dating manhid na Ivy na nakilala niya.
Nang bigla siyang mapatingin sa babaeng kasama nito na sinusubuan pa nito.
Siya iyong babaeng nakabangga ko kanina, iyon ang nasabi niya sa isip niya.
Kung ganoon ay magkaibigan pala ang dalawa.
Napangiti siya. Mukhang magkakaroon na siya ng paraan para makalapit ulit sa kababata. May dahilan na siya.